Chapter 29 - PART 29

NAMIMIGAT na ang talukap ng mga mata ni Sara kinagabihan nang maramdaman niyang mula sa kanyang likuran ay niyakap siya ng katabi saka tila walang anuman hinalikan ang kanyang ulo. "Good night" anito pa.

Nakangiti niyang hinarap ang binata. "Bago ko makalimutan, nandito si Kelly kanina" aniya.

Tumango si Benjamin. "Tinawagan niya ako, magpapaalam nga ako sa'yo eh" sa malambing nitong tono.

Humaplos ang mainit na damdamin sa puso niya nang dahil sa sinabing iyon ng lalaki. "M-Magpapaalam?"

"Yeah, mag-uusap lang kami tapos uuwi rin ako sa'yo kaagad" anitong ginagap ang palad niya saka hinalikan.

Napangiti siya saka walang anumang isiniksik ang sarili sa katawan ni Benjamin. "Sige, okay lang sakin iyon basta babalikan mo ako" totoo iyon sa loob niya.

Noon siya niyuko ni Benjamin saka hinalikan. "I love you so much Sara" nasa mga mata ng binata ang sinabi kaya mabilis siyang napahikbi.

"Oh Benjie!" aniya pang isinubsob na ng tuluyan ang mukha sa dibdib nito. "I love you too, so much" pag-amin niya.

"Makinig ka" anitong hinawakan ang kanyang mukha saka maingat na iniharap rito saka pinahid ang kanyang mga luha. "hindi man tayo nagkaroon ng magandang simula, I promise to give you a wonderful journey" anito. Hindi siya nagsalita at sa halip ay nanatiling tahimik lang na umiiyak at saka yumakap sa binata. Wala siyang maisip na anumang pwedeng sabihin dahil sa sobrang kasiyahang nararamdaman niya.

Kinabukasan matapos ang pananghalian ay lumuwas si Benjamin ng Maynila para makipagkita kay Kelly. Inihatid niya ito hanggang sa gate. "Sana pagbalik ko suot mo na iyong singsing sa daliri mo, masyado nang matagal ang panahong nanatili siyang nakatago, siguro panahon na para naman makita siya ng lahat na parang ipinagmamalaki mo" nakatawang kinabig siya ni Benjamin saka inilapit ang mukha sa kanya. "mahal kita" anito bago siya hinalikan.

Matamis ang pagkakangiti niyang hinaplos ang pang-ibabang labi ng binata. "I love you more" aniyang pinakawalan ang sarili mula sa binata.

Nang mawala nang tuluyan sa paningin niya ang sasakyan ay saka siya pumasok sa loob. Magagaan ang mga paa niyang tinunton ang pathway pabalik ng bahay. Habang papalapit ay parang gustong lumuwa ng puso niya, pinagmamasdan niya ang mansyon at hindi siya makapaniwalang nandito siya ngayon kasama si Benjamin. Iba kasi ang pakiramdam, ngayon alam na niya ang totoo at may linaw na kung ano siya para sa binata.

Sa terrace naupo siya sa racking chair. Saka hinubad ang kwintas kung saan nakasabit na tila pendant ang ruby ring na ibinigay sa kanya ni Benjamin noon. At gaya narin ng kahilingan ng kanyang nobyo isinuot niya iyon sa kung saan ito nararapat.

KINAGABIHAN ay naisipan ni Sara na maghanda ng masarap na hapunan para kay Benjamin. Sinulyapan niya ang grandfather's clock na nasa corner ng komedor. Past six, malamang ay pauwi na ang binata. Katatapos lang niyang ayusin ang mesa nang marinig ang pagtunog doorbell. Sa kaisipang si Benjamin iyon ay nagmamadali siyang lumabas. Pero natigilan siya, si Marcus at hindi ang binata.

Kinapa niya ang dibdib. Wala na ang galit doon, hindi na siya nagtataka. Okupado na ni Benjamin ang buong puso niya kaya marahil napatawad na nga niya ng tuluyan si Marcus. Kaya minabuti niyang kausapin at patuluyin na ang dating nobyo.

