Chapter 8 - Chapter 2

Nataranta na si Aurora. Ang magnanakaw talaga ay dumadating nang di mo inaasahan. Anong gagawin ko nito? May mga pinamili pa kanina na kailangan niyang bantayan. Bahala na. Importante ang bag na iyon.

Sa huli ay napilitan siyang iwan ang pinamili para habulin ang magnanakaw. Di niya alam kung paanong takbo ang gagawin. Lubhang mabilis ang magnanakaw at kahit anong gawin niyang bilis ng takbo ay parang di niya mahahabol ang lalaki. Gusto na niyang sabunutan ang sarili. Ano ba naman kasi ang iniisip niya? Titig siya nang titig sa ibang lalaki sa pag-aakalang ito ang magnanakaw. Nasalisihan tuloy siya ng iba.

Naiiyak na siya. Kapag di niya nabawi ang bag niya, di niya alam kung paano sila makakauwi ng tiyahin niya sa Isla Juventus. Di niya maipapagamot ang tatay niya. Ang perang iyon ay kinita nila sa koprahan ngayon.

Bakit sobrang palpak ko ngayon? Nasaan ba ang utak ko? Mapapagalitan na ako ni Tiyang nito. At oras na malaman ito ni Amay, di na niya ako pasasamahin dito. Di na ako makakalabas sa Isla Juventus kahit na kailan.

"Saklolo! Saklolo!" tawag niya ng tulong. Bakit parang walang pumapansin sa kanya? Wala bang pulis sa lugar na iyon? Kanina pa siya humihingi ng tulong pero parang nakatingin lang ang mga tao sa kanila. Ni ayaw pigilan ng mga ito ang magnanakaw. Nawawalan na talaga siya ng pag-asa.

Nagulat na lang siya nang may biglang humagis na kinakalawang na lata ng biscuit na ginawang basurahan sa direksyon ng magnanakaw. Tinamaan ito sa paa dahilan para mapatid ito at matumba. Nang lumingon siya kung saan iyon nanggaling ay nakita niyang humahangos na lumapit sa magnanakaw ang Balbaserong Guwapo.

Nagkukumahog namang bumangon ang magnanakaw. Nag-alala siya dahil baka makatakas ito pero mabilis itong naharangan ni Pogi. "Ibalik mo na ang bag."

"Giatay! Umalis ka sa daaanan ko kung ayaw mong mautas," sabi ng magnanakaw at inilabas ang balisong saka iwinasiwas kay Pogi.

Sinapo niya ang dibdib. Di lang pala magnanakaw iyon. Handa rin itong pumatay para sa pera. Napaurong si Poging Balbasero para makaiwas pero parang sobrang lapit niyon. Paano kung nasaktan ito o nasaksak? Napawi ang pangamba ni Aurora nang puno ang kompiyansa nito nang nagpakawala ng paikot na sipa. Tumama iyon sa kamay ng magnanakaw at nabitawan nito ang kutsilyo. Sinamantala iyon ng lalaki para magpakawala ng suntok sa mukha ng magnanakaw habang nakabukas pa ito sa pag-atake. Isa pang suntok ang pinakawalan ng lalaki sa sikmura ng kawatan bago ito natumba nang tuluyan.

Saka lang humangos ang mga tao para pagtulungan ang magnanakaw nang di na makatakas pa. Kasunod niyon ay mga tanod ng baranggay.

"Ikulong na ninyo iyan at huwag na ninyong pakawalan. Baka marami pang nabiktima ang isang iyan. Ipakalat ninyo ang pagmumukha niya para masampahan din siya ng reklamo ng iba." Dinampot naman ni Pogi ang bag niya at inabot sa kanya. "Heto. Tingnan mo kung may nawala o nabawasan diyan."

Ang boses nito ay lalaking-lalaki. Parang pangbida sa mga pelikulang hilig panoorin ng tatay niya dati. Bagay na bagay sa imahe nito na animo'y action star.

