Chereads / The Zodiac Warriors (Tagalog) / Chapter 4 - Chapter 4

Chapter 4 - Chapter 4

"ANONG ginagawa mo?! Magpapakamatay ka ba, iha?!"

"Pasensiya na po, Manong pero nagmamadali ako dahil hinahabol ako ng mga masasamang tao."

"Sigurado ka bang tao ang humahabol sa iyo at hindi mga halimaw?"

Ha? Anong halimaw ang pinagsasabi nitong matandang lalaki?

"Sa bayan ang punta ko, iha. Sumakay ka na lang muna at delikadong maglakad sa ganitong lugar lalo na't walang masyadong tao."

Inalalayan naman ako ni Manong para umakyat sa kalesa at nagsimulang maglakbay.

"Saan ba ang punta mo iha at bakit nag-iisa ka lamang?"

"Sa bayan din ho ang punta ko. Galing kasi ako ng palasyo at nagbabakasakaling makahanap ng trabaho doon sa loob."

Nagulat naman ang matandang lalaki sa sinabi ko.

"Talaga? Pinapasok ka naman? Alam mo bang hindi basta-bastang nakakapasok sa palasyo maliban na lang kung may koneksiyon ka sa loob."

Naku! Anong sasabihin ko? Sinong koneksiyon naman ang idadahilan ko? Mukhang nagdududa na rin sa akin ang matanda.

"Ah... Eh... Oo! Si Falco! Kilala mo ba siya, Manong? Nanligaw sa akin dati ang binatang iyon at tinulungan niya akong makapasok sa loob ng palasyo. Naging maging magkaibigan pa rin kasi kami kahit na tinanggihan ko ang kaniyang pag-ibig."

Ano ba ang pinagsasabi mo, Aellia?! Nasa tamang katinuan ka pa rin ba?!

Wala na kasi akong maisip na dahilan. Siya lang din yung kilala kong pangalan na nakitira sa loob ng palasyo na narinig ko kanina sa mga kawal.

"Si Falco ba kamo? Siyempre kilala ko ang batang iyon lalo na't ako nagpalaki sa kaniya magmula nang mamatay ang kaniyang mga magulang. Dumaan din ako kanina sa palasyo dahil may pinadala siyang mga gulay at prutas para sa lugar namin kung saan siya lumaki."

Nakangiti niyang sabi sa akin.

"Ha?!"

Gulat na gulat kong sabi. Hindi ko na namang mapigilang kagatin ang aking mga kuko nang marinig ko ang isiniwalat ng matanda.

"Gulat na gulat ka yata, iha? Pero kailan ba kayo nagkakilala ni Falco? Hindi ko kasi matandaan ang mukha mo pero kung sa bagay matagal na rin kaming naghiwalay ng landas ni Falco nang pinili siya dati ng hari para isanay sa pakikipag-digmaan. Nakitaan kasi siya ng potensiyal ng hari kaya simula noon ay doon na siya nakatira sa loob ng palasyo."

Nakikinig pa din ako hanggang ngayon sa matanda. Mukhang bilib na bilib pa din siya sa Falco na iyon.

"Siyempre hindi pa rin niya nakakalimutan ang lugar namin kung saan siya lumaki. Isang beses sa isang taon kung siya'y bumibisita sa amin pero hindi naman kami nagtatampo sapagka't alam naming abala siya sa mga tungkulin sa palasyo lalo na't naging matatag na Heneral na siya ngayon."

Nakakatawang isipin na ang taong iyon ay mukhang may puso rin pero hindi pa rin ako kumbinsado dahil muntik na niya akong patayin!

Mahigit isang oras na kaming naglalakbay at mukhang malayo pala talaga ang bayan magmula sa palasyo.

Maya-maya rin ay nandito na kami sa bayan.

Wow! Ang daming tao at mga estbalisyemento! Mukhang nagkakasiyahan ang mga tao dito!

"Nandito na tayo sa bayan, iha. Oh siya at dito na lang kita ibaba sapagka't ako'y may pupuntahan pa."

"Walang problema, Manong! Pasensiya na po at wala akong maibigay sa iyong pambayad."

"Wag mo yung isipin, iha. Tulong ko na iyon sa iyo lalo na at magkaibigan pala kayo ni Falco."

Kunwari naman akong tumango. Napakamot na lang tuloy ako sa aking ulo.

"Di bale, Manong kung magkita man tayong muli ay ipinapangako kong susuklian ko ang kabutihan mo."

"Aasahan ko iyan, iha. Mag-iingat ka na lang sa iyong paglalakbay."

At naghiwalay na nga kami ng landas ni Manong.

Nagsimula na rin akong umikot-ikot sa bayan at nagbabakasakaling may mahanap akong pwedeng matuluyan og makainan.

