SA narinig ay tuwang-tuwa niyang kinabig si Sara at mahigpit na niyakap. "Alam ko wala pa akong kahit anong pwedeng i-offer ngayon sa'yo, pero pangako gagawin ko ang lahat para mabigyan ka ng magandang buhay balang-araw. Ikaw at ang magiging mga anak natin" totoo iyon sa loob niya. Walang ibang babae siyang gusto makasama habang buhay maliban kay Sara. At iyon ang dahilan kung bakit gusto niyang baguhin ang kanyang mundo, gusto niyang maging karapat-dapat para dito.
"Benjie, ikaw lang sobra-sobra na. Ang sayang ibinigay mo sa buhay ko alam kong hindi ko na makikita at mararanasan sa iba" hinaplos ng maiinit na damdamin ang puso niya sa sinabing iyon ng dalaga.
"I love you, mula nang una kitang makita nagkaroon kana ng espesyal na lugar dito sa puso ko. At ang puso ko mismo ang nag-alalaga ng lugar na iyon kaya hindi siya kinayang agawin ng iba" pagtatapat niya.
NAPAPIKIT si Benjamin nang maramdaman ang malambot na palad ni Sara sa kanyang pisngi. Nang hindi makatiis ay hinawakan niya iyon saka hinalikan. "I love you too. Alam ko pwede akong pagalitan ng Lolo o ng mga magulang ko sa gagawin kong ito pero willing akong magtago at magsinungalang makasama ka lang" anang dalaga.
Mabilis na nag-init ang mga mata ni Benjamin sa narinig pero nagpigil siya. Sa halip ay muli niyang kinabig ang dalaga payakap sa kanya. Pagkatapos ay walang anumang salita niyang niyuko ito at maalab na hinalikan.
Umabot sa pandinig niya ang malakas na singhap na pinakawalan ni Sara dahil sa ginawi niyang pag-angkin sa mga labi nito. Pero wala siyang planong itigil iyon at sa halip ay mas nilaliman pa niya ang paghalik sa dalaga. Matagal na panahong sa panaginip lang niya nagagawa ang ganito, ang lambot at tamis ang mga labi ni Sara ay dati nang palaisipan sa kanya. At ngayong nandito na, bakit siya magpapatumpik-tumpik pa?
"PUMAYAG ka?" ang hindi makapaniwalang tanong sa kanya ni Roxanne. Bago mananghali ay inihatid siya ni Benjamin sa mansyon at inabutan niya doon ang matalik na kaibigan, iniimbitahan siya nito sa salu-salo ng kapatid nitong si Alex.
Wala sa loob siyang napatango. "Hindi ko nga rin maintindihan ang sarili ko."
Kinikilig na niyakap ni Roxanne ang isang malambot na unan. Niyakag niya ito sa kanyang kwarto sa kagustuhan niyang walang ibang makarinig ng pinag-uusapan nila. "For sure may ginawa siya kaya ka niya napapayag ano? Kaya ka nawala sa sarili mo" ang nanunuksong tanong pa sa kanya ng kaibigan.
Mabilis na nag-init ang mukha ni Sara sa narinig nang maalala ang namagitan sa kanila ng binata kanina sa Dalisay. "H-He kissed me" sukat sa sinabi niyang iyon ay malakas na napatili ang kaibigan. "huwag kang maingay baka marinig ka nila!" saway pa niya.
"My god hindi nga ako nagkamali! Sigurado ako this time magkakaroon na kayo ng magandang ending!" ang kinikilig pang bungisngis ni Roxanne.
Napangiti siya habang sa kalooban niya ay lihim rin niyang sinang-ayunan iyon. "M-Mamaya doon kami sa suit niya."
Namimilog ang mga matang pinakatitigan siya ni Roxanne nang makahulugan. "T-A-L-A-G-A?"
Natawa siya sa ginawing iyon ng kaibigan. "Huwag mong bigyan ng malisya okay? Ang totoo niyan kinakabahan ako, pero wala talaga akong lakas ng loob na tanggihan siya."
"Kasi mahal mo parin siya. And to think na siya mismo ang bibili nitong mansyon at nang manggahan? Sa tingin ko dahil alam niyang mahalaga ang mga ito sa'yo kaya niya ginagawa iyon" nasa tono ni Roxanne ang katiyakan sa sinabi.
"Ayokong umasa sa ngayon" aniya.
"Tama naman iyon, basta ako isa lang ang gusto ko. Ang maging masaya ka".
Nginitian lang ni Sara ang kaibigan niya sa sinabi nito. Habang sa isip niya, alam niyang kahit i-deny niya ng ilang ulit tama ang sinabi ni Roxanne, mahal parin niya si Benjamin. At iyon ang nag-iisang dahilan kung bakit sa isang iglap ay parang hindi nag-exist sa buhay niya si Marcus.
