Chereads / BEAUTIFUL SCANDAL / Chapter 11 - Chapter 10

Chapter 11 - Chapter 10

Banayad na hinagkan ni Oshema ang kamay ng ama na hindi pa rin nagigising simula nang isugod ito sa hospital kagabi, bagamat ligtas na raw ito sa panganib. Natanggap niya ang tawag kaninang umaga bago pa sila nakaalis ni Joul doon sa hotel. Inatake raw ang Papa niya pag-alis niya ng bahay nila. Siguro sa sobrang sama ng loob sa kanya. Hindi niya maiwasang sisihin ang sarili sa nangyari.

"Oshi, alam kong magiging unfair sa iyo pero pagbigyan mo na si Papa. Makipag-ayos ka na kay Rune." Pakiusap sa kanya ni Nancy.

Tumingin siya sa ina at kapatid. Wala maski isa sa mga ito ang nakitaan niya ng pag-unawa at simpatiya sa kanyang naging desisyon. Lahat ay kaligtasan at kapakanan ni Vergel ang iniisip.

"Huwag kayong mag-alala, hindi na ako gagawa ng anumang desisyon na labag sa kagustuhan ng Papa." Pahayag niya kahit tila tinitibag ang kanyang puso sa loob.

"Salamat, Shem..." Niyakap siya ni Nancy.

Napansin niyang nagliwanag ang balisang anyo ng kanyang ina matapos marinig ang kanyang sinabi. Nagbubunyi ito habang siya ay unti-unting pinapatay ng paghihirap. Sana kahit kunti man lang ay maramdaman ng mga ito ang dinaranas niya ngayon. Sana kahit kunti man lang.

Umuwi sina Nancy at Edward. Isinama ng mga ito si Andrea para makapagpahinga. Naiwan siya sa hospital at si Vanessa para magbantay. Kinagabihan ay dumating naman si Rune para samahan sila at kamustahin ang kalagayan ng Papa niya.

"Kailangan niya ng mahabang pahinga sabi ng doctor para maka-recover ang puso niya." Sabi niya sa lalaki.

Tumango ito. Binawi ang paningin at ibinaling sa kanya. "May sinabi si Edward sa phone. Totoo bang hindi ka na makikipaghiwalay sa akin?"

"Alang-alang kay Papa." Malamig niyang sagot. Napatitig siya kay Rune nang hawakan nito ang kamay niya at banayad na pinisil.

"You won't regret this, I promise. Gagampanan ko ng maayos ang responsibilidad ko bilang asawa mo." Ngumiti ito. Totoong kasiyahan ang nababasa niya sa mga mata nito.

Tumango na lamang siya. Hindi siya tumutol nang hapitin nito at hagkan sa noo.

MADALING-ARAW. Nagpahatid siya sa taxi patungong Manila Bay sa halip na umuwi sa bahay nila para magpahinga. Doon niya hihintayin ang umaga at panoorin ang pagsikat ng araw. Kahit papaano man lang ay gumaan ang pakiramdam niya. Tinungo niya ang bahaging medyo kubli at walang gaanong strollers. Gusto niyang pasabugin ang bigat sa kanyang dibdib na kanina pa nag-uumalpas sa kanyang mga mata.

Bagamat may nauna na sa distinasyong tinutungo niya. Isang lalaki. Nakaupo ito sa ibaba ng bench at panay ang hagis ng maliliit na bato sa dagat. Pumihit siya para maghanap ng ibang mapagluluklukan pero nahinto siya at dagling lumingon. Tinitigan niyang maigi ang lalaki.

"Joul?"

Narinig siya nito. Tumayo ito at pumihit sa gawi niya. Saglit rin itong natigilan nang makita siya.

"Oshema..."

Banayad na humakbang siya papalapit. "Anong ginagawa mo rito?"

"Ikaw? Bakit ka nandito?" Ibinalik nito ang tanong kasunod ang pagdilim ng anyo. "At umiiyak ka na naman."

Parang kasalanan pa niya kung bakit siya umiyak. Pinunasan niya sa likod ng palad ang luhaang mga mata. "Akala ko bumalik ka na ng probinsya."

Nagkibit-balikat ito. Ibinaling sa malayo ang paningin. "Hindi ako tumuloy. Kumusta ang Papa mo?"

"Ligtas na siya." Tumingin siya sa dagat. Another batch of tears blurred in her vision.

Naupo sa bench ang lalaki. "Kailan ka ba titigil sa pag-iyak?" Tumiim ang mga panga nito na para bang umabot na sa sukdulan kung anuman ang pinipigil nitong damdamin.

