Chereads / Infinito: Salinlahi / Chapter 18 - Chapter 18

Chapter 18 - Chapter 18

Halos limang araw rin ang binuno nila para mabuo ang bahay na pinapatayo ni Esmeralda. Hindi kalakihan iyon, may dalawnag maliliit na kuwarto para sa kanila ni Ismael, isang banyo at maliit na lutuan sa loob, nagpalagay rin siya ng isang parte kung saan tatanggap ng pasyente si Ismael. Pinalagyan rin niya ng mataas na bakod gamit ang pinatulis na kawayan ang buong lugar na sakop ang puno ng mangga. Malawak rin ang naging bakuran doon kung saan nakatayo ang puno. 

"Huwag kayong mag-alala, pagagandahin natin ang bago niyong tahanan, maraming salamat at pinagbigyan ninyo ang hiling ko. Siyanga pala mga kaibigan, aabisuhan ko lang kayo na sa mga susunod na araw, tatanggap na kami ng mga tao rito, mga pasyente iyon ni amang, pero huwag kayong mag-alala dahil, lalagyan ko kayo ng bakod dito para hindi kayo maistorbo." malumanay na wika ni Esmeralda.

Kinahapunan nang araw na iyon, bumalik na si Esmeralda sa bahay ni Lolo Armando. Naabutan pa niya itong nakaupo sa tumba-tumbang upuan sa balkonahe. 

"Lo, bakit kayo nandiyan? Mahamog na at malamig na din ang hangin dito, baka magkasakit kayo," wika ni Esmeralda habang papalapit sa matanda.

"Malakas pa ako apo, tsaka, mainit doon sa loob, mas masarap ang lamig dito. Kumusta ang ginagawa niyo doon sa bukid, pasensiya na kayo kung hindi ko man lang kayo maprotektahan dito sa pamamahay ko." malungkot na wika ni Armando.

"Wala pong problema sa akin iyon lolo, ano ka ba, hindi naman ako araw-araw doon. Kapag kailangan lang, dito pa rin kami titira ni amang." Nakangiting tugon ni Esmeralda. Alam niyang nakulungkot ang matanda dahil sa nangyayari ngayon, lalo pa't naisipan na rin ni Silma ang lumipat dito para bantayan ang mga galaw nila.

"O, buti naman at nandito ka na. Ke, babae mong tao kung umuwi ka gabi na. Bakit 'di mo gayahin ang pinsan mo, taong bahay lang, hindi naglalakwatsa. Palibhasa wala kang pinag-aralan kaya kung sino-sino lang ang sinasamahan mo. Mag-igib ka nga muna ng tubig doon sa balon at maghugas ka na rin ng mga pinagkainan." Tumataginting na utos ni Silma nang makita si Esmeralda.

Ngumiti naman si Esmeralda at hinawakan ang kamay ni Armando nang akma nitong sasawayin ang anak.

"Opo, tiya. Ilang balde ba ang kailangan mo?" Tanong ni Esmeralda.

"Punuin mo iyong dram doon sa likod at nang may pakinabang ka naman dito sa bahay." Mataray na tugon ni Silma sabay talikod.

"Apo, pasensiya ka na."

"Wala po iyon lo, mag-iigib lang naman. Kayang-kaya ko iyon. Malakas naman ako, 'di ba. Huwag mo na lang siyang kontrahin para hindi kayo mag-away. Maliit na bagay lang naman ang inuutos niya ," nakangiting tugon pa rin ng dalaga. Magalang siyang nagpaalam at kinuha na ang malaking balde sa likod nang bahay.

Nakailang balik din siya bago napuno ang malaking dram sa likod ng bahay nila. Imbakan iyon ng tubig na nakasentro sa tarog mula sa bubong. Kaya kapag umuulan, napupuno iyon ng tubig na ginagamit naman nila sa pagbibinyag ng mga pananim sa bakura o 'di kaya naman ay panglinis sa mga maruruning gamit tulad ng mga pala at itak.

