Chereads / Saving my Sunshine (tagalog) / Chapter 17 - KABANATA 17

Chapter 17 - KABANATA 17

KINABUKASAN NA UMALIS sina Migs at Jane. Wala silang naaalala sa nangyari kagabi. Basta ang naaalala lang nila nag-inuman kami, at siguro nalasing sila kaya wala nang gaanong matandaan kung paano natapos ang inuman namin. Pero bago sila umalis, dinadaing ni Migs na masakit daw ang leeg niya. Nang lumabas ng gate 'yong dalawa, nakatanaw lang si Sunshine sa bintana – doon pa lang siya nagpakita no'n mula kagabi matapos niyang magwala at nang pigilan ko siya.

Sa malayo, nakita ko na nakatanaw ang multong si Elizabeth nang ihatid ko palabas ng gate sina Migs – namumugto ang mga mata nitong nakatingin kay Migs hanggang makapasok ito ng kotse kasama si Jane. Sa palagay ko mahal pa rin nito si Migs? Pero bakit niya gustong saktan ito ni Sunshine? Pambihira! Dami kong 'di maintindihan, tulad kung ano ba talaga ang nangyari kagabi ba't nakalimutan nina Jane at Migs ang pag-atake ni Sunshine? Basta matapos kung yakapin si Sunshine at mapakalma siya, at nang sabihin niyang ayos na siya at humingi siya ng tawad, paglingon namin kina Migs at Jane, tulog na sila sa sahig. Binuhat ko si Jane papasok ng kuwarto, at paglabas ko wala ni si Sunshine. Nagligpit ako, at umaasang magpapakita siya, pero hindi siya nagpakita. Inayos ko ang tutulugan namin ni Migs sa sala at nilipat ko do'n si Migs. Lumipas ang mga oras, hindi ako makatulog at wala na sa sistema ko ang tama ng alak – hinihintay kong magpakita si Sunshine, pero hindi niya ginawa. At kanina, nang ihatid ko sina Migs at Jane palabas ng gate, tsaka lang siya nagpakita, nakatanaw siya mula sa bintana.

***

MAY MGA SINABI sa 'kin si Migs habang nagkakape kami at hinihintay naming lumabas ng kuwarto si Jane para sabay-sabay kaming mag-almusal, na sa palagay ko ay dapat malaman ni Sunshine. Lumabas ako ng bahay para lapitan si Sunshine, nakatayo lang siya sa terrace at nakatanaw sa kung saan. Agad kung napuna ang malungkot niyang mga mata – ang mga sunflower ang tinitingnan niya – makikita ang mga hamog at butil ng patak ng ulan sa mga dahon nito, at kapansin-pansin ang ilan sa mga nadagdag na namatay na halaman. Naalala ko ang sinabi niya na palagay niya – sa pagkonti ng sunflower, pakonti nang pakonti na lang din ang natitirang oras niya sa mundo para muling mabuhay.

Nakahanda na sa utak ko ang mga salitang sasabihin ko kay Sunshine na mga sinabi ni Migs, pero parang biglang naglaho lahat nang malapitan ko siya. Tamang-tama na sana ang pagkakataong ito dahil napakatahimk ng paligid at tanging ingay lamang ng kalikasan ang maririnig; mga kuliglig, mga ibon at iba pang uri ng hayop at insekto. Na-awkward ako nang maalala ko ang mga sinabi ko kagabi.

Maraming magagandang bagay sa mundo. Maraming rason para mabuhay... puwede akong maging isa ro'n. – Ayaw kong mawala ka... Gusto kong manatiling sinag mo... habambuhay...

Hay, pambihira! Nasabi ko na ang mga salitang 'yon pero ngayon 'yong tipong umatake ang katorpehan ko. Ewan ko kung bibigyan niya ng kahulugan ang mga 'yon? Pero sa tingin ko lantaran nang pag-amin ng nararamdaman ko para sa kanyang ang mga salitang 'yon – may paiyak-iyak pa ako! Parang gusto ko na lang ihakbang paatras ang mga paa ko at magkulong sa kuwarto. Pero teka, hindi naman tungkol do'n ang sasabihin ko. Tumikhim ako... Pero teka ulit, ang awkward talaga! Baka halatang-halata na akong iba na ang nararamdaman ko para sa kanya!

