Chereads / THE THIRDS (Mini-Series) / Chapter 51 - KABANATA 3

Chapter 51 - KABANATA 3

NORMAL na sa malaking simbahan ng San Jose ang mapuno tuwing araw ng linggo.

At dahil nga napakalaki ng simbahan nakagawian na niyang maupo sa bandang likuran. Malayo pa kasi ang lalakarin niya kung lalapit pa siya sa altar.

Kasisimula palang ng homily nang malanghap niya ang isang uri ng pabangong tila umakit sa lahat ng senses niya. Nagmula iyon sa isang matangkad na lalaking nakita niyang naupo isang tao lang ang pagitan mula sa kanya.

Matangkad rin kasi ang isa pang lalaking katabi niya kaya hindi niya mabista ng maayos ang mukha nito. Pero kung ang gamit nitong pabango ang gagawing basis, malaki ang posibilidad na gwapo ito. Natawa siya ng mahina saka lihim na pinagalitan ang sarili. Kahit sa isip niya ay naroon ang paghahangad na masulyapan manlang ang lalaki.

Lord sorry po pero hindi ko talaga mapigilan. Amoy pa lang niya crush ko na siya, pasulyap naman po kahit saglit lang.

Iyon ang iniusal niyang dasal habang nakaluhod sa luhuran.

"Magbigayan kayo ng kapayapaan sa isa��t-isa" anang pari.

"Peace be with you" ang commentator.

Parang sinadyang yumuko ang lalaking katabi niya na nakita niyang nag-ayos ng sintas ng sapatos. Kaya naman nagkaroon siya ng pagkakataong mapagmasdan ang lalaking umagaw ng pansin niya kahit pabango palang nito ang nalanghap niya.

Mestiso, mukhang suplado dahil sa kaseryosohan ng mukha nito. Pero para sa kanya iyon ang totoong nakadagdag sa pang-akit ng lalaki. Manipis ang mapupulang mga labing sa tingin palang parang masarap ng humalik. Perpektong pagkakatangos ng ilong, ang mga mata nitong deep set, may mahahabang pilik. Makakapal na mga kilay.

Ang buhok nito itim na itim at layered ang style ay halatang napakalambot at parang kay sarap suklayin ng mga daliri. Weakness pa naman niya ang lalaking maganda at malambot ang buhok.

"Peace be with you" anito sa kanya sa isang buo at malalim na tinig kaya naman para siyang naalimpungatang mabilis na nagbawi ng tingin.

"P-Peace be with you" muli niya itong nilingon para lang pamulahan ng mukha nang mapunang umangat ang sulok ng labi nito habang amuse na nakatitig parin sa kanya.

Hindi pa ito nakuntento dahil bago pa man siya nakapag-bawi ng tingin ay buong kapilyuhan siya nitong kinindatan. Napapikit siya sa labis na kahihiyan saka mabilis na umiwas ng tingin.

Lord ang antipatiko naman niya, kinindatan pa ako. Napansin ba niyang nagwapuhan ako sa kanya?

Malamang! Kita mo naman mukhang amuse na amuse siya sayo, ikaw naman kasi hindi ka marunong magkontrol.

Ang isang bahagi ng isipan niya. Minabuti niyang huwag ng sulyapan ang lalaki. Pagkatapos niyang magkomunyon hindi na siya nagbalik sa dating kinauupuan at sa halip ay tumayo nalang malapit sa pintuan. Natatakot siyang baka kausapin siya ng lalaking nang hanapin ng mga mata niya sa kaninang pwesto nito ay hindi na niya makita.

"Ako ba ang hinahanap mo?" kamuntik na siyang mapatili doon.

At nang lingunin niya, walang iba kundi si Mr. Suave.

Lihim siyang natawa. Dahil iyon sa swabeng scent ng pabangong gamit nito.

"H-Ha?" mabilis ang naging pagtahip ng kanyang dibdib.

Nginitian siya ng lalaki, at nang mapuna niyang nagsimula ng maglabasan ang mga tao ay sumabay narin siya sa kagustuhang iwasan ito.

