Chapter 20 - PART 20

MAGKAKASUNOD ang malalakas na katok na gumising kay Sara kinabukasan.Pupungas-pungas siyang bumangon. "Bakit po Aling Norma?" agad na nawala ang antok niya nang mabungarang umiiyak ang matandang mayordoma.

"Ang Lolo mo, dalhin natin sa ospital!" anito sa pagitan ng pag-iyak.

Bigla siyang pinanlamigan sa narinig saka nagmamadaling tinungo ang silid ng matanda. Dinatnan niya itong namumutla at hirap sa paghinga habang nakahiga sa kama. "Lolo!" aniyang nilinga si Aling Norma para sana ipatawag ang asawa nitong si Mang Turo pero naroon na't tuloy-tuloy na pumasok ang lalaki sa silid kasunod ang isang guwardiya ng mansyon.

Sa ospital agad namang inasikaso ang matanda. Nanghihina siya kaya minabuti niyang maupo sa upuang nasa gilid ng lobby. Hindi pa man siya nagtatagal sa pagkakaupo ay narinig na niya ang isang pamilyar na tinig na tumatawag sa pangalan niya. Agad siyang tumayo saka umiiyak na sinalubong si Benjamin.

"S-Sinong nagsabi sa���yo? Hindi kita natawagan, I'm sorry nataranta ako" aniyang umiiyak na naupo sa kininang binakante niyang pwesto.

"Si Derang, kaya napasugod ako dito. Kumus_" hindi na nagawang tapusin ng binata ang iba pang gusto nitong sabihin nang iluwa ng pinto ang doktor na tumitingin sa kanyang Lolo.

"Hija, gusto kang makausap ng Lolo mo, pati narin iyong Benjamin" anitong tiningnan si Benjamin pagkuwan.

"Ako po si Benjamin" sagot ng nobyo niya.

Tumango ang doktor. "Pumasok na kayo habang may oras pa."

Hindi naging maganda sa pandinig ni Sara ang huling sinabi ng doktor pero minabuti nalang niyang palampasin iyon. Dahil iyon naman ang totoo, kailangan niyang samantalahin ang pagkakataon. Habang may oras pa.

"L-LOLO?"parang sinikmuraan si Benjamin nang makitang mabilis na umagos ang mga luha sa mata ng kanyang nobya.

Nakita niya ang paghihirap ni Don Antonio nang magdilat ito ng mga mata. "S-Sara" anito saka bumaling sa kanya. "B-Benjamin" nang makita siya ay ngumiti pa ang matanda.

"Lolo kung nahihirapan kayong magsalita okay lang po, lalabas na kami para matingnan na ulit kayo ng doktor" ani Sara na suminghot.

Umiling ang matanda. "It is time" anitong hinarap siya. "a-alagaaan m-mo ang a-apo ko" taka siyang napatitig sa mukha ng matanda.

"P-Patawad po" hindi iyon para sa naramdaman niyang pagmamahal kay Sara kundi para sa hindi niya pagtupad sa kasunduan nila ng matanda.

Kumilos ang kamay ni Don Antonio at nang mahulaan niya ang gusto nitong gawin ay siya na ang kusang kumapit doon. "A-Ang m-mansyon, mahalaga iyon sa akin at sa asawa ko" anito.

Sinulyapan niya si Sara na nanatiling tahimik lang na umiiyak. Maging siya man nang mga sandaling iyon ay ramdam ang matinding sakit. Pero kailangan niyang maging matatag, para sa dalaga. "Nauunawaan ko po."

"Salamat hijo, mahalin mo ang apo ko. Katulad ng pagmamahal ko sa Lola niya, at ng Lolo Benito mo sa iyong Lola Nena" anito sa hirap at nakikiusap na tinig.

Noon na nga kumawala ng tuluyan ang kanyang mga luha. "Mahal na mahal ko po si Sara, at ipinapangako ko sa inyo na hinding-hindi na ako magmamahal nang mas higit pa sa pagmamahal na mayroon ako sa kanya ngayon" totoo iyon sa loob niya at wala siyang balak na sirain ang pangakong iyon.

Matamis ang ngiting pumunit sa mga labi ni Don Antonio na binalingan ang apo nito. "You belong here hija, this is your home" makahulugan nitong sabi.

"Yes Lolo, hindi kita iiwan, I love you so much Lolo" ani Sara na tuluyan na ngang napahagulhol.

"P-PAGOD na ako, gusto ko nang magpahinga" si Don Antonio makalipas ang ilang sandali.

Sa narinig ay mabilis na natigilan si Sara. "W-What?"

