Chereads / Love, Heila (Tagalog) / Chapter 10 - Chapter 10

Chapter 10 - Chapter 10

"Si Rehan iyon, 'di ba?"

Mabilis pa sa alas kwartrong napatakbo ako patungong pinto makaraang banggitin iyon ni Marion Devan. Halos matapon pa iyong aking inumin sa pagmamadali kong ipatong iyon sa counter. Bakit? Bakit ganito ang reaksyon ko?

I mean, pagkatapos niya akong bigyan ng rosas at ng isipin sa buhay ay a-absent lang siya ng ganoon lang? Walang paliwanag?

Oo, siya lang naman ang magbibigay niyon sa akin. Kung hindi siya, sino pa?

"Rehan!"

Isang malakas na sigaw ang kumawala sa aking bibig nang makalabas ako ng shop. Papatawid siya noon patungo sa kabilang kalsada nang lingunin niya ako. Halfway na siya sa pedestrian lane nang pumihit siya nang tuluyan upang tingnan ako.

"Saan ka pupunta? Bakit hindi ka pumasok?" sigaw ko pa habang lukot ang mukha.

Nakasuot ng bonnet si Rehan, puting hoodie jacket, at itim na pants. Kahit mainit ang panahon ay hindi ko maintindihan kung bakit ganoon siya manamit. Ngunit higit sa lahat ng tanong ko sa aking isip ay pinakagusto kong malaman ang tunay niyang motibo sa akin.

May gusto nga ba siya sa akin?

Gusto ba ako ni Rehan?

Iyon kaya ang ibig niyang sabihin sa sulat niya?

Ayaw kong maging assuming pero ano'ng magagawa ko? Iyong mga kilos at ipinapakita niya sa akin nitong mga nakaraang araw ay kakaiba sa lalaking may malinis na intensyon sa isang babae. Kumbaga, hindi dapat niya ako pinakakaba nang husto kung wala siyang gusto sa akin!

Sa halip na lumapit si Rehan at bumalik sa shop ay ngumiti siya habang nakatayo sa gitna ng kalsada. Marahan pa niyang ikinaway ang kanyang kamay sa akin.

Nagsalubong lalo ang aking kilay. Mukhang nasasanay na rin ako sa kanyang pagngiti kaya hindi na ako nagugulat.

"Hindi ako nakikipagbiruan! Babawasan ko ang sahod mo kapag hindi ka nakipag-usap sa akin!" banta ko na sinabayan ko ng tadyak sa lupa.

Para akong batang pikon sa inasal ko. Pero hindi na iyon mahalaga.

"I'm leaving!"

Kumunot pa nang husay ang aking noo sa kaniyang sinabi. The hell.

"Leaving? You're leaving? Tatanggalin talaga kita sa trabaho mo kapag hindi ka bumalik dito!" sigaw ko na may halo pa ring pagbabanta. "If you want to leave, at least pass me your resignation letter!"

But I didn't mean it. Sa hindi ko malaman na dahilan ay hindi ko gustong mag-resign si Rehan. Hindi ko rin gugustuhing tanggalin siya. Malaki ang naitutulong niya sa shop ko. Masipag siya at mabilis kumilos. At higit sa lahat, parang hindi ko kayang hindi siya makita.

Curious lang ako sa mga kilos niya pero hindi ko siya gusto. Hindi... ewan.

Sa wakas ay naglakad na pabalik si Rehan at habang palapit siya sa akin ay lalong nalakas ang kabog ng aking dibdib. Dala ang ngiti na kanina pa niyang suot ay may binunot siya sa kaniyang bulsa na isang puting papel nang huminto siya sa aking harapan.

"Bakit hindi ka pumasok ngayon?" agad na tanong ko.

Ni hindi ko na napansin nang husto ang mga walk in costumers ko ngayon dahil okupado ni Rehan ang isip ko.

"Sorry," aniya sabay ngiti. "Here."

Dang! Iyon lang ba ang sasabihin niya? At may gana pa siyang ngitian ako?

"Ano 'to?" usisa ko. Napatitig ako doon sa papel na iniaabot niya ngayon sa akin. Ngunit hindi niya ako sinagot. At dahil doon ay tiningala ko ulit siya. Doon ko lang napansin na sa likod ng kanyang malawak na ngiti ay ang matamlay niyang mga mata at maputla niyang labi.

"Nagmamadali ako, puwede bang pakibilisan?"

Agad akong napalingon sa aking likuran nang marahas na nagbukas ang pinto ng shop kasabay ang malakas na sigaw ng isang babae doon sa loob.

"Heila..." usal ni Marion Devan na siya palang nagbukas ng pinto.

Doon lang pumasok sa isip ko na kausap ko nga pala siya kanina doon sa loob at hindi pa rin siya umaalis. Sinenyasan ko siya ng sandali lamang at agad na lumingon pabalik kung saan ay kaharap ko kanina si Rehan.

Ngunit wala na siya roon.

Pagkatapos ng ilang linga ko sa paligid at bigong makita pa si Rehan ay pumasok na ako sa loob saka inasikaso ang mga costumers.

Hindi ko maintindihan ang pakiramdam ko.

"I'll be leaving then," paalam ni Marion Devan sa akin na hindi na nag-usisa pa sa kung ano'ng nangyari kanina sa labas. "Take it easy."

Nakangiti siyang umalis ng shop habang ako ay naiwang gulong-gulo. Sinenyasan ko siya ng pagpapasalamat saka pilit na ngumiti.

"Magkano?" Nilingon ko iyong costumer na babaeng kaharap ko sa counter na bumili ng orange rose. Orange rose iyon na katulad ng binili ni Rehan at katulad ng aking natanggap.

"Ah, 350 miss," sabi ko.

Ngumiti naman siya saka kumuha ng pera sa kaniyang wallet.

"Ano nga'ng meaning ng orange, ate?" rinig kong tanong ng isa pang babaeng kasama niya. Parehas silang matangkad at maiksi ang buhok. Nasa early 20's na siguro sila.

"Para kay crush. Best friends na kami, baka pwede na maging lovers."

Napuno ng pigil na tili ang loob ng shop dahil sa usapan nila. Best friends to lovers?

Napabuntong-hininga ako. Natapos ang araw na iyon na panay ang aking paghinga nang malalim, nag-iisip kung ano ba ang dapat kong gawin; kung bakit biglang lumalayo si Rehan, kung narinig niya ba ang usapan namin ni Marion Devan kanina tungkol sa pagde-deny ko na hindi ako magkakagusto sa kaniya, at kung bakit ito nangyayari.

"Ano naman kung narinig niya iyon?" bulalas ko. "Empleyado ko siya, dapat pumapasok pa rin siya! Hindi reason iyong tatakbuhan niya ako."

Pumikit ako saka kinalma ang sarili. Habang inaayos ko ang laman ng aking bag ay nakita ko iyong papel na ibinigay ni Rehan sa akin.

Resignation Letter.