Hahakbang na sana ako paatras, kaso huli na, nakaharap na si Sunshine sa 'kin. Huminto ang oras at nabingi ako – naging malabo ang lahat at siya lang ang malinaw – tanging paghinga ko ang aking naririnig kasabay ng mabilis na tibok ng puso ko. Para pang namanhid ang mukha ko at 'di ko maibuka ang bibig ko. Nakatingin lang kami sa isa't isa – titigang tila tumagal ng habang panahon na.

Matapos ang mahabang titigan, yumuko siya at isinandal ang ulo niya sa dibdib ko. "'Wag mo akong hawakan. Baka manghina ka. Gusto ko lang hiramin ang dibdib mo. Gusto ko ng masasandalan..." Nando'n ang pag-aalala niya para sa 'kin, natunugan niya ang gagawin ko. Pero hindi ko siya pinakinggan, dahil kanina ko pa siya gustong hawakan – ang totoo niyan, kagabi pa mula nang 'di siya magpakita.

"Baka tumagos ka. Alam mong ayaw ko sa pakiramdam na 'yon. Kaya hayaan mo akong hawakan kita," palusot ko nang hawakan ko ang mga kamay niya at unti-unti siyang nagkaroon ng katawang tao. Gusto kong maramdaman ang pagsandal mo nang maayos. Gusto kong maramdaman mo ang pagdamay ko. 'Yon talaga ang gusto kong sabihin sa kanya. Paghikbi niya na lang ang narinig kong tugon niya. Pag-iyak. Paglabas ng sama ng loob. Hindi ko alam kung pagtanggap na 'yon sa mga masasakit na katotohanang nalaman niya, basta pinakawalan niya ang mga nasa loob niya.

Nakaupo na kami ni Sunshine sa hagdan ng terrace, nakapatong sa aming mga tuhod ang mga siko namin at nakatanaw sa kung saan namin gustong tumingin. Muli ko nang naririnig ang ingay sa paligid, pero naroon pa rin ang ingay ng bilis ng tibok ng puso ko. At muli kong naramdaman 'yong pagkailang, dahil sa mga sinabi ko kagabi at nadagdagan pa ng kadramahan ko kanina! Hay, pambihira! Dapat siguro, aminin ko na sa kanya para 'di na ako mahirapan pa. Pero sasabihin ko muna ang mga sinabi ni Migs – ang rason ng muli nitong pagpunta sa lugar na 'to at kung ano ang plano nito sa buhay... Pero isusunod ko na ba talaga do'n ang tungkol sa nararamdaman ko? Iyon na ba talaga 'yon? Gusto ko na siya? Mahal na? Pero isang-linggo pa lang mula nang makilala ko siya? Gano'n ba talaga karupok ang mga lalaki pagdating sa magaganda? Nagiging espesyal agad at nahuhulog agad? Kahit multo pa? Hay, pambihira naman talaga!

Sa kabila ng mga tanong kong 'yon, may bahagi ng pintig sa puso ko na nagsasabing may ibang dahilan – dahilang kawerdohan na puso lang ang nakakaalam – na pag-ibig ang dahilan kaya may dahilang gano'n kaya mo minamahal ang isang tao, maging multo pa man. Ang gulo talaga!

***

"MALINAW NA SA 'kin ang lahat. Kilala ko na ang sarili ko – halos kilala ko na – alam ko na kung ano ang buhay meron ako – kung ano'ng mundo ang ginagalawan ko no'ng nabubuhay pa ako," malungkot na sabi ni Sunshine nang ikuwento ko ang mga sinabi sa 'kin ni Migs, pero pinilit niya pa ring iguhit ang ngiti sa kanyang mukha, para siguro hindi na ako masyadong mag-alala tungkol sa nararamdaman niya.

