Chereads / Matakot Ka! / Chapter 20 - "Dayo"

Chapter 20 - "Dayo"

Nang bumalik na nang konti ang malay ni Bogs ay nagawa na niyang buksan ang kanyang mga mata. Pero medyo nanlalabo pa rin ang kanyang paningin. Pero kahit na hindi gaanong malinaw ang kanyang nakikita ay alam na alam niyang hinihila siya ni Mang Ben gamit ang mga paa niya. Hindi na ramdam ng binatilyo ang mga masasakit na bato at lupa maging ang init sa likuran niya habang hila-hila siya ng matanda. Halos ubos na ang kanyang lakas at bugbog sarado na rin siya. Pero habang nakahiga siya ay bigla niyang naalala ang pamilya niyang naiwan niya sa Maynila. Ang mga tawa nila, ang mommy niya na nilalambing siya, ang daddy niya na pinapasalubungan siya pag galing itong ibang bansa at maging ang yaya niya na nag-aruga sa kanya mula pagkabata hanggang sa lumaki na siya na itinuring na rin siyang parang tunay na anak. Nang maalala ni Bogs ang lahat ng 'yon ay biglang bumalik sa kanya ang pag-asa. At sa isip niya ay kahit na mahina siya ay kailangan niyang lumaban hanggang sa huling hininga niya. Kaya naman bigla niyang hinila ang kanyang sariling mga paa at tinulak si Mang Ben gamit nito. Agad siyang tumayo kahit na nanghihina na siya. Sa pagbagsak ni Mang Ben ay tumilapon ang susi sa lupa mula sa bulsa niya, nakita ito ni Bogs at agad na kinuha at kumaripas sa pagtakbo papuntang sasakyan.

Mang Ben: Hindi pwede!

Medyo nasaktan din si Mang Ben, sumakit bigla ang kanyang likod pero pilit niya pa ring pinapatayo ang sarili.

Sinundan niya si Bogs pero masyadong mabilis ang binata. Narating ni Bogs ang truck at tuluyang pumasok rito. Hinanap niya ang susi ng sasakyan pero hindi niya alam kung saan sa sampung susi ang tama. Isa-isa niyang sinubukan ang mga ito. Unang subok ayaw magkasya. Pangalawang subok, nagkasya pero ayaw umikot. Pangatlong subok wala pa rin maging ang pang-apat. Susubukan na sana ni Bogs ang ikalimang susi, nang napansin niyang nawala si Mang Ben sa paligid. Nagmasid siya sa labas, dumungaw siya sa harapan ng salamin ng sasakyan at wala talaga ang matanda, dumangaw siya sa may pinto... nang biglang hinila ni Mang Ben ang kanyang suot na damit. Inalsa ni Mang Ben ang hawak na itak papunta sa binata, buti na lang ay nakailag si Bogs pero napunit ang kanyang damit at hawak-hawak ng matanda ang kapirasong tela nito. Isinara ni Bogs ang bintana pero binasag rin ito ni Mang Ben. Sa wakas ay natagpuan na rin ni Bogs ang tamang susi. Agad niya itong pinasok at inikot para gumana ang makina. Sa unang ikot niya ay hindi ito umandar buti na lang sa pangalawang subok niya ay gumana ito. Agad niyang pinatakbo ang truck, palabas na siya ng bakuran nang makita niya si Mang Ben na nakatayo sa entrada. Bigla siyang napahinto at nagtitigan sila. Pero walang pakialam si Bogs, lakas loob niyang pinaandar muli ang sasakyan paabante.

Bogs: Aaaaaahhhhhhh... mamatay ka na!

Agad na umilag ang matanda at dumiretso naman ang binata. Sa sobrang bilis niya ay huli na para iliko niya ang sasakyan at tuluyan na nga siyang bumangga sa malaking puno.

Huminto ang sasakyan at napalibutan ito ng usok. Muling nawalan ng malay si Bogs dahil sa napalakas na pagkakaumpog ng kanyang ulo sa manibela. Nilapitan ni Mang Ben ang sasakyan at binuksan ang pintuan. Hinila niyang muli ang binata palabas ng sasakyan at bumagsak sa lupa ang kawawang binata. Gumapang siya papalayo sa kinatatayuan ng matanda. Mahinang-mahina. Tiningnan lamang siya ni Mang Ben nang ilang segundo, pero hindi pa lanng siya nakakalayo ng tuluyan sa sasakyan ay pinagsasaksak na siya ni Mang Ben sa likod na walang awa at pagdadalawang isip. Hindi na nakapagsalita ang binata, nakadilat lamang ang kanyang mga mata habang nauubusan siya ng dugo sa kanyang katawan at walang tigil rin ang matanda sa kanya hangga't hindi pa siya binabawian ng buhay. Napuno ng luha ang unti-unting pumipikit na mga mata ng binata. Pero bago tuluyang naputol ang paghinga ni Bogs ay nasilayan at natanaw niya pa ang paanang bahagi ng babaeng nakaputi na nakalutang hindi kalayuan sa katawan niyang pinapaliguan ng sarili niyang dugo. At bulong niya...

Bogs: Patawad....

Ang huling salita niya.