NASISIYAHANG ibinalik ni Benjamin sa loob ng kulay puting sobre ang mga perang papel na personal niyang ipon. Nagmamadali siyang nagbihis para lang matigilan nang mamataan mula sa maliit na drawer ng kanyang aparador ang isang pamilyar at maliit na kahon. Kinuha niya iyon saka binuksan.
Alam niyang masyado pang maaga pero mukhang may palagay na siya kung sino ang dapat niyang pagbigyan niyon. Isang taon narin mula nang matagpuan niya ang singsing sa kagubatan na ngayon ay pinangalanan na nga ni Sara na Dalisay.
Nakangiting ibinalik ni Benjamin sa drawer ang kahita. Pagkatapos ay namamadaling lumabas ng silid para magtungo sa bayan. Kinabukasan na ang kaarawan ni Sara at tungkol doon ang sasadyain niya sa bayan. Hanggang sa sumapit na nga ang birthday ng dalaga.
Gaya ng inaasahan, karamihan sa mga bisita ay galing sa mayayamang pamilya na kaibigan mismo ni Don Antonio kasama ang kung hindi anak na lalaki ay apo ng mga ito. Sa naisip niyang posibleng dahilan ay inis na napasimangot si Benjamin. Mula sa pinagkukublian niyang malagong halaman ay malaya niyang napagsasawa ang paningin niya sa magandang mukha ni Sara habang kausap ang mga kaklase nito na bisita rin ng dalaga. Bagay na bagay rito ang suot nitong golden yellow na bestida, lalong lumutang ang natural nitong kaputian at nagkaroon din iyon ng magandng contrast sa buhok nitong tuwid at simpleng nakalugay lang.
Ilang sandali ay pumailanlang ang isang malamyos na awitin. Kitang-kita niyang nilapitan si Sara ng isang gwapong lalaking alam niyang apo rin ng isa sa mga kaibigan ni Don Antonio. Natural nalang ang magpaunlak doon ang dalaga, pero dahil sa panibughong nararamdaman niya ay minabuti niyang umalis nalang. Kanina pa niya gustong isayaw si Sara, pero dahil nga sa alam naman ng lahat ng kaklase nitong driver siya ng dalaga at ayaw niyang pagtawanan ito ng iba dahil sa kanya. Isa pa, pihadong magmumukhang basahan ang suot niyang polo shirt kumpara sa mamahaling long sleeves ng mga mayayamang nakakasayaw ng dalaga. Noon mabigat ang dibdib siyang nagbuntong-hininga.
"BENJIE?" mula sa madilim na bahagi ng mansyon kung saan niya minabuti mag-stay ay naanigan ni Benjamin ang bulto ni Sara na nakatayo.
"Sara! Bakit ka nandito?" aniyang napatuwid ng upo sa kinauupuan niyang garden set na malapit sa groto.
Nakangiting humakbang ang dalaga palapit sa kanya. "Ikaw, bakit ka nandito?" anitong tumayo mismo sa harapan niya.
Kung gaano katindi ang pagpipigil sa sarili ni Benjamin na kabigin at halikan ang kaharapan ay hindi niya masabi. Ang scent ng gamit nitong mamahaling pabango ay tila tuksong kumikiliti sa kanyang ilong.
"Hinahanap kita, hindi mo pa kasi ako niyayayang magsayaw!" anitong ngiting-ngiti.
Wala sa loob siyang natawa. "Sa tingin mo anong sasabihin ng mga mayayaman ninyong bisita kapag nakita nilang kasayaw mo ang driver mo?" hindi niya sinadyang lakipan ng insecurity ang tinig niya pero nangyari.
��So nahihiya ka?" amuse ang tono ni Sara.
"Ano pa?"
Nakita niyang nagkibit ng balikat ang dalaga saka inilahad ang kamay sa kanyang harapan. "Halika na, ako na ang magyayaya sa'yo"
Salubong man ang mga kilay ay humaplos ng husto sa puso ni Benjamin ang ginawing iyon ng dalaga. "Tumigil ka nga" aniyang sinundan ang sinabi ng mahinang tawa.
Napapadyak noon ang dalaga. "Dali na, pa-thank you ko nalang sa'yo kasi sinamahan mo akong bumili nitong dress ko" anitong hindi inalis ang kamay nitong nakalahad sa harapan niya.
Noon naiiling niyang tinanggap ang kamay ng dalaga. At sa paglalapat ng kanilang mga palad hindi niya nakontrol ang mapangiti. "Ang ganda mo" aniyang hinawakan ito sa baywang saka inilapit sa kanya.
Narinig niya ang mahinang singhap na pinakawalan nito. "Kailangan ba talaga ganito kalapit?" naramdaman niya ang pagkailang sa tono ni Sara.
"THE closer the better" si Benjamin na muli siyang kinabig palapit rito kaya tuluyan nang naglapat ang kanilang mga katawan.
Malakas siyang napasinghap nang maramdaman ang matinding sensasyong tila kamandag na kumalat sa kabuuan niya. Pero sa kabila niyon ay gusto parin niyang manatili sa ganoon ayos. Nag-init ang mukha niya nang tingalain niya ang binata saka niya napuna ang kakaibang lagkit ng mga titig nito sa kanya. Ilang sandali pa nagsimula nang gumalaw ang binata. Sa saliw nang tugtog na nagmumula sa lawn ng mansyon di kalayuan sa kinaroroonan nila.
"I'm sorry, hindi kita naisayaw agad, pero ang totoo kanina ko pa gustong gawin ito. Hayaan mo ito na ang huling beses na ikaw ang gagawa ng first move dahil sa susunod ako na ang magyayaya sayo" ang binata hinaplos ng hintuturo nito ang kanyang kaliwang pisngi.
Napapikit siya. "Okay lang, naiintindihan ko naman" aniya.
Nginitian siya ng binata. "Bukas, would you like to come with me?"
Mula sa pagkakayuko ay muli niyang tiningala ang mga titig ni Benjamin. "Saan tayo pupunta?" hindi niya naitago ang excitement sa kanyang tinig.
"It's a surprise" ang malambing na tonong ginamit ng binata ay humaplos ng husto sa kanyang puso.
"O-Okay" aniyang sa kalaunan ay minabuting ilapat nalang ang sarili niyang pisngi sa malapad na dibdib ng kasayaw. Mas mainam na iyon dahil hindi naman niya kayang tagalan ang malalagkit na titig ni Benjamin sa kanya. At least sa ganitong ayos malaya niyang napakikinggan ang tibok ng puso nito.