"Alam niyo na ba ang balita? May pinapahanap na babae ang Heneral ng palasyo at kung sino man ang makakakita ay may malaking pabuya."

Nanginig ang aking katawan nang marinig kong nagbubulungan ang tatlong ginang. Lumayo din kaagad ako sa kanila, mahirap na.

Hay naku! Kailan ba matatapos ang araw na ito? Hindi ko aakalain na aabot na hanggang sa bayan ang balita.

Kailangan ko na ring maglakad muli.

PUMASOK ako sa isang pagkainan na ang mga binibenta ay noodles. Makikita rin kasi sa labas ang nakapaskil kung ano ang tinitinda ng may-ari dito.

Gutom na talaga ako at naabutan na ng gabi sa pag-iikot dito sa bayan.

Matapos kong umorder at kumain ay tumayo kaagad ako at hinay-hinay na lumabas.

Ngayon pa lang ay humihingi na ako ng dispensa sa may-ari ng pagkainan dahil wala akong maibabayad.

Panginoon, ikaw na po ang bahalang humingi ng pasensiya sa may-ari.

"Iwanan mo muna ang iyong bayad bago ka lumabas, bata."

Lagot.

"P-po?"

Maang-maangan ko. Nakakatakot ang mukha ng ginang na ito. Alam niya talaga na hindi pa ako nakakapagbayad.

"Hulihin niyo ang batang ito dahil isa siyang mapanlinlang na tao!"

Agad na sigaw ng ginang.

"H-hindi po! May pambayad po ako!"

Nagsisimula nang lumambot iyong mga tuhod ko lalo na't lahat ng kumakain dito sa loob ay masamang nakatingin sa akin. Kunwari naman akong nagkakapa sa aking bulsa.

Mag-isip ka ng paraan, Aellia!

"Nandito ka lang pala mahal ko. Gutom ka na ba talaga at iniwanan mo ako kanina sa tindahan? Wala tuloy akong mapili na kasuotan dahil wala ka para magbigay ng suhestiyon."

Ha? Sino ang lalaking ito? Agad naman siyang kumindat sa akin.

Ang gandang lalaki naman niya! Ako ba talaga ang tinutukoy niya at tinawag na mahal?

"Ako'y humihingi ng paumanhin para sa aking minamahal na kasintahan. Ito ang bayad para sa kinain niyang pagkain."

Kasintahan?!

Nakakalula ang kaniyang imahe. Maputla ang kulay ng kaniyang balat, matangos ang ilong, matangkad at may pagka tsinito ang mga mata!

Korean pop star?!

Sa sobrang tulala ko ay nakalimutan kong nandito na pala kami sa labas ng tindahan habang hawak-hawak niya ang kamay ko.

Tiningnan ko naman ang kaniyang kamay na ngayon ay nakahawak sa akin.

Teka lang? May umiilaw sa likod ng kaniyang palad! Saan ko nga ulit yun nakita? Napaka-pamilyar talaga sa akin.

Tama! Naalala ko na.

Nakita ko din sa Heneral na iyon na may umiilaw sa likod ng kaniyang palad na kasing kapareho ng nakikita ko ngayon! Anong pahiwatig ng ilaw na ito?

"May utang ka sa akin, binibini."

Bumalik ako sa aking presensiya nang magsalita siya. Kinindatan na naman niya akong muli. Ramdam ko namang namumula ang kaliwa't kanang pisngi ko.

"Maaari ko bang malaman ang iyong pangalan?"

Kapagkuwa'y tanong niya sa akin.

Wala naman sigurong masama kung sasabihin ko ang aking pangalan diba? Hindi naman siguro kami magkikitang muli.

Wag kang sinungaling, Aellia! Alam kong gusto mo pa siyang makitang muli.

Sinuway ko naman ang tumatakbo sa aking isipan.

"Aellia. Ang pangalan ko'y Aellia."

Sabik kong sagot sa kaniya. Kinuha naman niya kaagad ang isa kong kamay at hinalikan ang likod nito.

"Ikinagagalak kitang makilala binibining, Aellia."

Sabay bitaw sa aking kamay at sumakay ng kaniyang kabayo. Nakatulala lang ako habang tinatanaw ang kaniyang pigyura na unti-unting naglalaho sa aking mga paningin.

Hinawakan ko naman ang aking puso at pinapakiramdaman ang malakas nitong pintig.

Na love at first sight yata ako. Hindi ko rin mapigilang mapangiti.

"Nakita ka rin naman sa wakas. Tama nga ang kutob ko na kahina-hinala ka ngang talaga."

Tumalikod ako para tingnan kung sino yung nagsasalita. Nagsisimula na naman akong makaramdam ng panganib at tama nga ako, pinapalibutan ako ng mga kawal sa palasyo.

Wala na yata akong takas ngayon.

"Ipasok sa kalesa ang babaeng ito!"