Chapter 23 - PART 23

MAAGANG bumangon kinabukasan si Benjamin para maghanda ng almusal. Hangga't maaari gusto niyang siya ang nag-aasikaso kay Sara. Paraan kasi niya iyon para iparamdam sa dalagang hindi nagbago ang pagtingin niya rito.

Tapos na niyang ihanda ang mesa nang mapagpasyahan niyang katukin na si Sara. Pero nakaka-apat na katok na siya ay wala parin siyang nakukuhang sagot mula rito. Noon niya sinubukang pihitin ang knob. Hindi naka-lock, napangiti siya habang hindi niya napigilan ang makaramdam ng tuwa dahil doon. Nangangahulugan lang na may tiwala parin ang dalaga sa kanya. Alam nitong hindi niya gagawin ang i-take advantage ito.

"Sara?" aniyang itinulak pabukas ang pinto para lang mapangiti nang mabungaran ang ayos ng dalaga. Nakatalukbong ito ng kumot at sa tingin niya'y mahimbing parin ang tulog. Maiingat ang mga hakbang niya itong nilapitan. "Sara?" dinama niya ang uluhan nito para lang matigilan nang makapa sa manipis nitong kumot ang init na tumatagos doon. Noon niya naaalarma inalis ang pagkakatalukbong ng dalaga. Hinipo ang noo nito para lang makumpirma na inaapoy ito ng lagnat.

"B-Benjie? Hindi ko kayang mag-bike, sorry" sambit nito sa mahinang tinig.

Nag-aalala niyang hinamplos ang noo ni Sara na pawis na pawis. "Okay lang, hindi na ako aalis. Dito lang ako, aalagaan kita hanggang sa gumaling ka" aniyang nagmamadaling pumasok sa loob ng banyo para kumuha ng tuwalya at planggana ng tubig.

"NO, kaya ko na" kahit masama ang pakiramdam ay napabangon si Sara nang madilatan ang planong pagpupunas sa kanya ni Benjamin.

Tinawanan lang siya ng binatang naupo sa gilid ng kanyang kama. Binasa nito ang bimpo, piniga saka inabot ang kanyang kamay. Malakas siyang napasinghap nang maramdaman ang lamig ng tela nang simulan siyang punasan ni Benjamin.

"Huwag kang mag-alala, hindi ako gagawa ng kahit anong labag sa kalaooban mo. Kasi mas gusto ko iyong gagawin nating pareho" ang makahulugan at nakangiting winika nang binatang tumayo matapos siyang bigyan ng sponge bath.

Nag-init ang mukha ni Sara sa narinig kaya naman nang lumabas ng banyo si Benjamin ay agad siyang umiwas ng tingin. Lumapit ito sa mataas at antique na cabinet para marahil ikuha siya ng pamalit. "Magbihis kana, iaakyat ko nalang ang agahan mo" anitong iniabot sa kanya ang inilabas nitong bihisan.

Nanatiling nakasunod lang ang tingin ni Sara kay Benjamin hanggang nang makalabas ito ng silid. Noon siya kinikilig na ngumiti para lang magulat nang muli ay bumukas ang pinto. Awtomatiko niyang ibinalik sa pormal ang kanyang aura, pero huli na dahil nakita niya ang amusement sa mga mata ng binata.

"Itatanong ko lang kung gusto mo ng hinog na mangga?" anito sa masiglang tinig.

Magkakasunod siyang tumango. "Oo, yung flower ha?" at doon tuluyan na nga siyang napangiti.

Nangingislap ang mga mata ni Benjamin na ngumiti narin. "Sure" anitong inilapat na nga ng tuluyan ang pinto pagkatapos.

KINAGABIHAN matapos ang hapunan ay nagulat pa si Sara sa sumunod na ginawi ng binata. "A-Anong ginagawa mo?" tanong niya nang pumasok itong may bitbit na unan at kumot.

"Dito ako matutulog" si Benjamin na inginuso ang mahabang divan na nasa paanan ng kanyang kama.

"Ano?" ang nagulat niyang tanong.

Tumango-tango ito saka sinimulang ayusin ang tutulugan. "Mahirap na, hindi ka pa naman talagang magaling eh" anitong naupo na pagkuwan.

Umiling siya. "Okay lang ako, hindi naman na ganoon kataas ang lagnat ko eh. For sure bukas wala na ito" pagsasabi niya ng totoo.

"Tsk, wala nang maraming salita Sara. Matulog kana, ay oo nga pala nakalimutan kong sabihin" ang binatang bumangon mula sa pagkakahiga, tumayo at saka naupo sa gilid ng kanyang kama. "nagkausap na iyong abogado ninyo at lawyer ko. Settled na ang tungkol dito sa mansyon at buong manggahan, by next week pwede nang magbayaran."

Nalungkot man sa narinig ay sinikap parin ni Sara na huwag iyong ipahalata sa kaharap. "Ang bilis naman" ang tanging nasabi niya.

"May mga bagay na mas mainam kung dadaanin sa mabilisan, mahirap na, baka makawala eh" anitong nakangiting inilapit ang mukha sa kanya. Noon na nga nagsimulang ragasain ng kaba ang kanyang dibdib kasabay ng pagpipigil niya ng hininga. "good night" paanas pang wika ng binata.

Sasagot sana siya pero napigil ang lahat ng gusto niyang sabihin dahil biglang inangkin ng binata ang awang niyang mga labi. Hindi naman nagtagal ang halik na iyon pero totoong nabitin siya. Kaya sa halip sa sagutin ng good night ang lalaki ay hinawakan niya ang batok nito saka kinabig at hinalikan.

Sa loob ng sampung taong pagkakawalay sa dating nobyo. Alam niyang mas higit pa sa yakap at halik ang gusto niyang maranasan mula rito. Kaya naman hindi na siya nagtaka nang marinig ang mga salitang namutawi sa kanya mismong mga labi.

"Good night? Love me tonight?" habol ang hininga niyang sambit nang pakawalan ni Benjamin ang mga labi niya.

Tinitigan lang siya ni Benjamin. Pero nakita niya sa mga mata ng binata ang biglang pag-aalab ng maliliit na apoy doon. Nakaramdam siya ng excitement. Tinugon niya ang mapusok na halik ni Benjamin. Habang sa isip niya tama nga naman ito, mas mainam iyong pareho nilang gusto ang gagawin nila, hindi napipilitan.