NAGISING si Alynna sa malalakas na boses ng kanyang mga magulang. Nag-aaway na naman ang mga ito. Minsan pa niyang tinabunan ng dalawang unan ang mukha pero tumatagos pa rin doon ang ingay mula sa labas ng kuwarto.
"Kainis!" iritableng sabi niya. Tumayo siya at dumeretso sa banyo para mag-toothbrush at maghilamos. Mabilis siyang nagpalit ng damit at dumampot ng jacket sa cabinet. Isinilid niya sa maliit na bag ang phone, wallet at susi saka muling lumabas ng kuwarto. Dinatnan niya ang mama niyang nakapamaywang sa sala. Nakaupo ang papa niya sa sofa, katabi ang isang babaeng nasisiguro niyang si Mary Ann. Lumolobo na ang tiyan nito.
Magiging Ate na ulit ako. Great.
"Hindi mo siya pwedeng patirahin dito, Nelson. 'Kapal naman ng mukha mo!"
"Bahay ko ito kaya't patitirahin ko ang kahit sinong gusto ko!" mariing sabi ng papa niya. Napayuko naman si Mary Ann. Beinte-kuwatro na si Alynna at parang mas matanda lang sa kanya ng isang taon ang petite na babae. Hindi niya lubos-maisip na sa isang beerhouse ito nagtatrabaho. Maamo at inosente ang dating ng mukha ni Mary Ann—usual taste ng kanyang ama sa mga babae. Nagtataka nga siya kung paanong nagustuhan ng papa niya ang kanyang ina noon. Classic at sopistikada kasi ang dating ng ganda ng mama niya. Just like hers.
"Bahay ko rin ito! Baka nakakalimutan mong…"
Dere-deretso siyang lumabas ng bahay at hindi na nakinig pa sa away ng mag-asawa. Kabisado na niya ang sunod na litanya ng mama niya. Gaya ng dati, pagtatalunan na naman ng dalawa kung sino ang mas may karapatan sa bahay. Iyon ang dahilan kung bakit wala pang bumubukod sa mga magulang niya kahit pa matagal nang sira ang relasyon ng mga ito.
Mabilis siyang sumakay ng jeep at bumaba sa tapat ng isang subdivision. Bumili siya ng mga chips at beer-in-can sa nadaanang 7-11. She yawned as she lazily walked along the road. Inaantok pa talaga siya. Ayaw pa naman niya sa lahat iyong nasisira ang tulog niya.
Nakatayo na siya sa tapat ng asul na gate at handa nang mag-doorbell nang biglang matigilan. "Oh my God, bakit ako nandito? Hay Ynna, nababaliw ka na ba?" Mabilis siyang tumalikod at malalaking hakbang na naglakad palayo. Mahirap nang makita siya ni Toby. Baka kung ano pa ang isipin nito.
Gusto niyang sabunutan ang sarili. Nakalimutan na ba niyang hiwalay na sila ng lalaki? She walked fast, ignoring the voice behind her. Muntikan na siyang mapatalon nang makarinig ng sunud-sunod na pagbusina ng sasakyan.
"Alynna!"
Napahinto siya. Her eyes widened as she finally recognized the voice. Gulat siyang napalingon sa gwapong lalaking bumaba ng Ford Escape.
"Boss, anong ginagawa mo dito?"
Troy's eyes glazed, with a bemused smile on his seductive lips. Naka-casual shorts at grey shirt ito. Nakalitaw ang biceps nitong tila kay sarap pisilin. His hair was a bit messy but in a sexy kind of way. She found him refreshing at that moment dahil kinasanayan na niya ang serious office aura nito.
"Well, I live here now. Actually, kalilipat ko lang ng apartment two weeks ago. Ikaw, anong ginagawa mo dito nang ganitong oras? Late na ah."
Napatanga siyang muli sa bahay nina Toby.
"You know someone who lives here?" Sinundan ng lalaki ang tingin niya.