"Maraming salamat talaga sa pagtulong. Hindi ko alam kung anong gagawin ko kung tuluyang nawala ang bag ko," aniya at kinalkal ang bag niya. Wala namang nawala doon dahil nakasara pa rin ang zipper.

Na-guilty pa tuloy siya dahil pinaghinalaan pa niya ng hindi maganda ang lalaki. Sa huli ay ito pa pala ang tutulong sa kanya.

"Hindi ka naman nasaktan?" tanong nito at hinawakan ang balikat niya.

"Ayos lang ako," sabi niya at naluluha itong tiningala. "Sobrang importante sa akin ito dahil baka di na ako makabalik sa amin kapag nawala ang pera. Magpapagamot pa ang Amay ko."

"Huwag kang mag-alala. Ligtas ka na," anito at hinaplos ang pisngi niya.

"Aurora, anong nangyayari dito?" tanong ni Tiya Manuela at nag-aalala siyang tiningnan.

"May humablot po sa bag ko," kwento niya sa tiyahin.

"Ano? Sabi ko naman sa iyo kailangang matalas ka dito at maraming loko," sermon sa kanya ng tiyahin.

"Ayos na po, Tiyang. Tinulungan po niya ako," aniya at inilahad ang palad sa direksyon ni Pogi. Di niya maiwasang ngumiti nang maalala kung paano siyang ipinagtanggol ng lalaki. "Sayang nga po di kayo dumating agad. Nakita sana ninyo kung paano niya nilabanan 'yung magnanakaw. Parang pelikula ni FPJ." Iyon ang hilig panoorin ng tatay niya noong bata pa siya.

"Hindi naman, Aurora Carbonell. Walang makakapantay sa nag-iisang Da King," nakangiting sabi ng lalaki at in-adjust ang sumbrero.

"Paborito mo si FPJ? Ang tatay ko rin. Naku! May mga poster pa nga siya ng mga lumang palabas ni Fernando Poe sa dingding ng bahay namin," excited niyang sabi. Si FPJ nga lang ata ang kilala niyang artista at kung sinumang mga side kick at leading lady nito pati na rin mga kontrabida.

"Ako pala si Manuela, ang tiyahin ni Aurora," pakilala naman ng tiya niya. "Ano nga palang pangalan mo?"

Nahiya naman si Aurora. Tinulungan siya ng lalaki at nalagay sa alanganin ang buhay nito sa pakikipaglaban para sa kanya pero di man lang niya naitanong kung anong pangalan nito. Ano ka ba naman, Aurora? Di naman iyan ang itinuro sa iyo. Nasaan na ang paggalang mo?

Nawala ang ngiti sa labi ng lalaki. "Ako po si..." Bigla itong napaigik sa sakit at sinapo ang tiyan nito.

"A-Ayos ka lang ba?" nag-aalalang tanong ng dalaga.

Nang iangat ng lalaki ang palad ay may bahid iyon ng dugo. Napasinghap siya nang makitang may hiwa ang damit nito at may mantsa ng dugo. "May sugat ka, amang," anang Tiya Manuela niya.

"Nasugatan ka ng magnanakaw kanina," anang si Aurora at mabilis na hinawakan ang braso ng lalaki para alalayan ito. Nagawa pa rin nitong makipaglaban kanina at tiniyak pa ang kaligtasan niya samantalang ito pala ang nasaktan. "Kailangan magamot iyan."

"Sa ospital. Dalhin natin siya sa ospital," sabi ni Tiya Manuela.

Mabilis na umiling ang lalaki. "Huwag! Huwag sa ospital!" tutol agad ng lalaki at nakita niya na parang nahihintatakutan ito. Saka niya naisip na baka wala itong perang pampagamot kaya iyon ang inaalala nito.

"Alam ko na. Dalhin natin siya kay Doc Tagle," sabi ni Tiya Manuela.