KAAALIS lang ni Roxanne nang makatanggap siya ng tawag mula kay Benjamin. Gusto siyang isama ng binata sa eskwelahan kung saan ito inanyayahang maging Guest Speaker. Sa simula ay nagdalawang-isip pa siya. Pero dahil narin siguro sa pangumbinsi nito, sa kalaunan ay napapayag rin siya nito. Dinaanan siya ng binata kaya magkasama silang nagtungo sa San Fernando High School.
Sa nakalaang upuan para sa mga special guest siya pinaupo ng Principal mismo ng eskwelahan nang ipakilala siya ni Benjamin bilang kasama nito. Ang totoo nang mga sandaling iyon ramdam niyang nobya ang role niya sa buhay ng binata. Mapait siyang napangiti, at least kahit saglit lang naranasan niyang maging girlfriend nito sa harapan ng madla. Dati kasi nagtatago lang sila.
Hindi nagtagal at natapos narin ang programa. Sumaglit sila sandali sa bahay nina Roxanne para daluhan ang salu-salo ni Alex, ang kapatid nitong nagtapos bilang Valedictorian saka na sila nagtungo sa suit ng binata. Gaya ng kanilang napagkasunduan.
Katulad ng sinabi ni Benjamin, movie at popcorn. Iyon lang talaga ang ginawa nilang dalawa. At sa loob ng dalawang oras na magkasama sila kahit dulo ng daliri niya ay hindi hinawakan ng binata. Pero sa kabila niyon ay napakasaya niya. Lalo na sa mga eksenang nakakatawa dahil romantic comedy ang napili nilang panoorin. Lalo pa at kasama niya ang binata.
"Hanggang kailan ka dito?" ang tanong sa kanya ng binata nang itigil nito sa tapat ng gate ng mansyon ang kotse nito.
Nakangiti niyang kinalas ang seatbelt. "After ng kasal ni Roxanne at naisaayos na ang pagbebenta nitong mansyon at ng manggahan, babalik na ako ng Norway for good" ayaw man niya ang huling sinabi pero dahil iyon ang totoo ay minabuti niyang sabihin narin.
"Babalik ako bukas ha?" nakikiusap hindi lang ang tinig ng binata kundi maging ang mga mata nito.
Magkakasunod siyang tumango. "Welcome ka dito sa bahay" aniyang itinulak pabukas ang pintuan ng kotse pero natigilan siya nang maramdaman niya ang mainit na kamay ng binata sa kanyang braso. "w-what?" mabilis nanaman siyang naapektuhan ng kakaibang daloy ng kuryenteng nanulay sa kabuuan niya.
"Good night, nag-enjoy ako" anito inilapit ang mukha sa kanya.
Nahigit ang paghinga niya nang maramdaman niyang lumapat sa kanyang noo ang maiinit na labi ng binata. Pagkatapos ay napangiti. "Nag-enjoy rin ako" amin niya. "see you tomorrow" pagkatapos ay minabuti niyang bumaba na bago pa man humantong sa kung ano ang lahat.
SUMAPIT ang araw ng kasal ni Roxanne. At gaya ng inaasahan ay naimbitahan naring dumalo sa pagtitipon si Benjamin. Ang binata rin ang naghatid sa kanya sa mansyon pagkagaling nila sa reception.Kinabukasan ay totoong na-sorpresa si Sara nang malabasan si Benjamin na abala sa paghahanda ng almusal sa komedor.
"Good morning!" ang bungad nitong nakangiti habang inaayos sa mesa ang pagkain. Nilapitan siya saka hinawakan ang braso at pinaupo sa kabisera ng hapag.
"Bakit ikaw ang nandito? Nasaan si Aling Norma?" ang taka niyang tanong saka nilanga ang binatang naupo naman sa kanan niya.
Nagkibit muna ito ng balikat saka nilagyan ng pagkain ang kanyang plato. "Sana hindi ka magalit" anitong sinalinan ng kape ang kanyang tasa. "pinaluwas ko sa Maynila, para naman makapag-bakasyon sila doon kasama ang Lolo at Lola" anito.
"Ha? Bakit mo ginawa iyon?" ang hindi makapaniwala niyang tanong.
Noon umangat ang sulok ng labi ni Benjamin saka pagkuwan ay kinurot ng bahagya ang kanyang pisngi. "Sabi mo aalis kana? Pagbigyan mo na ako, gusto kasi kitang makasama eh" pakiusap nito.
Nangingiti niyang inirapan ang binata sa sinabi nitong itong. "Hay naku."