"Joul," humarap siya rito. "Am I selfish?" Hinagilap niya ang paningin nito.

"Kung selfish ka hindi ka magsasakripisyo ng ganyan." Sagot nitong may halong panggigigil.

Ibinaba niya ang paningin. Sana kaya niyang i-shut down ang isang bahagi ng puso niya. "Magsasama na ulit kami ni Rune." Nabasag ang kanyang boses gaano man niya sinikap na mailabas iyon ng buo.

"Are you serious?" May bahid ng pagtutol sa tono nito saka sinundan ng mahinang tawa na kabaliktaran ang inihahayag.

"Kailangan kong gawin para kay Papa." Hindi niya alam kung kailangan na magpaliwanag. She just knew she is oblige to tell him.

"But that's unfair! Papaano ka?" Sigaw nitong nanggagalaiti.

"I don't know," napatangis siya.

Kinabig siya nito at niyakap. "Sabihin mo sa kanila ang totoo. " Nagsusumamong sabi nito. "Kaya hindi ka nila naiintindihan dahil wala silang alam sa lahat ng pinagdadaanan mo ngayon. I am willing to take any punishment for my participation on this."

"No, I can't!" Mariin niyang tutol. "I can't let you ruin your future because of me. The same with others.

"Ang dami mong inaalala, alam mo ba iyon? Kulang na lang pasanin mo lahat ng problema sa mundo. Dapat parusahan ang nagkasala at nagkasala ako."

"Ayaw ko..."

"Nasasaktan ako tuwing nakikita kitang ganito. Naiinis ako dahil sa eksaheradang pagpapaka-martyr mo kahit hindi naman kailangan. Gusto mo kaming protektahan, ganoon ba? And who will protect you?"

Hindi siya kumibo at sa halip ay pinakawalan ang impit na pagtangis. Hindi na rin muling nagsalita pa si Joul at hinayaan na lang siyang umiyak.

Dinaig siya ng pagod at antok matapos ang tila walang katapusang pagluha. Nakatulog ang babae habang nakaupo sa ibaba ng bench at nakahilig sa dibdib ni Joul, yakap-yakap ng binata.

Huminga ng malalim ang lalaki at itinuon ang paningin sa silangan na unti-unting nagkukulay rainbow dahil sa malalaking silahis ng araw na nagbabadyang humiwa ng tuluyan sa natitirang anino ng dilim.

NALAMAN ni Oshema na galit pa rin sa kanya ang ama. Ayaw siya nitong makita. Naglubag lamang ang kalooban ng matandang lalaki matapos sabihin ng kanyang ina na nagkaayos na silang dalawa ni Rune. Gayunpaman, hindi siya nagpumilit na kausapin ito. Sa labas na muna siya nanatili. Nasulyapan niya si Rune papalapit bitbit ang isang can ng softdrinks.

"Hindi pa rin ba lumabas si Mama?" Tanong nito. Inabot sa kanya ang inumin.

Umiling siya. "Salamat. Hindi pa." Tinanggap niya ang softdrink at binuksan.

Naupo sa kanyang tabi ang lalaki at ginagap ang kamay niya. "Kailan ka aalis ng university?" Tanong nito.

"Aalis ng university?" Napatitig siya rito.

"Hindi ka ba sasama sa akin sa Cebu?"

"Rune..." Iniwas niya ang paningin. Ayaw niyang makipagtalo rito.

"Nasa establishing stage pa lamang ang business ko doon. Hindi pa pwedeng iwan." Paliwanag nito.

"Hindi ko maaring iwan ngayon ang university. Kailangang tapusin ko kahit ang semester lang na ito." Kung susumahin, walang paliwanag na sasapat dahil ayaw naman talaga niyang makasama ito.

"Maybe, we could set an arrangement." Parang nahulaan naman nito ang iniisip niya.

Tumango siya. "I'm open for suggestions." At least he's sensible. Kung tutuusin, walang ibang magiging arrangement sa pagitan nila kundi ang magkita tuwing weekends. At hindi siya ang pupunta ng Cebu.

Bumalik ng Martirez si Oshema pagkatapos matiyak na maayos na ang kalagayan ni Vergel. Kahit di sila nagkausap ng ama ay panatag na siyang malaman na malayo na ito sa panganib.

Sumaglit lamang siya sa staff house saka nagreport na agad sa school. Abala sa pagbubukas ng Invitational tournament ang buong university.

Namumutok sa dami ng estudyante mula sa iba't ibang school ang auditorium kungsaan pormal na bubuksan ang event. Isa sa mga highlight rito ang beauty showdown ng mga muses ng iba't ibang team na kasali sa tournament.

