Chereads / Saving my Sunshine (tagalog) / Chapter 25 - KABANATA 25

Chapter 25 - KABANATA 25

SA NAKAKA-TOUCHED NA eksena namin ni Sunshine na pagpapahayag ng pagmamahal namin sa isa't isa, pinagtawanan lang kami ng multong si Elizabeth. Sarap niyang sipain sa mukha! Pambihira!

"Sa ilang araw n'yo pa lang na magkakilala, itinataya n'yo na ang buhay n'yo para sa isa't isa? Kilig ako! Grabe!" sarkastikong komento ni Elizabeth, at binigyan niya pa kami ng palakpak.

"Naaawa ako sa 'yo, Elizabeth," pahayag ni Sunshine. "Dahil hindi mo pa naranasan ang pagmamahal. Hindi pag-ibig ang meron ka para kay Migs, kundi isang kabaliwan!"

"'Wag mo akong husgahan! 'Wag mong maliitin ang nararamdaman ko para sa kanya!" gigil na sagot ni Elizabeth. "Nangako siya. Sinabi niyang mahal niya ako. Sinabi niyang iiwan ka niya para sa 'kin!"

"Pero ako pa rin ang pinili niya."

"Oo! At kaya ko naisip na kunin ang pagkatao mo. Oo na, Marinelle, ikaw na! Gusto kong maging ikaw dahil naiinggit ako sa 'yo. Lahat ng meron ka, ang lahat ding gusto kong meron ako. Kaya galit na galit ako sa 'yo dahil hindi ko makuha ang mga bagay na 'yon!"

"Hindi ko alam na gano'n ang nararamdaman mo. Itunuring kitang kaibigan."

"Oo! Pero sa mata ng iba, hindi 'yon ang nararamdaman ko. Kapag magkasama tayo, lahat ng papuri nasa 'yo – ikaw lang ang nakikita nila. At ako, balewala – para lang akong anino mo. Ikaw ang maganda, mabait, lahat ng magandang katangian nasa 'yo. Pero ako, kahit anong pagpapakita ko ng maganda sa kanila, ang mga kapintasan ko pa rin ang napupuna nila – na hindi maganda ang ugali ko. Nasa taas ka, nasa baba ako lagi! At boyfriend mo pa ang guwapo at mayamang si Migs, na noon ko pa mahal. Sa tingin mo, kaya kitang ituring na kaibigan? Kinaibigan lang kita, dahil sa kanya! Kung ikaw ang nasa kalagayan ko, hindi mo ba gugustuhing maging ikaw?"

Napaiyak na lamang si Sunshine. Nasasaktan siya – nasasaktan para sa kanyang itinuring na kaibigan. Inggit at selos – ang dalawang 'yon ang sanhi kung bakit sila nauwi sa ganito. Tunay ngang nakamamatay ang mga pakiramdam na 'yon. Ilulubog ka no'n sa pinakailalim na dagat at ibabaon sa malalim na hukay. Ikukulong ka sa kadiliman at mabubuhay ka sa kalungkutan. Gano'n ang kapangyarihan ng inggit at selos. Naisip ko, kung may pakiramdam man na makakatapat sa pag-ibig, iyon ang inggit at selos. Kung hindi man, maaring close fight ang laban nila. Maging sa mag-asawa nga o magkarelasyon, kapag nainggit sila o nagselos sa narating ng bawat isa, pagmumulan 'yon ng away – na mauuwi sa himalayan.

"Tatapusin ko na ang nasimulan ko. Maglalaho kaaaaaa! At ako'y magiging ikaaaaaw!" sigaw ni Elizabeth.

Napaatras kami sa sinabi ni Elizabeth, pero mabilis siyang napunta sa harap namin at tinangkang sakalin si Sunshine. Napasigaw siya sa galit – hindi niya nagawang masakal si Sunshine, ni 'di nga niya ata nahawakan. May puwersang pumigil sa kanyang magawa ang balak niya at mas nagliwanag ang magkahawak naming mga kamay ni Sunshine. Biglang naisip ko ang laging paalala ni Mang Pedro na maghawak kami ng kamay kahit ano'ng mangyari. At naalala kong minsan nang nasabi ni Mang Pedro noong lumabas kami ng bahay na sa tuwing magkahawak kami ng kamay ay proteksiyon namin ni Sunshine ang isa't isa.

Lumutang sa hangin si Elizabeth, malakas siyang sumigaw na yumanig sa bahay at umihip ang malakas na hangin kasabay nang pag-aanyong halimaw niya. Inatake niya kami nang sunod-sunod ng mga kumpol ng buhok niyang naghugis matulis. Naramdaman namin ang puwersa no'n kaya naman napapaatras kami't napapayuko, pero hindi kami tuluyang nasaktan at natamaan ng mga 'yon – na mas lalong ikinagalit ng halimaw.

