NAKAKAPAGOD mag-aral! Kung pwede lang sanang makapunta ng ibang daigdig at takasan itong bagsak kong test.
"Uy, Aellia! Bagsak ka na naman ba?"
Bwisit! Panira talaga ng araw ang babaeng ito! Nandito na naman siya para kutyain ako. Akala mo talaga ay napaka-talino!
"Ah... Eh... May finals pa naman."
Sagot ko na lang sa kaklase kong nakangisi ngayon. Naiinis talaga ako sa tuwing natatapos ang examination at lalabas na iyong results. Ganito palagi ang tinatanong niya sa akin.
Aaminin ko naman na bobo ako pagdating sa klase pero sa isang subject lang naman! At iyon ay ang Math subject. Kahit anong gawin ko kasi para maintindihan lang iyong mga numbers at letters ay hindi ko talaga makuha.
"Naku! Baka dahil diyan sa bagsak mong subject ay hindi ka makakapag-tapos ng senior high."
Pang-iinis niya ulit sa akin.
Hmmp!
Kung pwede lang talagang tadyakin sa mukha ang babaeng ito ay ginawa ko na. Ayaw ko lang mapunta ulit sa Guidance Office at mapagalitan ni Mama.
Speaking of Mama!
Pag ipinakita ko mamaya ang result ng Math test ko ay gugulpihin na naman niya ako ulit! Mukhang gorilya pa naman iyon kung magalit.
Ano na naman kaya ang idadahilan ko sa kaniya mamaya?
"Oh siya, Aellia aalis na muna kami at magdidiwang sa result ng test namin."
Nang nakatalikod na sila at nakalabas ng silid aralan ay naririnig ko pa ring tumatawa ang grupo ni Dianne.
"Humanda kayo sa finals! Dudurugin ko kayo!"
Hysterical kong sigaw sa classroom. Wala akong pakialam kung nagtitinginan ang buong klase sa akin.
"Iniinis ka na naman ba ng grupo nila Dianne, Aellia?"
Dinig kong tanong sa akin ni Kianna habang nakasandal ito sa entrance ng classroom namin.
"Tulungan mo ako, Kianna! Bagsak na naman ako ulit sa Math exam. Anong gagawin ko?"
Pag-aalala kong tanong sa kaniya. Lumapit naman ito sa akin at kapagkuwa'y tinapik ang aking ulo.
Si Kianna ang naging malapit kong kaibigan simula noong junior high. Mas naging malapit kami sa isa't-isa dahil na rin sa pagkakapareho naming gusto. Katulad ng sports, foods, games at lalo na iyong mga teleserye na sinusubaybayan namin. Pero kumpara sa akin, si Kianna iyong mas maganda, cool at matalino. But despite of that, malapit pa rin kami sa isa't-isa.
"Hindi ba at sabi ko naman sa iyo na huwag mo na lang pansinin sila Dianne? Sa bandang huli ikaw lang iyong maiinis."
Turan niya sa akin.
"Hindi ko naman sila pinatulan, pangako! Talagang magaling lang talaga sa pang-iinis si Dianne."
Inis kong pahayag sa kaniya. Kinuha ko na lang iyong backpack ko at nagsimula na kaming lumabas ni Kianna palabas ng Wisdom Academy.
"Kumain na lang muna tayo ng ice cream para mawala iyang init ng ulo mo."
Bigla namang lumiwanag ang mukha ko dahil sa suhestiyon niya.
"Pero wala akong pera, Kianna."
Kunwari'y lungkot kong sabi. Agad naman niya akong binatukan.
"Aray! Bakit ba?!"
Tanong kong galit habang nagtataka kung bakit niya ginawa iyon. Napadaing na lang ako dahil sa sakit. Gusto ko tuloy umiyak!
"Siyempre ako na ang manlilibre."
Bigla niyang sabi.
"Pero bakit mo pa ako sinuntok?!"
Nakanguso kong tanong sa kaniya.
"Buraot ka kasi."
Pareho naman kaming napatawa dahil sa sinabi niya. Masaya naman kaming naglalakad ni Kianna papuntang ice cream parlor habang nakaakbay ito sa akin.
"Bakit kasi hindi nalang tayo magkaklase ngayong senior high na tayo! Eh di sana hindi bagsak iyong examination ko sa Math."
Tumingin naman sa akin si Kianna.