Pumunta rito si Migs para magpaalam – kay Marinelle – kay Sunshine. Makalipas ang dalawang taon, natanggap na niya na wala na sa buhay niya si Sunshine. Ang sabi niya, hindi niya pa lubusang napapatawad ang sarili niya pero magsisimula siya ulit – pipiliting kalimutan ang nakaraan. Pero sa palagay ko, tanggapin mo lang na nagkamali ka at pagsisihan at itama, pero hindi dapat kalimutan. Dahil kung kakalimutan mo 'yon, baka magawa mo ulit ang pagkakamali na 'yon. Hindi dapat gamitin ang hinaharap para pagtakpan ang kasalukuyan. Sa Sabado, sa linggong ito, aalis na ng bansa si Migs, sa Amerika na ito magpapatuloy ng pag-aaral – doon na ito magsisimula ng bagong buhay. Nalaman ko ring madalas nga talagang napaparito siya kaya kilala ng mga tagarito at naging kaibigan na rin ni Mang Pedro. Pero hindi siya pumasok sa bahay na 'to at sa kagubatan lang kung saan hinihinalang nawala si Sunshine – kaya hindi siya nakikita ni Sunshine sa mga panahong 'yon, at kagabi nga lang nabigyan ng pagkakataon dahil sa nangyari sa 'kin. At sa nakaraang apat na buwan, huminto si Migs sa pagpunta rito – sa panahong 'yon sinubukan niyang kayanin at tanggapin na wala na siyang magagawa pa sa nangyari. Nalaman niyang namatay na si Mang Pedro, na isa pa sa rason kung bakit siya pumunta rito.

"Eh, sa inyo ni Jane, ano'ng score?" tanong niya. Medyo nasaktan ako do'n. Ano bang pinagsasabi niya? Matapos ang lahat, gano'n ang tanong niya? At hindi pa ba niya nakuha 'yong mga sinabi ko at ginawa ko? Akala ko may damdamnin siya kaya siya umiiyak kahit multo na siya, pero bakit parang ang manhid niya?

Tumikhim ako sabay buntong-hininga at nag-unat ng kamay. "Wala namang score sa 'min. Kaibigan lang ang turing niya sa 'kin, at gano'n din ako sa kanya. Tsaka, kakakilala lang namin," sagot ko. "May iba akong gusto," dagdag ko at nilingon ko siya, nagkataong nakatingin din siya sa 'kin.

Bago pumasok si Jane sa kotse ni Migs, tinanong niya ako kung hindi ba raw ako nalulungkot dito mag-isa. Sagot ko, hindi, dahil lagi ko namang kausap ang babaeng nagugustuhan ko. Itinaas ko ang cell phone ko para kunwari tawagan lang sa telepono – pero si Sunshine ang tinutukoy kong 'yon – siya ang babaeng lagi kong kausap na nagugustuhan ko.

"Hindi mo ba itatanong kung sino?" tanong ko kay Sunshine sa pinakaseryoso kong boses at sobrang seryosong mukha. Pero sa totoo lang, para akong sasabog! Pero pagkakataon ko na 'to. Bahala na! Basteden man ako ng multo, edi, move on! Nasa dulo na ng dila ko ang sasabihin ko, pero bigla niyang binigkas ang pangalan ko – napa-hah? na lang ako.

Hinarap niya ang langit at itinaas niya ang kanyang kanang kamay na parang kaya itong abutin. "Dati, naiisip mo ba ang patutunguhan ng mga taong namatay na? Pumasok ba sa utak mo na mananatili sila sa mundo – at may tulad kong gustong mabuhay ulit?" hinarap niya ako at muli kaming nagkatitigan. "Na may tulad ko na patuloy pa ring nasasaktan?" malungkot siyang ngumiti. "Ang sabi nila, kapag namatay ka na, tapos na ang paghihirap mo sa mundo. Pero bakit patuloy pa rin akong nahihirapan?"

