Chapter 7 - Chapter 1

Hindi alintana ni Aurora ang paghampas ng malakas na hangin sa mukha niya o ang pagtilamsik ng tubig-alat sa maganda niyang mukha. Nakatuon lang ang atensiyon niya sa karagatan at sa mga islang nadadaanan nila na lalong pinatingkad ang ganda ng asul na kalangitan. Ang mga islang iyon ay bahagi na lang ng kanyang kumupas sa alaala.

Sa wakas, matapos ang mahigit sampung taon ay makakatapak siyang muli sa kabihasnan. Makakakita na ulit siya ng naglalakihang mga sasakyan, gusali o kung papalarin pati eroplano o malaking barko.

Naramdaman niya na may nag-ayos ng balabal niya sa balikat niya. "Aurora, bakit hindi ka muna pumasok sa tabing? Masakit ang araw sa balat. Masusunog ka lalo."

Nilingon niya ang Tiya Manuela niya at ngumiti dito. Ito ang kasama niya na luluwas sa Calbayog, Samar kung saan kukuha sila ng probisyong pagkain at susunduin na rin ang manggagamot ng kanyang ama na si Doc Tagle. "Ayos lang po ako dito. Alam naman po ninyo na ngayon lang ulit ako makakaluwas sa Calbayog. Gusto ko lang po kasing makita ang mga madadaanan ko. Baka hindi na po kasi maulit," nakangiti niyang wika habang pilit na itinatago ang lungkot sa puso niya.

"Siyempre mauulit pa ang pagpunta mo ng Calbayog. Ikaw talaga."

"Tiya, alam naman po ninyo na hindi papayag si Amay," tukoy niya sa ama. "Nagkataon lang na wala kayong kasama ngayon kaya niya ako pinasama."

Sa Calbayog siya nakatira hanggang mag-walong taong gulang. Nang mamatay ang lolo niya ay umuwi ang pamilya nila sa Isla Juventus para pamahalaan ang lupain na iniwan doon. Sa Isla Juventus ay walang kuryente kaya walang telebisyon o kahit signal ng cellphone. Ang ikinabubuhay ng mga tao ay pagtatanim at pangingisda lamang at hanggang elementarya lamang ang paaralan. Masaya na ang mga tao sa simpleng pamumuhay.

Hindi kinaya ng nanay niya ganoong uri ng buhay dahil laki ito sa siyudad kaya matapos ang ilang buwang pagtira sa isla kaya lumuwas ito ng lungsod para daw makahanap ng mas malaking pera sa pagpapaaral sa kanya sa sekondarya at kolehiyo. Sa kasamaang-palad ay di na ito bumalik pa at ang huling balita nila ay sumama sa isang marino paalis ng Mindanao. Wala na silang balita pa dito mula noon. Hindi na rin sila nito binalikan pa.

Mula noon ay di na nakatapak pa si Aurora sa Calbayog o kahit saan man sa mainland ng Samar. Ayaw ng ama niya na lumayo siya ng isla sa takot na hindi na siya bumalik pa gaya ng kanyang ina. Ang pinakamalayong narating niya ay ang Isla Azul na karatig-isla ng Isla Juventus na dalawang oras ang layo. Doon siya nagtapos ng sekondarya dahil doon din nagtuturo ang kanyang Tiya Manuela. Subalit nang makatapos siya ng sekondarya ay di na siya natuloy mag-kolehiyo dahil basta na lang itong bumagsak habang nasa koprahan. Mula noon ay hirap na ang ama na maglakad at siya na ang nag-alaga dito.

Ayon sa tumingin dito ay may natapakan daw na engkanto kaya nagalit dito at pinarusahan ito. Kaya luluwas sila ng Calbayog ngayon para sunduin ang manggagamot na titingin sa ama niya. Kaya naman pakiramdam niya ay sampung taon ulit siya na makakatapak sa siyudad sa halip na dalawampu't isang taong gulang.

"Marami nang nagbago sa Calbayog. Magugulat ka," anang tiyahin niya. "Mahigit sampung taon ka ring di nakapunta doon."

"May oras pa po ba tayong mamasyal?" malungkot na tanong niya. Ilang oras lang at aalis na ulit ang bangka para bumalik ng Isla Juventus. Di pwedeng lumampas sila ng oras kundi ay iiwan sila ng bangka. Minsan lang sa isang buwan may bumibiyaheng bangka paalis at pabalik ng Isla Juventus dahil malayo sa kabihasnan at mahal ang pamasahe. Dahil sa hirap ng buhay, maraming taga-isla ang di na lang umaalis doon.

Kinindatan siya ng tiyahin. "Magagawan natin iyan ng paraan."

