Chereads / The Zodiac Warriors (Tagalog) / Chapter 5 - Chapter 5

Chapter 5 - Chapter 5

"MAMANG KAWAL? Ibabalik niyo ba ako sa palasyo?"

May kasama akong isang kawal dito sa loob ng kalesa simula nang mahuli nila ako sa bayan. Sa tingin ko'y pinasadya talagang may magbantay dito sa akin sa loob.

Sa kalagayan ko ngayon sa tingin pa ba nila ay makakatakas ako?

Hindi rin sumasagot itong kawal na nasa harapan ko ngayon kaya naman pinagmasdan ko na lang ang labas. Nakakatakot ang lugar sapagka't walang mga ilaw at tanging apoy lamang na hawak nila ang nagsisilbing liwanag sa aming paglalakbay. Hindi ko rin alam kung anong oras na, wari ko'y sa mga oras na ito ay pinaghahanap na rin ako ng aking mga magulang.

Maya-maya'y huminto ang kalesa na ipinagtataka ko kung bakit.

"Mamang kawal anong nangyayari?"

Bigla na lang akong kinalibutan at hindi ko alam kung bakit.

"Wag kang lumabas mula dito sa loob kung ayaw mong mamatay."

At doon pa lang sa sinabi niya ay mas lalo akong kinilabutan. Ilang segundo rin ay lumabas ito sa kalesa at naiwan akong mag-isa.

Nakarinig ako ng labanan. Mga tunog ng espadang parang may hinihiwa at tinutusok. Ang mga kabayo rin ay para bang nagwawala. Tinakip ko ang aking mga tenga dahil sa takot pero hindi ko mapigilang magtaka kung anong nangyayari sa labas kaya naman ako'y nagpasyang lumabas mula sa kalesa.

Bigla na lang tumaas ang mga balahibo sa aking katawan at raramdaman kong lumalambot ang magkabila kong tuhod dahil sa nakikita ko ngayon.

Lahat ng kawal ay nakahandusay na sa lupa. Ang iba sa kanila ay kasalukuyang nilalamon na ng mga halimaw.

"Anong klaseng mga halimaw ito?!"

Aking nasambit at napasinghap.

"H-hindi ba't sinabi ko w-wag kang lumabas! M-manatili ka sa loob!"

Sigaw ng nakasama kong kawal kanina sa loob na ngayon ay nakahandusay na rin at pinipilit na tumayo pero bigla itong kinagat ng isa pang halimaw. At dahil na rin sa sigaw at sinabi niya ay kumaripas akong tumakbo papasok ng kalesa pero huli na ang lahat dahil may isang halimaw na lumapit at nakaharap na sa akin ngayon.

Nagsisimulang pumatak na ang mga luha sa aking mga mata dahil sa takot at kilabot. Nakakatakot ang tingin na binibigay ng halimaw na ito sa akin. Nakalabas ang kaniyang mga matutulis na ngipin at naglalaway.

Ngayon ko lang naalala ang sinabi ni Manong sa akin kanina habang papunta kami ng bayan.

"Sigurado ka bang tao ang humahabol sa iyo at hindi mga halimaw?"

Ngayon ko lang naintindihan ang tanong ni Manong sa akin kanina na binaliwala ko lamang.

Alam kong gusto ko pang mabuhay kaya tinangka kong tumakbo mula sa halimaw na nasa harapan ko ngayon pero lahat ng kasamahan niya ay lumapit sa akin at pinalibutan ako.

Wala na akong mahingian ng tulong dahil lahat ng kawal ay nakahandusay na rin sa lupa. Hindi ko na rin alam kung buhay pa ba ang ilan sa kanila.

Unti-unti naman akong pinalibutan ng mga halimaw at tumitili sila na parang ang saya nila sa sitwasyong ito. At mas lalo akong nagulat dahil ang isa sa kanila ay nagsalita.

Nagsasalitang halimaw?!

"Mukhang kakaiba ang nilalang na ito kung ikukumpara sa ilan. Hindi pangkarinawan, pwede natin siyang dalhin sa ating pinuno o kaya'y lamunin natin ng buo."

Sabay tawa pagkatapos sabihin ng halimaw ang mga salitang iyon.

"L-lumayo kayo sa akin!"

Lahat sila'y tumatawa pagkatapos kong sabihin iyon.

Akala ko'y katapusan ko na dahil bigla silang nagkandarapang tumalon sa akin. Ipinikit ko na lang ang aking mga mata nang akala ko'y nasakmal na nila ako pero nang wala akong naramdaman ay agad kong ibinuka ito at natulala sa aking nakita dahil ang lahat ng halimaw ay bigla na lang nakahandusay at wala nang buhay.

Pero papaano?

"Tulungan ninyo ang ibang kawal at baka ang iba sa kanila ay buhay pa!"

Nakatulala lang akong nakatingin sa lalaking nasa harapan ko ngayon, may kasama rin siyang ilang kawal na kaniyang inutusan para tingnan ang iba pa nitong mga kasamahan.

Tiim bagang nakatingin rin ito sa mga nakahandusay na halimaw at hindi ko rin mapigilang tingnan ang umiilaw na markang nasa harapan ng kaniyang kanang kamay ngayon. Dito ko napagtanto at nakita ng mabuti na ang markang iyon ay isang hugis aries na galing sa isang zodiac sign.