Sa muling pag-atake ni Elizabeth, bumaba na siya sa sahig at sunod-sunod na suntok ng humaba niyang mga kamay ang pinakawalan niya – at gano'n pa rin, hindi niya kami lubusang nasaktan. Pero talagang napaatras kami at bumangga sa nabasag na salaming nakasabit sa pader, at naglaglagan ang mga pirasong nabasag. Sa huling atake niya, makikita sa mukha niya ang pagtodo ng kanyang lakas, itinulak niya kami na balak atang pag-isahin ang mga katawan namin sa pader. Dahil sa lakas ng puwersang 'yon, 'di man kami talagang tinamaan, napaluhod ako at gano'n din si Sunshine. At kapwa namin idinadaing ang pagtama ng likod namin sa pader – gayun pa man, mahigpit pa rin naming hawak ang kamay ng isa't isa.

"Lukas?" narinig kong pag-aalala ni Sunshine. Nandilat ang mga mata ko nang makita ko kung ano ang ipinag-aalala niya – ang mga upuan mula sa kusina at ilang pang gamit sa loob ng bahay ay nakalutang sa hangin kabilang na ang nag-iisang kutsilyong ginagamit ko minsan sa pagluluto.

Nakangiti ang malaking punit na bibig ni Elizabeth, tila inaanyayahan na kami sa aming kamatayan. Naisip niya marahil nang masaktan kami sa pagtama namin sa pader, na kung may proteksiyon kami laban sa kanya para hindi niya kami masaktan, sa mga gamit sa bahay ay wala. Iniumang niya ang kanyang kanang kamay, at gumalaw ang ilang gamit, ang mga babasaging plato, baso, tasa at iba pa, na para bang may tali ang mga itong nakakonekta sa kanyang mga daliri.

Nakatayo na kami ni Sunshine at inihanda ang aming sarili. Nakakaramdam na ako nang panghihina dulot ng kanina pa naming pagkakahawak – na hindi ko dapat ipahalata sa kanya. Bigla kong naalala na no'ng umatake sa 'min si Elizabeth sa labas ng bahay, magkahawak kami no'n ni Sunshine, pero nasakal niya ako – dahil masyado nang mahina ang katawan ko no'n – tulad ngayon. Nadasal ko sa loob ko na kung sino man ang pumuprotekta sa 'min ay lubusin na ang pagtulong niya.

Sa hudyat ni Elizabeth, mabilis na lumipad sa direksyon namin ang ilang gamit. Nailagan namin ang ilan at may ilang tumama sa aming katawan.

Isang 'di pamilyar na tinig ang narinig ko na tila sagot sa aking dasal. "Mawawala ang dilim sa pagdampi ng liwanag."

Nilingon ko si Sunshine, ngunit bago ko pa man masabi sa kanya ang tungkol sa narinig kong tinig, niyakap ko siya para protektahan nang makita ko mula sa gilid ng aking mga mata ang paparating na upuan. Huli na para makaiwas pa kaya tumama sa likod ko ang upuan na sinundan pa ng dalawa. Napaluhod kami. Saglit kong hindi naramdaman ang aking paghinga – tila paghihiwalay ng aking kaluluwa sa aking katawan. Ang nakikita ko ngayon sa buhay ko sa mundo ay isang kandilang mabilis na natutunaw at paubos na – ang tumama sa akin ay kawalan na ng pag-asa – paglamon ng kalungkutan – paghimlay sa kadiliman. Mahigpit pa rin ang yakap ko kay Sunshine at hawak ko pa rin ang kanyang kamay. Ang mahalaga hindi siya nasaktan.

"Ayos ka lang?" tanong ko kay Sunshine. Nakatingin lang siya sa 'kin. Hindi siya maayos. Umiiyak siya. Hinaplos niya ang mukha ko at naramdaman ko ang konting init ng palad niya. Nalalasahan ko ang dugo sa aking bibig. Ayaw ko siyang mag-alala kaya ngumiti ako. Binabawi niya ang kamay niya, kaya pinilit kong higpitan ang hawak sa kanya. "'Wag mo akong bibitiwan," mahinang sabi ko.

Tumayo kami at hinarap si Elizabeth na nasisiyahang makita kaming nahihirapan. Idinura ko ang dugo mula sa bibig ko at nilingon ko si Sunshine. Sinabi ko sa kanya ang narinig kong tinig. "Mawawala ang dilim sa pagdampi ng liwanag." Tumango siya. Kapwa namin naintindihan ang ibig sabihin ng ipinahiwatig ng misteryosong tinig. Sa buhay ng tao, ang pag-iwas sa kinatatakutan mo ay hindi solusyon para malabanan ito. Kailangan mong harapin ang lahat – ang pag-iwas sa problema ay hindi magpapawala rito – maaring nanahimik ngunit nand'yan pa rin at muli kang uusigin. Kailangan mong yakapin ang dilim sa iyong buhay, dahil iyon ang pinakamabisang paraan para makalaya ka sa kadilimang iyon.