"I'm sorry Sara" simula ni Marcus saka sinulyapan ang singsing sa daliri niya. "kinausap ako ng Papa mo, alam ko na ang lahat. Masaya ako para sa'yo" walang bitterness sa tono ng kanyang kausap.

"Tapos na iyon, kalimutan na natin" aniyang ngumiti.

Tumango si Marcus. "Gusto ko lang malaman mo na pinagsisisihan ko ang ginawa ko sa'yo. Pero wala akong planong guluhin ka kaya ako nagpunta rito. Ngayong nakita kong okay kana, maluwag sa loob kong tatanggapin ang lahat" anitong tumayo na pagkatapos.

���Salamat" ani Sara na inilahad ang kamay sa kausap.

Tinanggap iyon ni Marcus. "Bye, babalik na ako ng Norway. Magsasabay na kami ng Papa mo, ang sabi niya babalik rin siya agad dito kasama naman ang Tita Betty to meet you and Benjamin" kwento pa nito sa kanya.

Ngumiti lang siya saka inihatid sa may labasan ang binata. Naitawag narin naman iyon sa kanya ng Papa niya kanina at iyon nga ang isa pang ibabalita niya kay Benjamin pag-uwi nito.

Matagal nang nakaalis si Marcus ay nanatili siyang nakatayo roon. Kaya naman nang tumigil ang isang pamilyar na sasakyan sa labas ng gate ay malalaki ang mga hakbang niyang tinunton ang pathway para salubungin ang bagong dating.

"Hi" si Benjamin nang makababa ng kotse ay mahigpit siyang hinapit saka hinalikan.

Ginantihan niya ang maiinit na halik na iyon ng binata. "Nandito si Marcus kanina" balita niya.

"Yeah?"

"Nag-usap lang kami. Closure, babalik na siya sa Norway. Tapos si Papa susunduin si Mama, para i-meet ka" saka niya ipinakita ang kamay niya kung saan nakasuot ang singsing.

Nakita niyang kumislap ang mga mata ng binata nang makita nitong suot na niya ang singsing, mahigpit siya nitong niyakap. At nang hindi makuntento ang hinawakan nito ang kanyang baywang saka siya inikot ng inikot. Napatili siya, nang ibaba siya ng binata ay mabilis siya nitong hinalikan.

"Finally, hindi na siya nagtatago" nang pakawalan nito ang kanyang mga labi.

Tumango siya saka napaiyak pagkatapos. "I'm sorry sa lahat ng paghihirap, at lungkot. I promise to make it up to you" aniya.

"Lahat ng ginawa ko para sa iyo isa lang ang dahilan, mahal kita. At kahit ilang beses willing akong balikan at pagdaanan ang lahat ng iyon basta ang ending, ikaw" ang madamdaming hayag ng binata.

Matamis siyang napangiti. "Oo, at hindi na ako makakapayag na magkahiwalay pa tayo. So this time ako naman ang magtatanong sa'yo" simula niya.

"What?"

"Naisip ko lang kasi, paano kung walang second chance? Paano na tayo?" ang umiiyak parin niyang sabi.

"Pero nandito ako, hindi ba iyon naman ang importante?"

Tumango siya. "Benjie?"

"Hmnn?"

"Will you marry me? Please? Tutal matagal mo narin namang naibigay itong singsing sa akin, kaya ako na ang nagtatanong sa'yo ngayon? Payag ka ba?"

Noon niya nakitang kumislap ang mga luha sa mata ng binata. At ilang sandali pa gaya niya umiiyak narin ito. "Pwede bang magpakipot muna?" biro nito sa pagitan ng pag-iyak.

Natawa narin siya saka nagpahid ng mga luha. "I love you so much, hayaan mo akong alagaan ka. Gusto kong mabuo ulit kagaya noon, at hindi mangyayari iyon kung hindi rin ikaw ang makakasama ko."

"Gusto ko rin iyon" si Benjamin. "iyon ang dahilan kung bakit kahit magkalayo tayo hindi ko kinayang ibigay sa iba ang puso ko. A heart's vow is always unbroken."

Muling tinuyo ni Sara ang kanyang mukha saka inabot si Benjamin. "Unbroken vow" anas niya.

"Yes" at nagtagpo ang kanilang mga labi.