Malakas ang loob ng tiyahin niya. Di naman bago ang kwento sa isla tungkol sa paglalayas nito para makapag-aral ng kolehiyo para maging guro kahit na nakatakda na itong ipakasal sa ibang lalaki. Naitaguyod nito ang sarili at nakapag-asawa ng isang negosyante. Nang malaman nitong nambababae ay iniwan nito at mag-isang itinaguyod ang anak nitong si Darlo. Ipinaglaban nito ang anak sa kabila ng panggigipit ng pamilya ng asawa nito. Kaya naman humahanga siya dito dahil malakas ang loob nito. Wala siyang ganoong klase ng tapang dahil isinuko na niya ang lahat para maging mabuting anak. Di niya kayang iwan o suwayin ang ama niya.

Sa kabila ng walong oras na biyahe ay di magawang matulog ni Aurora. Nasasabik na siyang makatapak sa lungsod. Tumayo siya sa harap ng bangka at bumilis ang tibok ng puso nang makita na niya ang mahabang isla.

"Iyan na," usal ng dalaga at nilingon ang tiyahin na kausap ang isa sa mga pahenante doon. "Tiyang, iyon na po ang Calbayog, di ba?"

"Oo. Isang oras pa bago tayo makarating doon."

Pero di niya alintana iyon dahil nalilibang siya sa padami nang padaming bangka na nakakasalubong nila. May malalaki at may maliliit. Parang bata rin siyang pumalakpak nang humagibis sa ulunan niya ang isang malaking eroplano. Balita niya ay may paliparan na rin sa naturang siyudad.

Nang sa wakas ay makatapak na sa pier ay hila-hila na ni Aurora ang tiyahin. Atat na atat na siyang libutin ang naturang siyudad kahit na sandali. "Tiyang, halika na po!"

"Mamimili muna tayo sa palengke at saka tayo pupunta sa mall para makalanghap ng aircon," anang tiyahin niya.

Noong una lang sabik si Aurora sa pamamasyal dahil nagsisimula nang sumakit ang ulo niya sa ingay ng sasakyan at init lalo na't siksikan ang mga tao sa palengke. Parang mahihilo din siya sa halo-halong amoy sa palengke.

"Tiyang, kailangan po ba talaga nating bilhin lahat iyan?"

"Oo. Para kay Doc Tagle ito at pati na rin supplies natin sa isla."

"Bakit di na lang tayo bumili kay Ninong Bonyok?" tukoy niya sa negosyanteng nagdadala ng iba't ibang supplies sa malilit na isla.

"Alam mo naman kung gaano kalaking magpatong ng presyo ni Bonyok. Triple ang babayaran natin. Tutal nandito na tayo, mamili na tayo. Ilang lata kaya ng biscuit ang kukunin natin?"

Sinapo niya ang ulo dahil nahihilo na talaga siya. "Pwede po bang maiwan muna ako dito sa tindahan? Hihintayin ko na lang po kayo. Nahihilo po kasi ako."

"Hindi ka kasi natulog sa sobrang sabik magbiyahe. Sige dito ka na lang maghintay. At sa biyahe natin mamaya pauwi, kailangan mong matulog. Sa ngayon, bantayan mo muna itong pinamili natin at itong bag huwag mong bibitawan. Nandiyan ang pambili natin ng bigas at mga gamit ng bata sa eskwelahan pati na rin sa pabili ng tatay mo. Alerto ka lagi dahil maraming loko dito at mga magnanakaw. Maging mapagmasid ka at huwag kang basta-basta magpapauto. Maliwanag ba?"

Tumango siya. "Sige po. Tatandaan ko po, Tiyang."

Kahit paano ay nakahinga siya ng maluwag habang tumitingin-tingin sa paligid at nakatayo di kalayuan sa terminal ng tricycle. Uminom siya ng buko pandan na palamig habang inoobserbahan ang mga tao. Mas maraming ngang tao sa Calbayog ngayon. Parang Maynila na rin siguro. Di rin niya maiwasang maubo at mairita sa usok ng mga nagdadaang sasakyan. Ibang-iba sa sariwang hangin na nalalanghap niya sa isla. Naiirita din ang tainga niya sa malakas na tugtog. Ni hindi niya maintindihan ang lengguwahe ng kanta. Hindi Ingles, Bisaya, Waray o Tagalog.

"Anong tugtog iyan?" tanong niya sa kabataang babae na nakasuot ng uniporme at sinasabayan ang tugtog kahit na may napasak nang headphone sa tainga nito.

"Kpop iyan, Ate."

"Kpop?" tanong niya.

