Chereads / THE THIRDS (Mini-Series) / Chapter 52 - KABANATA 4

Chapter 52 - KABANATA 4

"HIMALA, mukhang masaya ka? Iyong CD ko?" si Leo na nanonood ng TV sa family room.

"Walang stock" aniyang nakangiting ibinagsak ang sarili sa malambot na sofa.

"Parang nag-iba yata ang ihip ng hangin. May nangyari bang maganda sayo kaninang umalis ka? Saka paanong walang stock eh ang sabi kanina nung nakausap ko may last piece pa?"

"Tsk, wala ng maraming tanong. Ang importante masaya ako ngayon" hindi niya napigilan ang paglapad ng kanyang ngiti at dahil doon ay curious na umayos ng upo si Leo.

"Hulaan ko, tinamaan ka ng hindi mo maintindihan ano?" natatawang tanong nito sa kanya.

Sinulyapan lang niya ito saka inagaw ang hawak nitong remote. "Sa tingin ko payag na ako doon sa gusto mong mangyari" aniya habang naghahanap ng palabas sa TV.

Nag-echo sa loob ng silid ang tawa ni Leo. "Sinasabi ko na nga ba eh, anong itsura? Maganda ba?"

Sa tanong na iyon parang pelikulang nagbalik sa kaniyang isipan ang nangyari sa loob nang simbahan. Saka palang niya narealized na hindi nga pala niya nakuha ang pangalan nito.

Doon nakaramdam siya ng bahagyang panghihinayang, pero sa kalooban niya naroon ang tila maliit na boses na nagsasabing hindi iyon ang una at huli nilang pagkikita dahil kanina, nang halikan niya ito alam niyang natagpuan na niya ang pares ng mga labing hindi niya pagsasawaang halikan.

Pakiramdam pa niya ay may kung anong magic na taglay ang mga labi nito kaya mabilis nitong napagbago ang isip niya. Dahil kung gaano katigas ang tanggi niyang ibigay ang CD rito kanina, sa isang pitik ng daliri ay nagawa nitong ibahin ang isipan niya. At kung nagawa nito ang ganoon sa kanya? Malaki ang posibilidad na kahit ang buong pagkatao niya ay magagawa nitong baguhin.

Natutuwa siyang pagmasdan ang mga babaeng naka-bestida lalo na kung may magagandang binti. At masasabi niyang ito na ang pinakamahusay magdala ng dress sa lahat ng babaeng na-encounter niya. Dahil kahit gaano man kasimple ang istilo at tabas ng pink dress na suot nito ay nangibabaw parin ang natural nitong pang-akit gaya nalang ng itiman nitong buhok na tuwid na tuwid.

Kung paano siyang nahipo ng magaganda nitong mga mata na mas naging kaakit-akit sa paningin niya nang maging mailap ito sa kanya. Nang maganda nitong mukha na gaano man kasimple ang pagkakaayos ay nagawang tawagin ang pansin niya at hindi niya naiwasan ang maaliw nang makita ang pamumula niyon na lalong naging pansinin dahil sa pagiging mestisahin ng kutis nito. At paano ba niya malilimutan ang malamyos nitong tinig nang banggitin nito ang mga salitang.

Peace be with you….

Indeed he found peace with her, kahit sa simpleng pagtatama lang ng kanilang mga mata.Sana lang ay paglapitin ulit sila ng pagkakataon. Dahil gaya narin ng sinabi niya kanina kay Leo, kung magseseryoso siya ay doon na sa babaeng karapat-dapat seryosohin.

"Sa totoo lang wala pa akong nakitang babaeng kasing husay niyang magdala ng dress" sa halip ay isinagot niya.

Tumawa lang ang kapatid niya at hindi na nagsalita. Ilang sandali pa niyang pilit na inabala ang sarili sa panonood pero wala roon ang atensyon niya kaya napagpasyahan narin niyang lumabas ng silid.

SA gate palang dinig na ni Careen ang galit na tinig ni Annabelle. Malamang nagtatalo nanaman ang mag-ina. Itinulak niya pabukas ang pinto para lang magulat nang salubungin siya ng isang malakas na sampal mula sa tiyahin.

"Lumayas ka dito! Napakawalang kwenta mong tao, pagkatapos ng lahat nagawa mo pa akong pagnakawan!" ikinatulala niya ang matinding galit ng tiyahin.

