Tiningnan ng binata ang kanyang cellphone, at sa kasamaang palad ay walang signal na pumapasok.
Bogs: Shocks! Pano 'to?
Unti-unting namumuo ang maiitim na ulap sa kalangitan.
Bogs: Yah right! Parang uulan pa ata. Huwag naman ngayon. Please.
Medyo mabilis-bilis na ang pagpapatakbo ng binata. Wala pa kasi siyang nakikitang gusali o bahay man lamang na pwede niyang matirhan pansamantala habang nagpapalipas ng gabi sa lugar na hindi niya alam o kabisado. Dahil sa napakahabang byahe ay nakaramdam na ng antok si Bogs. Medyo naduduling na siya sa sobrang antok. Pilit niyang ginigising ang sarili sa pamamagitan ng tugtog niya pero hindi ito gumagana. Inuuga na niya ang kanyang ulo pag namamalayan na niyang pumipikit na ang kanyang mga mata. Sumigaw siya ng malakas, pero panandalian lamang ang epekto nito. Nanghihina na ang mga braso at binti ng nag-iisang binata. Nakaramdam siya ng pagkahilo. Unti-unting lumalabo ang kanyang mga paningin. Habang abala si Bogs sa paghahanap ng paraan na panatilihing gising ang kanyang diwa ay hindi niya namamalayan na nakaupo na pala sa tabi niya ang babaeng nakaputi. Napalingon ang binata sa kinauupuan ng dalaga. Dahil nga naduduling at nanlalabo na ang kanyang paningin ay hindi niya ito naaaninag ng tama. Tinitigan niya ito ng mabuti ng biglang... hinawakan siya nito sa braso!
Biglang nagising si Bogs! Pero laking gulat niya nang sumalubong sa kanya ang ilaw ng isang truck na papunta sa kanyang kotse. Agad niyang inilag ang kanyang sasakyan at tuluyan na nga siyang bumangga sa isang puno. Mabuti na lang at hindi gaanong malakas ang pagkakabangga niya at gasgas lamang ang natamo ng kanyang sasakyan at hindi siya nasiraan. Hinawakan ng binata ang kanyang noo, at nanlaki ang kanyang mga mata nang mapansin niyang... gabi na pala. Hindi niya namalayan ang mga nangyari sa mga nagdaang mga oras na para bang nakatulog siya ng pagkahaba-haba at hindi na niya nakita ang takip silim. Tiningnan niyang muli ang kanyang cellphone, wala pa ring signal. Tiningnan niya ang kanyang orasan, 7:00 PM. Wala pa rin siyang nakikitang lugar na pwede niyang mapagpapahingahan. Lumabas ang binata sa sasakyan para tingnan ang kalagayaan ng kotse at buti na lang ay hindi ito masyadong napuruhan. Napabuntong hininga na lang siya at pumasok muli sa loob ng sasakyan. Muli niya itong pinaandar at nagpatuloy sa pagdridrive.
Bogs: Ano ba yan, wala ba talaga ditong mga bahay? Kainis naman oh.
Sa malayo ay may naaaninag si Bogs na imahe, parang isang taong may bitbit na lampara na para bang may inaabangan siyang bisita. Habang papalapit si Bogs ay umalis naman ang tao sa kanyang kinatatayuan. Naglakad papasok sa isang hindi gaanong malaking daan na napapalibutan ng iba't ibang klase na damong ligaw at malalaking puno. Nagpatakbo ng mabilis si Bogs, kailangan niyang maabutan ang tao para makahingi siya ng tulong, nang marating na niya ang pinasukang daan kanina ng mama ay agad siyang lumiko at kasyang-kasya nga lang ang kanyang sasakyan.
Pagkaliko na pagkaliko niya sumalubong sa kanya ang isang bahay na may dalawang palapag na nasa gitna ng halos gubat ng hardin, wala itong harang kaya nakapasok lang siya kaagad. Agad siyang lumabas ng kanyang sasakyan at pumuntang likod para kunin ang kanyang bag. Alam niyang may tao sa loob dahil may mga nakasinding mga ilaw sa loob nito. Naglakas loob siyang nagpatuloy at pumunta sa harap ng pinto ng bahay... at kumatok.
Walang sumagot sa pinto. Kumatok siyang muli, wala pa rin,
Bogs: Tao po... tao po... pwede po bang makituloy?
Pero walang sumagot. Umalis siya sa kanyang kinatatayuan at pumunta sa may bintana. Sumilip siya at tiningnan ang loob. Sumilip siya sa may sala, walang tao. Sa kusina, wala pa rin. Sa hapagkainan wala din. Pero kapansin-pansin ang mesa na puno ng pagkain na hindi pa nagagalaw at dalawang upuan na magkaharap. Hindi ganon kalaki ang mesa. Kasya ang anim na tao rito, pero ang upuan dalawa lang. Na para bang may magdidiwang na mag-asawa ng kanilang anibersaryo. Bumalik muli ang binata sa harap ng pinto at tuluyan na nga itong binuksan at siya'y pumasok na walang pahintulot.