Chereads / See My Side (3FOL Series #2) / Chapter 8 - Chapter 6 - Worry

Chapter 8 - Chapter 6 - Worry

Chapter theme: I Think I'm Falling - MYMP

Nakatitig lang ako sa kawalan habang nakaupo sa wooden swing sa malawak na garden ng bahay namin. Kagat-kagat ko ang kuko ko at kanina pa ako balisa. Kauuwi ko lang galing sa bahay nila Earl at mas lalo lang akong nag-aalala sa kanya dahil sa mga nalaman ko.

Hindi ko na mabilang kung ilang beses na ba akong humugot ng malalalim na buntong-hininga, habang bumabalik-balik sa isipan ko ang napag-usapan namin ng daddy ni Earl kanina.

"Hindi siya pumapasok?" Hindi makapaniwalang tanong ni tito Rick sa akin. Nanlulumong napasandal ito sa sandalan ng sofa nang sabihin ko sa kanya ang madalas na pag-absent ni Earl sa klase.

It turns out, umaalis pala ito ng bahay nila na naka-uniform at palaging gabi na ito nakakauwi. Ang dahilan niya lagi, puspusan na raw ang pagpapractice nila ng basketball kaya late na sila matapos. Eh, hindi nga rin siya umaattend ng practice nila.

"May nababanggit ba sa'yo ang anak ko?" tanong nito.

Marahan akong umiling. "Wala po, tito. Nag-aalala na nga rin ako sa kanya kaya nagpunta na ako dito. Akala ko nga nandito lang siya sa bahay niyo, pero wala rin pala."

"Saan naman kaya nagpupunta ang batang 'yon?" frustrated na tanong nito saka napahilamos na lang sa mukha ng palad niya.

"No offense meant tito, pero may nangyari po ba sa family niyo? I mean, napapagalitan niyo po ba siya? Nasaktan? Or nagrerebelde po ba siya?" usisa ko.

Marahas itong umiling. "Wala naman. Ang tanging problema lang naman namin ay 'yung sa kompanya ng mommy niya. Pero sabi ko naman, huwag na niyang alalahanin at kami na ang bahala do'n. Hindi rin naman namin siya napapagalitan o napagsasalitaan ng masama kaya walang dahilan para magrebelde siya sa amin."

Ano bang tumatakbo sa isip ng lalaking 'yon? Hindi niya naman ugaling magbigay ng problema sa magulang niya. Hangga't maaari, hindi niya binibigyan ng sama ng loob ang mga ito.

"Pasensya na po, tito. Mukhang nabigyan ko pa po kayo ng iisipin."

"No hija, thank you. Salamat at nagmagandang loob kang sabihin sa akin ang pinaggagagawa ng anak ko," ngumiti ito. "Pwede bang humingi ako sa'yo ng pabor?"

"Sure, tito. Anything." I smiled back.

"Pwede mo ba siyang subaybayan kapag nasa school siya? Baka may dahilan kung bakit hindi siya pumapasok. Ayoko muna siyang komprontahin, alam kong may mabigat na rason siya at handa naman akong maghintay na kusa siyang magsabi sa akin.

"Don't worry tito. Ako na po ang bahala sa kanya. Makakaasa po kayo sa akin," I said reassuringly.

"Salamat."

I jolted back to the present when I heard my phone rang. Nakapatong lang ito sa tabi ko kaya agad ko itong dinampot.

"Kanina ka pa hindi nagpaparamdam, nag-aalala na ko. Tumatawag rin ako, hindi mo sinasagot. May nangyari ba?" bungad ni Moonlight na parang nagtatampo.

"Sorry. Dumiretso kasi ako ng mall after class. Tapos dumaan rin ako sa bahay ng kaibigan ko kaya kakauwi ko lang din. Lumilipad pa ang utak ko sa kung saan, kaya hindi ko napapansin ang tawag mo," paliwanag ko.

I heard him heave a deep sighed. "May problema ka? Parang ang tamlay kasi ng boses mo."

"Nag-aalala lang ako sa kaibigan ko. Hindi ko kasi alam kung okay lang ba siya. Dati naman, nagsasabi siya sa akin kapag may problema siya. Ngayon, parang naglilihim siya."

