Takbo lang nang takbo ang kawawang binata, ni hindi niya alam kung saan siya papunta. Ang alam niya lang takot siya at kailangang mapalayo siya sa lugar na iyon. Para bang hindi na niya kontrolado ang mga paa niya, maging ang utak niya. Sa kanyang pagtakbo ay may ilaw na hindi kalayuan sa kanya ang papalapit sa kinaroroonan niya. Parang sasakyan. Kaya huminto siya at gamit ang lamparang bitbit niya ay winagayway niya ito para mapansin siya ng drayber. Habang papalapit ito ay nakumpirma niyang sasakyan nga. Isang truck, isang napalaking truck. Nang tanaw na niya ang buong katawan ng sasakyan ay binaba na niya ang ilaw na dala-dala at nilagay ito sa lupa katabi niya. Malapit na sana ang truck sa kanya nang bigla itong huminto 30 metro mula sa kinatatayuan niya. Muli siyang nagtaka. Tumigil ang makina ng sasakyan sa kakaandar maging ang mga ilaw nito sa harapan. Hindi kaagad lumabas at bumaba ang drayber. Tinitigan lamang ni Bogs ang nakahintong sasakyan. Dahan-dahan niya itong nilapitan pagkatapos ng sampung segundo.
Bogs: Tulong! Tulong po!
Bumaba ang nakasay rito at laking gulat ni Bogs sa sumalubong sa kanya.
Si Mang Ben na may bitbit na itak. Nanlaki ang mga mata ni Bogs at agad siyang tumakbo pabalik. Naiwan niya ang ilaw sa sobrang takot at kumaripas sa pagtakbo. Nilapitan ni Mang Ben ang lamparang naiwan ng binata. Binuhat niya ito at bumalik sa loob ng truck. Muli niyang pinaandar ang sasakyan at umalis.
Hindi akalain ni Bogs na babalikan niya rin pala ang dinaanan niya kanina. Hanggang sa nakabalik nga siya ng tuluyan sa pinanggalingan niyang bahay. Pagod na pagod ang kawawang binata. Nais niya pa sanang tumakbo at dumiretso pero alam niyang hindi na niya kakayanin sa sobrang pagod. Nang nakita niyang paparating na si Mang Ben ay tumakbo na lamang siya pabalik ng bahay at nagdesisyong magtago na lamang hanggang sa sumapit muli ang haring araw.
Nilapitan niya muli ang kanyang sasakyan at nagtago sa kaliwang bahagi nito para hindi siya makita. Dumating ang truck na sinasakyan ni Mang Ben, huminto ito at lumabas si Mang Ben mula rito.
Mang Ben: Kung saan ka man ngayon nagtatago binata, hayaan mong sabihin ko sa'yo ngayon pa lang na hindi ka na makakauwi sa inyo nang buhay. Kinuha mo ang buhay ng anak ko, puwes kukunin ko rin ang buhay mo mula sa mga magulang mo!
Nagsimulang maglakad si Mang Ben papuntang sasakyan. Binuksan niya ang mga pinto nito paisa-isa. Una sa kanang bahagi. Pero wala siyang nakita. Umikot si Mang Ben, na siyang naramdaman din ng binata, kaya umikot din siya habang nakayuko. Pumuntang harap si Mang Ben at tuluyang nakarating sa kaliwang bahagi ng sasakyan. Binuksan niyang muli ang mga pinto ng sasakyan paisa-isa at ganon din, wala siyang nakita. Isang bahagi na lang ang hindi tinitingnan ni Man Ben, ang likuran kung saan nakaupong tahimik si Bogs. Muling umikot si Mang Ben, ganun din ang binata. Binuksan ng matanda ang pinto at sa kasamaang palad wala siyang nakita. Bumalik si Mang Ben sa kaliwang bahagi ng sasakyan at si Bogs ay nakasunod lang din sa kanya. Kailangan hindi siya nito makita hanggang sumapit ang umaga. Pumuntang harap si Mang Ben, tinitigan niya ang sasakyan, nagmamatyag, nakikiramdam. Pagkatapos ng ilang segundo ay tuluyan na niyang iniwan ang sasakyan at pumuntang loob ng bahay. Rinig ni Bogs ang pagsara ng pinto. Muli siyang nakahinga, at napaupo sa lupa. Humagulhol na lamang siya sa sobrang lungkot, takot at sindak na kanyang nararamdaman. Umaasang mabubuhay pa siya at makakalabas pa siya na ligtas sa lugar na iyon. Sa kalagitnaan ng kanyang pagdadalamhati ay nagpakitang muli ang babaeng nakaputi, pero sa pagkakataong ito ay hindi na siya nakalutang kundi gumagapang papunta sa binata. Mas lalong tumindi ang iyak at takot ng binata. Umaatras siya kahit alam na niya na wala na siyang mapupuntahan dahil sa sasakyan na nakaharang sa kanya. Habang papalapit na gumagapang sa kanya ang babae ay pilit naman ang pagdikit niya sa kanyang katawan sa sasakyan. Tahimik lang ang iyak ni Bogs pero pakiramdam niya 'yon na ang pinakamatindi niyang iyak at pinakamaraming luhang lumabas sa mga mata niya. Nasa paanan na nga niya ang bababe. Pero hindi pa rin ito huminto, patuloy pa rin ito sa paggapang. Napapikit na lamang ang binata habang nakatagilid ang kanyang mukha. Nasa kanang pisngi na niya ang mukha ng babae na natatakpan ng mahahabang buhok. Ganon na ito kalapit sa kanya. Pagkalipas ng ilang segundo ay... bigla itong naglaho.
Hindi na naramdaman ni Bogs kanyang presensya, kaya dahan-dahan siyang humarap muli na nakapikit. At nang tuluyan na siyang nakaharap ay dahan-dahan niya ring binuksan ang kanyang mga mata, at sa kanyang pagdilat tumambad sa kanya... si Mang Ben nakaupo sa harapan niya.
Mang Ben: Bogs.
At agad siyang sinuntok ni Mang Ben na nagpawala nang tuluyan sa kanyang malay.