Chereads / Infinito: Salinlahi / Chapter 17 - Chapter 17

Chapter 17 - Chapter 17

Natahimik namna si Mateo at malalim na pinag-isipan ang sinabi ng dalaga. Maya-maya pa ay napahikab na lamang si Esme at nagpaalam na sa binata na magpapahinga. Saglit muna nilang tiningnan ang mga kasama nila at nang masigurado nilang nasa maayos ang mga ito ay pumasok na sila sa kani-kanilang tulugan.

Kinabukasan, naging maganda naman ang gising ni Esme, dahil sanay sa puyatan ang katawan niya, maaga pa rin siyang nagising at siya na mismo ang tumingin sa bitag na inilagay ni Mateo.

Tuwang-tuwa pa siya nang makitang marami ang nahuling ulang doon. Dali-dali niya itong isinalin sa balde at mabilis nang bumalik sa mga kasama.

Sakto namang kakalabas lang din ng mga ito sa kani-kanilang tulugan. Masaya niyang binati ang mga ito at inilapag sa lupa ang balde na may lamang ulang.

"Naku, napakaganda talaga ng naging experience natin dito. Salamat sa inyo ni Kuya Mateo, Ate Esme, kung hindi dahil sa inyo siguradong matatagalan bago kami makakuha ng aming mga kailangan. Bukod sa mga bato, nakakuha rin kami ng samo't saring halaman na sa gubat lang makikita." Masayang wika ni Rico.

"Oo nga, dalawang proyekto agad ang matatapos natin, tapos nag-enjoy pa tayo." Saad naman ni Sandra na tuwang-tuwa.

"Walang ano man 'yon, marami din naman kaming natutunan ni Mateo sa inyo. Salamat dina t hindi naging masayadong tahimik ang pananatili namin dito." tugon ni Esmeralda.

Matapos mailigpit ang kanilang mga gamit ay sabay-sabay na rin nilang tinahak ang daan patungo sa labas ng gubat. Pagdating nila sa bayan ay doon na sila naghiwa-hiwalay ng landas. Sakay ng traysikel, bumalik na sa purok uno sina Mateo at Esmeralda. Pagdating nila sa bahay, ay naabutan na naman nila si Silma na noo'y mahinahon nang kausap ang lolo niya.

"Magandang umaga ho, lolo, amang at tiya," bati ni Esmeralda, kahit masama ang pakikituingo nito sa kaniya ay hindi pa rin niya kinakalimutan ang maging magalang dito. Masayang tinugon naman iyon ng dalawang lalaki at masamang tingin naman ang binato sa kaniya ng babae. Nagkibit-balikat na lamang siya at dinala na ang balde na may lamang ulang sa kusina.

"Esme, dito na daw muna titira ang tiya mo, ayos lang ba sa'yo?" tanong ni Ismael sa dalaga. Napalingon naman si Esmeralda at ngumiti.

"Oo naman ho, hindi ko naman bahay ito at may karapatan naman po si Tiya Silma rito. Amang, huwag kang mag-alala, kaya kong pakisamahan si tiya, kung hindi naman, malapit ang bukid, puwede akong makituloy doons a kubo ni Mateo." sagot lang niya at nagkita niyang napataas ang kilay ni Ismael.

"Napapansin ko nga, mukhang nagiging malapit ka na kay Mateo, pero ayos lang iyan, mabait na bata naman iyang si Mateo at may tiwala ako sa kaniya. O siya sige, kapag napupuno ka na, pumunta ka kay Mateo, hayaan mo at magpapagawa rin tayo ng maliit mong kubo roon." nakangiting wika ni Ismael, kumislap naman ang mata ni Esmeralda at napahawak sa kamay ng ama.

"Amang, gusto ko po roon sa may matandang puno ng mangga, magpapatulong ako kay Mateo sa paggawa, kami na po ang bahala, may nakita akong kawayanan sa dulo at mukhang sakop pa iyon ng lupa ni lolo," sabik na wika ni Esmeralda na ikinatawa naman ng lalaki.

