Nang makita nilang mahinahon na si Kaled ay doon naman nila pinaliwanag sa magkapatid ang kanilang obserbasyon.
"Kung gano'n, balak mong pasukin ang mansyon? Nahihibang ka na ba, kung tunay ang obserbasyon niyo na hawak ng mga halimaw na iyon sa leeg ang Don, paano kayo nakakasigurong ligtas ka doon?" Tanong ni Kaled.
Ngumiti si Esmeralda at tinapik ang balikat ni Kaled.
"Dahil anak ako magaling na albularyo, kaya magiging ligtas ako. Ako na ang bahala roon, si amang naman ang bahala sa inyo rito."
"Paano naman ako, bakit parang pakiramdam ko, naiitsapuwera ako?" Nakabusangot na tanong ni Mateo at natawa naman sila. Dahil sa tanong ng binata ay doon na gumaan ang tensyon sa pagitan nila.
Lumipas pa ang ilang araw at doon na nagdesisyon si Esmeralda na tunguhin ang mansyon ng Don. Sa bungad pa lamang ay agad na niyang napansin ang isang pamilyang nagmamasid sa kaniya. Masama ang tingin ng mga ito sa kaniya, ngunit nagkunwari siyang hindi niya ito napapansin at masigla pa siyang tumayo sa harap ng malaking tarangkahan at kumatok doon. Nakatatlong katok pa siya nang bumukas ang maliit na pinto sa gilid nito, bumungad naman sa kaniya ng isang may katandaang lalaki na nakasuot ng pang guwardiyang uniporme.
"Magandang umaga ho, nandiyan ho ba si Don Hernan?" maagap niyang tanong, napakamot naman ng noo ang matanda at alanganing ngumiti.
"Nandito, pero sino ka nga ulit, ineng?"
"Ah, pakisabi ho, si Esmeralda, pamangkin ho ni Sonia na taga riyan sa kabilang dako ng palayan." Sagot niya at napansin niya ang biglang pagningning ng mata ng matanda. Tila ba naabisuhan na ito ng Don na darating siya, isa sa mga araw na ito. Malugod siyang inanyayahan ng matanda papasok ng tarangkahan. Nang makapasok na siya ay napansin naman niya ang pagkawala ng mga matatalim na tingin sa kaniya. Gumaan na rin ang kaninang mabigat niyang pakiramdam.
Sinuri naman niya ang buong lugar at napatunayan niyang walang kahit anong bahid ng awra ng mga aswang ang naroroon, bukod sa mga bakas na malamang ay naiiwan kapag dumadalaw ang mga ito.
Ibig sabihin lang, walang aswang sa pamilyang iyon o kahit sa mga taong nananatili sa manyon. Inihatid siya ng guwardiya sa bukana ng mansyon, doon ay nakita naman niyang nakaabang na sa pintuan ang Don. Maamo ang ngiting ibinungad nito sa kaniya at agad siyang sinenyasan na pumasok.
Pagpasok sa loob ay nakita niya ang mga pangontrang nakasabit sa mga bintana.
"Pasensiya ka na hija, kung hindi kita nasalubong, alam mo naman, kapag nasa labas ako ng mansyon, naaapektuhan ako ng kapangyarihan ng mga nilalang na iyon. Dito lang ako nakakalaya, salamat nga pala at tinungo mo ako rito." Wika ng Don, umupo ito sa malaking upuan at itnuro naman ng matanda ang isang mahabang sofa sa dalaga.
"Marami pong katanungan ang pamilya ni Kaled, kung bakit ho dahil sa sulat niyo, namatay ang tatay nila? Kayo raw ho ang nagbigay ng sulat na iyon." Tanong ni Esmeralda.
Marahas na bumuntong-hininga ang matanda, umiling-iling ito at nasapo ang noo.
"Isang pagkakamali, at matagal ko nang pinagsisisihan iyon. Hindi dahil binigay ko ang sulat nang araw na iyon, kun'di dahil hindi ko iginiit na basahin niya at bigyan ng halaga." Nakayukong wika nito, animo'y nakikipaglaban ito sa konsensya at kalungkutang dinaramdam niya.
