Mula sa labas ay kita ni Miriam na maraming tao sa loob ng kanilang campus dahil nga sa nangyari. May mga ambyulansa, police, faculty at staff ng unibersidad, at iba pa na kakilala rin nina Miriam at Regina. Iba ay kaklase, iba ay kaibigan sa labas na ng paaralan. Dahil nga sa dami ng tao ay hindi tumuloy si Miriam. Sa halip ay naglakad siyang muli papuntang likod ng paaralan. Pagdating niya sa likuran ay nakakandado ang gate. Hinarap ng tulalang mukha ni Miriam ang bangkay na kaibigan na siya lamang ang nakakakita. Binuksan ni Regina ang nakasarang gate. Umangat ang kandado at nalaglag sa lupa at nagbukas nang kanya-kanya lamang ang gate. Pumasok si Miriam at dumiretso sa loob ng gusali. Naglakad siya sa hallway at umakyat gamit ang hagdan. Pumanhik siya patungong ikalawang palapag. Dumiretso sa pangatlo, umakyat pa sa pang-apat hanggang sa nakaabot siya sa huling baitang. Nakakandado din ang pinto papuntang rooftop. At muli binuksan ito ni Regina. At tuluyan na nga nilang naabot ang kanilang destinasyon. Naglakad si Miriam hanggang sa tanaw na niya ang mga tao sa baba. Nagtaka ang lahat sa imaheng kanilang nakikita sa kadulo-dulohan ng gusali.
Police: Ma'am sandali lang. Tao ba yan?
Faculty: Ha! Studyante. Anong ginagawa niya diyan?
Police: Akala ko ba may nakabantay na sa loob? Paano yan nakarating diyan? Bilisan niyo akyatin niyo.
Hindi mapakali ang lahat sa pag-akyat ni Miriam sa itaas. Pero ang dalagang sentro ngayon ng atraksyon ay walang pakialam. Tinitigan niya lamang ang mga tao. Muli niyang tiningnan ang kaibigan na nakatayo rin kasama niya.
Biglang dumating ang mga pulisya sa rooftop.
Police 1: Ah miss. Miss, okay ka lang? Anong ginagawa mo diyan? Gusto mo tulungan ka naming bumaba?
Hindi sumagot si Miriam. Nanginginig namang naglalakad papalapit kay Miriam ang mga police pilit na pinapaamo ang dalaga para ligtas nila itong maibaba.
Police 2: Ah miss, lalapit kami ha. Tapos bigay mo sa amin ang kamay mo. Aalalayan ka namin.
Hindi pa rin sumagot si Miriam. Sa halip ay ngumiti lamang siya sa kaibigan na tanging siya lamang ang nakakakita. At tuluyan na nga siyang tumalon.
Napasigaw ang lahat. At kita nila ang pagbagsak ng katawan ng dalaga sa lupa. Kumalat ang dugo. Nanlaki ang mga mata ng mga taong nakakita at nakakakilala sa dalaga. Si Miriam, ang babaeng tumalon mula sa rooftop at nagpakamatay sa kadahilanang hindi nila alam. Pero ang hula nila, sa sobrang lungkot sa pagkawala ng kaibigan.
Nakadilat ang mga mata nang bumagsak si Miriam sa lupa. Basag ang bungo.
Ang patay na katawan ni Miriam... katabi ng bangkay ni Regina na hindi pa naliligpit ng mga awtoridad.
Magkaharap sa isa't isa.