"Saang isla ka ba galing at Kpop lang hindi mo pa alam? Ito sila," sabi nito at ipinakita ang pabalat ng kuwaderno nito. "Mga Koreano sila. Ang guwapo nila, hindi ba?"

Umasim ang mukha niya. "Hindi ko sila kilala. Masyado silang mapuputla at parang mas makinis pa sa akin. Saka parang mga totoy pa."

Inirapan siya ng dalagita. "Magtatanong ka lang, manlalait ka pa. Diyan ka na nga."

Hindi na talaga niya naiintindihan ang nangyayari sa mundo. Uso na ang mga lengguwaheng di maintindihan at mga artista na mas maputla pa sa kanya. Nag-iba na nga siguro ang mundo. O iba lang talaga ang gusto niyang lalaki. Ano nga ba ang gusto niyang lalaki? Gusto niya ang tall, dark and handsome. Mga tipo ng lalaki na katulad ng... Lalaking nakatayo ilang metro mula sa kanya at nakasandal sa poste. Nakatukod ang isang paa nito sa poste habang umiinom ng softdrinks.

Matangkad ang lalaki at may mala-tsokolateng balat. Mas matangkad pa sa kay Omar, ang kababata niya na gusto ng tatay niya na pakasalan niya. Maganda din ang pangatawan nito na kapuna-puna sa suot nitong white T-shirt at pantalong maong na kupas at gula-gulanit. Nakasuot din nito ng rubber shoes na mukhang maalikabok. Naka-bull cap ito at napansin niya ang medyo mahaba na nitong buhok. Mukhang nakalimot din itong mag-ahit sa ng isang buwan. Di rin niya makitang mabuti ang mukha nito dahil na rin sa suot nitong antipara pero natitiyak niyang nakatingin ito sa direksyon niya. Nakakatitig ito sa kanya.

Napalunok si Aurora dahil parang tumatagos ang titig nito sa salamin nito. Hindi niya maintindihan kung bakit hindi siya mapakali. Bakit ganoon ito kung makatitig sa kanya? Nagagandahan ba ito sa kanya?

Nahigit ng dalaga ang hininga at dali-daling iniwas ang tingin sa lalaki. Ano bang nangyayari sa kanya? Hindi naman niya nakikitang mabuti ang lalaki at parang di pa nga ito naliligo pero bakit malakas ang epekto nito sa kanya?

Aurora, huwag kang magpapadala sa titig niya. Ano ngayon kung nagagandahan ito sa kanya? Sa isla nila ay siya daw ang pinakamagandang dilag. Di na kakaiba sa kanya ang mga papuri. Pero bakit naaapektuhan siya sa simpleng titig lang sa kanya ng isang estranghero?

Biglang naalala ni Aurora ang bilin sa kanya ng Tiya Manuela niya. Alerto ka lagi dahil maraming loko dito at mga magnanakaw. Maging observant ka at huwag kang basta-basta magpapauto.

Tumiim ang anyo ng dalaga at sinibat ng matalim na tingin ang lalaki. Hindi naman talaga ito mukhang mapagkakatiwalaan. May matino bang lalaki na di man lang makapagpaputol ng buhok o makapag-ahit? Akala naman nito ay guwapong-guwapo siya dito. Oras na para malaman nito na hindi siya inosente at di siya uto-uto. Nakahanda na siya dito.

Ngumiti sa kanya ang lalaki at naramdaman niyang pumitlag ang puso niya. Gumuguwapo itong si Balbasero kapag nakangiti. At nakangiti ito dahil akala nito ay mapapalambot siya nito.

Di lang basta masama ang tingin niya ngayon dito kundi sinimangutan din niya. Hindi porke't ngayon lang ulit siya nakaalis sa Isla Juventus ay tatanga-tanga na siya. Matalino siya dahil valedictorian siya noong high school. Di dahil guwapo at maganda ang pangangatawan nito ay magpapauto na siya. Ibahin nito si Aurora Zumarraga. Hinding-hindi siya nito mananakawan kahit na isang kusing. Walang epekto ang kaguwapuhan nito sa kanya kahit magtitigan pa sila.

Nagulat na lang siya nang may humahagibis na dumaan sa harap niya kasunod niyon ay may humablot sa bag niya. Nanlaki ang mata niya dahil napakabilis ng pangyayari at nakita na lang niya ang isang lalaki na tangay ang bag niya. Napatingin siya sa guwapong lalaki na nakasandal sa poste na siyang pinaghihinalaan niyang magnanakaw.

Namutla siya nang makita ang may hawak ng bag niya na tumatakbo palayo. "Magnanakaw! Saklolo! Kinuha ang bag ko."