Hindi niya alam pero para maramdaman ang ganoon kasidhing kaba para sa isang estranghero? Parang hindi normal at sa totoo lang, hindi siya kumportable.

HULI niyang pinuntahan ang record bar para bilhin ang album na nasa listahan. At dahil nahihiya siyang magtanong minabuti niyang hanapin nalang iyon at pinalad namang natagpuan iyon. Isa iyong compilation ng mga best love songs o mas kilala sa tawag na Cruisin Love Songs.

Ngunit bago pa man niya nahawakan ang CD na nag-iisa nalang sa estante, may ibang kamay ng nakadampot niyon. Nagsalubong ang mga kilay niya saka pinakatitigan ang isang unipormadong lalaking napansin niyang empleyado ng tindahan.

"Teka sandali lang, bibilhin ko iyan" aniya.

"Ma'am pasensya na po naka-reserve na po ito sa iba kaninang umaga pa hindi lang po naitabi kaagad," paumanhin ng isang babaeng nakilala niyang Branch Manager ng tindahan nang masulyapan niya ang name plate nito. "kung gusto po ninyo iwanan nalang ninyo kami ng contact number para maitawag namin sa inyo once na magkaroon ng stock. Last piece narin po kasi ito."

"Naka-reserve? Kanino?" sa inis niyang tanong.

"Sa'kin" noon lang niya napuna ang bultong nakatayo sa may cashier counter.

Kapareho ng kabang naramdaman niya sa simbahan ang nangyari sa kanya nang mga sandaling iyon. "Sinusundan mo ba ako?"

Nagkibit-balikat ang lalaki saka kinuha ang CD at mabilis na naglakad palabas ng tindahan. Natagpuan nalang niya ang sariling sinusundan ito.

"Mr. Suave!" tawag niya nang nasa parking lot na sila ng mall.

Salubong ang mga kilay siyang nilingon ng lalaki. "What? Ako? Mr. Suave?"

"Oo, bakit nandoon ka sa tindahan? Saka bakit mo inagaw iyang CD ko? Bibilhin ko iyan eh" aniyang bahagya pang hinihingal dahil sa ginawang pagsunod dito.

"Hindi ko ito inagaw Miss, pina-reserve ito ng kapatid ko binayaran ko lang" paliwanag nito sa kanya.

"Kunwari ka pa eh kanina lang sa simbahan may pakindat-kindat ka pang nalalaman!" nang marealized ang sinabi ay napapikit siya dahil sa naramdamang inis sa sarili.

"So? Kaya mo naisip na sinusundan kita?" nakatawang sabi ng kaharap.

Dahil sa tonong ginamit nito na tila nang-aasar ay mabilis siyang napikon. Isama pa na paniguradong maraming pangit na salita nanaman ang pwede niyang marinig mula kay Mia dahil sa hindi pagkakabili ng CD.

"Anong so? Ang arogante mo namang magsalita!"

"Arogante? Paano naman ako naging arogante? Saka nagandahan lang naman ako sayo kaya kita kinindatan iyon lang" umiiling nitong sabi at iyon ang nagpausok ng husto sa ilong niya pero nagpigil siya.

Sa kabilang banda ay naroon parin ang hindi maipaliwanag na kilig dahil sa inamin nitong dahilan kung bakit siya kinindatan kanina.

"Sige na sorry, baka naman pwedeng bayaran ko nalang sayo iyan? Magagalit kasi sakin ang pinsan ko kapag hindi ko nabili iyan" pakiusap niya sa mababang tinig.

"Magagalit ang kapatid ko kapag hindi ko nabili ito, I'm sorry" mahinahon nitong sagot saka binuksan ang pinto ng kulay pula nitong BMW.

"Ano ba yan nakikiusap na nga ang tao, sige na please?" giit niyang pakiusap sa mas mariing tinig kaya natigilan ang lalaki.

"Miss naman sinabi ko na sayo di ba? Naipaliwanag ko na ng maayos" naramdaman niya ang bahagyang pagkapikon sa tinig ng kausap kaya napikon narin siya.

"Eh mayabang ka rin pala eh!" asar na asar niyang sambit sa hindi naman kataasang tinig.

