Nang makapasok na sila sa bahay ay mabilis naman isinara ni Ismael ang pinto. Sinuri nito ang dalaga at napabuga ng hangin nang makitang wala itong sugat o galos man lang.
"Mabuti naman at walang nasugatan sa inyo. Napat*y niyo ba? Ilan ang umatake?" Sunod-sunod na tanong ni Ismael.
"Opo amang, tatlo ho sila. Bukas, wala nang bakas ang maiiwan sa kanila. Kamusta ho rito?"
"Sumakit ang tiyan ng nanay ni Kaled pero nawala rin, siguro noong nawala na ang atensyon ng mga aswang sa kaniya. Mabuti naman kung gano'n, siguradong hindi na sila aatake ngayon, magpahinga na kayo, Magtabi-tabi na muna kayong magpamilya, dito na kami maglalatag sa sala para sigurado, huwag niyo na lang isasara ang bintana at panatilihin niyon nakasabit ang buntot-pagi sa ibabaw ng bintana ninyo."
"Oho, Ka Mael, maraming salamat ho."
"O ito, mga bata, uminom muna kayo ng tubig. Ikaw naman Mael, hindi mo sinabi sa akin, na anak mo pala ang manunugis mo, at sino naman itong binatang ito? Kamag-anak mo rin ba?" tanong ni Nanay Merly matapos iabots a kanila ang pitsel ng tubig.
"Ampon po si Mateo ni Tatay, siya rin ang nag-aalaga ng bukid ni tatay. Bagong manunugis lang ho ang batang iyan 'Nay Merly." sagot ni Ismael.
"E, gano'n ba. Mabuti naman at may manunugis ka sa tabi mo. Ang tatay mo noon, walang manunugis kaya naman palaging napapahamak." Umiiling na wika ni Merly, napatango naman si Ismael dahil noon bata pa siya ay natatandaan niyang lging nasusugatan ang tatay niya, kung umuuwi ito sa bahay nila ay punong-puno ito ng dug* o 'di kaya naman ay akay-akay na ng mga tanod o ng ibang tao dahil wala nang malay. Ngunit sa kabila nito, batikang albularyo si Armando at napakarami na niyang natulungan noon kapanahunan niya.
"Oo nga po, nasuwertehan lang talaga na itong anak ko eh, magaling talagang makipaglaban. Ipinanganak na yata siya para sa larangang ito." Nakangiting wika ni Ismael.
"Pansin ko nga, pero Mael... A, hayaan mo na nga, basta, mag-ingat na lamang kayo. Lalo ka na hija, Nararamdaman kong marami ka pang susuunging panganib at kung hindi ka mag-iingat, malalagay sa alanganin ang buhay mo," matyalinhagang paalala ni Merly kay Esmeralda.
"Opo, maraming salamat Lola Merly," saad ni Esmeralda at nagningning naman ang mga mata ng matanda.
"Tama, lola ang itawag mo sa akin. Nakakatuwang magkaroon ng apo sa katauhan mo hija." masayang wika pa ng matanda.
Kinaumagahan, nagising si Esmeralda sa sigaw ni Sonia, napabalikwas naman ng bangon ang dalaga at pupungas-pungas na tumakbo patungo sa silid. Doon ay nakita niyang hirap na hirap na ang ginang habang napapapilipit sa sakit ng tiyan. Napatulala na lamang si Esmeralda dahil sa sitwasyon habang, natataranta naman ang mga tao sa loob. Nahimasmasan na lamang siya nang iaabot sa kaniya ni Sylvia ang anak nitong si Ria.
"Esme, pasensiya na, ikaw na muna ang bahala kay Ria, Rimo, lumabas muna kayo ni Ate Esme ha, doon lang kayo sa labas, magiging okay din si Mama mamaya." Wika ni Sylvia at nagkukumahog na itong naghanda ng mga inuutos ni Nanay Merly. Nakatulalang umatras naman si Esmeralda ngunit ang paningin niya ay nakatuon pa rin sa nahihirapang si Sonia. Tila may kung anong kumurot sa puso niya habang nakikita itong nahihirapan. Napapakunot pa ang noo niya habang naririnig niya ang bawat palahaw nito.
