Chereads / Infinito: Salinlahi / Chapter 24 - Chapter 24

Chapter 24 - Chapter 24

Lumipas pa ang ilang araw, at magkakasunod na bangkay ulit ng buntis ang kanilang nabalitaan natagpuan sa masukal na parte ng bayan.

Nabahala na nang husto ang mga awtoridad, subalit hanggang ngayon ay wala pa rin silang maisagot sa lahat ng katanungang ipinupukol sa kanila. Ang mga biktima, kung hindi mula sa kabilang baryo ay sa katabing bayan naman nagmula. May mga kapamilya na rin ang mga ito na nagpunta sa kanilang bayan upang magtanong sa baranggay ngunit kahit ang mga ito ay walang alam sa kung ano ba talaga ang nangyayari doon.

Hanggang sa isa pang araw ang lumipas, isang buntis ang nagreklamo sa baranggay na binisita umano ng isang nilalang sa kanilang bubong. Muling nabahala ang mga mamamayan dahil maging sa bayan nila ay umaataki na ang mga nilalang.

"Wala na talaga silang takot, kahit dini ay nagaatake na sila."

"Oo nga mare, narinig mo ba, ang bahay daw ni kumareng Luisa inatake rin, aba'y buntis ang anak no'n. Sinisira pa daw ang bubong nila,"

"Diyos ko, talaga ba mare? Nakakatakot naman iyan,"

Ganiyan ang mga usapan na naririnig ni Esmeralda nang mapadaan siya sa kumpulan ng mga chismosa sa daan.

Muli niyang tinungo ang lugar kung saan natatagpuan ang mga bangkay, sinuyod niya ang parteng iyon at napagtanto niya na sa dulong parte ng kasukalan ay ang maliit na daan patungo sa purok ng pinaghihinalaan nilang aswang.

Nanliit ang mga mata ni Esmeralda na nakatingin doon. Akmang hahakbang siya at papasukin ang ang maliit na eskinita ay may isang kamay naman ang pumigil sa kanya.

"Ate, huwag ka po riyan, mapanganib po." Babala ng bata.

"Bakit bata?" Tanong niya at umiling ito.

"Hindi niyo po ba alam na mapanganib diyan? May mga halimaw po riyan, nangunguha sila ng mga buntis at mga babae." Sagot naman ng bata. Bahagyang umupo si Esmeralda para makaharap niya ng maayos ang bata. Subalit sa pagtama ng mata niya sa mga mata ng bata ay bahagya umikot ang kaniyang paningin. Itim na itim ang mga mata nito at ang repleksiyon niya ay nakabaligtad sa mga mata ng bata.

Kung ordinaryong tao lang sana siya ay marahil kanina pa siya natumba sa harap nito. Ngunit napaglabanan niya ang nakakahilong sensasyong dulot ng pagtingin sa mga mata nito.

"Ate, huwag ka pong matakot, hindi po ako masama. Binibigyan ko po ng babala ang mga babaeng nagagawi rito. Pero ayaw nilang papigil kaya sinasapit nila ang sinapit nila. Sabi ng ate ko, hangga't maaari ay hindi namin puwedeng pakialaman ang mga tao, hayop lang ang kakainin namin."paliwanag pa ng bata. Napangiti naman si Esmeralda habang natatarantang nagpapaliwanag ang kausap. Tinapik niya ang ulo nito at bahagyang ginulo ang buhok ng bata.

"Alam ko, salamat sa babala, pero kahit pasukin ko ito, hindi naman ako mapapaano. Maaari mo ba akong dalahin sa ate mo?" Tanong ni Esmeralda at tumango naman ang bata.

"Halika ate, doon ang bahay namin." Itinuro nito ang kabilang dako ng bukid. Nasa labinlimang minuto rin ang binubo nila para marating ang kubong nakatirik sa gitna ng palayan. Napapalubutan ng nagyayabungang palay ang bahay na iyon. Malinis at maayos ang bakuran, may mga alagang manok, pato at sa kabilang gilid ay may tatlong kambing na nakatali sa bakuran at isang kalabaw.