Matapos makapag-igib, tinungo naman niya ang kusina at nadatnan niya roon ang pinsan niyang prenteng nakaupo sa silya habang kumain. Paglingon niya sa lababo ay nakita niya ang tambak ng mga hugasin. Walang imik niyang nilapitan ito at sinimulang hugasan. Matapos ay nagsaing na rin siya at tumingin sa ref kung may lulutuin ba silang ulam.

"Esme, huwag ka nang magluto ng ulam, may binili akong inihaw nariyan lang sa lagayan ng ulam natin." Wika ni Ismael na halatang katatapos lanv maligo.

"Ah, sige po amang. Maglilinis lang din po ako ng katawan." Tugon niya at tinungo na ang kuwarto.

Kinagabihan, walang imik ang lahat sa hapag-kainan. Tahimik silang kumakain habang si Silma ay panay ang irap kay Esmeralda. Nararamdaman naman iyon ng dalaga, bawat matatalim na titig nito ay ramdam niyang tumatagos sa kaluluwa niya. Marahan siyang bumuntong-hininga at napapailing pa.

Matapos kumain ay nag-paalam na siya para magpahinga. Kinabukasan, ganoon ulit ang ganap ni Esmeralda. Matapos ng mga gawaing bahay ay saka naman siya tatakbo patungo sa bukid at sa hapon, gawaing bahay ulit ang haharapin niya. Ilang araw ding ganoon ang ganap sa buhay ni Esmeralda, wala siyang reklamo at tahimik lang na sinusunod ang mga utos ni Silma.

Isang araw, isang lalaki ang tila balisang tumitingin-tingin mula sa labas ng kanilang bakuran. Hindi na sana niya ito papansinin pero bigla naman niyang narinig na nagsisisigaw ang tiyahin niya sa labas.

"Hoy, sino ka, magnanakaw ka 'noh?" Sigaw ni Silma habang nakapameywang sa harap ng lalaki.

Napalapit naman si Esme sa tarangkahan at doon niya nakita kung paano alipustahin ng tiyahin niya ang lalaki. Ang huli naman ay napapayuko na lamg dahil sa kahihiyan, nagsilapitan na rin kasi ang ibang mga kapitbahay nila.

"Tiya Silma, tama na po iyan, mukhang hindi naman po magnanakaw si Manong." Sabad ni Esmeralda at natuon naman ang galit ni Silma sa kaniya.

"Bakit ka ba kumakampi sa kaniya? Siguro ay magkakuntsaba kayo, may binabalak kayong masama sa bahay, ano?!" Singhal ni Silma. Umugong naman ang bulong-bulungan sa paligid at napailing lang si Esmeralda.

"Hindi naman po yata tama ang paratangan ninyo ako ng ganyan. Kahit kailan ay hindi ko pinag-isipan ng masama ang pamilyang kumupkop sa akin, hindi rin tama ang paratangan ang isang taong hindi ninyo kakilala."

"Nagmamagaling ka? Kung magsalita ka, akala mo kung sino ka ah, palibhasa wala kang pinag-aralan. Sumasabat ka sa alam mong mas matanda sa'yo, wala kang galang!" Singhal ni Silma at kumunot ang noo ni Esmeralda.

Humugot siya ng malalim na buntong-hininga bago ngumiti.

"Pinapaalala ko lang po sa inyo. Baka po kasi nakalimutan ninyo ang turo sa mga paaralan dahil sa katandaan." Mahinahon nang wika ni Esmeralda. Ang nakangiti niyang mukha ang siyang muling nagpasiklab sa galit ni Silma. Pero dahil wala siyang masabi ay padabog na lamang siyang pumasok at pabalabag na isinara ang tarangkahan dahilan para lumikha iyon ng malakas na tunog.

Pasimpleng kinamot naman ni Esmeralda ang kaniyang tainga at saka hinarap ang lalaki na noo'y aligaga pa rin.

"Manong, pasensiya na po kayo sa tiyahin ko, hindi pa po kasi nagkakape iyon kaya mainit ang ulo. May hinahanap po ba kayo?" Tanong ng dalaga.