"Ahm…" Naman, paano ba siya magpapaliwanag dito?
"Alynna?"
"A-Actually, si Toby..."
Muli nitong sinulyapan ang bahay. "Oh, taga-rito rin pala siya," he sounded disappointed. "I thought you're no longer—"
"Yeah, tapos na kami. It's just…" Nakagat niya ang pang-ibabang labi saka napatingin sa supot na hawak. "May nangyari kasi sa bahay kaya umalis muna 'ko. Nasanay lang ako na kapag may gulo, si Toby ang pinupuntahan ko."
"So unconsciously, dinala ka ng mga paa mo dito?" Ipinagkrus ng lalaki ang matipunong mga braso. "If you plan to go home, ihahatid na kita."
Her lips moved but she didn't know what and how to respond. Gusto niyang tanggihan ang alok nito, pero gusto rin niyang sabihin na wala pa siyang balak umuwi. Kung hindi naman siya uuwi, saan siya pupunta?
"Looks like you don't want to go home yet." The corner of his mouth turned up. Napatango siya kay Troy. Bakit ba kay dali siya nitong nababasa? "Gusto mo bang samahan kita?"
Para siyang kiniliti sa tinuran nito. Bukas-sara ang bibig niya, hindi pa rin alam kung paano magsasalita.
"If you want, you can stay at my place tonight. Kung may problema ka, pwede akong makinig. Once you're okay, I'll drive you home."
Stay at my place tonight…
Nag-init ang mga pisngi niya sa isang antisipasyon. Pero bago pa siya may maisip na kung anong pilyang bagay, mabilis niyang iniling ang ulo.
"Okay lang ako, Boss. Ayoko namang makaistorbo sa'yo."
"Sinong may sabing iistorbohin mo 'ko?" Kinuha nito ang supot na dala niya. Her heart leapt at the sight of his cool smile. "I want some beer tonight. Sumakay ka na dahil hindi ko na 'to ibabalik sa'yo."
"Sige na nga," pagpayag niyang kunwari ay dahil sa wala na lamang siyang choice. Pero ang totoo ay nagsisimula nang umahon ang hindi mawaring kaba at excitement sa dibdib niya.
"Don't worry, I'm not a serial killer," natatawang sabi ni Troy nang makasakay na sila. Napansin yata nito na medyo tensed siya. "You're completely safe with me."
Well that's the problem. Alynna didn't want to feel safe tonight.
***
HINDI ganoong kalaki ang apartment ni Troy pero tama nang tirhan ng isang thirty-year old bachelor. Alam ng buong opisina nila na wala pang asawa ang lalaki. Base rin sa nasagap niyang tsismis, wala rin itong seryosong kasintahan.
May mga unpacked boxes pa sa paligid. Ang ibang gamit gaya ng mga upuan ay may balot ng plastic at mukhang mga bago pa. May dalawang palapag ang apartment, black and white ang floor tiles at purong puti ang kisame at dingding. Sa sala ay may higanteng black leather couch na papasa ng kama para sa kanya. Katapat niyon ang malaking LED TV at sound system. Sa magkabilang gilid ay may nakatayong honeycomb-styled CD racks. The albums were mostly from classic rock bands: Pink Floyd, Journey, Nazareth at marami pang iba.
"Mag-isa ka lang ba talaga dito, Boss?" malakas niyang tanong mula sa sala. Nasa kusina si Troy, katatapos lamang hakutin ang mga pinamiling grocery.
"Yeah," malakas din nitong sagot.
"Nasa'n ang family mo?"
"Someplace."
It was a vague reply but she didn't pry any further. Nilapitan na lamang niya ang surreal painting na nakasabit sa kabilang panig ng pader. The literal image looked strange and she couldn't tell if it was about a man finding its way out of a labyrinth, or a labyrinth finding its way out of a man. Sa baba ng frame ay may nakasulat na: "To my dear brother. From Jack."