"Mga alaga po namin iyan ate, 'yong kalabaw, ginagamit ni ate sa palayan bago magtaniman." Saad ng bata nang mapansing natuon doon ang paningin ni Esmeralda.

"Ate, pasensiya ka na, maaari ko po bang malaman ang pangalan mo?" Tanong ng bata.

"Esmeralda,tawagin mo na lang akong Ate Esme." Nakangiting sagot naman ng dalaga.

"Ako nga po pala si Liya, ang ate ko po si Amihan. Kami lang pong dalawa ang nakatira rito, halika po ate, pasok ka po sa bahay namin." Hinatak siya ni Liya papasok sa bahay.

Namangha naman si Esmeralda dahil napakalinis ng kubo, hindi mo aakalaing mga aswang ang nakatira roon. Mabango rin ang ihip ng hangin at wala siyang sangsang na naaamoy doon.

"Ate Amihan, may gusto pong kumausap sa inyo." Tawag ni Liya. Isang magandang babae ang sumilip mula sa kusina. Mahaba ang buhok nitong nakalugay, morena ang balat, maamo rin ang mukha nito na may mapupungay na mata at matangos na ilong. Kung hindi lamang sa kulay ng balat nito ay aakalain mong banyaga ang dalagang iyon.

Nang magtama ang kanilang mga mata ay doon napagtanto ni Esmeralda kung anong uri ng aswang ang mga ito.

"Isa kang mandurugo?" Bulalas ni Esmeralda at napatingin kay Liya. Tumango ang bata at bigla namang lumapit ang babae kay Esmeralda. Inamoy-amoy nito ang katawan niya at hinayaan lang din niya ito.

"Kakaiba ang amoy mo. Ako nga pala si Amihan, anong sadya mo sa aming munting tahanan?" Tanong ni Amihan sa malamyos nitong boses. Mahinhin at tila hindi nagmamadali.

"Ako si Esmeralda, nagkataon lang naman, wala talaga akong pakay, pero may itatanong sana ako."

"Esmeralda, napakagandang pangalan. Ano ang itatanong mo? Maupo ka muna." Alok nito, naupo naman si Esmeralda at doon na niya inilahad ang mga katanungan niya.

"Nais mong malaman kong anong uri ng aswang ang umaatake sa lugar na ito at sa karatig bayan? Hindi ka ba natatakot?" Mahinahong tanong ni Amihan sa kaniya.

Ngumisi naman si Esmeralda at pormal nang nagpakilala sa babae. Nanlaki naman ang mata ni Amihan sa nalaman. Bumuntong-hininga ito at mahinhing umupo sa harap ng dalaga.

"Pamilyar ka ba sa uri ng aswang na kung tawagin ay matrukulan?"

"Matrukulan? Ngayon ko lang narinig ang pangalang iyon." Sagot ni Esmeralda. Malalim siyang napaisip.

"Matagal na kaming naninirahan sa lugar na ito, at nararamdaman ko kung may pumapasok na ibang aswang sa bayang ito. Ilang taon na rin ang lumipas simula nang dumating sa lugar na ito ang isang angkan ng mga tiktik. Nitong nakaraan lamang may naramdaman akong mga matrukulan na nambibiktima sa mga karatig bayan. Ilang beses ko na rin silang binalaan ngunit sadyang matatapang ang mga matrukulan. Mga aswang sila na ang pangunahing biktima nila ay mga buntis. Kapag ang buntis malapit nang manganak, 'yon ang mas gusto nila." Salaysay pa ni Amihan.

"Pero ang kaibahan naman ng mga matrukulan sa mga tiktik, kapag wala nang buntis sa lugar nila, dinudukot nila ang mga babae at binubuntis, at kapag hinog na ang sanggol sa tiyan ng nanay niya, saka nila ito kakainin."

Dagdag pa ni Amihan.

