Sa takot ko na baka pagtawanan ako ni Rehan dahil sa nangyari ay hindi ako nakagalaw sa aking puwesto. Para akong itinali sa ibabaw niya, sinemento at nanigas.
Ayaw kong gumalaw. Ni ayaw ko rin siyang tingnan. Kaya tuloy ang nguso ko ay pirmi pa ring nakadikit sa pisngi niya.
"Masi nappa?" Does it tastes bad? pabulong na sabi niya na tila nanigas na rin dahil hindi siya gumagalaw. Hindi ko alam kung anong ibig sabihin niyon ngunit alam kong salita iyon sa Korea.
Ang boses niya... para siyang nag-iingat na dapat walang makarinig sa amin. "Mianhae," Sorry, dagdag pa niya. "I'm sweating, Heila."
Napapikit ako. Hindi rin ako makaimik. Hindi ko alam kung ano'ng gagawin ko. Tatayo na ba ako at hindi siya papansinin? O aalis na ba ako at tatakbo palabas hanggang sa makauwi? Pakiramdam ko ay sasabog na ang dibdib ko dahil sa pagkabog nito.
Pero mas lalo lang nakipagkarerahan ang puso ko dahil sa susunod niyang sinabi at sa susunod na nangyari.
"Are we still going to eat or do you want to level up this position and make me hug you—"
He was cut off when we both heard the chimes. May pumapasok! Nanlaki na lang ang aking mga mata nang may isang boses ng matandang babae ang halos humiyaw doon.
"Naku po, Diyos ko! Tanghaling tapat pa lang! Dinaig ninyo pa ang mga aso sa kalye na kung kailan mag-init ay doon dadali! Hesusmaryosep ang mga batang ito!"
Kainin na nga po nawa ng lupa ang buo kong pagkatao!
Parang may humila sa katawan ko nang marinig ko iyon. Dali-dali akong tumayo at sa abot ng aking makakaya ay nag-iwas ako ng tingin kay Rehan. Walanghiya! Bakit parang ang liit ng shop na ito para sa aming dalawa?
Nilingon ko si Lola na pigil-pigil iyong pintong bubog upang hindi magsara. Hindi kasi agad siya nakapasok dahil sa naabutan niya.
Palihim ko namang pinunasahan gamit ang aking kamay ang bibig kong nabasa ng sarili kong laway. Susko! Ano pa kaya ang pisngi ni Rehan? Baka umanod pa ang laway ko sa pisngi niya dahil sa kagagahan ko! Nakakahiya!
Agad kong inasikaso si Lola pagkatapos.
"Ah, Lola. Magandang tanghali po," bati ko habang pilit ang aking ngiti.
Pakiramdam ko ay nawala ang credibility ko dahil sa nakita ni Lola. Ikumpara ba naman kami sa mga asong ginagawang motel ang kalsada? Inayos ko ang aking damit at buhok saka agad na pumunta sa may counter.
Pirming nakatitig lang sa akin si Lola habang naglalakad papalapit sa akin. Nakasuot siya ng pulang bestidang halos kumupas na ang kulay at may dala siyang malaking bayong.
Kung itatanong ninyo kung ano na ang nangyari kay Rehan... nakatayo na siya roon at pakiramdam ko ay nasa akin ang mga titig niya.
Kung nakakatunaw man talaga ang titig, gusto ko nang matunaw! Ngayon na sana!
"Hija, pabili ako ng isang pulang rosas."
Sa tono ni Lola ay parang wala siyang nakita kanina. Parang walang nangyari at diretso na siya kaagad sa kaniyang pakay na isip-isip ko ay ipinagpapasalamat ko naman.
Tumikhim ako at pilit na ipinokus ang atensyon sa matanda. Puti na ang lahat ng kaniyang buhok ngunit kung titingnan, mukhang malakas pa talaga ito.
Hindi siya regular na costumer. Sa palagay ko nga ay ngayon lang siya napadpad dito.
"Alin po riyan, Lola?" tanong ko sabay tingin sa aking bandang likuran. Iba't iba kasi ang disenyo ng mga lalagyan ng bulaklak. May simple hanggang magarbo. Nang hindi tumugon si Lola ay agad ko siyang binalikan ng tingin.