"Hinahanap? Hinahanap ko ang bahay ni Ka Mael, may nakapagsabi sa akin na dito na siya lumipat. Umakyat ako sa bundok para puntahan sana siya pero wala nang tao doon sa bahay niya." Wika nito, halatang natataranta ito at hindi mapakali. Maputla rin ang kulay nito at bakas sa mukha nito ang pagod at walang tulog.

"Dito nga po ang bahay niya, magpapagamot po ba kayo? Kung oo, mas maigi po kung doon kayo sa bukid pumunta, may kubo po doon sa ilalim ng matandang puno ng mangga. Doon po kayo kikitain ni amang. Pasensiya na po kung hindi kayo maaasikaso agad ni amang dito, nakita niyo naman po kanina. "Paliwanag ni Esmeralda at nakakaintinding tumango ang lalaki.

Ilang sandali pa ay umalis na ito at nakita ng dalaga ang mabagal nitong paglalakad patungo sa bukid. Pumasok naman siya sa bahay at doon niya narinig ang reklamo ng tiyahin niya laban sa kaniya.

"Pagsabihan mo iyang anak-anakan mo kuya, lumalakng bastos at balahura. Naku, kung ako lang ang nanay niyan, makakatikim talaga siya ng sampal. Masyado mo kasing kinokonsente kaya lumalaking baliko ang katuwiran." Litanya pa ng ginang. Napabuntong-hininga na lamang siya at pumasok na. Nagkunwari na lamang siyang walang narinig at binati ang kaniyang ama.

Tiningnan lang niya ang tiyahin nang may ngiti sa kaniyang labi bago ipinaliwanag kay Ismael ang sitwasyon. Nang marinig naman ito ni Ismael ay nagmadali naman itong tumungo sa silid at kinuha ang kaniyang mga gamit. Walang sali-salitang umalis na sila ng bahay matapos na magpaalam kay Armando.

Sa daan ay idinetalye ni Esmeralda sa ama ang mga napansin niya sa lalaki.

"Kung tama ang hinuha mo, maaaring nasa mahirap na sitwasyon siya. Mas maigi siguro kung ianunsyo na natin ang pagbubukas ng kubos a bukid para doon na magpunta ang mga tao at hindi na umakyat pa ng bundok."

"Opo, 'yon din ang naiisip ko. Hayaan niyo at magpapasama ako kay Mateo sa baranggay para abisuhan ang kapitan tungkol sa plano ninyo, amang. At isa pa, nakakahiya kung lahat ng tao mum*rahin ni Tiya dahil lamg hinahanap ka." Umiiling na wika ni Esmeralda.

"Isa pa iyan. Hindi ko alam kung ano ang ikinakatakot nila para lumipat nang biglaan sa bahay. Noon naman ay ayaw nilang mamalagi riyan at nabuburyong sila." Saad naman ni Ismael.

"Hayaan niyo na amang, baka gusto lang din nilang makasama kayo." Ngingiti-ngiting wika ni Esmeralda sabay tawa. Nagtawanan pa sila dahil doon.

Nang marating naman nila ang bukid ay nakita nila agad ang lalaki na nakatayo sa harap ng bakod. Hindi ito pumasok at tila mas naging aligaga sa kaniyang paligid. Animo'y lalo itong namumutla at halatang may kinatatakutan nang mga sandaling iyon. Nang ilibot naman ni Esmeralda ang mata ay nakita niya ang mga kaibigan niyang laman-lupa na nasa bakuran niya. Doon nakatuon ang pansin ng lalaki at napapalunok pa ito habang pilit na inilalayo ang paningin sa mga ito.

"Amang, mukhang nakikita niya ang mga bantay sa bahay." Bulong ni Esmeralda at nagulat pa si Ismael sa narinig.

"Kung nakikita niya ang mga kaibigan mo, ibig sabihin hindi ordinaryo itong bisita natin. Halika na, bago pa tuluyang mawalan mg ulirat ang taong iyan. "Utos ni Ismael at nagmadali na sila sa paglalakad.