Humakbang kami ni Sunshine. Pinagpapawisan na ako ng malamig. Gusto nang bumigay ng mga tuhod ko, gusto kong maupo at gusto nang mahiga ng katawan ko. Pero iyon ang huli kong dapat gawin. Nagkatinginan kami, hudyat 'yon para tumakbo kami palapit kay Elizabeth at hawakan siya.

Tatlong dipang layo mula kay Elizabeth – mas bumilis ang hakbang namin.

Dalawang dipang layo mula kay Elizabeth – tumama ang ilang gamit sa 'min, napahinto kami at nasaktan pero itinuloy pa rin ang paghakbang.

Isang dipang layo mula kay Elizabeth – nakita ko ang papalapit na kutsilyong nakatutok ang talim sa 'min. Naitulak ako ni Sunshine at tumuloy kami sa pagtakbo. Napaatras si Elizabeth at napansin ko na nabahala siya.

Nahawakan namin si Elizabeth, at agad nagbago ang anyo nito, nawala ang pagiging halimaw. Magkahawak pa rin kami ni Sunshine, at hawak ko sa kaliwang braso si Elizabeth, at hawak naman ni Sunshine ang kanang braso nito.

Nasisigaw si Elizabeth. Gusto niyang kumawala pero 'di niya magawa. Nagliwanag ang pagkakahawak namin sa kanya – na lumaki nang lumaki na ikinasilaw ko. Sumabog ang liwanag at nabitiwan namin si Elizabeth, at nagkahiwalay din ang aming mga kamay ni Sunshine.

***

NATAGPUAN KO ANG sarili kong nakahiga sa sahig – nananakit ang buo kong katawan at ramdam ko pa rin ang panghihina. Tumambad sa 'kin si Sunshine, nakaluhod siya sa tabi ko at ginigising niya ako. Hindi ko alam kung ilang minuto akong nawalan ng malay o nawalan ba talaga ako ng malay. Ang huli kong naaalala ay ang pagsabog ng liwanag at tumilapon kami ni Sunshine.

Nang makabangong-upo ako, mahigpit akong niyakap ni Sunshine. "Salamat at maayos ka, Lukas" iyak niya.

"Nagawa natin, ang galing natin," nakangiting sabi ko.

Nang magkaharap na kami, mahigpit kong hinawakan ang mga kamay niya – gusto kong maramdaman ang init ng palad niya at ang buhay naming dalawa. Nakaupo pa rin kami sa sahig at pinagmamasdan ang isa't isa. Siya lang ang nasa isip ko, at masaya akong nakikita siyang nakangiti sa harap ko. Hindi ko inaalala kong nasaan na si Elizabeth o si Mang Pedro o ang nangyaring gulo sa bahay – siya lang talaga, si Sunshine lang.

Nang makatayo kami, napansin kong tila may idinadaing siya pero pinipilit niya pa rin ngumiti para hindi ako pag-alalahanin. Napapapikit-pikit siya na parang kanina niya pang pinipilit na lang na idilat ang mga mata niya. Binitiwan niya ang mga kamay ko. Napaatras siya ng isang hakbang, at bumagsak siya sa sahig. Walang ingay. Multo siya sa pagkakataong 'yon at wala siyang malay. Napatulala ako – nakita kong may dugo sa likod ng kanyang balikat, at tsaka ko napansin ang nagkalat na dugo sa sahig. At sa 'di kalayuan, nakita ko ang kutsilyong may dugo, ang kutsilyong lumipad sa direksiyon namin kanina at naitulak ako ni Sunshine kaya hindi ako tinamaan.

***

WALA PA RING malay si Sunshine. Nasa kama ko siya ngayon sa kuwarto. Ang dugo sa likod niya, hindi dumidikit sa puting bed sheet – multo siyang walang malay. Kanina nang buhatin ko siya, napansin ko sa mukha niyang nasasaktan siya. May sugat siya, at kapag hawak ko siya, nararamdaman niya ang sakit no'n. Ngayon, napakapayapa ng hitsura niya. Na pinangambahan ko – naalala ko sina mama at papa. Kung titingnan siya ngayon, parang 'yong sinasabi ng iba sa patay na parang natutulog lang.

"Naayos ko na ang gulo sa labas," sabi ni Mang Pedro na biglang nagpakita sa tabi ko. Nagpresenta siyang ayusing ang mga nagkalat na gamit. "Huwag ka nang masyadong mag-alala, Lukas. Pagagalingin siya ni Tiya Cecilia."

Napatingin ako kay Mang Pedro. "Tiya Cecilia?" natanong ko. Agad pumasok sa isip ko ang pangalan ng anak nina Lucio at Susan.

"Ipapaliwanag ko kapag nagising na siya," sagot lang ni Mang Pedro na nakatingin kay Sunshine. "Kahawig niya si Tiya Cecilia," nakangiting sabi pa niya, na mas nagpatibay sa hinala ko.