Chereads / Saving my Sunshine (tagalog) / Chapter 21 - KABANATA 21

Chapter 21 - KABANATA 21

TAONG 1909

"Lucio, Lucio," narinig kong boses ni Sunshine. Pagdilat ko tumambad sa 'kin ang maaliwalas niyang ngiti. "Antukin ka talaga," nakangiting sabi niya at hinimas ang mukha ng lalaking nakaunan sa hita niya – oo, hindi ako ang tinatawag niya – at hindi naman talaga 'Lucio' ang pangalan ko. Pero ako ang lalaking 'yon, kamukha ko siya, iba nga lang ang ayos ng buhok niya. Katulad din ni Sunshine, iba ang ayos niya, pero siya 'yon – o baka hindi kami sila? Makaluma ang kasuotan nila at ang lugar kung nasaan kami, parang hindi na makikita pa, para akong nag-time travel sa nakaraan maraming taon ang nakalipas? Nasa harap ko sila, nasa malawak na damuhan sa ilalim ng malaking puno ng mangga, nakalatag ang dilaw na tela kung saan sila nakapuwesto at may basket na may mga pagkaing hindi ko matukoy kung ano, at isang piraso ng bulalak ng sunflower na may mahabang tangkay. Sa palagay ko hindi nila ako nakikita? Parang wala ako sa kinalalagyan ko?

Bumangon ako, este 'yong kamukha ko, nakangiti niyang hinarap si – 'yong kamukha ni Sunshine. "Susan, ikaw ang buhay ko," malambing kong sabi – 'yong lalaki pala na kamukha ko ang nagsabi, habang masuyong haplos ang maamong mukha ng babaeng kamukha ni Sunshine na tinawag nito sa pangalang Susan.

"Ikaw lang din at wala ng iba pa ang buhay ko, Lucio," matamis na tugon ni Susan. Napangiti ako at nangarap na sana, kami ni Sunshine ang nakikita ko – at naisip ko, ba't ba ako narito at ano ang ibig sabihin ng mga bagay na nakikita ko? Nilibot ko ang paningin ko sa paligid, at namangha sa ganda ng lugar. Pagbalik ng tingin ko sa kamukha namin ni Sunshine, nakatayo na sila at hawak-kamay na naglalakad sa gitna ng damuhan. Sinundan ko sila, nakita ko ang saya nila sa piling ng isa't isa – hindi iba ang eksanang ito sa 'kin, nakita ko na 'to sa panaginip ko. At naalala ko rin ang sinabi ni Sunshine na pumasok sa alaala niya na magkahawak-kamay kaming masayang naglalakad sa damuhan. Maari kayang kami talaga sila? Sa una naming buhay? Sa nakaraan?

Habang pinupuno ko ng mga 'di ko maunawaang katanungan ang utak ko, may dumating na babae. Galit nitong sinugod sina Lucio at Susan. "Mga manloloko kayo!" sigaw ng babae. Hinarang ni Lucio ang sarili niya para protektahan si Susan. Makikita sa mukha ng bagong dating na babae na kaedad lang din siguro nila, ko, ang matinding poot. "Akala ko kaibigan kita, Susan?! Pero inagaw mo sa 'kin ang lalaking mahal ko!" sita nito na dinuduro-duro si Susan.

"Hindi niya ako inagaw sa 'yo. Hindi naging tayo," si Lucio ang sumagot.

"Pero nauna kitang minahal!"

"Pero si Susan ang minahal ko." Malumanay lang ang boses ni Lucio na tila ba pinapaunawa sa babae kung ano talaga ang sitwasyon nila ngayon, at tila ilang beses na itong pinaunawa.

Umikot ang babae para harapin si Susan, na niyakap naman ni Lucio para pa rin protektahan. "Susan, hindi ba sinabi ko sa 'yo na gusto ko si Lucio noong una ko pa lang siyang makita? At sabi mo, tutulungan mo akong makilala niya at magustuhan niya ako. Pero ano itong ginawa mo? Inahas mo siya! Inagaw mo siya sa 'kin!"

"Patawarin mo ako, Emelia. Inibig ko rin siya tulad mo. Patawad," iyak ni Susan.

"Tigilan mo na kami. At patawad kong naging malapit ako sa 'yo. Pero dahil 'yon kay Susan, kaya kita kinaibigan. Napansin ko kasi ang pag-iwas niya sa 'kin matapos niya tayong ipakilala sa isa't isa. Ang totoo niyan, nagustuhan ko siya noong una ko pa lang siyang nakita hindi ko pa man kayo kilala. Patawarin mo kami kung umasa ka," pagmamakaawa ni Lucio.