"Lalaki ba 'yang kaibigan mo?" seryosong tanong niya.

Kumunot naman ang noo ko. "Oo. Bakit?"

"Crush mo?"

"Ano bang klaseng tanong 'yan?" I chuckled.

"Sagutin mo na lang," iritadong sambit niya.

"Hindi. Best friend lang kami. Sabay kaming lumaki dahil magkakaibigan ang parents namin, tapos sa iisang village lang kami nakatira."

"Ano siya sa'yo?" matabang na tanong nito.

"Huh?" Ano bang problema nito? Nagtataka na ako sa inaasal niya.

"Do you like him as a person or as a man?"

"I like him as a person. As a man, no. Parang magkapatid lang kami. Okay na ba?"

"Hindi. Kasi nagseselos pa rin ako. Lagi kayong magkasama."

Nahigit ko ang paghinga ko dahil sa narinig. Napahawak ako sa dibdib ko dahil malakas itong kumabog at parang tatalon na ang puso ko palabas.

"Nagseselos ako."

Talaga namang inulit pa! Lalo tuloy nagwala ang puso ko. Have mercy on me!

Sumandal ako sa inuupuan ko at pilit na kinalma ang buong sistema ko. Kinagat ko ang labi ko para pigilan ang sarili na ngumiti. "Bakit ka naman magseselos, ano ba kita? Papaalala ko lang ha, para lang kitang kuya dahil mas matanda ka sa akin."

Natahimik ito saglit. Parang hindi niya nagustuhan ang sinabi ko. "You're brutally honest. Nasasaktan na ako, Charmelle."

Hindi ko na napigilang tumawa ng malakas dahil sa pag-iinarte niya. Sapo ko ang tiyan ko at halos maiyak na rin ako dahil sa kakatawa. Kapag kausap ko talaga ang lalaking 'to, laging walang dull moment. Palagi lang akong tumatawa dahil sa mga kalokohan niya. Nakakalimutan ko ang lahat ng problema ko ng dahil sa kanya. He's indeed my happy pill.

"Sige, Charmelle, tawa pa. Saktan mo pa ko," pagmamaktol nito.

"Loko-loko ka talaga. Anyway, paano ba makipagkaibigan?" pag-iiba ko ng usapan.

"Change topic pa. Lalo akong nasaktan."

"Tumigil ka na nga!" suway ko. Humalakhak lang ito ng pagkalakas-lakas.

"How to make friends? Hmm. Hindi ko rin alam, eh. Hindi kasi ako friendly," sagot nito. "Bakit?"

"May kaklase kasi ako. Gusto ko siyang maging friend, kaso tinanggihan niya ang alok ko dati. Mahirap ba akong kaibiganin?"

"Hindi ko alam. Hindi naman kaibigan lang ang tingin ko sa'yo."

"Moonlight!" bulyaw ko. Namumula na ang pisngi ko dahil sa mga pinagsasasabi niya.

"Basta isa lang masasabi ko, hindi ka mahirap magustuhan," he added. Para na akong malalagutan ng hininga sa mga hirit niya.

"Ayoko na nga. Hindi ka naman makausap ng matino," I pouted.

I heard him chuckled happily. "Cute mo talagang mainis."

"Hmp. Hindi mo naman ako nakikita, paano mo nasabing cute ako?"

"Alam ko lang. Nakatatak na kasi sa isipan ko ang mukha mo."

And with that, binaba ko na ang tawag. Ang lakas-lakas ng kabog ng puso ko, para na itong sasabog. Sa tanang buhay ko, ngayon lang ako nakaramdam ng ganito sa isang lalaki. Kapag nagpatuloy ito, baka tuluyan na akong mahulog. Who you talaga ako kay Yana nito.

Mariin akong pumikit at kinausap ang puso ko. "Be still my heart, be still."

***

"Charmelle, nandiyan na ang daddy mo."

Napalingon ako kay manang Lydia na nakasilip sa pinto ng kwarto ko. Agad akong bumangon sa pagkakahiga at itinabi ang librong binabasa ko. Sumulyap ako saglit sa maliit na orasan sa bedside table ko, pasado alas-nuebe na pala ng gabi.

"Kumain na si daddy?" tanong ko.

