Pumanhik na nga ang binata, sa ikalawang palapag, lumiko siya sa kanan at pumasok sa unang kwarto gaya ng itinuro sa kanya ni Mang Ben. Pagpasok niya sa kwarto ay malinis na ang kama. Kulay puti ang tela na nakabalot sa buong higaan maging sa unan nito. Nakasindi ang isang maliit na ilaw na kulay dilaw na siyang nagbibigay liwanag lamang sa buong silid. Humiga ang binata at talagang binigay niya ang buong bigat niya sa kama sa sobrang pagod. Pagkahigang-pagkahiga pa lang niya ay agad siyang napapikit at tuluyang nakatulog. Napakahimbing ng tulog ng binata. Pakiramdam niya ay hindi siya nakatulog nang ilang araw at 'yon na ang pinakamasarap na tulog na nagawa niya sa buong buhay niya. Malamig ang kwarto kahit na hindi airconditioned at kahit na walang bintilador. Hindi lang ang hangin ang malamig kundi pati ang kamang hinihigaan niya. Hindi na nakapagbihis ng damit ang binata. Malalim na ang gabi. Maririnig mo na ang mga kulisap na nag-uusap sa isa't isa. Maging ang mga pagbubulungan ng mga puno at awit ng hangin habang sumsayaw ito sa paligid sa sobrang tahimik.
Sa kalagitnaan ng gabi ay biglang nagising si Bogs mula sa mahimbing niyang pagkakatulog. Tiningnan niya ang kanyang orasan, ilang minuto na lang at maghahating gabi na. Unti-unti nang bumabalik ang buong lakas ni Bogs. Kaya tumayo siyang muli para ayusin ang mga gamit niya at maging ang sarili niya. Nang tuluyan na siyang makatayo ay may napansin siyang mga boses na nag-uusap sa labas mismo ng kanyang kwarto. Huminto siya panandalian para pakinggan nang mabuti at baka guni-guni niya lamang ang lahat. Pero hindi, talagang may nag-uusap sa labas ng kanyang kwarto. Boses ng lalaki at babae. Tiningnan niya ang paanan ng pinto sa kanyang kwarto at meron siyang napansing mga aninong gumagalaw mula sa labas nito. Tinitigan niya itong mabuti at nakumpirma nga niya na may mga tao talaga sa labas na pawang nagbubulungan sa isa't isa.
Boses ng Babae: Kanina pa siyang tulog, bakit ayaw mo pang pasukin?
Boses ng Lalaki: Hayaan mo na nating sumapit ang hating gabi, bago tayo pumasok.
Boses ng Babae: Hindi na ako makapaghintay.
Boses ng Lalaki: Alam ko, alam ko. Kay tagal mo 'tong hinintay at sa wakas mangyayari na rin. Pero konting tiis na lang.
Nagbigay ito ng kunot sa noo ni Bogs. Nakaramdam siya ng konting kaba. Nais niyang hindi pansinin ang mga boses na naririnig niya, kahit na hindi gaanong malinaw ang mga salita sa kanyang tenga ay alam niyang may mga binabalak ang kung sino man ang nasa labas. Yun nga lang hindi niya alam kung masama o maganda ang balak nila. Dahil sa hindi na mapakali si Bogs ay nagdesisyon siyang buksan at tingnan na lang kung sino man ang mga taong nasa labas ng kanyang pintuan, at dahil na rin para mabigyan niya ng katahimikan ang kanyang isip at nararamdaman. Unti-unti niyang nilapitan ang entrada ng kanyang kwarto. Napakaliit ng bawat hakbang niya, sinisiguro niya na walang ingay siyang magagawa para hindi mamalayan ng mga tao sa labas ang paglapit niya. Konti na lang at maabutan na niya ang pinto. Pero sa huling pag-apak niya sa sahig ay biglang tumunog ito, sa sobrang luma na rin ng bahay, at dahil nga sa sobrang tahimik ay medyo malakas ito pakinggan. Biglang huminto ang nag-uusap. Huminto ang tunog o bosses sa labas maging ang mga anino. At nang namalayan na ito ni Bogs, ay hindi na siya nag-atubiling abutin ang hawakan ng pinto at tuluyan itong buksan. At sa biglaan niyang pagbukas, tumambad sa kanya...
...madilim at walang lamang daanan.
Isasara na sanang muli ni Bogs ang pinto nang napansin niya ang konting ilaw na nagmumula sa may hagdanan na unti-unting nawawala na para bang may bumababa na may dala-dalang ilaw. At dahil dito, ito'y kanyang sinundan.