Umupo si Alynna sa couch kapagkuwan. Hinubad niya ang jacket at isinampay sa ulunan ng kalapit na arm chair. Itinaas niya nang kaunti ang damit dahil medyo mababa ang plunge line ng suot niyang sleeveless blouse. She didn't want to put Troy or her in a more awkward situation. Mahirap na.
"Kumain ka na ba?" tanong ni Troy mula sa kusina.
"Actually…" Bigla siyang nakaramdam ng pangangalam ng sikmura. Hindi pa nga pala siya naghahapunan.
"I'll take that as a no." Nakangiti itong sumilip sa kanya. "Okay ba sa'yo ang sandwich? O gusto mo ng kanin?"
"Sandwich na lang, Boss." Ayaw niya ng masyadong mabigat na pagkain lalo na't iinom sila ng beer. She couldn't believe she would be drinking with her boss alone. Madalas kasi na kasama ang buong team kapag nagkakayayaan sila sa bar.
Maya-maya ay dumating si Troy na may bitbit na tray. Nilapag nito sa mesa ang isang pitcher ng orange juice, mga baso, at platter na may lamang dalawang malalaking sandwich. May nasisilip siyang white meat, tomatoes, lettuce, at onions—pang-healthy living ang mga sangkap.
"Hmm... bigla akong nagutom ah," komento niya kahit sa loob-loob niya ay gusto niyang humingi ng kahit isang hiwa ng keso man lang.
"I hope you're okay with this. Ginamit ko lang kung anong ingredients na meron ako d'yan. I'm not a fan of cheese, bacon, or ham. Too much carbs."
Pinanlakihan niya ito ng mga mata. "Boss, try mo namang mabuhay minsan."
Napahalakhak si Troy at parang bago sa kanya ang tunog na iyon. Ngumingiti at tumatawa rin naman ito sa opisina pero hindi kasing-sagana ng naririnig niya ngayon. Tonight, he seemed so laidback, free from all the stress he was getting from work. Nang iabot nito sa kanya ang platter ay buong-puso siyang dumampot ng sandwich.
"Kung gutom ka pa, pwede akong magpa-deliver dito ng gusto mong pagkain."
Umiling siya. "Okay na 'ko dito, Boss. Isa pa, ang dami n'ung chips na binili ko. 'Yun na lang ang lalantakan ko mamaya."
"'Sabi mo eh."
"By the way, ang cute ng painting mo ha." Ngumuso siya sa direksyon niyon. "Weird, pero cute. Sino si Jack? Kapatid mo?"
"Yeah, that was a gift. He made that."
"Wow! Painter pala siya?" manghang bulalas niya. "Bunso ka ba? Ilan kayong magkakapatid?���
"Just two, I'm the youngest. Magpatugtog tayo?" Nilapag ni Troy ang kinagatang sandwich at dagling nilapitan ang sound system. Nilabas nito ang phone at ikinabit iyon sa docking station. "Any music preference? I don't have much of the current mainstream here. I enjoy the old ones mostly."
"Pareho pala tayo, Boss. Mas fan ako ng 80s at 90s music. Kasi naman karamihan sa mga kanta ngayon, walang substance."
Matapos mamili ng playlist ay bumalik sa tabi niya si Troy. Inubos nito ang natitirang sandwich. "Mabuti na lang at wala tayong shift ngayon. At least, we can talk about things the whole night."
Nahinto siya sa pagkagat. Whole night. And he was just sitting so close to her right now. Anong pag-uusapan nila nang buong gabi? Pasimple siyang umusod. She needed distance from him or else, hindi siya makakapag-isip nang tama.
Kalma lang, Ynna.
"You can tell me anything you want, Ynna." For a second, she savored the sweet sound of her nickname slipping out of Troy's lips. Ngumiti ito sa kanya. "Why don't we finish this up so we can have a drink? Para maging kumportable kang magkwento sa 'kin."