Napayuko ako. Siguro ngayon, iniisip niyang sana dumiretso na lang siya sa kung saan mang lugar na patutunguhan ng mga taong namayapa na. Hindi ko alam ang sasabihin ko – magkukuwento ba ako tungkol sa pananaw ko sa mga taong namatay na o pipilitin ko siyang gustuhin muling mabuhay? Nararamdaman ko kasing gusto na niya lang talagang sumuko at takasan na nang tuluyan ang nalaman niyang malungkot niyang nakaraan. Ayaw ko 'yon! Ano 'to lokohan? Dumaan lang ba siya sa buhay ko – tapos aalis na? Pinaglalaruan na naman ba ko ng tadhana?

Dahil hindi ako makapagsalita, nagkuwento siya. "Naaalala ko, nang mamatay si mama – "

"Malinaw na ba talaga ang mga naaalala mo? Naaalala mo na lahat-lahat tungkol sa pagkatao mo?" singit ko. Tumango siya at sinabing, siguro? At tsaka siya nagpatuloy sa kuwento niya.

"Nang mamatay si mama, bawat makita kong paruparo na lumilipad sa tapat ng bahay namin, iniisip kong siya 'yon at kinakausap ko. Sinasabi kong mahal na mahal ko siya at sobrang miss ko na. Sabi kasi nila, nagiging paruparo ang kaluluwa at dadalaw sa inyo..." nakangiti siya, pero malungkot ang mga mata. "Maging si papa, sinasabi niya sa bawat paruparo na 'wag mag-aalala, dahil aalagaan niya ako nang maayos at sobrang mamahalin. Pero sasabihin niya ring bantayan niya lagi kami... Lukas – " may luha sa mga mata niya – niyakap niya ang mga tuhod niya. "Si papa... naging paruparo din kaya siya? Hinanap niya kaya ako? O inakala niya kayang naging paruparo na ako at kinausap niya – bago siya namatay? Gumagala kaya siya ngayon? Nagkita na kaya sila ni mama...? Gustong-gusto ko na silang makita, Lukas. Gusto ko nang puntahan kung nasaan man sila..." may bahagyang ngiti sa labi niya, pero may luha pa rin sa mga mata.

Isang hiwaga ang nangyari – oo, gano'n nga siguro? Biglang may dumating na dalawang paruparo na kulay dilaw, dumapo ito sa paanan ni Sunshine, sa pagitan ng mga paa niya, pero bigla ring umalis at dumapo sa bulaklak ng sunflower.

Napapansin ko na ang mga uri ng paruparong 'yon sa bakuran, at 'di na kataka-takang magkaroon ng tulad nila rito. At alam kong pangkaraniwang paruparo lamang ang mga iyon, pero tila naging espesyal sa pagkakataong ito. Tila sinagot ng mga paruparo ang mga katanungan ni Sunshine – nagkita na ang mama at papa niya, at magkasama na. "Mama... papa?" mahinang usal niya. Nakita ko sa mga mata niyang gusto niyang sundan ang mga paruparo – isang malaking kalokohan. Maari ngang mag-anyong hayop o ano pa man ang kaluluwa, pero hindi ko naramdaman sa mga paruparong iyon ang pagiging espirito nila.

"Dito ka lang," mahinang nasambit ko, na hindi ko alam kung narinig niya. Tiningnan niya ako na parang sinisiguro kung nagsalita ba ako at tama ang narinig niya. "Dito ka lang, Sunshine," malinaw kong nasabi sa harap niya. Walang nakalatag na mga salita sa utak ko. Basta nagsalita na lang ako at sinabi ang mga nasa loob ko – ang tumubong nararamdaman ko. "Gusto na kita, Sunshine. Siguro? Nakakatawa, 'di ba? Nagkagusto ako sa multo..." ipinihit ko ang katawan ko para mas makaharap siya, hinawakan ko ang magkabilang balikat niya – nakatingin lang siya sa 'kin na 'di makapaniwala sa sinasabi ko. Pero alam kong alam na niyang iba na ang pagtingin ko sa kanya dahil sa mga nasabi ko at handa kong gawin para sa kanya, maaring naghihintay lang siya ng kompirmasyon at hindi siya makapaniwalang totoo nga ito at sinasabi ko na. Napalunok ako. "Ikaw na multo ka – gusto na kita..." pagkompirma ko.