"Maaari niyo po bang ipaliwanag?"
"Hindi sana kami aabot sa sitwasyong ito kung hindi ako nagmatigas noon. Hindi sana mawawala ang panganay ko kungmas naging bukas ako sa mga gusto niya. Siguro nga ay matanda na ako, at dala ng katandaan naaapektuhan na rin nito ang aking pag-iisip at pag-unawa." Wika ng matanda at bigla naman itong humikbi.
Isang babae naman ang dumalo rito at agad na inalo ang matanda.
"Lolo, wala kang kasalanan, huminahon ho kayo, baka kung ano pa ang mangyari sa inyo, maiiwan na po akong mag-isa rito." Nag-aalalang wika naman ng babae. Dalaga ito na halos kasing-edad lang ni Esmeralda. Matangkad ito at may maputing balat, bilugan ang mga mata nitong punong-puno ng pag-aalala habang ang mga labi naman nito'y kakulay ng mapupulang rosas.
Noon lang nakakita si Esmeralda nang ganoon kagandang babae, walang panama ang mga dalaga sa bayan nila na palaging laman ng usapan ng mga kalalakihan.
"Paano ako hihinahon kung ang kapatid mo hawak pa rin nila? Paano ako hihinahon kung ang mga pinsan at tiyahin mo ay patuloy pa ring may nagbabanta sa buhay nila?" Hagulhol ng matanda. Doon na pinagtagpi-tagpi ni Esmeralda ang mga impormasyong nakuha niya sa Don.
Hindi lang ito basta-basta nagbibigay ng babala sa pamilya ni Kaled, may malaking ugnayan ang mga ito kaya ito ginagawa ng matanda. Ugnayan na tanging kamat*yan lamang ang makakaputol.
"Tama ho ba ang hinuha ko, na ang ama nina Kaled ang panganay na tinutukoy niyo? Pero bakit hindi alam ng magkakapatid o kahit ni Tiya Sonia na kayo ang ama ng asawa at ama nila?" Tanong ni Esmeralda at doon na ikinuwento ng matanda ang nangyari noon. Bago pa man nagkaroon ng pamilya ang panganay niya.
Nagmula sa marangyang angkan ang pamilya ni Don Hernan, mayroon siyang dalawang anak, lalaki ang panganay niya at babae naman ang bunso. Bukod sa mayaman ang pamilya nila, nagmula rin ang angkan nila sa linya ng mga manunugis, dahil sa mataas na katungkulan ng Don sa angkan, may matagal nang kasunduan sa pagitan niya at isa rin makapangyarihan Don sa bayang kinagisnan nila. Ang kasunduan ay nagsasaad ng pag-iisang dibdib ng panganay na anak na lalaki ni Don Hernan at panganay na anak na babae ng naturang Don.
Pero nang magkaisip si Danilo, ay nagkaroon ito ng sariling paniniwala. Bagaman, niyakap nito ang larangan ng panunugis, ang hindi lamang nito nagustuhan ay ang kasunduang naganap. Dahil may katigasan ang ulo nito at lumaking maprinsipiyo, nasira ang relasyon nang mag-ama. Naglayas si Danilo at iniwan ang pamilya niya.
Nagapakalayo-layo ito, malayo sa koneksyon ng ama, malayo sa koneksyon ng pamilyang mapapangasawa niya. Hanggang sa mapadpad nga si Danilo sa bayang ito at nakilala si Sonia na isang simpleng dalaga noon. Nahulog ang loob ni Danilo sa dalaga, at ganoon din ito sa kaniya. Hanggang sa nabuo nga ang pamilya nila, nagkaroon sila ng isnag malusog na anak na babae. Bagaman naging mahirap ang buhay nila noong una, nagsumikap si Danilo hanggang sa maging maayos ang buhay nila. At ang isang anak ay nasundan pa ng isa, na ikinatuwa naman ni Danilo dahil isang lalaki.
