Chapter 10 - PART 10

"ASTIG ka ah! Ang tagal mong inawitan ang motorbike na iyon sa Tito tapos pinamigay mo lang? O baka naman gumaganti ka lang kay Randy kasi siya ang third party nung kayo pa ni Janna?" bungad sa kanya ni Raphael nang makabalik siya sa corridor kung saan niya iniwan ang mga ito.

"Tsk, ano ako sira? Itataya ko ang motorbike ko para lang makaganti sa kanya? Saka gusto kong manigurado na mananalo ako, alam ko namang hindi niya ipupusta iyong kotse niya at bukod pa roon alam kong nasa masamang kamay si Audace sa kanya" paliwanag niya.

"So ibig sabihin si Audace talaga ang dahilan kaya mo pinamigay ng ganun nalang ang motor mo?" si JV naman na kagaya niya'y nakatanaw sa malawak na quadrangle ng SJU.

Wala sa loob siyang napangiti. "S'yempre naman!"

"Sa ganda niyang ngiti mo mukhang tinamaan kana" si Lemuel naman iyon.

"I more than like her. That certain emotion between like and love, iyon ang alam kong nararamdaman ko para sa kanya. Kaya gusto ko siyang protektahan palagi" aniya habang sinusundan ng tingin ang papalayong bulto ni Audace na kalalabas lang ng booth.

NASA tagong bahagi ng SJU ang Dance room. Kahanay nito ang Music Room, Guildhall at Orchestra Room. Nasa pinaka-dulo ang pakay niyang silid. Sa labas palang ay niragasa na ng matinding kaba ang kanyang dibdib. Dahan-dahan niyang itinulak pabukas ang glass door saka sumilip. Napangiti siya nang mabungaran si Dave na sumasayaw sa saliw ng kantang It's Gonna Be Me ng Nsync. Nakatalikod ito sa kanya at nakaharap sa malaki at wall type na salamin ng silid. Bukas naman ang aircon pero napuna niyang basang-basa na ng pawis ang suot nitong white tshirt. Dahilan kaya bumakat ng husto ang magandang pangangatawan ng binata.

Nanatili siya sa ganoong ayos. Alam niyang kapag pumasok siya ay mapipilitang tumigil si Dave sa ginagawa nito at ayaw niyang mangyari iyon. Nakaka-adik naman kasing panoorin ang binata sa pagsasayaw nito na hindi mahirap ihalintulad sa mga galaw ni Justin Timberlake ng Nsync. Iyon ang unang pagkakataong nagkaroon siya ng chance na panoorin si Dave. At masasabi niyang hindi nga naman kalabisang i-compare ito sa naturang Hollywood Actor narin ngayon.

"Audace!" ang binata nang matapos ang kanta. "kanina ka pa?" anitong nakangiti siyang pinatuloy.

Madali naman siyang nakabawi sa pagkagulat kaya agad na napangiti. Bagaman ang pamilyar na kabang nararamdaman niya kapag nasa paligid si Dave ay walang pinagbago. "Hindi naman masyado" aniya saka naupo.

Nang simulang tuyuin ni Dave ang pawisan nitong mukha gamit ang hand towel ay hindi niya napigilan ang sariling pagmasdan ang binata. Napasinghap pa siya nang biglang ibaling ng binata ang tingin sa kanya. Mabilis siyang nagbawi ng tingin, pero huli na dahil nakita ni Dave ang ginawa niya. Dahil doon ay mabilis na nag-init ang kanyang mukha, lalo nang napuna niya ang pagpipigil nitong mapangiti.

"A-Ang galing-galing mo palang sumayaw Dave" aniya sa pagnanais makabawi mula sa pagkapahiya.

Nangislap ang mga mata ni Dave dahil sa sinabi niyang iyon. "Talaga? Gaano mo ba ako katagal pinanood kanina? Saka ilang beses mo na ba akong nakitang sumayaw?" amuse nitong tanong sa kanya.

Bukas ang aircon, pero bigla siyang nakaramdam ng alinsangan dahil sa tinging ipinukol sa kanya ng binata."K-Kanina lang. Tsaka, dancer din kasi iyong ex ko kaya kahit papaano may idea ako sa ganyan" pag-amin niya.

Noon nangingiting tumango-tango ang binata. "Ahhh, nagka-boyfriend kana pala?"

"N-Nung high school. Kagaya mo rin siya, leader siya ng dance club" pagpapatuloy niya. "Oh ba't ka nangingiti?"

Umiling ang binata. "Naalala ko lang si Aling Lerma nung kinausap niya ako, ganoon din ba siya noon dun sa ex mo?"

Umiling siya. "Di ba nga sabi ko sayo ikaw palang ang lalaking sinama ko sa bahay? Si Alfred hindi iyon pumupunta samin. Madalas nakikita nila siya sa school o kaya sa street, kasi niligawan ako nun sa school lang din" paliwanag niya.

"Ahhh, eh bakit naman ex? Hindi ba nag-work? Saka ilang taon kana nga pala?" anitong isinandal ang likuran sa upuang plastic na kinauupuan nito.Pilit niyang iwinawala ang kakaibang sensasyong hatid ng mga titig ng kaharap. Sa tono ng pananalita nito habang nagtatanong halatang interesadong-interesado ito sa mga isasagot niya.

