NO exaggeration, pero dahil sa ngiting iyon ay nagmistula siyang dahon na malayang nililipad ng hangin sa kaparangan. "H-Hi" aniyang nakangiti itong sinulyapan saka mabilis ring nagbawi ng tingin.
"Glad to see you again, ako nga pala si Dave, John David Estriber III" saka nito nakangiting inilahad ang palad sa kanya.
Noon niya pinakatitigan ang katabi. "D-Dave? Estriber III?" hindi makapaniwala niyang tanong-sagot
Sa canteen madalas niyang marinig na pinag-uusapan ng mga kasamahan niyang babae ang The Thirds. Ang pinaka-kilalang grupo sa SJU na obviously ay mga apo ng apat na founders ng unibersidad. Pero ni sa panaginip ay hindi niya inakalang magkakaroon siya ng ganitong opportunity. Ang makalapit sa kahit isa lang sa mga ito.
Tumango ito. "Ako iyong sinasabi ni Mrs. Guevarra na magiging partner mo. Ikaw? I heard your name is A-Audace?"
"A-Audace, Audace Anne Celebre" sa kabila ng matinding kabang nararamdaman ay pinilit niyang muling ngumiti.
Naramdaman niya ang kakaibang init ng palad nito nang tanggapin niya ang pakikipagkamay ng binata. Hindi rin niya maintindihan kung paano nagawang patigilin ng simpleng gesture na iyon ang pag-ikot ng kanyang mundo. At ang biglang pagbabago ng hangin sa paligid nila. Dahil kahit bukas ang aircon sa buong gym ay ramdam niya ang kakaibang uri ng alinsangang hatid ng mga titig sa kanya ng katabi.
"Ang ganda naman ng pangalan mo, kasing ganda mo" nag-init ang mukha niya habang nagmistulang sirang plakang nagpaulit-ulit sa kanyang pandinig ang sinabing iyon ng binata.
"S-salamat, saka salamat pala ulit kanina" halos paanas niyang turan. Tumango-tango si Dave saka nito walang anumang binasa ang mapupula nitong mga labi. Ano ba 'yannnn… Pati mannerism pang gwapo! Kinikilig niyang naisip saka iniiwas ang tingin sa katabi.
"YOU'RE welcome" nang mapunang nawala sa harapan ng klase ang kanilang guro.
Her scent, parang pamilyar. Parang…Nang maalala ang babaeng nakasabay niya sa sementeryo noong isang araw. She really is, the most beautiful girl I have ever met.
Maraming magagandang babae na siyang nakilala at lahat halos sa mga ito ay naging nobya niya. Pero hindi niya maikakaila na sa kanilang lahat ay iba si Audace. Iyong tipong pwede mong iharap sa camera at kunan ng litrato anytime dahil laging selfie ready ika nga nila. Aminado siyang nakaramdam siya noon ng matinding kaba kaya hindi niya magawang lapitan si Audace. Pero parang magic na naglaho ang lahat ng iyon kaninang mangyari ang unang encounter nila sa third floor ng CAS Building. Hindi niya alam kung nagkataon lang na nasa floor na iyon ang classroom ni JC na kinailangan niyang puntahan para ibigay rito ang final list ng mga nakapasa sa audition ng SJU Dance Troope. And so it happened, parang fate ang nagbigay-daan para malapitan niya ito.
Magic. Magic raw kasi kung tawagin iyong invisible thread na nag-uugnay at naglalapit sa dalawang taong itinadhana para sa isa't-isa. Sa kanilang apat, si JV ang totoong naniniwala sa magic ng love. Pero siya, kahit minsan hindi iyon sumagi sa isip niya. Although sa kabila ng pagiging playboy niya ay pangarap naman talaga niya ang magkaroon ng masayang pamilya at makilala ang babaeng babago ng buong pagkatao niya.
"Ano na nga palang course mo?" napangiti siya nang mapuna ang ginagawang paglalaro ni Audace sa mga daliri nito. Tense? Bakit? Nang sumagi sa isip niya ang posibleng dahilan ay lumapad ang kanyang ngiti.
"A-Ah ECE" anitong binalingan siya.
"Pareho pala tayo kung ganon" aniyang tumango-tango.
"Regular student ka di ba?" si Audace.
"Yeah, it's just that I dropped PE 202 nung first year ako" amin niya."di ba ikaw iyong sa canteen?"
"Natandaan mo pala ako" pleased nitong turan. "oo, actually sa kitchen talaga ako naka-assign. Kulang lang kasi ang tao noon sa dinning kaya ako pinatulong ni Ma'am Glenda. Bakit?"
Magkakasunod siyang umiling. "Sa ganda mong iyan, dapat nga doon ka nila sa kaha i-assign" nakita niya ang matinding pamumula ng mukha ni Audace sa sinabi niyang iyon.
Tumawa ng mahina ang dalaga. "M-May alam kasi ako sa kusina kaya doon nila ako nilagay."
"Meaning, masarap kang magluto? Impressive!" totoo sa loob niyang compliment, nginitian siya nito."After this may klase ka pa or trabaho?"naisipan niyang itanong.
Umiling si Audace saka tipid na ngumiti. "Day-off ko pag ganitong araw kaya mas maaga akong nakakauwi."
"Great! Canteen tayo after class?" masigla niyang alok.
"Ha?" halatang nagulat na tanong ni Audace.
"May nakakagulat ba sa sinabi ko?" aniyang umangat ang sulok ng labi.
Noon nahihiyang nagbawi ng tingin nito sa kanya ang dalaga. "Alam mo namang crew lang ako doon di ba?" humaplos ang mainit na damdamin sa puso niya nang maramdaman ang insecurity sa tinig ni Audace.
Napabuntong hininga. "There, alam ko na ang iniisip mo" aniya sa isang mababang tinig "huwag kang mag-alala mababait ang mga kaibigan ko. At isa pa, walang kaso sakin kahit ano ka pa." sa huling tinuran niya ay napatitig sa kanya ang katabi.
Ilang sandaling nanatiling magkahinang ang kanilang mga mata. Weird, pero sa puso niya ay biglang niyang naramdaman ang kagustuhang protektahan ito kaya hindi na siya nagtaka nang manulas iyon sa mga labi niya "Are you killing me with those lovely eyes? Why, you look so fragile. I know this may sound crazy pero sa ganda mong iyan, mahirap na. Dapat may bantay ka, at willing akong maging knight in a shining armour mo" anas niya nang hindi niya mapigilan ang sariling sabihin ang totoong nararamdaman.
Ilang sandali siyang pinakatitigan ni Audace dahil sa sinabi niyang iyon. Marahil tinatantiya nito kung seryoso ba siya o nagbibiro. "O-O sige, i-ikaw ang bahala" saka nagbawi ng tingin ay nagnginginig ang tinig na sumagot si Audace.
Noon siya nakahinga ng maluwag. "Oo for snack or oo, pumapayag ka nang bantayan kita?" masaya niyang tanong.
Nakita niya ang pagkailang sa magandang mukha ng katabi. "H-Hindi ba nagyayaya ka sa canteen?"
Tumawa siya ng mahina. "Right" nasisiyahan niyang sagot habang sa isip niya. Friendship would be a great start.