Noon siya pinakatitigan ng lalaki. At ang kagustuhang bawiin ang sinabi ay hindi niya mapasisinungalingan lalo na nang makitang nagsimula na itong humakbang palapit sa kanya.

"Mayabang? Ako mayabang?" anitong inulit ang sinabi niya.

"Oo, ang hirap mong pakiusapan at napakatigas ng loob mo, bakit sino ka ba para umasta ng ganyan?" hindi siya nagtataas ng boses pero sa tono at tigas ng pananalita niya ay alam niyang mararamdaman ng lalaki ang galit niya.

Ilang sandaling nanatiling nakayuko lang ito habang nakatitig sa kanya. Malakas siyang napatili dahil sa pagkabigla nang hilahin nito ang kamay niya.

Napayakap siya rito sa kagustuhang huwag matumba pero hindi na niya napansin ang sumunod na nangyari dahil natagpuan nalang niya ang sariling nakasandal sa mismong kotse nito. Itinukod pa nito ang dalawang kamay sa sasakyan kaya naharangan ang pwede sana niyang labasan.

"Alam mo kasi ako iyong tipong hinahalikan muna ang isang babae bago ko ibigay ang pangalan ko. Ngayon, kung papasa sa akin ang lambot ng mga labi mo, malalaman mo kung sino ako" pagkasabi niyon ay walang sabi-sabi siya nitong niyuko at hinalikan.

Napahugot siya ng malalim na hininga at kasabay niyon ay ang masarap na kilabot na mabilis na gumapang sa kanyang likuran kaya kusa niyang naipikit ang kaniyang mga mata. Iyon ang kaniyang unang halik, at nakapagtatakang parang pamilyar iyon kahit ang totoo ay isang estranghero ang gumawa at nagbigay niyon sa kanya.

Nang idilat niya ang kanyang mga mata napuna niyang nakangiti siyang pinagmamasdan ng lalaki.

"Here" saka inilagay sa kamay niya ang CD. "you can have it" anito pang kinurot ang kanyang baba. Parang piping ikinurap-kurap lang niya ang kanyang mga mata habang nanatiling nakatingala rito.

"And by the way" anitong pinakawalan siya. "I'm Lemuel Policarpio III," nakangiti nitong sabi bago sumakay ng tuluyan sa kotse nito.

Sinabi niya sakin ang pangalan niya, ibig sabihin nagustuhan niya ang mga labi ko?

Wala na sa harapan niya ang kotse ni Lemuel nakasunod parin ang tingin niya sa dinaanan niyon. Hindi niya maintindihan kung bakit kanina sa halip na itulak niya ang binata palayo sa kanya ay mariin pa niyang ipinikit ang kanyang mga mata at hinayaan itong halikan siya.

Noon niya tiningnan ang anggulong attracted siya rito. Pero kahit na, hindi iyon sapat na dahilan. Naglakad siya, kilala sa buong SJU ang The Thirds na kinabibilangan ni Lemuel.

Ang mga ito ang third generation ng apat na founders na nagtatag ng unibersidad na iyon. Wala talaga siyang idea sa itsura ng apat bukod sa usap-usapang artistahin ang kagwapuhan ng mga ito.

Madalas lang niyang marinig ang pangalan ng mga ito sa mga kaklase niya. Hindi kasi siya mahilig tumambay sa corridor at quadrangle. Bihira din niyang bisitahin ang library at bukod pa roon ay malayo ang gusali ng College of Accountacy sa College of Environmental Design and Engineering kaya kahit second sem na sa isang linggo ay ngayon lang niya nakita si Lemuel.

At ang isiping sa isang university lang sila pumapasok ay mabilis na binalot ng pag-aalala ang dibdib niya. Paano kung natandaan siya ng binata? Paano kung ipagkalat nitong nahalikan na siya nito kapalit ang isang CD lang?

Mabilis na nag-init ang mga mata niya dahil sa matinding pag-aalala. Iniiwasan pa naman niyang mabigyan ng kahihiyan ang tiyahin niya. Lalo ngayong hindi pa niya tiyak kung makakapag-enroll siya.