Chereads / Matakot Ka! / Chapter 17 - "Dayo"

Chapter 17 - "Dayo"

Dahan-dahang lumabas ng kwarto si Bogs at pumuntang hagdanan. Nakita niya ang ilaw na sinusundan niya na pumuntang kusina. Kaya bago pa tuluyang mawala sa paningin niya ang ilaw ay sinimulan na niyang bumaba. Unang hakbang walang tunog, pangalawang hakbang wala pa ring tunog, hanggang sa pangatlo. Pilit na hinahabol ni Bogs ang kanyang hininga, hindi na rin mabilang ang mga pawis na pumatak mula sa kanyang pisngi. Basang basa na ang binata sa sarili niyang pawis. Lunok siya nang lunok. Pang-anim na hakbang, pampito, pangwalo, pangsiyam at pangsampo. Sa wakas ay nakababa siya ng hagdanan na walang nagagawang ingay. Nang tuluyan na niyang maabot ang unang palapag ay nagmamasidmasid muna siya, walang tao sa buong kwarto. Kaya pumunta na siyang kusina para tingnan ang nangyayari. Napakagaan ng bawat hakbang niya na para siyang naglalakad sa hangin, nang narating na niya ang pinto ng kusina, ay agad siyang sumilip. Walang tao. Tanging ang lampara lamang na nakasindi ang naiwan na nakalapag malapit sa lababo. Nagsimula na siyang magtaka, pumasok siya nang tuluyan sa nasabing silid at tiningnan ang paligid. Wala naman siyang nakitang ginalaw o nagbago man lang. Nang mapansin niyang hindi gaanong nakasara ang pinto nito papuntang likuran. Agad niya itong nilapitan pero nang narating niya 'to ay nag-atubili pa siyang hawakan ang doorknob at nang nagkalakas loob na siya ay agad niya itong hinawakan at hinila. Bumukas ang pinto at ang tanging nakita niya lang ay madilim na likod na puro kakahuyan at talahib. Nilabas niya ang kanyang ulo para tingnan pa ang ibang bahagi ng lugar. Pero wala talaga, ni anino ng isang tao. Kaya sinara na lang niya itong muli at umalis ng kusina. Pinatay niya ang ilaw bago siya umalis at tuluyang bumalik sa ikalawang palapag. Wala ng ilaw sa kanyang kwarto pagbalik niya dahil wala na itong gaas. Sinara niyang muli ang kanyang kwarto at humiga na lang muli dahil sa wala naman siyang makita kung magliligpit at magbibihis siya.

Biglang tumunog ang matandang orasan sa may sala. Hating gabi na. Hindi ito namalayan ng binata dahil sa napasarap na naman ang kanyang tulog. Napakalapad talaga ng silid na kanyang pinagpapahingahan. Napakaluma nga lang ng mga gamit. Panahon pa ng mga Kastila ang mga kagamitang nakapalibot sa kanya. Mula sa kama, sa upuan, sa cabinet hanggang sa salamin.

Sa kalagitnaan ng pagpapahinga ng binata ay gumalaw siya at tumagilid pakaliwa. Sa paggalaw niyang yaon ay may napansin siyang nakaalsa sa kanyang higaan. Alam niyang hindi 'yon unan o kumot man lang. Masyadong malaki para maging isang unan at hindi rin gaanong malambot para maging kumot. Pero malamig, napakalamig. Kinapa ito ng binata, habang kinakapa niya ito ay nakaramdam siya ng kilabot. Tuminding ang kanyang mga buhok sa kanyang braso at agad na inalis ang kamay. Kinapa niya ang kanyang bag sa sahig na nilagay niya lang malapit sa kama. Binuksan niya ang zipper at hinalughog ang loob nito. Hinanap niya ang kanyang cellphone, pero hindi niya ito mahanaphanap hanggang sa mahulog siya sa mula sa kama. Sa kanyang pagkakahulog, ay nabaling ang kanyang mga mata sa paanan ng kanyang pinto at may anino na naman siyang nakita pero agad din itong umalis. Mas lalo siyang nataranta, naghanap siyang muli. Muling bumalik ang mga pawis sa kanyang katawan. Nakaramdam na naman siya ng sobrang init sa sobrang kaba. Nilabas na niya halos lahat ng gamit niya mahanap niya lang ang kanyang cellphone. Hanggang... sa makita niya 'to. Agad niyang binuksan ang flashlight sabay lunok ng laway.

Napakaliwanag ng cellphone ng binata, unti-unti siyang tumayo habang papalayo mula sa kanyang kinabagsakan. Unti-unti niyang inangat ang dalang cellphone at unti-unting tinutok sa kanyang pinagmulang higaan. Habang ginagawa niya ito ay paatras naman siyang naglalakd papuntang pinto. At nang tuluyan nang naabot ng liwanag ang bagay na nakapa niya kanina, ay ganon na lang ang gulat ni Bogs na halos kinahimatay niya.

Bumulaga sa kanya ang bangkay na katawan ng kasintahan.