Dahil sa huling sinabi ni Amihan, nakaramdam ng matinding pagkasuklam si Esmeralda sa mga matrukulan, mas masahol pa ang mga ito sa tiktik, dahil kahit sariling dugo nila ay hindi nila pinalalampas, malamnan lang ang kanilang mga sikmura.

Hanggang sa pag-uwi ay malalim ang iniisip ni Esmeralda. Kailangan niyang malaman kung sino-sinong pamilya pa ang may buntis sa lugar na ito. Sa kaniyang pag-iisip ay hindi na niya namalayang nasa tapat na siya ng bahay nina Kaled.

Naulinigan na lamang niya ang boses ni Mateo na tinatawag siya. Nang bumalik siya sa kaniyang huwesyo ay nasa harapan na niya si Mateo.

"Saan ka galing, kanila ka pa hinahanap ni Tiyo Mael. May mga pumuntang tagabayan dito, tatlong pamilya at bawat isa ay may kasamang buntis, naibalita kasi ni Ate Sylvia na may albularyo dito sa bahay nila." Balita ni Mateo at doon kumislap ang mga mata ni Esmeralda.

"Talaga? Nasa loob pa ba sila?" Sabik na wika ni Esmeralda, hindi na siya naghintau pa ng sagot at dali-daling pumasok sa bahay.

Doon ay naabutan niya si Ismael na kinakausap ang mga ito. Tatlong buntis nga ang naroroon, malalaki na ang mga tiyan nito at tila malapit na rin ang kabuwanan ng dalawa. Naroroon din si Nanay Merly na siya namang nag-aasikaso sa mga buntis.

"Amang, sila lang ba ang buntis dito? May iba pa ba?" Tanong ni Esmeralda.

"Sa ngayon, tatlo pa lang amg lumapit sa atin, hindi ko alam kung ilan pa ba ang natitira, sa usaping iyan, kailangan na nating makipag-ugnayan sa baranggay."

"Makikipagtulungan kaya sila sa atin?" Takang tanong ni Esmeralda.

"Tinungo na ni Kaled ang kapitan, naisip ko rin na tipunin sa iisang lugar ang mga buntis, nang sa gayo'y hindi tayo mahirapang protektahan sila. Kapag watak-watak kasi, mahihirapan tayo." Saad ni Ismael at natawa naman si Esmeralda.

"Ganiyang din ang iniisip ko amang, mag-ama talaga tayo. Siyanga po pala, maaari ko po ba kayong makausap nang tayo lang?"

"Oo naman, tara doon sa likod bahay. " Aya ni Ismael.

Pagdating naman sa likod ng bahay, inilahad ni Esmeralda ang pagtatagpo ng landas nila ng isang mandurugo.

"Kakatuwa amang, dahil kahit aswang ang magkapatid na iyon, hindi ako nakakaramdam ng panganib sa kanila. 'Yong pakiramdam ko sa kanila, parang iyong pakiramdam kapag nakakaharap ako ng mga albularyo na tulad mo. Purong kabutihan sa kabila ng kadilimang bumabalot sa kanilang pagkatao. Si Amihan din ang nagsabi sa akin ng tungkol sa nga matrukulan."

"Bukod sa kanila, may mga umaaligid pa ring tiktik sa bayang ito. Mukhang ginawang pugad na ng mga aswang ang lugar na ito. Marahil dahil sa mga buntis na nandito." Umiiling na wika ni Ismael.

"Oo nga ho amang, wala ding nagawa ang magkapatid na mandurugo, bukod aa bata pa si Liya, nag-iisa lang si Amihan. Wala siyang laban sa dalawang angkan ng aswang na biglang sumakop sa bayan nila. Pero ang sabi niya, handa siyang makipagtulungan kung kinakailangan." Saad naman ni Esmeralda at napangiti si Ismael. Masaya siyang makita at marinig ang mga desisyon ni Esmeralda. Patunay na malawak ang pag-unawa nito sa mga bagay-bagay. Natitimbang nito ang tama at mali, at nababasa kung sino ang dapat pagkatiwalaan at hindi.

Latest chapters

Related Books

Popular novel hashtag