DARK TEMPTATION (novella/Filipino)

🇵🇭shylZ
  • 9
    Completed
  • --
    NOT RATINGS
  • 56.3k
    Views
Synopsis

Chapter 1 - PROLOGUE

"DON'T go inside, Troy. You'll wake him up."

Hindi pinansin ng pitong taong gulang na batang lalaki ang babala ng kanyang nakatatandang kapatid.

"Troy!"

"Sshh! 'Wag kang maingay, Jack." Matanda sa kanya ng dalawang taon si Jack pero kahit minsan ay hindi niya ito nakasanayang tawaging Kuya. Their father had raised them as equals. Marahil ay dahil sa lumaki ang daddy nila na walang nakatatanda o nakababatang kapatid. He had a twin brother instead.

Marahan niyang binuksan ang seradura ng pintong nasa harapan nila at sinilip ang amang humihilik sa kama. Even in his sleep, their father could still scare the hell out of them. Para itong si Smaug mula sa librong The Hobbit, mahimbing na natutulog sa pugad nitong punung-puno ng kayamanan. Sinomang gumising sa dragon ay tiyak na mamamatay.

"Do you want to get punished again?" Hindi iyon isang simpleng pananakot mula kay Jack. Alam nilang pareho ang konsikuwensya ng pagpasok sa master's bedroom nang walang pahintulot mula sa kanilang ama. Pero walang pagpipilian si Troy. Sa pagkakataong iyon ay nais niyang sundin ang utos ng kanilang ina.

"I'll be careful," paniniyak niya. Iniwan niya ang kapatid sa labas ng pintuan saka siya maingat na pumasok sa loob ng kuwarto. Panay ang kanyang panalangin na huwag sanang huminto ang malakas na paghilik ng daddy nila. Hindi sila pwedeng mahuli nito. Their father would lock them up inside the dungeon cell for hours and he wouldn't care if they starved.

Nilapitan niya ang bedside table at sinikap na huwag makalikha ng ingay habang binubuksan ang drawer. Higit niya ang hininga nang damputin ang bungkos ng mga susi gamit ang kanyang maliit na kamay. When his father moved slightly, he froze.

"'Labas ka na d'yan, Troy!" pabulong na sumigaw si Jack nang hindi na muling gumalaw ang daddy nila. Nawala sa pandinig nila ang hilik ng kanilang ama pero nang masigurong nakapikit pa rin ito ay dali-dali siyang lumabas ng kuwarto. Mahigpit na nakakipit ang mga susi sa kanyang palad upang pigilan ang pagkalansing ng mga iyon.

"You shouldn't have stolen the key, Troy. Magagalit si Daddy sa 'tin," wika ni Jack habang sinusundan siya nito pababa sa basement ng kanilang bahay.

"But Mommy needs our help," salag niya.

"Mommy did something bad and Daddy said she should be punished."

"I don't want to see her get hurt again, Jack."

Pinigilan ni Jack ang kanyang braso. "She will leave us, Troy."

Sinakluban ng takot ang batang puso ni Troy. Gayunman ay pilit niyang kinumbinsi ang sarili na hindi totoo ang sinabi ng kapatid. Hindi sila iiwan ng kanilang ina. Mahal sila nito.

Pumiksi siya mula kay Jack at tinakbo ang malaking pintong bakal na nasa dulong bahagi ng basement. Nakarinig siya ng kaluskos mula sa loob at sumungaw sa pagitan ng mga rehas ang pagod na mukha ng mommy nila. Magulo ang buhok nito, may sariwang marka ng sampal sa pisngi. Halata rin ang pagkatuyo ng luha sa sulok ng mga mata nito.

It had always been the same picture. Always.

"Did you get it, Troy?" nahahapong tanong ng kanilang mommy. Halos maiyak ito sa galak nang ipakita niya ang mga susi rito. "Good boy. Now, unlock this door. Jack, help your brother."

Iiling-iling si Jack mula sa malayo. Bakas ang takot at pag-aalinlangan sa mukha. "I can't. Daddy will get mad at us."

"No, baby. I'll make sure he won't hurt either of you. Please, let me get out of here."

Nakaramdam ng awa si Troy sa ina kaya naman nilapitan niya ang kandado upang subukang ipasok ang isa sa mga susi roon. But he had no idea which was the right one and he wasn't tall enough to reach the lock. Nilingon niya ang kapatid na siyang nanatiling nakatulos sa kinatatayuan.

