Chapter 15 - PART 15

PRESENT DAY…

NAPALAKI ang mga hakbang ni Sara nang matanawan ang maliit na ilog ng Dalisay. Habang ang pagpipigil niyang mapaiyak ay hindi lang basta-basta. Mapait siyang napangiti saka wala sa loob na nilingon si Benjamin na matamang nakasunod ng tingin sa kanya. Hindi niya maipagkakamali ang damdaming nabasa niya sa mga mata nito. At katulad niya, nakita rin niya doon ang panghihinayang para sa isang masaya at wagas na pag-iibigan.

"Walang nagbago, gaya parin siya nang dati" hindi niya napigilang isatinig saka hinayon ng tingin ang magandang kapaligiran.

Ang kakahuyan, ang ilog at ang mga batong maganda ang pagkakaporma, walang ipinagbago. Dahilan kaya tuluyan na ngang umagos ang masaganang luha sa kanyang mga mata na mabilis rin niyang tinuyo. Pero huli na, dahil nakita na siya ni Benjamin.

"Bibilhin ko ang mansyon Sara, pati narin ang manggahan" pormal nitong winika saka siya sandaling sinulyapan.

Sa isang iglap ay agad niyang naramdaman ang tensyong lumaganap sa paligid. "Wala namang problema sa akin iyon. Pero sana kung pwede lang, gawan mo ako ng pabor?" pakiusap niya.

Sa kauna-unahang pagkakataon simula kaninang marating nila ang Dalisay ay sumilay ang magandang ngiti sa mga labi ni Benjamin. Kasabay niyon ang pagkislap rin ng mga mata ng binata. "Yeah?"

Tumango-tango siya saka pinanatili ang pagkakatitig sa gwapo nitong mukha. "Sana huwag mo nang paaalisin sina Aling Norma, pati narin ang mga tao sa manggahan?" aniya sa mababang tinig.

"You are and will always be the same Sara na minahal at hinangaan ko noon" nasa tono ni Benjamin ang sinabi kaya hindi siya nakakibo kasabay ng mabilis na pag-iinit ng kanyang buong mukha.

Narinig niya ang mahinang tawang naglandas sa lalamunan ng binata pagkuwan. Ang mga mata ni Benjamin nanatiling nakatitig sa kanya. At nang magsimula itong humakbang palapit sa kinatatayuan niya wala sa loob siyang napalunok. Hindi nagtagal nasa harapan na nga niya ito, napapikit pa siya nang hawakan ng lalaki ang magkabila niya balikat.

"Sa tingin mo ba magagawa ko iyon? Ang paalisin sila?" nag-init ng husto ang mukha niya dahil sa lambing ng pagkakabigkas ni Benjamin ng bawat salita.

Parang nananaginip siyang umiling. At nang manatili siyang walang imik at nakatingala lang sa lalaki ay muli itong nagsalita. "Ikaw, pwede mo ba akong samahan?"

"S-Samahan?"

Noon siya kinabig ng binata palapit rito at saka pagkatapos ay niyakap ng mahigpit. Wala siyang nakapang anuman na pwedeng sabihin kaya ginantihan nalang niya ng mahigpit ring yakap ang lalaki. At nang pakawalan siya nito, malakas na napahugot siya ng hininga nang bigla nitong inangkin ang kanyang mga labi para sa isang malalim na halik.

Tila naparalisa ang kabuuan ni Sara sa ginawing iyon ng binata. Pero sa kabila ng kapangahasan nito ay wala siyang makapang anumang pagtutol sa ginagawa nito sa kanya. Sa halip ay kusang kumilos ang mga kamay niya saka iyon ikinawit ng mabuti sa leeg ng binata. At ilang sandali pa ay ginagantihan narin niya ng maiinit ring halik ang dating nobyo.

"Gusto kong samahan mo ako sa mansyon? Okay lang ba sayo? Magbakasyon tayo doon nang magkasama? Tayong dalawa lang? Dalawang linggo?" nang pakawalan ng binata ang mga labi niya ay iyon ang sinabi nito.

Hindi maintindihan ni Sara kung dahil ba sa lambing at lamig ng tinig ni Benjamin. O baka dahil sa lutang parin siya gawa ng napakasarap nitong halik, ay kusa siyang napatango at napapayag sa gusto nitong mangyari.

"Thank you" masayang-masayang winika ng binata saka nito hinalikan ang kanyang noo.

Pakiramdam ni Sara nang mga sandaling iyon ay walang anumang mapait na nakaraan ang nangyari dahil narin sa mga ikinikilos ng binata. Feeling pa nga niya ay hindi sila nag-break noon at ngayon lang sila muling nagkita.

"Tayong dalawa lang ba? Paano sina Aling Norma?"

Noon hinaplos ng binata ang kanyang mukha. "Matagal narin silang hindi nakakasama ng Lolo at Lola, siguro tama lang na makita naman nila ang tinutuluyan namin sa Maynila" ang binata.

Maluwang siyang napangiti sa sinabing iyon ng binata. "Salamat ulit" aniya.

Umiling si Benjamin. "No, thank you for making me live again" makahulugan nitong sagot.