"Mga walanghiya! Ang tagal niyo akong pinaglaruan!" hinagpis ng babaeng si Emelia.

"Patawarin mo kami. Minahal lang namin ang isa't isa," muling pagmamakaawa ni Susan.

"Tama na, Emelia. Palayain mo na kami. Magkakaanak na kami. Ilang buwan nang buntis si Susan – magiging pamilya na kami," madiing sambit ni Lucio at niyakap si Susan ng mahigpit.

Napaatras sa pagkabigla si Emelia na nakakuyom ang nanginginig na mga kamay kasabay ng pagpatak ng luha. Sumigaw ito nang napakalakas na halos magputukan na ang mga ugat – isang kahindik-hindik na sigaw na animo'y nilalamon ka ng kadiliman. "Hinding-hindi ko kayo mapapatawaaaad! Hinding-hindi kayo magiging masayaaaaa! Isinusumpa ko! Magiging miserable ang buhay niyooooo!" sigaw na banta nito bago umalis – naglakad itong puno ng poot at galit, at naiwang magkayakap sina Lucio at Susan na kapwa may luha sa mga mata.

Bumilis ang pangyayari na parang umikot nang mabilis ang lahat kasabay ng liwanag, ikinakasal na sina Lucio at Susan. Sa labas ng simbahan luhaang nakamasid si Emelia. Muling nagliwanag, nanganganak na si Susan – babae ang isinilang niya. Kasabay ng bagong buhay na isinilang at masayang kabanata sa buhay nina Lucio at Susan, ang pait naman ng kapalaran ni Emelia, ang kamatayan nito. Tinangay ako ng tila itim na tunnel, at sa dulo nito nasaksihan ko ang pagpapatiwakal ni Emelia – ibinitin niya ang sarili niya sa isang puno, sa puno ng mangga kanina kung saan ko nakitang nagsumpaan sina Lucio at Susan – nasa taas si Emelia at tumalon siya na may nakataling lubid sa leeg, na nakatali sa sanga ng puno. Nakita ko ang pangingisay niya habang unti-unting binabawian ng buhay. Bago siya tumalon, binigkas niya ang mga salitang, Hindi ko kayo titigilan. Hindi ko kayo patatahimikin. Magsama-sama tayo sa dilim!

Mabilis na namang umikot ang lahat kasabay ng liwanag, nakakapaglakad na ang anak nina Lucio at Susan – may babaeng laging nakasunod dito, ang multo ni Emelia. Naging sakitin ang bata at palaging takot. At may mga 'di rin mapaliwanag na kababalaghang pangyayaring nararanasan sina Lucio at Susan – nangyari nga ang binitiwang pangako ni Emelia. Lumipas pa ang mga taon, nasa anim na taong gulang na marahil ang anak nina Lucio at Susan, iniwan nila sa isang kamag-anak ang kanilang anak. Nangako sila sa kanilang anak na babalikan nila ito – tatapusin nila ang sumpang dulot ng multo ni Emelia – haharapin nila ang multo para wakasan na ang lahat. Pinuntahan ng mag-asawa ang puno ng mangga na naging saksi sa kanilang pag-iibigan na siyang saksi rin ng pagpapakamatay ng nasaktan nilang kaibigan dahil sa kanilang pagmamahalan. Parang gusto kong mapaatras sa sumunod na mga eksena – tumambad kina Lucio at Susan ang nakabigting bangkay ni Emelia sa puno ng mangga. Nabubulok. Nakakasuka ang amoy. Gumalaw ang ulo ng bangkay na nakalaylay ang nilalangaw na dila at hinarap ang dalawa, napayakap sa braso ni Lucio si Susan. Maging ako nakaramdam ng takot kahit pa alam ko na sa sarili ko na multo na lamang iyon at sanay na ako sa kanila – at may kutob akong hindi naman totoo ang mga nangyayari at nasa isang panaginip lang ako – na maaring totoong nangyari sa nakaraan. Nagmakaawa sina Lucio at Susan kay Emelia na lubayan na sila at patahimikin na.

Pero ang naging sagot ni Emelia ay isang tusong tanong. "Handa ka ba Susan na magpalit tayo ng kinalalagyan?" Humakbang si Susan at binitiwan ang kamay ni Lucio.

"Ano'ng ginagawa mo?" pag-aalala ni Lucio at muling hinawakan si Susan.