Pagkatapos kumain ay inilabas ni Troy ang canned beers at chips na binili niya kanina. Binuksan nito ang isang beer at inabot sa kanya. "Do me a favor and don't call me Boss tonight."
"Oh sure… Troy." Something electric crawled up her spine upon saying his first name.
"See? That's better." Nang kumindat ito sa kanya ay natunaw muli ang kanyang sistema. Tumingin ito sa malayo bago muling nagsalita, "So anong nangyari sa bahay n'yo kanina?"
Humugot siya ng hangin. "The usual. My parents were fighting. Gusto kasi ni papa na itira sa bahay 'yung nabuntis niyang babae na mukhang kolehiyala."
Nasamid si Troy at gitlang napalingon sa kanya. Natawa siya sa reaksyon nito. "So may kabit ang papa mo?"
"Well…" Mapakla siyang tumawa. "Medyo messed up ang pamilya ko, sa totoo lang."
"Tell me about it." She sensed some bitterness in his tone. ���So what's with your family? Care to share?"
She cleared her throat. "Tatlo kaming magkakapatid. 'Yung Kuya Alex namin, matagal nang napariwara at naglayas. Ilang taon na siyang hindi umuuwi sa bahay at wala kaming balita kung nasa'n na siya o kung buhay pa siya. 'Yung bunso namin, si Gelo, Grade 10—siya 'yung tinutulungan kong mag-aral. Madalas ding wala sa bahay at laging nakikitulog sa bahay ng mga kaibigan."
"Your parents?"
"Our parents?" Pagak siyang tumawa. "I don't know if I can still call them our parents, maliban na lang sa fact na sa kanila kami galing. Matagal nang sira ang relasyon nila. Bata pa lang ako, palagi na silang nag-aaway, nagsusumbatan. Though kung tutuusin, napilitan lang naman silang magpakasal dahil nabuntis ni Papa si Mama. I don't think they really loved each other. Nakakatawa 'di ba? Thinking na nakadalawa pa silang anak pagkatapos ng panganay nila."
Lumagok muna siya ng beer bago nagpatuloy, "Then nagsimula nang magloko si Papa, nambabae. Si Mama naman, nalulong sa sugal at kinalimutan na kami. Si Kuya 'yung sobrang effort dati na ayusin 'yung relasyon ng mga magulang namin, pero sumuko rin siya sa huli. 'Ayun, nabarkada. Huminto sa pag-aaral at puro paglalasing ang inatupag. Until he ran away."
"Bakit hindi pa maghiwalay ang parents mo?"
"Technically, parang hiwalay na rin sila. Wala lang sa kanilang gustong magsuko sa bahay. Ang gusto nila, umalis ang isa. You know, pride." She shrugged and leaned her back against the couch. Ang cozy ng feeling, parang gusto niyang matulog doon. Nagsisimula nang lumutang sa ere ang pakiramdam niya.
"We all live like strangers there. Sobrang lungkot. 'Yun ang dahilan kung bakit palagi akong naghahanap ng means of escape ko," dugtong niya.
"And your idea of escape is to hang out with jerks like Toby?"
Natawa siya. "Masisisi mo ba 'ko, Troy?" Tamad niyang nilingon ang katabi para lamang mahuli na nakatitig ito sa kanya. Naroon na naman ang pakiramdam na pinag-aaralan nito ang bawat sulok ng mukha niya. If it wasn't for the alcohol, kanina pa siya napaiwas ng tingin. But she was just letting him stare at her. Binusog din niya ang sariling mga mata sa mapang-akit nitong anyo.
Gusto niyang malunod sa malalalim nitong mga mata, taluntunin ang maangulo nitong panga at haplusin ang magaspang nitong balbas. And his seductive lips… parang gusto niyang kagatin ang mga iyon. Nagiging makasalanan ang kanyang mga mata, but she couldn't help it. Troy was a dark temptation ready to take her away from the sane world. And she was liking it.