Chapter 9 - Chapter 3

I can't believe I am in this mess, usal ni Ethan Ravales sa sarili habang nakahilig sa tricycle at sapo ang nalaslas na kutsilyo na tiyan.

It was like a bad movie. No. Make that a disaster drama. Para sa isang aktor na nakatanggap na ng acting award at may offer pa mula sa Hollywood, partikular siya sa mga karakter na ginagampanan niya. At hindi ang ganitong eksena ang script na pipiliin niya.

Nang umalis siya ng Maynila, gusto lang niyang takasan ang nakakasakal na buhay niya. Gusto niyang pumunta sa malayong lugar na walang nakakakilala sa kanya. And he succeeded. Nakarating siya sa Calbayog, Samar nang wala man lang nagkakahinala na siya si Ethan Ravales.

And he enjoyed that twenty hours of freedom. Nagawa niyang sumakay sa bus nang mag-isa, walang PA na mag-uurirat kung may kailangan siya. Siya ang bahala sa pagkain niya at sa kung paano niya aasikasuhin ang sarili niya. Wala ring magtse-check kung ang kilos niya ay bagay pa sa image niya o hindi.

Hindi sa wala siyang utang na loob sa pag-aalaga sa kanya ng PA na si Paola o ng manager niya na si Icca. They made sure that everything was running smoothly with his career. Pero iba pa rin pala ang pakiramdam nang maging ordinaryong tao at malaya kang magagawa ang gusto mo nang walang matang nakasunod sa kanya.

Nagawa niyang kumain sa karinderya para sa stop over nila. Nakapag-RORO din siya at malayang napagmasdan ang magandang karagatan nang walang nagpapa-picture o autograph. Kakwentuhan pa nga niya ang isang matandang lalaki na katabi niya sa bus at isang beterano ng giyera. Ayos din pala na may nalalaman siya tungkol sa ibang tao, hindi ang siya ang laging pinag-uusapan.

Nang makarating siya sa Calbayog, Samar, hindi pa rin pala iyon tahimik gaya ng inaasahan niya. Pero nalaman niya na maari pala siyang makarating sa iba't ibang maliliit na isla mula doon. Kung nanaisin pa niyang maglakbay sa Silangang bahagi ng Samar, maari na rin siyang makarating sa Pacific Ocean. He was planning to rent a cottage in one of the resorts and just chill. Nalaman kasi niya na may mga lugar doon na walang kuryente o kaya naman ay di inaabot ng signal ng TV. Radyo lang ang nasasagap.

Pero sira na ang lahat ng plano na iyon. His one taste of freedom was busted. Palpak. Kung alam lang niyang ganito ang mangyayari, di na siguro siya umalis ng penthouse.

"Mabubuhay pa ba ako?" tanong niya.

"Oo naman. Mabubuhay ka pa. Basta huwag ka lang bibitaw," may halong pagpa-panic pero malamyos ang boses na sabi ng babaeng nakaalalay sa kanya. It was Aurora- ang babaeng dahilan kung bakit nanganganib ang buhay niya gayon.

Nagpapahinga siya sa may terminal ng tricycle bago pumunta sa pier para mamili ng isla na pwede niyang puntahan nang mapansin niya ito. May dala itong mga lata ng biscuit at mukhang may hinihintay. May kausap itong isang dalagita na kalaunan ay iniwanan din ito. She looked like a gypsy. Hanggang baywang ang maitim at tuwid na buhok nito. Mabibilog ang mga mata nito, matangos ang ilong at makipot ang labi. Nakasuot ito ng mahabang palda na hanggang sakong at ruffled blouse. And he was poleaxed.

Para sa isang lalaki na nagtatrabaho sa mundo ng showbiz, normal na sa kanya ang mga magagandang babae. He worked with some of the most beautiful actresses, beauty queens and models. Those women had no qualms wearing next to nothing at all. Some even went to his hotel room or condo wearing nothing.

Pero hindi niya alam kung bakit naakit siya sa isang barrio lass. Hindi niya mai-alis ang mga mata dito kahit pa nga matalim na tingin ang iginanti nito nang ngitian niya. At nang hablutin ang bag nito at wala man lang tumulong, awtomatiko niyang dinampot ang basurahang lata sa tabi niya ay ihinagis sa lalaki.

Ilang beses na siyang nakapag-action film kaya may training siya sa martial arts. Iba pala kapag umaarte ka lang sa totoong pakikipaglaban. Walang take two. Kapag nagkamali ka, it would be over. Kahit nagapi niya ang magnanakaw, napuruhan pa rin siya. So much for being a hero.

He had quite a scare when he heard the word hospital. Darn! Malaking eskandalo oras na makarating sa ibang tao nasaksak siya. Of course, his team could pay off the hospital. Pwedeng di lumabas sa media ang nangyari sa kanya. Pero ang di niya makokontrol ay ang mismong team niya. His manager, Jessica, would never let him off the hook. Kung dati ay may security lang siya kapag may mall tours at shootings, ngayon ay baka beinte-kuwatro oras na siya nitong pababantayan. Hindi pwedeng mawala sa kanya ang kalayaan na pinaghirapan niya ngayon.

Pinisil ni Aurora ang kamay niya. "Konti na lang nasa kay Doc Tagle na tayo."

At least sa doktor siya dadalhin. Siguro ay maliit na clinic lang iyon kaya mas madaling kontrolin ang tungkol sa presensiya niya.

Di nagtagal ay tumigil din ang tricycle. "Tumabi kayo diyan! May nasaksak!" sigaw ng driver at may mga lalaking bumuhat sa kanya.

Mano-manong buhat? Walang wheelchair o stretcher man lang. Nakita niyang nakapila ang mga tao sa labas at natagpuan ang sarili na ipinapasok sa loob ng isang kubo. Kubo? Akala niya ay clinic ang pagdadalhan sa kanya pero paano siya nauwi sa kubo?

Hindi na niya nagawang magtanong dahil nanghihina na siya. Ipinasok siya sa isang kuwarto sa loob ng kubo. It was not a sterile clinic. Not even a bit. Inilapag siya sa papag at saka niya napansin na napapalibutan iyon ng mga kandila. May altar din sa di kalayuan. Sa ulunan niya ay tinatangay ng hangin mula sa dagat.

Unti-unti nang pumipikit si Ethan nang may pumasok sa silid. "Nasaan ang pasyente?" tanong ng isang matandang lalaki na may nakasupalpal pa na parang tabako sa bibig nito. May nakataling panyo sa ulo nito. Bakit nagpapasok ang mga ito ng kung sinu-sino sa gamutan? He didn't look sterile even.

"Doc Tagle, nasaksak po siya ng magnanakaw kanina," sabi ni Tiya Manuela. "Napalaban po kasi siya sa magnanakaw."