Lalong lumakas ang tibok ng puso ni Gu Jingze habang nakatitig sa labi ni Lin Che. Napakaganda ng hugis nito, mamasa-masa, at malambot na parang isang basa at mapulang balat ng prutas. Parang nagtataglay ito ng mapang-akit na anyo.
Dahan-dahan niyang inalapit ang kanyang mukha.
Ngunit, hindi pa man niya lubusang nailalapit ang kanyang mukha, ay biglang bumukas ang mga mata ni Lin Che!
Napakurap siya nang ilang beses habang nakatitig sa pares ng mga matang iyon.
Samantala, pakiramdam ni Lin Che ay malabo ang kanyang mga mata dahil sa distansiya nilang dalawa. Nang dahil dito, naalimpungatang kinuskos niya ang kanyang mga mata.
Medyo hindi rin malinaw ang kanyang pag-iisip dahil siguro sa epekto ng gamot na kanyang ininom.
"Ikaw..." Nang mapatingin siya sa mapang-akit nitong labi, parang may kumati bigla sa kanyang puso.
"Matulog ka nang maayos." Nagpakawala ito ng mahinang ubo at pagkatapos ay iniunat ang mga kamay para takpan ang mga mata ni Lin Che.
Hindi nagtagal, nakatulog na itong muli.
Samantala, tumalikod naman si Gu Jingze at hindi na sinubukang lingunin itong muli.
Pero nang ipikit niya na ang kanyang mga mata, muli ay umatake na naman ang kamay nito sa kanyang dibdib.
Napasingamot siya ngunit mapapansing medyo nasanay na siya sa pabigla-bigla nitong atake sa kanya. Kaya't hindi rin nagtagal at nakatulog na rin siya sa wakas.
Sa sumunod na araw, matagal nang nakaalis si Gu Jingze nang magising si Lin Che.
Bumalik lang ito na may dalang pagkain nang matapos na siyang makapaglinis ng kanyang sarili.
Hindi na masyadong sumasakit ang kanyang sugat at dahil dito, mas naging maayos na rin ang kanyang pakiramdam. Nilingon niya si Gu Jingze at nagsalita, "Diba sabi ko sa'yo... Posible nga talaga na matulog tayo kagaya ng ginawa natin kagabi. Tingnan mo ang sarili mo, mas nagmukha kang alerto ngayon."
Tahimik lang siyang tiningnan ni Gu Jingze. Ayaw na niyang pag-usapan pa nila kung paanong nakayakap ito sa kanya nang magising siya at kung paano nito nagawa na maglaway sa kanyang leeg.
Kapag naaalala niya iyon, parang nangangati bigla ang leeg niya.
Maya-maya ay dumating na ang doktor para palitan ang benda sa sugat ni Lin Che. Habang sinusuri nito ang sugat, mukhang gumagaling na nga ito. Pero, mahahalata pa rin ang peklat na ito kaya hindi pa rin maganda ang tingin ni Gu Jingze sa doktor.
"Doc, kailan ba lubusang gagaling ang binti ng aking asawa?"
Mahina lamang ang boses ni Gu Jingze sa pagtanong dito ngunit narinig niya kaagad ito at mabilis na sumagot. "Ito po ay..."
Bago pa man nito matapos ang sasabihin, biglang tumunog ang cellphone ni Gu Jingze.
Tiningnan niya ito. Si Mo Huiling ang tumatawag.
Dahil gusto niyang marinig ang sasabihin ng doktor, hindi niya sinagot ang tawag.
Nang makahalata ang doktor, nagpatuloy ito, "Ito po ay..."
Ngunit, tumunog na naman ang kanyang cellphone.
Halata ang pagkairita sa mukha ni Gu Jingze habang nakatingin sa kanyang cellphone. Paulit-ulit na lumalabas ang pangalan ni Mo Huiling sa screen. Sa gilid ay iniangat ni Lin Che ang ulo at tinawag ito. "Gu Jingze, sagutin mo muna ang tawag na iyan at mamaya na lang ulit natin pag-usapan 'to."
Nanigas ang kanyang mukha at nilingon si Lin Che bago nag-aatubiling lumabas na dala ang kanyang cellphone.
Sinagot nga niya ang tawag at bahagyang mahahalata ang pagkairita sa kanyang tinig. "Huiling, may problema ba?"