Umiling naman si manang. "Hindi pa. Dumiretso na siya agad sa office niya."

"Ako na lang po ang maghahatid ng pagkain kay daddy. Pahinga na po kayo."

"Ikaw talaga, napakabait mong bata. Kaya hindi kita maiwan-iwan, eh."

"Bakit? May balak po kayong iwan ako?" malungkot na tanong ko.

Umangat naman ang kamay niya para haplusin ang pisngi ko. "Tumatanda na ako, Charmelle. Baka hindi ko na magawa ng maayos ang trabaho ko. Pero hanggang kaya ko pa, mananatili lang muna ako dito sa tabi mo."

Matagal ng naninilbihan sa amin si manang Lydia, hindi pa man ako pinapanganak. Nang maghiwalay ang mga magulang ko, sa kanya ako ibinilin ni mommy. Kahit ayaw ko siyang umalis, wala naman akong magagawa kapag ginusto niyang magretiro. Deserve rin naman niyang makapagpahinga mula sa pag-aalaga sa akin.

"Baba na po tayo," naglalambing na aya ko saka kumapit sa braso niya.

Nang makarating kami sa kusina, inihanda na ni Manang Lydia sa isang tray ang pagkain ni daddy. Binitbit ko ito nang umakyat ako ulit sa taas para puntahan si daddy sa office niya.

"Dad, kain ka na muna," kuha ko sa atensyon niya nang makapasok ako sa loob ng office. Maingat na nilapag ko sa center table ang tray na may laman ng dinner ni daddy.

"May kailangan ka?" nagtatakang tanong ni daddy nang mag-angat siya ng tingin sa akin.

Umiling ako. "Wala naman. Gusto ko lang mag-thank you."

"Thank you for what?"

Thank you for not pushing through your partnership with tita Tanya. Thank you, for thinking of me.

"Nothing," I smiled. "I love you, dad."

Umayos ng upo si daddy at matamang tinignan ako. "You're being weird."

Ngumuso ako saka umaktong nagtatampo. "Weird na bang magsabi ng 'I love you' sa daddy ko?"

Natawa na lang si daddy at nailing-iling. "Thanks for my dinner, bebita."

Parang may maliit na kamay na humaplos sa puso ko dahil sa salitang itinawag niya sa akin. Matagal-tagal ko na rin itong hindi naririnig mula sa kanila ni mommy. Bebita. Baby girl.

"Goodnight, dad! Kain ka na. Huwag kang magpalipas ng gutom," bilin ko.

Marahan naman itong tumango. "I will."

***

Nakasakay ako sa kotse ni daddy habang papunta kami sa bahay nila Earl. Maaga akong gumising ngayong araw at sinadya ko talagang daanan siya para wala na siyang dahilan para mag-skip na naman ng klase.

Nang huminto ang kotse sa tapat ng bahay nila Earl, sakto namang kalalabas niya palang ng gate.

"Earl!" tawag ko sa kanya mula sa nakabukas na bintana ng kotseng sinasakyan ko.

Namilog ang mga mata niya at bumakas ang labis na pagkagulat sa mukha niya nang makita niya ako.

"Charms! Anong ginagawa mo dito?" takang tanong niya nang makalapit.

Matamis akong ngumiti. "Sakay na. Sabay na tayong pumasok."

Napakamot naman ito sa likod ng batok niya. May pag-aalangan sa bawat kilos niya.

"Dali na, baka maabutan pa tayo ng traffic," pamimilit ko.

Wala na siyang choice kaya sumakay na lang siya. Habang nasa loob kami ng sasakyan, kapansin-pansin ang pananahimik niya. Nakakapanibago dahil madaldal ang taong ito. Nakahilig lang ang ulo niya sa bintana ng kotse at nakatanaw sa labas. Parang ang lalim-lalim ng iniisip niya.

"Bakit hindi ka pumasok kahapon?" basag ko sa katahimikan.

Saglit siyang lumingon sa akin, pero agad din siyang umiwas. "May emergency lang sa bahay. Hindi muna ako pinapasok ni daddy."

Naramdaman kong kumirot ang puso ko ng sandaling 'yon. Sinusubukan kong hulihin ang mga mata niya, pero hindi siya makatingin sa akin.

