Chapter 28 - PART 28

KINABUKASAN ay inasahan na ni Sara ang pagbabalik ni Marcus sa mansyon kasama ang kanyang ama. Kaya nang makaalis si Benjamin patungo ng manggahan ay minabuti niyang maghintay nalang sa terrace habang nagbabasa ng libro. Nang marinig niya ang ingay ng pumaradang sasakyan sa may gate ay mabilis siyang nagtaas ng ulo para lang matigilan at kabahan nang makilala ang taong noon ay kabababa lang.

"G-Good morning" ilang sandali lang ay hindi niya namalayang nakatayo na pala si Kelly sa harapan niya. Nakangiti ang babae pero kinakitaan niya ng paghihirap ang mga mata nito.

"Good morning, upo ka muna at ipagtitimpla kita ng kape" aniyang nagpatiuna sa pagpasok ng kabahayan.

"Si Benj?" nang ilapag niya sa center table ang tasa ng kape saka naupo sa katapat na sofa ni Kelly ay iyon ang itinanong sa kanya ng dalaga.

Aminado naman siyang ang pinagseselosan niya ang dalaga. Pero wala siyang karapatan, dahil kahit sabihing naging sila noon ni Benjamin at may nangyayari sa kanila ngayon, wala paring malinaw sa kung ano ang mayroon at namamagitan sa kanila.

"Nasa manggahan si Benjie eh, kung gusto mo tatawagan ko siya para makapag-usap kayo?" totoo naman iyon sa loob niya at nasorpresa siyang iyon ang nanulas sa mga labi niya.

Nakangiting umiling ang dalaga. "Huwag na siguro, tatawagan ko nalang siya" anitong tumayo na. "ang totoo, ikaw ang talaga ang sadya ko" anito."sa maraming pagkakataon gusto kong mainggit sayo Sara" makahulugan at may pait nitong sabi.

Nagsalubong ang mga kilay ni Sara. "W-What?"

"Hindi ko alam kung matagal na iyong tatlong taong pagkakaibigan namin ni Benj pero ang totoo wala akong natatandaang babaeng ipinakilala niya sa akin bilang girlfriend niya" nahati sa lungkot at tuwa ang emosyong rumehistro sa mukha ni Kelly.

"Anong ibig mong sabihin?" naguguluhan niyang tanong.

Huminga muna ito ng malalim bago nagsalita. "Please don't hate me, hindi ko intension ang guluhin kayo. At hindi ako ganoon, nakakatawa nga lang, kundi ka pa nagbalik hindi ko mare-realized ang feelings ko para sa kanya" anitong sinundan ang sinabi ng mahinang tawa.

Nabigla si Sara sa narinig. "Ano?"

Mapait ang ngiting pumunit sa mga labi nito. "Sa Friday na ang flight ko pabalik ng Amerika," mababa ang tono ni Kelly, kaya siguro wala siyang maramdamang galit o pagkainis para rito. Hindi siya nagsalita at nanatiling nakatitig lang sa kaharap kaya nagpatuloy ito.

"Masaya ako para sa inyong dalawa, and I really wish na maging masaya na siya ngayon sayo ng tuluyan. Wala naman siyang ibang babaeng minahal maliban sa'yo mula nang makilala ko siya. Kaya alagaan mo siya" nakita niyang nangilid ang mga luha ni Kelly kaya nakaramdam siya ng awa para rito.

"Is that the reason kaya ka aalis?" ang nasabi niya.

Tumango si Kelly at tuluyan na ngang napaiyak. Pero mabilis parin nitong pinahid ang kumawalang mga luha. "Huwag kang ma-guilty, kaya ko ito. Sanay akong palaging naiiwan" saka nito sinundan ng mahinang tawa ang sinabi. "I have to go, sana payagan mo siyang makita ako for the last time"saka ito yumuko at hinalikan siya sa pisngi. "bye" anitong lumabas na ng malaking pinto pagkatapos.

Sa kabila ng lahat ng narinig niyang rebelasyon mula kay Kelly, totoong wala siyang anumang galit na naramdaman para rito. At siya man ay nasopresa dahil parang binuhusan ng malamig na tubig ang selos na nararamdaman niya para sa dalaga. Siguro dahil dito narin nanggaling na mahal siya ni Benjamin. Pero mas maganda kung sa binata iyon mismo manggagaling.

HAPON nang araw ring iyon ay binalikan siya ni Roberto. Mag-isa lang ito at lihim niya iyong pinagpasalamat. Gaya narin ng inasahan niya kinausap siya nito at sinubukang kumbinsihing makipagbalikan kay Marcus.

"Why are you being so selfish? Kapakanan mo lang ang iniisip ko at nang Mama mo pero bakit ang tigas ng loob mo?" naramdaman niya ang galit sa tono ng ama niya.

"Ako selfish? Papa hindi ninyo alam kung ano ang isinakripisyo ko nang araw na alisin ninyo ako dito nang sapilitan pagkamatay ni Lolo, did you know that?" puno ng hinanakit niyang sabi habang nagpipigil na mapaiyak.

Sandali siyang pinagmasdan ni Roberto, mayamaya pa ay nagsalita na ito. "Don't tell me?"

Tumango siya nang mabasa ang nasa mga mata ng kanyang ama. "Siya ang dahilan kung bakit hindi ko nagawang mahalin ng buong puso si Marcus. Kasama ko siya, all along. And I love him so much Papa, hanggang ngayon walang nagbago sa pagmamahal na iyon. Kaya sana hayaan na ninyo kami" pakiusap niya.

Sandaling nakiraan sa kanila ang katahimikan. Saka lang siya napaiyak nang makita niyang ngumiti sa kanyang ang kanyang ama. "Thank you Papa" aniyang tila batang nagpapahid ng mga luha.

Noon tumayo si Roberto at saka ibinukas ang mga bisig nito, ilang sandali pa'y kulong na siya ng mga iyon. "I'm sorry, patawarin mo kami ng Mama mo. I understand, hayaan mo ako na ang kakausap kay Marcus" anitong pinakawalan siya pagkatapos.

Tumango lang siya saka tumawa ng mahina kaya naman nagpatuloy sa iba pang gusto nitong sabihin ang kanyang ama. "Aalis na ako, gusto kong mag-set ka ng dinner minsan kasama ako. Kailangang makausap ko ng maayos si Benjamin tungkol sa'yo."

Natigilan man sa narinig ay minabuti ni Sara na huwag nang magpahalata. Mas mainam na iyong iniisip ng Papa niyang nobyo niya ang binata, dahil tiyak nang magagalit ito kapag nalaman nito ang totoo.