Heneral?

Hindi ko na alam kung ano na ang kasunod na nangyari dahil naramdaman ko na lang na ako'y natumba.

NASAAN ba ako?

Napakaganda ng lugar, maraming mga bulalak at napakasariwa ng hangin sa paligid. May mga ibon rin na lumilipad na tanging huni lang nila ang iyong maririnig. Sumatutal, para akong nasa langit dahil na rin siguro sa mga hamog na nakapaligid.

May nakita rin akong napakalaking simbolong zodiac signs na kasing katulad ng nakita ko sa Principal's Office, ang pagkakaiba lang ay gawa sa bakal at ginto itong nasa harapan ko ngayon. Hindi katulad doon sa Principal's Office na nakaukit lamang sa kahoy.

Huminto na rin muna ako sa paglalakad para isipin kung ano ang huling nangyari sa akin.

Teka lang!

Naalala ko na! Ang Heneral ang huli kong nakita bago ako natumba.

Natumba?! Patay na ba ako kaya nandito ako sa langit?!

"Hindi ka pa patay, Aellia."

Lumingon ako para tingnan kung sino yung nagsalita pero wala akong nakita.

"Sino ka?! Bakit alam mo ang pangalan ko?! Magpakita ka sa akin!"

Sigaw ko.

"Hindi mo pa ako makikita sa ngayon pero inaasahan kong magkikita pa rin ang ating landas sa susunod na pagkakataon."

Sagot niya sa aking tanong.

"Hindi kita naiintindihan! Magpakita ka muna sa akin."

Takbo lang ako ng takbo para hanapin kung sino ang nasa likod ng boses pero bigo akong makita ito.

"Naniniwala akong ikaw ang makakapagligtas sa mundong iyong ginagalawan ngayon. Hanggang dito na lang muna, Aellia."

"Ahhhhhhh!"

Hingal na hingal akong bumangon.

Napagtanto kong panaginip lang pala.

Anong klaseng panaginip iyon?

Bumalik naman ako sa reyalidad kung saan nandito ako sa isang kama. Inikot ng aking mga mata ang paligid at napagtanto kong nasa isang selda ako ngayon at ibang kasuotan ang nasa aking katawan.

Hala! Sino ang nagbihis sa akin?

Pinagtataka ko.

Hinawakan ko naman ang aking sentido dahil sa sobrang sakit ng aking ulo. Pinilit ko rin tumayo kahit masyadong pagod pa ang aking katawan.

May nakita rin akong dalawang kawal na nasa labas ng selda at ngayo'y nakatalikod sa akin.

Muntik ko nang makalimutan na nahulog pa rin pala ako sa mga kamay ng Heneral. Napahawak na lang ako sa aking mukha.

Tinangka kong maghanap ng matatakasan pero wala akong makita na kahit anong butas man lang. At nang dahil sa ginawa ko ay nahulog ang basong nakapatong sa katabi kong lamesa. Ang dalawang kawal namay ay nag-atubiling tumingin sa aking gawi, malamang at narinig nila ang pagkakahulog ng baso.

"Tawagin ninyo ang Heneral, gising na ang babae."

Lumipas ang ilang minuto ay dumating ang Heneral at pumasok sa selda kung saan ako nakakulong.

"Mabuti naman at gising ka na."

Agad niyang bati sa akin at hinawakan ang aking baba na agad kong ikinagulat.

"Alam mo bang malaki ang naidulot mong problema? Hindi mamamatay ang ibang kawal kung hindi dahil sayo. Naiintindihan mo?"

Bakit ba parang kasalanan ko ang lahat? Hindi ko rin gustong mangyari ang lahat ng iyon. Gusto ko lang din tumakas mula sa kaniya para sa kaligtasan ko, lalo na't gusto niya rin akong patayin.

Nagsimula na namang pumatak ang mga luha ko at humikbi.

"Wag mo akong iyakan. Maghanda ka mamaya dahil makakaharap mo ang mahal na Reyna."

Agad din siyang umalis at lumabas sa selda pagkatapos bitawan ang mga salitang iyon.

Humiga ako kapagkuwan at iyak lang ng iyak. Naramdaman kong may pumasok na naman sa aking selda at ang akala ko ay ang Heneral ang bumalik bagama't isang matandang babae lang pala na may bitbit na mga pagkain at tubig.

"Iha, wag ka nang umiyak. Kumain ka muna at uminom ng tubig para huminahon ka."

Iyak lang ako ng iyak sa matandang babae na bagong pasok ngayon. Marahil ang matandang babaeng ito ay isang tagapagsilbi ng palasyo base na rin sa kaniyang kasuotan.

Kinuha ko kaagad ang pagkain na dala ng matandang babae at nag-umpisang lumamon dahil parang hindi na makayanan ng katawan ko ang pagod at gutom.

"Sige, kain ka pa iha. Alam mo ba na dalawang araw ka ng natutulog? Marahil dahil masyadong pagod ang iyong katawan kaya ngayon ka lang nagising."

Nagulat ako at napatigil sa pagnguya dahil sa sinabi niya.

"Ano po?! Ganoon katagal?"