'Bakit ka nagsisinungaling sa akin? Sa amin? Ano bang problema, Earl?'

Gustong-gusto ko na siyang tanungin pero pinigilan ko ang sarili ko. Napag-usapan na namin ng daddy niya na parehas kaming magpapanggap na walang alam sa pagsisinungaling niya.

Nang makarating kami sa school, nauna nang bumaba si Earl. Hinintay ko muna siyang makaalis bago ako nagbilin sa driver ni daddy.

"Manong Louie, pwede pong agahan niyo ng ilang minuto ang pagsundo sa akin mamaya?" pakiusap ko. "May gagawin lang po tayo."

Tumango naman ito. "Okay po, ma'am. Noted."

"Sige po. Salamat. Ingat po kayo."

Bumaba na ako ng sasakyan at nagtungo na ako sa classroom namin. Pagpasok ko sa loob, nadatnan ko si Yana na pinuputakte na ng tanong si Earl nang makaupo ito sa upuan sa likuran namin.

Bago ko puntahan ang mga kaibigan ko, lumapit muna ako kay Chianna na nakaupo sa sulok at nakapangalumbaba habang nakatanaw lang sa baba.

Nilabas ko ang libro ng Noli Me Tangere na binili ko sa bookstore kahapon at nilapag 'yon sa mesa niya. Gulat na gulat siya nang mapatitig siya sa akin.

"For you. Para may magamit ka," I flashed her my brightest smile.

"P-Para sa akin talaga 'yan?" she gaped.

Tumango-tango naman ako.

"Pero, pinahiram na rin ako ni Rena ng libro na pinaglumaan ng kapatid niya. Ito, o." May kinuha siya sa bag at pinakita niya iyon sa akin.

Hinanap ng mga mata ko si Rena, pero hindi ko siya mahagilap. Baka lumabas at magka-cutting na naman. Ibang klase din talaga ang babaeng 'yon. Mukhang parehas pa ang tinatakbo ng utak namin.

"Sige na. Tanggapin mo na, para may reserba ka," I insisted.

Ngumiti naman ito ng napakalapad. Galak na galak siya na parang isang batang nakatanggap ng isang napakagandang regalo.

"Thank you!" Niyakap niya ang librong bigay ko na parang natatakot na may umagaw nito sa kanya. Cute.

"Iingatan ko 'to, promise!" dugtong niya pa.

"Glad to hear that. Upo na ko."

"Sige. Thank you ulit!"

Pumunta na ako sa upuan ko sa tabi ni Yana na hindi pa rin tumitigil sa pagdaldal, samantalang ako, pasimple lang na nakamasid sa bawat kilos ni Earl. Hindi ko na rin muna sinabi kay Yana ang mga nalaman ko. Mahirap na, wala pa namang preno ang bibig nito.

"Bakit ka nga kasi absent? Napapadalas na 'yan, ha!" panggigisa ni Yana habang nakapamewang.

"May emergency nga," tipid na sagot ng huli.

"Weh? Baka nagbubulakbol ka lang, ha?"

"Sira."

"Anong klaseng emergency naman? Anong nangya—"

Nabitin ang tanong ni Yana sa ere nang biglang dumating na ang teacher namin sa first subject.

Hindi ako makapagfocus sa lesson namin buong araw dahil ang dami-daming gumugulo sa utak ko. Namalayan ko na lang, uwian na pala.

Agad kong inayos ang gamit ko nang makitang papalabas na si Earl ng classroom namin.

"Mauna na ko," paalam ko kay Yana.

"Hindi tayo maghahang-out? Teka, nasaan na si Bryan?"

"Next time na lang, Yana. May kailangan lang akong gawin ngayon," pagdadahilan ko na lang.

May pagmamadali sa kilos ko nang lumabas ako ng classroom at halos tumakbo na ako makarating lang ng parking lot. Agad namang pinaharurot ni Manong Louie ang kotse nang makasakay na ako sa backseat. Nang makalabas kami ng gate ng university, nakita ko si Earl na tila nag-aabang ng sasakyan sa labas.

"Manong, sundan po natin siya." utos ko nang sumakay si Earl ng jeep.

Kailangan kong malaman kung saan siya nagpupunta, by hook or by crook.