Muling inalis ni Susan ang kamay ni Lucio. "Para sa anak natin. Para sa normal niyang buhay," matapang niyang saad, pero may luhang nagbabandyang dumaloy sa mga mata. Naglakad si Susan palapit sa puno. Hindi ko maintindihan ang sarili ko habang pinapanood sila – parang may gusto akong gawin pero hindi ko dapat gawin? At dahil mukhang wala naman akong magagawa o mababago sa mga nangyayari. Gusto kong pigilan si Susan – si Sunshine ang nakikita ko sa kanya na handang ibigay ang sariling buhay para sa iba – at ayaw kong gawin niya 'yon, dahil hindi ako papayag na mawala siya.

Ang pumasok sa isip ko na gusto kong gawin, ginawa ni Lucio. "Hindi ako papayag na mawala ka. Nangako tayong magkasama tayong tatanda!" sigaw niya nang yakapin ng mahigpit si Susan. "Paano na ako kapag nawala ka?"

"Pero pa'no ang anak natin?"

"Pero... paano ka? Paano kami kung wala ka na?" lumusong na ang luha mula sa mga mata nila.

Hinarap ni Susan si Lucio. "Mahal na mahal ko kayo... para sainyo ito," madadaming sambit ni Susan habang haplos ang luhaang mukha ni Lucio.

Napayuko si Lucio at napakuyom ang nanginginig na mga kamay. "Ang daya mo," mahinang nasabi niya.

"Patawad," iyak na sagot ni Susan. At nang tatangkain niyang halikan sa labi si Lucio, sa bilis ng mga pangyayari, hindi ko rin namalayang may nakapulupot na palang lubid sa leeg ni Susan at hilila siya pataas ng puno.

"Susaaaan!" sigaw ni Lucio. Si Susan, hindi na nakuhang sumigaw dahil sa nakapulupot sa leeg – nakikipaglaban na siya sa kamatayan. Napasigaw rin ako nang mangyari 'yon. Tinangka kong pigilan ang pag-angat ni Susan pero tumagos lang ang kamay ko nang sunggaban ko siya.

"Pumayag na siya," nakangising sabi ng multong si Emelia, na biglang nasa harap na ni Lucio at hinimas ang mukha nito.

Sa gulat ni Lucio, naitulak niya si Emelia, na wala namang naging epekto rito. Paatras na naglakad si Lucio bakas ang takot sa nangingig niyang katawan. Nakangiti namang naglalakad si Emelia, at unti-unti nang nagbabago ang anyo – bumalik ang hitsura nito noong nabubuhay pa. "Halimaw!" galit na sigaw ni Lucio. Nakadampot ng bato si Lucio at sinugod niya ang papalapit na si Emelia. Pinukpok niya ito sa ulo, pero tumagos lang dito ang atake niya. Napasigaw na lamang si Lucio at doon inilabas ang galit. Tumakbo siya para saklolohan si Susan na sa tingin ko ay hindi na humihinga. Humahagulhol si Lucio na ginigising si Susan, yakap at inaangat ang mga binti nito para siguro hindi masakal sa nakataling lubid sa leeg nito – pero wala na siyang nagawa – walang tugon si Susan – wala na siyang buhay. Hindi ko namalayan na bumubuhos na pala ang luha mula sa mga mata ko. Kami ni Sunshine ang nakikita ko – kami na tinalikuran ng tadhana na magsama pa – ako na iniwan na ni Sunshine.

May lumabas na ugat ng puno mula sa kinatatayuan ni Lucio at hinila nito ang mga paa niya. Nabitawan niya si Susan at padapa siyang inilayo ng mga ugat. Hindi makapaniwala si Lucio sa nangyari, ulo na lang niya ang hindi napupuluputan ng ugat at nakabulagta siya sa nasirang damuhan. Napaiyak na lamang siya na tinatawag ang pangalan ni Susan – gano'n niya ipinagluluksa ang kamatayan ng mahal niyang asawa.

Lumuhod sa harap ni Lucio si Emelia at masuyong hinawakan ang magkabilang-mukha nito. "Tama na ang iyak, Lucio. Ako na ang makakasama mo ngayon, sa katawan ni Susan," nagsusumamong sabi niya. Puno ng poot na titig lang ang naging tugon ni Lucio. Siguro naiisip niya ngayon ang pumasok sa isip ko na gusto kong gawin kay Emelia, ang sakalin ito at sunugin – oo't patay na siya, edi, double dead! Napupuno rin ng galit ang dibdib ko! Gusto ko nang makaalis sa eksenang 'to! Kung panaginip man 'to, gusto ko nang magising! Pero 'di ko magawa! Gustong-gusto ko nang makita si Sunshine! Gusto kung makita ang ngiti niya! Gusto kong hawakan ang kamay niya! "Walang ipinagkaiba iyon. Magsasama kayong muli."