"Amang, ganoon ba talaga kapag nanganganak? Hirap na hirap at masakit?" Tanong ni Esmeralda habang nasa sala sila naghihintay, kalong-kalong pa rin niya si Ria habang katabi naman nila si Rimo.
"Oo anak, lahat ng nanay ay pinagdadaanan ang ganiyang paghihirap kapag nanganganak, sabi nga nila, kapag nanganganak ang mga nanay, nasa isang hukay na ang isa nilang paa." tugon ni Ismael.
"Ibig sabihin, dinanas rin ng tunay kong ina ang paghihirap na iyan? Napapatanong tuloy ako, sino ba talaga ang mga magulang ko, kung naghirap rin ba siya sa panganganak sa akin o kung ano ba ang nangyari noon matapos niya akong ipanganak at bakit ako nasa gubat." Wala sa sariling wika ni Esmeralda. Napabuntong-hininga naman si Ismael at hindi na nagsalita pa.
Makaraan ang ilang minuto, tumahimik na sa kuwarto at ang sumunod nilang narinig ay ang matinis na iyak ng sanggol. Kumislap naman ang mga mata ni Esmeralda nang marinig ang iyak na iyon at halos sabay pa silang lumapit ni Ismael sa silid. Napangiti naman ang dalaga nang makita ang munting sanggol sa kamay ni Merly at nililinis na ito.
Matapos mabalot ang bata sa malinis na puting tela, ay inilagay na niya ito sa tabi ni Sonia. Hilam ng luha ang mga mata ng ginang, ramdam at bakas sa mga hikbi nito ang kasiyahan at kalungkutan. Masaya dahil ligtas niyang naipanganak ang bunso niya at lungkot dahil, lalaki itong hindi masisilayan ang kaniyang ama.
"Babae ang anak mo Sonia, masaya akong nailuwal mo siya ng malusog at ligtas sa kabila ng samo't saring banta na nakapalibot sa pamilya niyo." wika ni Merly. Matapos makita ang bata ay muli nang lumabas si Ismael at Esmeralda. Nakasalubong naman nila si Mateo na noo'y kagagaling naman sa kusina.
"Tiyo, nakapagluto na po ako ng almusal, nakita ko kasing abala ang lahat at siguradong wala pang kain, kaya nangialam na ako sa kusina nila." wika ni Mateo.
Natuwa naman si Ismael sa sinabi ng binata. Tinapik niya ito sa balikat at sabay na silang pumunta sa kusina. Nagtimpla rin ng kape si Ismael at isinabay na niya ang mga kasama nila upang mainitan naman kahit papaano ang kanilang mga sikmura.
"Naku, nag-abala pa ho kayo, kami ang dapat na nag-aasikaso sa inyo dahil bisita namin kayo. Pero nabaligtad ho yata, maraming salamat po." Sambit ni Sylvia.
"Walang anoman hija, Sige na, sabay-sabay na tayong kumain. Nagpaluto na rin ako kay Esme ng lugaw para sa Mama niyo." saad ni Ismael. Sabay-sabay na silang kumain nang mga oras na iyon, habang si Nanay Merly naman ay pinakain na si Sonia ng lugaw. Sa kalagitnaan ng kanilang almusal, humahangos namang pumasok si Rimo sa kusina.
"Kuya Kaled! Kuya Kaled! Si Don Hernan ho, nasa labas." sigaw ni Rimo habang tumatakbo. Humihingal itong huminto sa harapan nila.
"Si Don Hernan? Ang aga naman yata." Nagtatakang tanong ni Kaled. Nagsalubong pa ang mga mata nila ni Sylvia at umiling naman ang huli.
"Ang mabuti pa harapin na natin siya Kaled, gusto ko rin namang malaman kung ano ang sadya niya sa bahay natin sa ganito kaagang oras." wika naman ni Sylvia.