Mula sa kabilang linya ay maririnig ang paglalaro ni Mo Huiling sa labi nito. "Bakit mo pinatay ang tawag ko sa'yo kanina?"
Iniisip pa rin ni Gu Jingze ang gustong sabihin ng doktor kahit magkausap sila ni Mo Huiling. "Busy lang talaga ako ngayon. Bakit?"
"Hindi ka sumipot para sa pagdiriwang ng aking birthday at pagkatapos non, hindi mo na rin ako pinapansin. Jingze, ano ba'ng nangyayari sa'yo?"
Naalala naman ni Gu Jingze ang araw ng birthday nito. Dahil sa aksidenteng nangyari nang araw na iyon, hindi siya nakarating sa kanilang usapan, at pagkatapos non ay naging abala rin siya sa pag-aasikaso kay Lin Che.
"Marami lang talaga akong ginagawa nitong mga araw." Dahil hindi naman nila ipinaalam sa publiko ang nangyaring aksidente, hindi niya na rin sinabi pa ito kay Mo Huiling.
"Ngayong may sakit ako, hindi ka pa rin ba makakapunta para dalawin ako?"
"May sakit ka?" Tanong ni Gu Jingze.
Humikbi naman si Mo Huiling mula sa kabilang linya. "Gusto kong puntahan mo ako dito ngayon at samahan ako. Wala akong pakialam kung ano man iyang pinagkakaabalahan mo. Jingze, kung hindi ka pupunta dito para tingnan ako, tiyak na hindi ako gagaling. Sa ngayon, pakiramdam ko mamamatay na ako."
Malala ba talaga ang sakit nito? Na halos dumating na sa punto na ikamamatay na nito?
Pagkatapos ng tawag ay bumalik si Gu Jingze sa ward at kinausap si Lin Che. "May nangyari kay Mo Huiling. Kailangan ko siyang puntahan ngayon at tingnan ang kanyang kalagayan."
Hindi naman tumanggi si Lin Che. Tiningnan niya ito at tumango. "Ah, sige lumakad ka na. Napakarami ng mga nagbabantay sa akin. Wala namang mangyayari sa'kin, sa totoo lang."
Tumango rin si Gu Jingze at tiningnan siya bago lumapit sa kanya. Iniabot nito ang kamay para kumutan siya at iniayos ang nakalabas niyang paa.
"Tatawag ako ng magbabantay sa'yo dito. Masyado kang malikot kapag natutulog. Siguraduhin mo na hindi mo magagalaw 'yang sugat mo." Bilin nito sa kanya.
Hindi naman makapaniwala si Lin Che sa narinig. "Kailan ako naging malikot matulog?"
Kaagad na naalala ni Gu Jingze ang nangyari kagabe. Suminghal ito sa kanya bago sumagot. "Ang sabi mo hindi ka malikot pero ang totoo, halos lumipad ka na papuntang langit kagabe. Ganoon pa man, mag-ingat ka pa lalo. Huwag kang masiyadong magalaw. Pag nagsimula na naman 'yang dumugo, di ko alam kung gagaling pa ba iyang paa mong iyan."
"Oo na po. Tigilan mo na iyang panenermon. Bilisan mo na, puntahan mo na si Miss Mo. Hindi ba't emergency ang lakad mo?"
Pagkatapos mag-isip ay kaagad na sumang-ayon sa kanya si Gu Jingze. Tumango ito at lumabas na.
Nakarating siya sa bahay ni Mo Huiling pagkatapos magmaneho nang kalahating oras.
Ang kwarto ni Mo Huiling ay parang kwarto ng isang prinsesa. Balot na balot ang kanyang katawan ng kumot habang pinapakinggan ang mga ingay mula sa labas.
Nang medyo marinig niya ang tunog ng pumarang sasakyan, kaagad niyang sinuri ang kanyang suot.
Mabilis namang nakapasok si Gu Jingze at napansin si Mo Huiling na nakahiga sa kama na nakalantad ang kalahating bahagi ng katawan nito. Bagama't sinabi nito na may sakit ito, mapapansin pa rin ang make-up sa mukha nito. Sa ilalim ng kumot ay nakasuot lamang ito ng maikling pangtulog. Tiningnan siya nito-- mga tingin na malalambot gaya ng isang seda-- dahilan upang magmukha itong kaakit-akit.