"Baliw ka na. Sa tingin mo dahil sa taglay niyang ganda kaya ko lang siya nagustuhuhan? Hindi! Minahal ko ang kabutihan niya, ang pagngiti niya sa mga simpleng bagay, ang palatawa niya, ang pagiging mapagmahal niya – ang mga bagay na 'yon ay minahal ko sa kanya. Napakababaw naman ng tingin mo sa pag-ibig, kung iniisip mong puwede tayong magsama, ikaw, bilang siya. Kahit kailan hindi ka magiging siya! Hinding-hindi ka magiging si Susan!"

Napatayo si Emelia, napaatras siyang humakbang. Napasigaw sa sakit si Lucio, humihigpit ang pagkakapulupot ng mga ugat. "Mas gugustuhin mo ba'ng malagutan ng hininga?!"

"Oo! Sige! Mas mabuti pang patayin mo na rin ako! Para muli na kaming magsama!" sigaw ni Lucio.

Natahimik si Emelia. Kabaliktaran ang ibinigay niya sa hiling ni Lucio, umurong ang mga ugat at lumubog sa lupa. Naiwang naghahabol ng hininga si Lucio. "Matutuhan mo rin akong mahalin. Mamahalin mo rin ako, bilang siya – tulad niya," seryosong pahayag ni Emelia. Itutuloy pa rin niya ang balak niya na muling mabuhay sa katauhan at katawan ni Susan. Naglakad siya palapit sa bangkay ni Susan.

Mabilis ang naging kilos ni Lucio, tumakbo siya at binuhat ang bangkay ni Susan. Pinipigilan siya ni Emelia pero hindi niya ito pinakinggan na para bang wala roon ang multo. Takbo-lakad itong patungo sa kung saan. Sumunod ako at si Emelia. Humarang sa daraanan ni Lucio si Emelia pero tumagos lamang si Lucio. Tila wala sa sarili si Lucio, mahaba rin ang nilakad niya bago huminto – sa bunganga ng malalim na bangin. Umiihip ang malakas na hangin, 'di ko maiwasang kabahan.

"Patawarin mo ako, mahal. Patawad kung hindi ko kayang mawala ka sa buhay ko. Alam kong magiging maayos ang buhay ng anak natin sa piling ng bawat pamilya natin, at sana mapatawad niya ako, dahil hindi ko alam kung paano ako mabubuhay nang wala ka. Napakalupit ng tadhana. Hindi niya tayo pinagbigyang magsama habambuhay – maaring sa kabilang buhay. Kung hindi man sa panahong 'to, maaring sa ibang panahon. Ipinapangako kong magkikita tayong muli. Hindi ito ang katapusan ng pag-ibig natin. Sa kung kailan mang panahon, hahanapin kita. Muli tayong magtatagpo, at hindi na tayo muling maghihiwalay pa." Bumuhos ang nasasaktang damdamin at panghihinayang mula kay Lucio, na may kasamang sama ng loob.

"'Wag," mahinang nasabi ko nang humakbang si Lucio. Nakikita ko na sa isip ko ang gagawin niya – tatalon siya. Sumisigaw si Emelia, pinipigilan niya si Lucio. Isang hakbang pa ang naging tugon ni Lucio, at tuluyan na niyang pinakawalan ang sarili nila sa hangin. Tumalon si Lucio yakap ang katawan ni Susan. Nanigas na lang ako. Nanlamig. Napanganga. Nablangko ang isip. Hinagpis na sumisigaw pa rin si Emelia pero halos hindi ko na marinig dahil sa kablangkuhan ng utak ko. Humakbang ako palapit sa bunganga ng bangin, yumuko ako, at nakita ko ang wala nang buhay at duguang katawan nina Lucio at Susan. Maliit ko silang nakikita dahil sa lalim nang binagsakan nila, mga siyam na palapag. Nanginig ang buo kong katawan at muling gamapang ang lamig, na sinabayan ng agos ng luha mula sa aking mga mata – posible kayang humantong din kami sa ganito ni Sunshine? Mukha namin ang nakikita ko sa mga bangkay. Maari kayang malupitan din kami ng tadhana? Gagawin ko rin kaya ang ginawa ni Lucio? Tumayo sina Lucio at Susan – hindi – ang kanilang kaluluwa lang, naghiwalay ito sa kanilang katawan. Magkahawak ang mga kamay nila. Tumingala sila, tiningnan nila ako. Nakangiti sila. Nagliwag nang nakasisilaw ang kanilang kaluluwa, napapikit ako nang kumalat ang liwanag nila sa kabuuan ng lugar.