Agad na tumayo ang magkapatid at lumabas ng kusina, sumunod naman si Ismael at Esmeralda sa dalawa. Sa pagharap pa lamang nila sa isang nakapormadang matanda agad na napakunot ang noo ni Esmeralda. Ganoon din ang naging reaksiyon ni Ismael nang masilayan ang matanda sa labas.
"Magandang araw sa inyo Kaled, Sylvia. Nabalitaan ko, nanganak na ang inyong ina. Ito, tanggapin niyo." Inabot ng matanda ang isang basket na puno ng prutas. Akmang tatanggihan ito nang magkapatid nang bigla nagpatiuna si Esmeralda at tinanggap mula sa kamay ng matanda ang basket.
"Maraming salamat ho, Don Hernan, tamang-tama ho, kailangan ito ni Tiya Sonia ngayon dahil kailangan niya nang magpapalakas sa kaniya." nakangiting wika ni Esmeralda.
Napatingin naman sa kaniya ang matanda at maamo itong ngumiti.
"Walang ano man, kung hindi mamasamain hija, kaano-ano mo ang pamilyang ito?" Tanong ng Don.
"Pamangkin ho ako ni Tiya Sonia, kapatid niya po itong amang ko." Walang kautal-utal na sagot ni Esmeralda. Tumango-tango naman ang matanda at masaya itong nakipag-usap sa dalaga.
Natahimik naman ang magkapatid at sumasagaot lang kapag tinatanong.
"Hayaan po ninyo Don Hernan, kapag nagka-oras na po, dadalaw ho ako sa inyo, gusto ko rin naman makita ang taniman ng saging ninyo. Sa totoo lang hindi pa ako nakakita ng taniman ng saging. Doon kasi sa lugar namin, puro bahay lang ang nakikita ko." masiglang wika ni Esmeralda, napapangiwi na lang si Mateo sa naririnig.
Nang makaalis naman ang matanda at nasigurado nilang malayo na ito ay agad nilang isinara ang pinto. Humugot naman ng malalim na hininga si Esmeralda at inilapag sa maliit na mesa sa sala ang basket.
"Esme, bakit mo tinanggap? Tatanggihan sana namin e," takang tanong ni Kaled.
"May napansin kasi akong kakaiba, amang, napansin mo rin ba?" baling na tanong ng dalaga kay Ismael.
"Oo, Esme. Patingin nga ng ibinigay niya." sambit ni Ismael at sinuri ang basket. Mula sa ilalim ng mga prutas, isang nakatuping papel ang kanilang nakita. Kinuha iyon ni Ismael at binuklat at ganoon na lamang ang pagtataka at gulat ng magkapatid nang mabasa ang sulat na iyon.
Sulat kamay iyon ni Don Hernan, alam nila dahil minsan na nilang nakita ang sulat nito na ibinigay noon sa kanilang ama. Iyon ang huling sulat na nabasa ng kanilang ama bago ito nagkasakit at namat*y.
"Ibinigay niya tapos sasabihin niya na huwag nating kakainin? Ano ba ito, bakit parang pinaglalaruan niya tayo?" galit na wika ni Kaled. Bakas sa mukha nito ang sobrang poot at pagkalito.
"Huminahon ka hijo, kung galing nga sa Don ang sulat na ito, ibig sabihin hindi siya kalaban at nasa sitwasyon siya ngayon na wala siyang magawa kun'di ang sumunod at gumagawa lang siya ng paraan para bigyan kayo ng babala." Saad naman ni Ismael. Naihilamos ni Kaled ang palad sa mukha dahil sa sobrang inis.
"Pero Ka Mael, bakit hindi pa niya kami diretsuhin? Bago namat*y si papa noon, may sulat rin siyang natanggap mula sa Don, at ang sinasaad nito isang pagbabanta, umalis na daw kami rito hanggat maaga pa kung ayaw naming malagasan paisa-isa. Pati ba iyon babala rin?" naluluhang tanong ni Kaled.
"Kaled, huminahon ka, baka tama si Ka Mael. Makinig muna tayo." Pag-aalo ni Sylvia sa kapatid. Huminga naman ng malalim si Kaled at pinilit na huminahon.