"Help me, Jack. Hindi ko maabot eh."

"No, Troy!"

"Jack, please. Do this for me," pagsusumamo ng ina. Sa huli ay napapayag si Jack at ito ang siyang nagbukas sa kandado. Nang tuluyang makalabas ang mommy nila ay dagli itong lumuhod sa kanilang harapan upang mayakap sila nang mahigpit.

"Thank you, boys. K-Kahit anong mangyari, 'wag n'yong kalilimutan na mahal ko kayo," nanginginig na sambit ng kanilang ina saka ito madaling umalis. Nang sundan nilang magkapatid ang mommy nila sa sala ay inabutan nila itong may kausap sa telepono. Bitbit din nito ang maletang minsan na nilang nakitang nakatago sa likod ng sofa.

"Mommy?" pagtawag ni Troy.

Malungkot na napalingon sa kanila ang ina matapos putulin ang tawag. Yumukod ito sa harapan nila at muli silang niyapos.

"You're leaving, are you?" may pait sa himig ni Jack.

Narinig nila ang impit nitong pag-iyak. "I'm sorry, boys." Nang muling tumayo ay walang lingon nitong dinampot ang maleta at dere-deretsong lumabas ng bahay. Kinabahan si Troy. Nang muli nilang sundan ang mommy nila sa labas ay natanaw nila ang isang kotse na nakahimpil sa tapat ng gate.

"I told you, Troy. She's leaving!" galit na turan ni Jack.

"No!" Panay ang marahas na pag-iling ni Troy. Ayaw pa rin niyang tanggapin sa sarili ang sinabi ni Jack. Tumakbo siya para habulin ang ina pero hindi pa siya nakalalayo ay may biglang sumakmal sa kanyang batok. Narinig niya ang boses ng kapatid pero hindi niya naintindihan ang sinabi nito. Nagtayuan ang mga balahibo niya nang sa paglingon ay tumambad sa kanya ang galit na anyo ng kanilang daddy.

"Hold your brother, Jack!" makapangyarihang utos nito sa kapatid na siya namang mabilis na tumalima. Hinatak siya ni Jack pabalik sa portico ng bahay at doon nila pinanood ang pagmartsa ng kanilang daddy pasunod sa mommy nila. "Melissa!" Dumagundong ang malakas na tinig ng kanilang ama. Malalim na ang gabi at nagsisimula nang pumatak ang ulan.

Tarantang binuksan ng kanilang mommy ang gate. "No, Samuel. Hindi mo na ako mapipigilan sa pagkakataong ito. Hindi na rin ako babalik sa impyernong bahay na 'to!"

Sinubukang hablutin ng ama ang braso ng kanilang ina pero mabilis na nakasakay sa kotse ang huli. Walang nagawa ang daddy nila nang humarurot palayo ang sasakyan. Nanlilisik ang mga mata at mabibigat ang mga hiningang pinakawalan nito. Ilang sandali rin ang pinalipas nito bago ito muling gumalaw.

Panay ang paglunok nilang magkapatid habang pinanonood ang amang tahimik na isinasara ang gate. Ramdam nila ang intensidad ng galit nito mula sa malayo. Nang humarap ito sa direksyon nila ay napahawak sila sa kamay ng isa't isa. Nais nilang tumakbo, pero alam nilang kapag ginawa nila iyon ay mas malalang kaparusahan ang kanilang matatanggap.

Their father walked towards them like a parading nightmare. Sapat na ang dilim na nakikita nila sa mga mata nito upang makaramdam sila ng matinding takot. They knew they had just awaken the beast and they were both in trouble.

"'See what you boys did? You disobeyed me and now your mother is gone. Mula ngayon, patay na ang mommy n'yo, maliwanag?" sambit nito sa malamig at nakapangingilabot na himig. Pumisil sa kanilang balikat ang mga kamay nitong sintigas ng bakal. Ramdam nila ang pagbaon ng mga daliri nito sa kanilang laman.

Napilitan silang tumango.

Ibinaba nito ang ulo sa pagitan ng kanilang mga mukha. "'Wag kayong mag-alala. Bibigyan ko kayo ng bagong mommy at sisiguruhin kong hindi niya tayo iiwan." Kapwa sila napasinghap nang marahas nitong haklitin ang kanilang mga braso at galit silang kinaladkad papasok sa loob ng bahay.