Tuluyan na ngang nakapasok ang binata sa loob ng bahay.
Bogs: Tao po... tao po... pasensya na po kung pumasok po ako na walang permiso. Ang lamig po kasi sa labas.
Nang biglang may lumabas na tao sa kanyang likuran.
Mang Ben: Okay lang.
Nagulat ang binata at napatalon siya nang hinarap ang may-ari ng bahay.
Bogs: Pasensya na po sa disturbo. Kailangan ko lang po talaga ng matutuluyan ngayong gabi. Malayo pa kasi ang lalakbayin ko bukas. Magbabayad po ako. Magkano ho?
Seryoso ang mukha ng matanda. Walang emosyon, walang kibo.
Mang Ben: Ben, Mang Ben na lang ang itawag mo sa akin. Bukas na natin pag-usapan ang bayad. Halika ka kumain ka muna.
Bogs: Salamat po. Nagugutom na rin nga po ako.
Tumuloy ang dalawa sa hapagkainan at doon nagpatuloy ang kanilang pag-uusap.
Bogs: Bogs po, Bogs po ang pangalan ko. Salamat po talaga at pinahintulutan niyo po akong tumuloy sa bahay niyo kahit na hindi niyo po ako kakilala.
Mang Ben: Alam ko kung may masamang balak ang isang tao o wala. Kaya walang anuman.
Napangiti ang binata sa sagot ng seryosong mama at pinagpatuloy ang kanyang pagkain.
Bogs: Hindi po ba bababa ang asawa niyo? Baka magalit po siya dahil ginamit ko ang plato niya at naupo ako sa upuan niya.
Mang Ben: Mag-isa lang ko. Wala akong kasama.
Bogs: Ah ganun po ba. Akala ko po kasi may hinihintay kayo kasi dalawa po kasi ang nakalagay na plato bago pa ako dumating.
Mang Ben: Ganyan talaga ang ginagawa ko parati. Ako lang kasi ang nag-iisang bahay dito, kaya kung may estranghero na mapaparaan sa lugar na ito sa kalagitnaan ng gabi at kailangan ng matutuluyan, sigurado ako ang unang lalapitan.
Bogs: Pero hindi naman po kita mula sa daan ang bahay niyo, unless kung talagang papasok ang sasakyan sa makitid na daan.
Biglang napahinto ang matanda sa kanyang pagsubo at tiningnan ang binata. Napalunok naman si Bogs at nagulat din siya sa kanyang sinabi.
Mang Ben: Tama ka. Pero kapag kapalaran talaga ng tao ang matunton ang bahay ko, ay makikita at makikita niya ito. Tulad mo.
Bogs: Nakita ko po kasi kayo kanina sa gilid ng daan. May hinihintay po ba kayo?
Mang Ben: Wala. Narinig ko lang kasi ang ingay hindi kalayuan sa bahay ko. At kung hindi ako nagkakamali, sasakyan mo 'yon. Hindi ba?
Bogs: Ah opo. Buti na nga lang po buhay pa ako.
Nagpatuloy ang dalawa sa pag-uusap habang kumakain. Umabot din ng isang oras ang kanilang komunikasyon.