"Eighteen na ako. Kaya ex, kasi hindi nag-work" aniyang sinimulang ikwento sa binata kung paano nagsimula at natapos ang kwento nila ni Alfred maliban sa ilang personal. Kagaya ng totoong ugali ng dating nobyo. At maging ang ginawang pananamantala nito sa kanya na pinili niyang itago nalang dahil sa dami ng problemang kinakaharap ng pamilya niya nang mga panahong iyon. "ang sabi niya babalikan niya ako, pero hindi na ako umaasa. Maraming magagandang babae sa Amerika, at gwapo siya" salaysay pa niya.

Nang itaas niya ang ulo ay nakita niyang seryoso ang mukha ni Dave habang nakatitig sa kanya. Nasa mga mata nito ang klase ng emosyong mahirap ipaliwanag. At bigla, nakaramdam siya ng guilt dahil sa ginawang pagkukwento.

"Paano kung bumalik nga siya? Tatanggapin mo pa ba?" walang emosyong tanong ni Dave.

"Hindi ko alam, dipende, pero sa totoo lang hindi na talaga ako nag-e-expect kasi sabi nga nila diba, expectation means disappointment. Siguro hindi lang talaga kami para sa isa't-isa."

Tumango si Dave. "Sige na huwag na natin siyang pag-usapan, baka magselos pa'ko niyan! Eh sa nakikita ko sayo parang in love ka parin sa kanya" anito. "anyway I'm glad you're eighteen kasi twenty one na ako, kung sakali pwede na pala tayo magpakasal kahit secret lang" nakangiting dugtong pa ni Dave.

Lihim siyang nagulat sa narinig. At nang itaas niya ang ulo ay nakita niyang seryoso ang mukha ni Dave. Pero gaano man ito kaseryoso, gaya ng dati, relax parin ang itsura nito kahit may pagka-notorious ang dating.

"Sira ka talaga" umiiling niyang sabi habang nakangiti.

"Baka nga, sira na nga ako kasi hindi naman ako dating ganito. Pero kung ikaw ang dahilan, aba! Kahit hindi na ako lumabas ng mental!" anitong sinundan pa ang sinabi ng isang mahinang tawa.

"Kundi ka pa kilalang playboy baka maniwala ako sa sinasabi mo" tumawa lang doon ang binata kaya nagsalita ulit siya."salamat nga pala sa ginawa mo kanina, nakakahiya man pati yung motor mo nawala sayo dahil sakin" totoo iyon sa loob niya.

"Sa maniwala ka man o hindi kitang-kita ko ang lahat ng pangyayari kanina. I mean, mula nang lumabas ka ng canteen hanggang nang lapitan ka ni Randy sa booth para tubusin" walang gatol na turan ni Dave kaya napangiti siyang namumula ang mukha.

Hindi niya napigil ang paglapad ng kanyang ngiti dahil sa narinig."Talaga lang ha? Di ibig sabihin pinapanood mo ako mula sa malayo?" buska niya habang pilit na itinatago ang kilig sa tinig.

"Hindi ko ide-deny iyon, talagang kahit dulo niyang buhok mo kabisado ko" nangingislap ang mga matang tinitigan siya ni Dave.Hindi siya nakapagsalita at nanatiling nakatitig lang sa kaharap. "Oh, may mali ba sa sinabi ko?" tumatawa nitong tanong. Nagbuntong hininga siya saka umiwas ng tingin. "ang ganda mo alam mo ba? Maniniwala kaba kapag sinabi kong ikaw na ang pinakamagandang babaeng nakilala ko?" nag-init ng husto ang mukha niya sa sinabing iyon ni Dave. Lalo't naramdaman niya sa mga titig nito na totoo sa loob nito ang tinuran.

"Salamat, ang totoo gwapo karin naman. S-Sobrang gwapo actually" hindi niya alam kung saan siya kumuha ng lakas ng loob na sabihin iyon sa kabila ng matinding tensyong nararamdaman.

"Really?" anito sa isang nasisiyahang tinig. "sinong mas gwapo sa amin nung ex mo? What's his name again?" curious na tanong ng binata.

"Alfred."

"Sinong mas gwapo saming dalawa?" nagulat siya sa tanong na iyon ni Dave. "ano? Mas gwapo ba siya sakin kaya hindi ka makasagot?" anitong maluwang na ang pagkakangiti habang nakataas ang mga kilay.

"S-Sa totoo lang mas gwapo ka sa kanya" pinigil niya ang mapabungisngis sa kilig dahil sa tanong na iyon ni Dave at nagtagumpay naman siya.

"Right, mas maganda na iyong maliwanag ang lahat" anito sa nasisiyahang tinig.

Hindi niya maintindihan kung bakit kailangan pang alamin ni Dave ang tungkol doon pero isa lang ang tiyak. Nasisiyahan siya sa nakikitang anyo nito na parang batang inabutan ng bagong laruan. Ang aliwalas ng bukas ng mukha na parang walang problema.