Ilang sandali pa ay nakita na niyang naghabol ng hininga nito ang kanyang Lolo. Noon lumapit ang doktor habang ang isang nurse ay pinakiusapan silang lumabas ng silid. Sa labas nanginginig ang kamay niyang hinawakan ang braso ni Benjamin. Ilang sandali pa ay naramdaman niya ang pagkabig nito payakap sa kanya.

Abot sa pandinig nila ang pagsigaw ng doctor ng clear. Napaiyak siya, alam niya kung ano ang ibig sabihin niyon kaya lalo siyang natakot. Hindi pa siya handang mawala sa kaniya ang kanyang Lolo. Ipinikit niya ang kanyang mga mata saka isinubsob ang mukha sa dibdib ng binata. Makailang ulit pagkatapos ay narinig na niyang nagsalita ang doctor.

"Time of death 6:47 AM" at tuluyan na ngang napahagulhol ng iyak si Sara habang dinig rin niya ang mahinang pag-iyak ni Benjamin habang mahigpit itong nakayakap sa kanya.

MAHIGIT isang linggo ang itinagal ng burol ng kanyang Lolo bago ito inilibing sa tabi ng puntod ng Lola niyang si Isabel. Tatlong araw matapos mamatay nang matanda ay dumating ang Mama at Papa niya galing ng Norway. At simula noon ay hindi na sila nagkausap pa ni Benjamin. Dahilan kaya sobrang nami-miss na niya ang binata. Nagkakasya nalang siya sa palihim nilang tawagan at palitan ng text. Kahit paano nakakabawas iyon sa pangungulila niya sa nobyo pero iba parin iyong nakakausap niya ito at nayayakayakap, nahahawakan. Tinanggal narin kasi ito ng Papa niya dahil ayon rito ay bakasyon na at hindi na kailangan ang serbisyo nito bukod pa sa magiging available na palagi si Mang Turo dahil nga wala na ang kanyang Lolo na siyang pirmi nitong ipinagmamaneho.

"Simulan mo na ang pag-aayos ng lahat ng kailangan mong ayusin Sara, by next week babalik na tayo ng Norway" ang Papa niya isang umaga. Iyon ang unang pagkakataon simula nang mamatay ang Lolo niya na pumasok siya ng komedor. At dahil nga nakita niyang bakante ang pwesto ng matanda sa kabisera ay hindi niya napigilan ang mapaiyak.

"Alam ko masakit sa'yo ang pagkawala ng Lolo mo anak, pero kailangan nating magpatuloy" ang Mama niyang ginagap pa ang kanyang kamay saka marahang pinisil.

Suminghot siya saka ibinalik ang composure. "Gusto kong maiwan dito Papa. Dito ko tatapusin ang pag-aaral ko" aniya sa pormal na tono.

Tiim ang bagang siyang pinagmasdan ng kanyang ama. "What?"

"Walang masama sa hinihingi ko, gusto ko dito at dito ako masaya" giit niya saka tinitigan ng tuwid ang mga mata ni Roberto.

Magkakasunod na umiling ang Papa niya. "No! Baka nakakalimutan mo, kaya kita inalis sa Norway ay dahil sa pagkakabarkada mo doon. Ngayon gusto mong maiwan nang mag-isa rito? Para magawa mo ang gusto mo? That is imposible Sara, very imposible."

"I'm not leaving! Hindi ako aalis, ayoko at hindi ninyo ako mapipilit!" ang pakiramdam ng matinding lungkot at takot sa kaisipang mawawalay siya sa nobyo ang siyang nagbigay ng lakas ng loob kay Sara para igiit ang gusto niya sa ama.

Noon galit na ibinaba ni Roberto ang kubyertos nito at gumawa iyon ng ingay sa platong nasa harapan nito. "Magpapalit tayo ng pangalan Sara. Dahil babalik ka ng Norway sa ayaw at gusto mo. Kung kinakailangang isilid kita sa maleta maisama lang kita pabalik doon gagawin ko! Ako ang ama mo at pera ko ang bumubuhay sa'yo kaya susunod ka sa lahat ng sinasabi ko!"mataas ang tonong wika nito.

Nagtaas-baba ang dibdib ni Sara sa narinig. Noon siya tumayo saka nagmamadaling lumabas ng komedor. Hindi niya pinansin ang magkakasunod pang pagtawag ng Papa niya sa kanya. Ayaw niyang malayo kay Benjamin pero kung igigiit niya ang gusto niya, baka makahalata ang Papa niya. At ngayon wala na ang Lolo niya, alam niyang magiging madali na sa kanyang ama ang paalisin ito at ang Lolo at Lola nito sa lupa nila kung sakali.

Sa kaisipang iyon ay umiiyak niyang ibinagsak ang sarili sa kama. Ayaw niyang mawalay sa binata pero mukhang wala siyang magagawa. Kaya ba niyang masaktan at malayo rito gayong nasanay na siyang ito lagi ang kasama?