"T-Tita hindi po ako magnanakaw" mabilis na nabasag ang tinig niya. Nasa likuran ng tiyahin si Mia na tahimik namang nakamata.

"Anong hindi? Nakikita mo ito?" isang sobre na may lamang pera ang ipinakita sa kanya ni Annabelle. "kanina ko pa ito hinahanap! Nasa ilalim lang pala ng kama mo! Bakit, dahil ba sinabi ko sayong pag-iisipan ko kung ipa-e-enroll kita? Kaya mo nagawa sakin ang ganito? Ang akala ko pa naman maiintindihan mo ako, ang akala ko mabait kang bata!"

Nanlamig siya sa lahat ng narinig. Gusto niyang magpaliwanag sa tiyahin pero sa nakikita niyang galit sa mga mata nito, humagulhol nalang siya ng iyak. "Ano iyan ha?!" noon hinablot ni Annabelle ang paperbag. "ngayon mo sabihin sa'king hindi mo ako pinagnakawan! Saan ka kumuha ng ipinambili mo sa lahat ng ito?" anitong galit na ibinato pabalik sa kanya ang bag.

"K-Kay M-Mia po ang mga iyan T-Tita. Maniwala po kayo hindi ko po magagawa ang ganoon sa inyo" paliwanag niya sa kabila ng labis na sama ng loob.

"Sa tingin mo pagkatapos ng lahat ng nakita ko paniniwalaan pa kita? Walang utang na loob lumayas ka!" noon nito sinipa palapit sa kanya ang dalawang bag na noon lang niya napuna. "nandiyan na lahat ng gamit mo kaya wala ng dahilan para magtagal ka rito! Huwag na huwag ka ng magpapakita sa akin dahil ituturing narin kitang patay!" anitong hinila siya palabas saka malakas na inihagis ang pinto pasara.

Nagpahid siya ng mga luha saka naglakad palayo. Hindi niya alam kung saan siya pupunta. Mabuti nalang at medyo dumidilim na kaya malinis ang kalsada. Walang nakakita at nakarinig sa nangyari. Noon siya muling napaluha.

Wala siyang pera, wala siyang kahit magkano sa bulsa. Wala narin siyang iba pang kamag-anakan na pwedeng lapitan. Nanghihina ang mga tuhod siyang naupo sa bench na nasa ilalim ng waiting shed. Nang mamataan ang bahay na nakatayo sa tapat niyon ay biglang nakaramdam siya ng bahagyang kapanatagan ng loob.

Suminghot siya. Wala namang aso si Aling Curing kaya nagtuloy siyang pumasok sa bakuran, tinungo ang pinto at kumatok.

"Careen?" kunot ang noo nitong pinaglipat-lipat ang tingin sa kanya at sa dalawang bag na dala niya. "anong nangyari sayo? Bakit ganyan ang ayos mo at bakit namamaga iyang pisngi mo?" mabilis siya nitong hinila papasok ng kabahayan at saka pinaupo, siya naman ay muling napaluha.

"P-Pinalayas po ako ng Tita" aniyang sinimulan ang pagkukwento. Parang hindi makapaniwalang pinakatitigan siya ng ginang.

"Hindi ko po ginawa iyon, kahit wala akong pera hindi ko magagawang pagnakawan ang taong kumukupkop at nagmamalasakit sa akin" naghihinanakit niyang turan.

Noon tumayo si Curing at saka siya mahigpit na niyakap. "Tahan na anak, naniniwala ako sayo."

"A-Aling C-Curing tulungan ninyo ako, wala na po akong ibang alam na pwedeng puntahan" nagmamakaawa niyang pakiusap saka muling napaiyak.

"Kung matutuluyan, matutulungan kita. Kailangan ng isa pang kasambahay sa pinakasukan ko, doon siguradong pwede ka. Kung gusto mo, sumama kana ngayon doon sa akin dahil paalis narin naman ako" suhestiyon nito sa kanya.

Nabuhayan siya ng loob at kahit luhaan ay napangiti. "T-Talaga ho? S-sige po sasama po ako." Hindi na niya inabala ang sariling tanungin kung saan at sino ang magiging amo niya. Ang importante kasi sa kanya nang mga sandaling iyon ay isang bubong na masisilungan at trabaho. At para sa kanya labis na iyong dahilan para magpasalamat.