"MISS Atasha, ito po ang napag-usapan namin ni Sir Kurt bago siya pumunta sa Singapore. Ito po ang gusto niyang maging pagbabago sa hacienda. Gusto po sana niyang I-discuss sa inyo ni Sir Horacio pagbalik niya," sabi ni Rommel, ang bagong manager ng hacienda at ibinigay sa kanya ang report.
Nagdesisyon ang Tito Horacio niya na ipabahala na kay Kurt ang pagma-manage ng hacienda. Sinimulan iyon ni Kurt sa pamamagitan ng pagtatalaga ng manager na titingin sa mga problema ng hacienda at aayos ng lahat ng iyon. Ang magagawa nila bilang orihinal na may-ari ay aprubahan ang mga suhestiyon nito.
"Sasabihin ko sa kanya kapag bumalik siya galing sa Manila," nakangiti niyang sabi. "Kailan babalik si Kurt?"
"Mga dalawang linggo po mula ngayon."
"Magaganda ang mga suggestion ninyo lalo na ang tungkol sa pagbuhay ng abaca plantation." Tumigil ang operasyon nila sa pag-aabaka nang mamatay ang Papa niya. Wala rin silang pera para pondohan pa ang operasyon. Pero ngayong si Kurt mismo ang tutulong, wala na silang dapat problemahin.
"Tiyak na matutuwa po ang mga dati ninyong trabahador. Iyon naman po ang importante kay Sir Kurt. Ang mabigyan ng trabaho ang mga kababayan niya."
"Mabait ba na amo si Kurt?" hindi niya mapigilang itanong. Nagtataka kasi siya sa pagkatao nito. Isang oportunista ang tingin niya dito. Pero mukhang mahal na mahal ito ng mga taong malalapit dito.
Tumango ito. "Hindi po niya ako pinabayaan nang magkasakit ang pamilya ko. Ilang araw akong hindi nakapagtrabaho noon pero ibinigay pa rin niya nang buo ang sweldo ko. Siya pa mismo ang sumagot sa pagpapa-ospital sa kanila. Maswerte po kayo dahil kayo ang pakakasalan niya."
Hindi niya alam kung ano ang pumasok sa isip ni Kurt nang ipakilala siya bilang nobya nito. Di tulad ng pagpapakilala sa kanya kay Lola Anselma bilang si Kimberly. Problema na iyon ni Kurt na ipaliwanag sakaling magtanong ang mga tao. Ang sabi nito, wala naman daw diperensiya kung sino ang pakasalan nito dahil tatanggapin pa rin ito ng tao. Palibhasa ay sa angkan naman sila ng pulitiko parehong galing ni Kimberly.
Muntik nang madulas ang dila niya at kontrahin ito nang mag-ring ang cellphone niya. "Excuse me," aniya at sinagot ang tawag. "Hello."
"Atasha, s-samahan mo ako dito," nanginginig na sabi ni Bettina.
"Ano po ang problema, Tita?" nag-aalala niyang tanong.
"M-May babaeng tumawag dito kahapon. Sinabi niya na kasama daw ni Kimberly si Rohann Madrigal sa Sagada. Buhay pa siya."
"What?" bulalas niya. Hindi niya inaasahang may makakatuklas agad ng sekreto ni Kimberly. "Ano po ang sinabi ni Tito Horacio?"
"Galit na galit siyang umalis kanina kasama ang mga bodyguards niya. Susunduin daw niya si Kimberly."