Buhat noon ay naging mas matiwasay ang buhay nila, naging marangya katulad nang nakagisnang buhay noon ni Danilo sa poder ng kaniyang ama. Nang mabuntis sa ikatlong pagkakataon si Sonia ay dito naman natunton ni Don Hernan ang kinaroroonan niya.
Lumipat ang Don sa naturang bayan at nakilala ito bilang isa sa pinakamayamang hasyendero sa bayan.
Hindi naging maganda ang unang pagkikita nila dahil naunahan ng galit si Don Hernan at agad na isinumbat sa anak ang ginawa nitong paglayas at pagkasira ng relasyon sa pagitan nang kanilang pamilya. Hindi napigilan ni Danilo ang bugso ng damdamin kung kaya't sa halip na maayos ang relasyon sa pagitan nang mag-ama ay lalo itong nagkalamat.
Lumipas ang maraming taon at naging matiwasay ang buhay hanggang sa tumanda na si Don Hernan at ang dating tikas niya ay nawala. Natunugan ito ng kanilang mga kalaban, lalo na ang angkan ng mga tiktik na mortal nilang kalaban. Sumunod ang mga ito sa bayan na iyon at agad na pinonterya ang pamilya ng Don.
Dahil sa pagkasira ng relasyon ng mag-ama, hindi na nagkaroon ng pagkakataon ang Don na kaisapin ang anak. Hanggang sa tuluyan siyang mahawakan sa leeg ng mga aswang, dinukot nang mga ito ang kaniyang isang apo at anak na babae. Dahil dito naging sunod-sunuran ang matanda sa bawat ipagagawa ng mga nilalang ng dilim, sa takot na hindi na niya muling masisilayan pa ang anak at apo.
Wala namang kaalam-alam si Danilo sa mga nangyayari hanggang sa isang liham ang natanggap niya mula sa kaniyang ama. Itinabi niya ito ngunit hindi ito pinag-aksayahan ng panahon na buksan o basahin man lang, hanggang sa isang araw, tuluyan siyang nilukob ng sakit. Unti-unting nanghina ang kaniyang katawan hanggang sa tuluyan na siyang binawian ng buhay.
Napatulala na lamang si Esmeralda sa istoryang ibinahagi sa kaniya ng Don. Ganoon kalalim ang ugnayan ng dalawang inaakala niyang dalawang magkaibang pamilya. Dugo ang nagdudugtong sa mga ito, ngunit ang kabilang panig ay walang kamuwang-muwang.
"Don Hernan, naiintindihan ko ang takot niyo, pero ang pagpunta ko ba rito ay makakasama sa ugnayan mo sa mga aswang?"
"Pinalabas ko sa kanila na inuuto kita, hihingin ko sana ang tulong mo Esmeralda. Alam kong isa ka ring manunugis, nababasa ko sa mga mata mo at sa bawat kilos mo iyon. Pakiusap, ipaliwanag mo sa kanila ang sitwasyon. Ayoko nang malagasan pa ng kahit isa pang pamilya. Matanda na ako, at ayoko nang maglibing pa ng mas bata sa akin." Mangiyak-ngiyak na pakiusap ng Don. Nabakas ni Esmeralda sa mukha ng matanda ang matinding pag-aalala at pagkabahala.
"Kahit hindi niyo po sabihin, Don Hernan, narito po talaga kami para tulungan ang pamilya ni Kaled. Kailangan ko ng oras na makilala at malaman akung gaano karami ang kalaban namin dito. Kung sino-sino ba sila. Sa ngayon, ipagpatuloy lamang ninyo ang pagpapanggap. Makakaasa kayong ipapaliwanag ko sa pamilya ni Kaled ang lahat."
Nang magpaalam na si Esmerlda ay napabuntong hininga naman ang Don. Bagaman kinakabahan, mas minabuti niyang huwag ito ipakita sa kaniyang mukha. Matigas na tinitigan niya ang papalayong dalaga. Mula sa gilid ng kaniyang mata ay kitang-kita niya mula sa nakabukas na gate ang bulto ng tatlong lalaki na nakamasid sa kanila.