"Oo, kung saan mo gusto, malaya kang magtayo ng kubo roon. Sige na, magpahinga ka muna, mamaya mo na linisin iyang mga ulang, at darating naman dito ang katiwala ng lolo mo, sa kaniya ko na ipapaluto. Mas maigi na rin iyong may kubo tayo roon, doon na rin natin gagawin ang panggagamot, dahil siguradong maiingayan ang tiya mo kung dito," sang-ayon ni Ismael.

Tumango naman si Esmeralda at ipinatong na sa lababo ang balde, bago tinungo ang kuwarto para magpahinga. Akmang papasok na siya sa kaniyang silid nang makasalubong niya ang isang dalaga na kakalabas lamang ng katabi ng silid niya.

"Ikaw ba ang ampon ni Tiyo Ismael? Ikaw 'yong sinasabi ni mama na may lahing bruha?" mataray na tanong nito habang nakataas pa ang kilay na tinititigan siya.

"Oo, ako si Esmeralda, anong pangalan mo?" Tanong niya, hindi niya ito tinawag na pinsan dahil sa tono pa lamang ng boses nito ay ramdam niya ang malaking pagkadisgusto nito sa kaniya.

"Leslie, siya nga pala, ipapaalala ko lang sa'yo. Huwag kang magkakagusto kay Mateo, hindi kayo bagay." wika pa nito sabay alis. Napakunot naman ang noo ni Esmeralda sa tinuran ng dalaga. Nagkibit-balikat na lamang siya at pumasok na sa silid at nahiga sa malambot niyang higaan. Saglit lang siyang umidlip doon at matapos at naligo na siya at tinungo na ang bukid.

"Mateo, may gagawin ka ba?" bungad na tanong ni Esmeralda sa binata. Naabutan niya itong nakaupo sa papag sa harap ng kubo nito habang may kung anong iniinom.

"Ikaw pala Esme, wala naman, kakatapos ko lang binyagan ang mga tanim natin. Bakit mo nga pala naitanong?" tanong ni Mateo.

"Magpapatulong sana ako sa'yo, gusto kong magpagawa ng kubo doon sa malaking puno ng mangga."

"Talaga? Sige ba, magtatawag ako ng tutulong sa atin para naman mapabilis tayo, anong materyales ba ang gusto mong gamitin?" Tanong ulit ng binata at napangiti si Esmeralda sabay turo ng kawayanan sa dulo ng taniman nila.

"Naku, sigurado ka ba? sabi-sabi kasi noon na may nakatirang maligno diyan kaya hindi iyan ginagalaw ng kahit sino." Umiiling na wika ni Mateo.

"Walang maligno riyan, laman-lupa meron, pero huwag kang mag-alala, kakausapin ko silang lumipat doon sa puno ng mangga." sagot naman ni Esmeralda at dali-dali nang tinungo ang kawayanan. Naiwang napatulala naman si Mateo sa tinuran ng dalaga bago napahagalpak ng tawa habang umiiling.

Nang marating naman ni Esmeralda ang kawayanan, wala naman siyang nakitang malaking punso na kalimitan ay siyang palatandaan na may nakatirang lamang-lupa o mga duwende sa lugar. Bagaman wala, ramdam pa rin niya ang mga presensiya nitong nagkukubli sa masukal na kawayanang iyon. Bumuntong-hininga si Esmeralda at saka umupo sa tabi ng kawayanan bago nagsalita,

"Mga kaibigan, nais ko sanang magpaalam. Kung inyong mararapatin, maaari ko bang pakialaman itong mga kawayan na tirahan ninyo? Alam kong kalabisan itong hinihingi ko at matagal na kayong nandito, pero sana paunlakan ninyo itong pakiusap ko. Kung nais niyo, maaari kayong tumira doon sa puno ng mangga kung saan ko itatayo ang bahay ko gamit itong mga kawayan ninyo. Hihingi sana ako ng senyales, kung papayag kayo, maaari bang mag-iwan kayo ng isang puting bulaklak at kung hindi naman, maaari bang mag-iwan kayo ng kahit anong bagay na aakma sa inyong pagsalungat? Hihintayin ko ang tugon niyo, babalik ako rito mamayang alas tres ng hapon. Maraming salamat, mga kaibigan." Tumayo na si Esmeralda at walang lingon-lingong iniwan ang naturang lugar. Bumalik na siya sa kubo ni Mateo at nag-usap na ang mga ito tungkol sa bahay na itatayo nila sa ilalim ng puno ng mangga.