"Ewan ko sa iyo. Bumawi ka na lang sa finals. At isa pa, kailangan mong problemahin ngayon ang rap style ni Tita."
"Ehhhhh! Oo nga pala! Nakalimutan ko si Mama. Patay talaga ako nito."
Naiisip ko na tuloy ngayon kung papaano na naman ako gulpihin ni Mama. Nagulat naman ako nang kinurot ni Kianna ang pisngi ko habang mangiyak-ngiyak.
"Huwag ka nang mag-alala, ganiyan man ang pinapakita ni Tita sayo pero mahal ka niya. So cheer up!"
Bumuntong-hininga na lang ako.
DAHAN-DAHAN kong ipinihit ang door knob ng kwarto ko para nang sa ganoon ay hindi ako marinig nila Mama lalo na iyong kapatid kong si Aellon na sumbungero. Alam kasi nila na ngayong araw lalabas ang results ng midterm examination.
Success!
Tumalon kaagad ako sa kama at humiga ng nakatalukbong kahit hindi pa nakakapagbihis ng damit na pambahay. Mabuti na lang talaga at nakapasok ako ng kwarto nang ligtas kung hindi tataliin talaga ako ni Mama ng lubid at ibibitin pag nakita niya yung test paper ko sa Math.
Sa naiisip ko palang ngayon ay hindi ko mapigilang kagatin ang mga kuko ko. Ang pagkagat ko kasi ng kuko ay isa sa mga pet peeve ko na kinaiinisang masyado ni Mama.
"Ibibitin talaga kita, Aellia! Ipakita mo sa akin ang test papers mo!"
Ano?!
Bigla akong napatayo sa kama at napatingin sa nakausok ngayong ilong ni Mama.
Nakalimutan kong i-lock yung pinto!
"Kahit nakalimutan mong isarado ang pinto ay mabubuksan ko pa rin iyan. At wala akong pakialam kahit masira pa iyong buong pintuan!"
Nang dahil sa nerbiyos ay sinimulan ko na namang kagatin ang aking mga kuko.
"Mama...."
Tanging nasabi ko na lang.
"Iyong test papers mo akin na!"
Sigaw niya at nilapitan ako.
"Sorry, Mama!"
Dali-dali akong tumakbo at lumabas ng kwarto.
"Aba't! Ibibitin talaga kitang bata ka!"
Takbuhan ang naganap sa loob ng bahay namin. Kitang-kita ko sa mga mata ni Mama ang inis at pagod. Patay talaga ako nito!
"Anong nangyayari?"
"Papa! Papa!"
Sigaw ko nang makita ko si Papa na nakapasok na ng bahay. Agad naman akong lumapit sa kaniya at pumunta sa likuran nito at nagtago.
"Humarap ka sa akin, Aellia! Pag umabot ng tatlo ang bilang ko ay gugulpihin talaga kita. Makikita mong bata ka!"
"Honey, pag-usapan natin to."
Mahinahong sabi ni Papa kay Mama.
Nakita ko naman ang kapatid kong lalake na nakangisi. Yung ngising nagtagumpay dahil sa nangyayari sa akin ngayon. At talagang inilabas pa niya ang kaniyang dila para inisin ako lalo.
"Ipagtatanggol mo na naman ang batang iyan! Bagsak na nga pero ini-spoil mo pa rin!"
Sigaw ni Mama kay Papa.
"Papa..."
Ang tanging nasabi ko na lang ulit at nagmamakaawang nakatingin kay Papa.
"Pwede naman nating pag-usapan iyan, Honey. Halika na lang muna at ipagluluto na lang kita ng paborito mong ulam para mawala iyang altapresyon mo."
Inakbayan naman kaagad ni Papa si Mama at tumungo sila papuntang kusina. Hinudyatan naman kaagad ako ni Papa na tumungo na lang muna sa kwarto. Kaagad naman akong nag thumbs-up sa kaniya at nakita kong tumawa si Papa dahil sa ginawa ko.
"Anong tinatawa mo?!"
Narinig ko pang tanong ni Mama kay Papa.
Aakyat na sana ako ng hagdanan nang maalala kong nandito sa pa tabi ko ang aking lalaking kapatid.
"Humanda ka sa akin ngayon, Aellon!"
Ako naman ngayon ang nakangisi sa kaniya at dahil alam na niya kung ano ang susunod kong gagawin ay agad itong tumakbo rin.
"Halika dito at kukurutin muna kita!"