Napatigil si Gu Jingze. Tiningnan niya ito habang mahina ang boses nito na nagsalita sa kanya. "Jingze, kung hindi ka kaagad dumating, baka hindi mo na ulit ako nakita pa."
Mabilis namang nakalapit dito si Gu Jingze. "Paano ka nagkasakit gayong maayos naman ang pakiramdam mo?"
Nang malaman ni Mo Huiling na darating ito, kaagad siyang nagtawag ng katulong para ayusin ang kanyang kwarto. Nagspray siya ng mamahalin ngunit preskong pabango at personal na pumili ng maikling pangtulog. Mahahalatang maganda at malambot ang kanyang bagong-ligong katawan. Mahinahon niya itong tinitigan at pagalit na sumagot. "Hindi ko rin alam. Ang alam ko lang ay, nang gabeng hindi ka sumipot, magdamag akong umiyak. Pagkatapos non, hindi na rin ako nakakain ng kahit ano. Marami na akong pinapuntang doktor, pero lahat sila hindi malaman kung ano ang problema. Akala ko talaga mamamatay na ako."
Bakit naman ito mamamatay?
Si Lin Che ang totoong halos mamatay na!
Hindi mapigilan ni Gu Jingze na isipin si Lin Che. Habang nakatingin siya kay Mo Huiling, bahagya siyang nakaramdam ng galit dito. "Huiling, hindi ako nakarating ng kaarawan mo dahil may biglaang nangyari sa aking panig nang araw na iyon. Hindi talaga ako pwedeng umalis. Isa pa, usapang buhay at kamatayan iyon. Wala akong panahon na mag-isip pa ng ibang bagay at kasama na don ang bigla mong pagtawag para lang papuntahin ako dito. Dapat talaga ay hindi na ako pumunta dito. Ginawa ko lang 'to dahil ang sabi mo may sakit ka."
Mukha ba itong may sakit?
Pakiramdam niya ay napaka-insensitibo ni Mo Huiling ngayon.
Nilingon siya ni Mo Huiling at napansin nito na talagang nagalit nga si Gu Jingze.
Noon, hindi nito kayang bitawan siya nang ganoon kabigat na mga salita.
Hindi rin naman niya iniisip na may kinalaman dito si Lin Che. Marahil ay napakaseryosong bagay nga talaga ang inaasikaso nito kaya galit na galit ito sa kanya ngayon.
Kaagad ay umiyak siya sa harapan nito. Habang dumadaloy ang mga luha sa kanyang mata, mabilis niyang sinagot si Gu Jingze. "Jingze, wala akong ideya kung mayroon mang nangyari sa'yo. Sobra lang talaga ang pag-aalala ko para sa'yo. Mahal na mahal kita. Yan din ang dahilan kung bakit nagagalit ako. Dapat ay sinabi mo kaagad sa akin kung may nangyari man. Pero, hindi mo nga rin alam na umiyak ako nang buong gabeng iyon. Maraming beses akong tumawag sa'yo pero kahit isa, hindi mo man lang sinagot."
Nakatingin lang si Gu Jingze habang malungkot itong umiiyak. Dahil sa malungkot nitong mga sinabi, lumambot naman ang kanyang puso. Bahagyang hininaan niya ang kanyang boses at pinatahan ito. "Alright, sorry Huiling. Nakapagsalita ako nang ganoon dahil masyado lang akong maraming iniisip. Ako ang dapat sisihin dahil hindi ko hinawakan nang maayos ang mga problema ng araw na iyon at dahil doon, pinag-alala pa kita."
Hindi pa rin tumitigil sa pag-iyak si Mo Huiling.
Ang tanging ginagawa lamang niya ay tapikin ang balikat nito. "Sige na, Huiling. Humihingi na ako ng paumanhin."
Nang marinig ni Mo Huiling na sinsero itong humihingi ng patawad sa kanya, nasabi niya sa kanyang sarili na, 'Sabi ko na nga ba, hindi niya talaga matitiis na makita akong umiiyak.'
Kinagat niya ang ibabang bahagi ng kanyang labi at humihikbing sumagot, "Mabuti naman at alam mo."