"Kinahapunan at bumalik na si Esmeralda sa kawayanan, ganoon na lamang ang tuwa niya nang makita niya ang isang bungkos ng puting rosas na nakasabit sa isang malking buko ng kawayan. Kinuha niya ito at masayang ibinalita kay Mateo ang magandang balita.

"O, saan mo naman nakuha iyan, ang gaganda niyan ah," puna ni Mateo, ngumisi naman si Esmeralda at iminuwestra sa binata ang mga puting rosas.

"Pumayag na sila, puwede na nating kunin ang mga kawayan doon, bukas ng umaga, maaari na tayong magsimula. Tutulong ako sa pagtagpas ng mga kawayan. Mamayang gabi, paniguradong lilipat muna sila dito sa puno ng mangga, Mateoi, huwag ka munang magpapalapit ng mga bata rito habang hindi pa natin naitatayo ang bahay o nababakuran man lang." Paalala ni Esmeralda.

Naguguluhan man, ay hindi na kumontra ang binata, ngumiti lang siya at tumango sa dalaga. Nakangiti niyang pinagmamasdan ang masayang mukha ni Esmeralda habang nakatingin sa mga puting rosas na hindi niya pa rin alam kung saan galing.

"May pitong puting rosas na ibinigay sa akin, ibig sabihin, pito silang lahat ang nakatira sa kawayanan. Kaya siguro napakalalaki ng mga buko ng kawayan doon at mukhang matitibay." wika pa ng dalaga.

kinabukasan nga, sa tulong ng tatlo pang kaibigan ni Mateo na kinumbida niya sa paggawa ng bahay na itatayo sa bukid, ay mas napabilis ang kanilang paghahanda. Tulad nang naunang plano, si Esmeralda ang nanguna sa pagpuputol ng mga kawayan. 

"Grabe, babae ba talaga iyan Mateo? Ang lakas niya, tapos parang hindi nakakaramdam ng pagod," pabulong na tanong ng isang lalaki kay Mateo.

"Bukod pa riyan, siya lang talaga ang nangahas na magputol ng kawayan rito, mukhang wala naman palang nakatira rito, inuuto lang talaga tayo ng mga matatanda noon." tatawa-tawang wika naman ng isa.

"May nakatira dito, andoon lumipat sa puno ng mangga." walang kaabog-abog na sagot ni Mateo. Natahimik naman ang tatlo at nagkatinginan, animo'y tinakasan ng kulay ang kanilang mga mukha. Mapaniwalain kasi ang mga tao roon lalo pa nag mga may edad na, simula pagkabata, talaga naniniwala na sila sa mga nilalang na hindi nakikita. 

"O, bakit para kanyong nakakita ng multo riyan?"

"Seryoso ka ba, lumipat doon sa mangga, e' di ba doon natin itatayo ang bahay? Paano kung manuno tayo roon?" kinakabahang wika isang kaibigan niya. Natawa naman si Mateo at tinapik ang balikat ng tatlo.

"Huwag kayong mag-alala, iilag naman daw sila, sabi ni Esmeralda," sambit ni Mateo sabay hagalpak ng tawa.

"Bakit parang tuwang-tuwa kayo riyan. Hindi niyo ba ako tutulungan?" Tanong ni Esmeralda sabay bagsak ng tatlong pusog ng kawayan sa harapan nila. Gulat na gulat naman ang mga ito nang makitang walang kahirap-hirap na binuhat lang ng dalaga ang mga kawayan sa kabila ng bigat at laki nito. 

Nang pagtalikod ni Esmeralda ay muli namang nagbulungan ang mga ito.

"Nakita niyo 'yon, ang lakas niya hindi normal," bulong na puna ng isa.

"Baka naman pinaglihi 'yan sa mga amazona. Hoy Mat, sigurado ka bang babae iyon?" tanong naman ng isa at natawa si Mateo. 

"Babae si Esmeralda, at huwag niyo nang pinapansin ang mga nakikita niyo. Tumulong na lang tayo baka mainis iyon at ibalibag kayo bigla, bahala kayo riyan." banta ni Mateo at dali-dali naman nagsikilos ang mga ito.