Hindi pala sa magagarang bulaklak nakatingin si Lola kung hindi sa gilid ng counter. May mga labis na rosas doon na pinutulan ko ng tinik kanina. Iyong mga wala pang kahit anong disenyo ni ribbon man lang.
"Iyon na lang," sabi niya sabay turo doon sa isang rosas. "Ayos lang kahit walang disenyo. Para sa akin naman iyan. Saka hindi ko alam kung aabot ba ang pera ko sa bulaklak."
"Po?"
Tila nabingi ako. Tinitigan ko si Lola na abala sa kaniyang bayong. Doon ko nakitang kinuha niya ang kaniyang pitakang halos pinaglumaan na ng panahon. Wala na halos iyong laman.
"May singkuwenta pesos ako rito. Aabot man lamang ba ito kahit dahon man lang ng rosas na iyon?" aniya sabay mahinang natawa. "Galing na ako sa ibang tindahan pero hindi nila ako pinansin. Wala na kasi talaga akong pera para regaluhan ang sarili ko ng rosas."
Parang kinurot ang puso ko dahil sa kaniyang sinabi. Hindi ako makahanap ng tamang salitang itutugon sa kaniya.
"Walang ibang magbibigay sa akin maliban sa aking sarili," sambit pa niya saka ibinaba ang pera sa aking harapan. "Wala kasi akong anak. Namatay na ang asawa ko na siyang unang nagbigay ng bulaklak sa akin."
Bumigat ang aking paghinga sa pagpapatuloy niya sa pagkukuwento. Hindi ko rin alam sa sarili ko kung bakit naaapektuhan ako. Siguro dahil masyadong malungkot?
Mabilis kong sinulyapan si Rehan at nakahinga akong nang maluwag nang makita ko lang siyang nakatayo roon, nakatungo, at walang kibo. Kahit siguro siya ay wala ring masabi.
"Nakakasabik makatanggap ng bulaklak ngayon. Nakakalungkot nga lamang dahil wala akong aasahan. Mabuti ikaw."
Bahagya namang namilog ang aking mga mata dahil sa huli niyang sinabi. Naituro ko pa nga aking sarili.
Sabi ko, "Ako po? Mabuti po ang alin?"
Hindi niya ako sinagot bagkus ay lumingon siya sa gawi ni Rehan na sa palagay ko ay naramdaman niya kaya nag-angat siya ng tingin sa amin.
Heto na nga ang kinakatakot ko. Nagtama na naman ang aming mga mata!
"Masuwerte ka at nariyan ang nobyo mo. Palagay ko naman ay siya ang unang nagbigay ng bulaklak sa iyo ngayong araw, hindi ba?"
"Po?"
Naaasar ako sa sarili ko. Ngayon lang ako na-distract nang ganito kalala na halos hindi na ako makasagot nang maayos.
Nagulat na lang rin ako nang makita ko si Rehan sa harapan ko sa tabi ni Lola. Pag-angat ng kamay niya ay mas namilog ang mga mata ko.
"It fell on the floor earlier when you tried chasing me in the kitchen," aniya sabay lapag niyong dilaw na rosas. Ang rosas ni ibinigay sa akin ni Marion Devan.
Parang na namang kinalabog ang dibdib ko dahil sa kabang dulot ng presensya ni Rehan. Nagugulo ang buong sistema ko na hindi ko maintindihan kung bakit.
"He's the first guy to give you a flower today, right?"
Pakiramdam ko ay nabuking ako. Pakiramdam ko ay may ginawa akong kasalanan at nahuli niya ako. Naiinis ako dahil hindi ko maintindihan kung bakit ganito ang pakiramdam ko ngayon sa tuwing kinakausap niya ako.
Nang hindi ako nakaimik ay bumaling siya ng tingin kay Lola na tila napipi na rin.
Aniya pa, "Lola, may halaga pa rin ba kahit pangalawa lang?"
Sa pagkakataong iyon ay ngumiti siya sa harapan ko bago siya yumuko sa harap ni Lola saka umalis pabalik ng kusina.
Rehan Seo was really giving me a real headache! He was really driving me crazy!