Si Vanessa ang napiling gawing muse ng team ni Joul. Napunta sa dalaga ang pressure na manalo lalo pa at ang school nila ang host. Hopeless na pinagmamasdan ni Oshema ang entrance ng auditorium kungsaan nagtutulakan na naman ang mga estudyante.

Ayaw niyang makipagsiksikan doon. Dapat sumama na lang siya kina Miriam at Michelle kanina. Pero kinausap pa siya ng administrator at nahiya naman siyang makiusap sa dalawa na maghintay. Laglag ang balikat na pumihit na lamang siya paalis.

Wala talagang pag-asa na makapasok pa siya. Magpapaliwanag na lamang siya kay Vanessa mamaya kung bakit hindi siya nakakapanood. Siguradong maintindihan siya nito. Pagod din naman siya sa mahabang biyahe. Madaling araw pa siya umalis mula Maynila papunta rito.

Wala siyang maayos na tulog. Pakiramdam nga niya nakalutang siya. Pero baka dahil din iyon sa ininum niyang kape kanina na sobrang tapang at di pa niya nilagyan ng asukal. Uuwi muna siya ng staff house at magpapahinga sandali. Babalik na lamang siya mamayang tanghali.

Kinuha niya ang kanyang bag sa faculty office at umuwi ng bahay. Ang mga kuneho sa kweba, kumusta na kaya? Namiss niya ang mga iyon. Napangiti siya habang iniisip ang mga kakulitan ni nonoy tuwing binibisita niya.

Napatingin siya sa gawi ng ilog habang papalapit sa staff house. Ilang saglit pa ay natagpuan na lamang ni Oshema ang sarili na nakatayo sa tapat ng lagusan. Kinuha niya mula sa bag ang cellphone at binuksan ang flashlight.

Nagsimula na siyang gumapang papasok habang nakaumang sa unahan niya ang maputlang liwanag galing sa kanyang cellphone. Saglit siyang nahinto nang masumpungang nakasindi ang mga sulo sa loob. Nag-aatubili siyang tumuloy.

Paano kung may ibang taong nakadiskubre sa kweba? Tulak ng curiousity ay nagpatuloy siya sa looban. Doon ay bumungad sa kanya ang natutulog na si Joul. Nakahilata lamang ito sa sahig at suot pa ang school uniform nito. Sa tabi nito ay mahimbing na natutulog din ang isang matabang pusa na kulay puti. Pusa?

Nasaan ang mga kuneho? Sinipat niya ang kinaroroonan ng kennel. Naroon ang dalawang kuneho at tulog din. Si Mimi ay nagising pero bumalik din sa pamamaluktot sa tabi ni Nonoy at natulog ulit.

Naupo siya malapit sa binata at matagal itong pinagmamasdan. Halos matukso na siyang haplusin ang mukha nito para sauluhin ang bawat perpektong detalye. Pero sa halip na gawin iyon ay tinapik niya ito sa pisngi. Nagising ito at nagmulat ng mga mata. Bahagya nitong ipinikit ang isa dahil sa liwanag na sumilaw rito.

"May laro ang team mo di ba? Bakit ka nandito?" Sabi niyang nilangkapan ng inis ang boses. Nagbubulakbol na naman ang lalaking ito.

Pahinamad itong bumangon. Binalingan ang pusang tulog sa tabi at hinahaplos. Nagising ang pusa. Nag-unat saka namaluktot ulit.

"Kaninong pusa iyan?" Tanong niya na nabibighani din sa matabang pusa.

"No idea. Nakita ko lang siya sa labas. Sumunod siya sa akin pagpasok ko rito. Hinayaan ko na rin, mukhang friendly naman. Di niya inaaway sina Nonoy at Mimi." Kwento nito at matiim siyang tinitigan. Nakawala tuloy ang mga paru-paro niya sa tiyan. " Kadarating mo lang?"

Tumango siya. Pilit hinamig ang sarili mula sa hinahalukay niyang sikmura. " Pumunta ka na ng school. Magsisimula na ang laro nyo." Pinagsalikop niya sa kanyang kandungan ang mga kamay para labanan ang pagnanais na haplusin ang pusa.

Sinipat nito ang cellphone. Tingin niya ay inalam nito ang oras. Dinampot nito ang pusa at nilagay sa kandungan niya. Napangiti siya. Gigil na hinahaplos ang kalambutan ng matabang pusa na pinagduldulan ang mukha sa kamay niya. Natawa si Joul habang nanonood.