RAMDAM ni Benjamin ang sakit na humihiwa sa kanyang dibdib. Pero alam niyang hindi niya dapat na ipakita kay Sara iyon. Kailangan niya tatagan ang loob niya kahit kabaligtaran iyon ng totoong nararamdaman niya.
Hinaplos niya ng buong pagmamahal ang mabangong buhok ng dalaga habang nanatili itong umiiyak at yakap niya. "I don't know about you pero alam kong hindi ko na mararamdaman ang ganitong pagmamahal sa iba. Kasi commited na itong puso ko sa'yo" aniyang inilayo ang sarili sa nobya, hinawakan ito sa baba para itaas ang maganda nitong mukha. "Maraming araw ang pwedeng lumipas na hindi tayo magkasama. Hindi na importante kung gaano katagal o kalayo. Basta nagmamahalan tayo at iyon lang ang importante, wala nang iba pa."dugtong niya. "Engaged na tayo diba?" aniyang nakangiti.
"Engaged na naghihiwalay" ang mapait nitong sabi. "hindi ko iko-commit ang puso ko sa iba, pangako yan" naramdaman niya ang katapatan sa tono ni Sara.
"Same here, at sakaling magkita ulit tayo hindi na ako makapapayag na mawala ka ulit kasi pakakasalan na agad kita, iyon ay kung single ka pa" sa huling sinabi ay muling natawa si Benjamin ng mahina.
"I'll see you again" nakita niyang muli nanamang nagka-ulap ang mga mata ni Sara.
Tumango siya. "Oo naman, kapag tama na ang panahon para sa ating dalawa."
"S-Stay with me tonight? Baka kasi ito na ang huli nating pagkikita" pakiusap ng dalaga.
Tumango siya. "Okay."
"I love you so much Benjie" anas ng dalaga.
"I will always love you, hindi kita kakalimutan at gagawin ko ang lahat para lang hindi ka makalimutan. Pangako iyan, hanggang sa muli nating pagkikita" sagot niya saka hinaplos ang mukha ni Sara at pagkatapos ay kinabig ito at maalab na hinalikan.
Habang hinahagkan niya ang dalaga ay nalasahan niya ang mga luhang patuloy na bumabasa sa maganda nitong mukha. Dahil doon ay mas naramdaman niya ang sakit ng paghihiwalay na iyon. Alam niyang nagmamahalan sila, pero sino ang makapagbibigay ng katiyakan na muli silang magkikita? Na hindi ito mahuhulog sa iba? Dahil siya, alam niyang anuman ang mangyari mananatili si Sara sa puso niya magpakailanman.
Masaya na mapait ang gabing iyon para kay Benjamin. At kahit sabihin pang iyon na nga marahil ang huling pagkakataon na pwede niyang makita at makasama ang dalaga, ginawa niya ang lahat ng makakaya niya para kontrolin ang sarili. Mataas ang paggalang niya kay Sara, at dahil mahal na mahal niya ito at alam niyang marupok ito ngayon hindi niya magagawang pagsamantalahan ito.
PRESENT DAY…
"HINDI ka rin makatulog?" nagitla si Sara nang mula sa kanyang likuran ay marinig ang boses ng nag-iisang taong kasama niya sa bahay. Iyon ang ikalawang araw ng pananatili ni Benjamin sa mansyon kasama siya. Nasa terrace siya noon at kasalukuyang nagpapahangin. Nakaupo siya ang isa sa dalawang antigong racking chair ng mansyon. Medyo masama kasi ang pakiramdam niya kanina pang paggising niya sa umaga. Siguro dahil narin iyon sa sobrang init ng panahon. Malamig kasi sa Norway at marahil naninibago ang katawan niya.
Kahit siya ay hindi makapaniwalang nakumbinsi siya ni Benjamin sa ganitong klase ng set-up. Hindi tuloy niya maiwasang isiping baka nga tama si Roxanne. Baka nga hindi parin siya over sa binata. O mas tamang sabihing mahal parin niya ito? Naguluhan nanaman siya. Posible ba iyon? Dahil kung tutuusin sampung taon na ang nakalipas? Alam niyang may mga pangako silang binitiwan sa isa't-isa at totoong nanatili sa puso niya ang pangakong iyon kagaya nalang ng singsing na hanggang ngayon ay nakasamang pendant sa kanyang kwintas at nanatiling suot niya.
Nakangiti siyang tumango saka pinagmasdan ang mukha ni Benjamin na inokopa ang isa pang tumba-tumba. "Kumusta kana Benjie? Ang sabi sa'kin ni Roxanne dalawang buwan daw pag-alis ko eh nag-Manila kana kasama ang Lolo at Lola mo?"
Tumango ang binata. "Sabihin nalang nating kinailangan kong gawin iyon para sagipin ang sarili ko" ang makahulugan nitong sabi na sinundan pa ng mabigat na buntong hininga.
"A-Anong ibig mong sabihin?"
"Ang totoo naging malungkutin ako mula nung umalis ka. Dalawang araw after nung natulog tayong magkasama sa kwarto mo" simula ng binata habang nag-init naman ang makabilang pisngi ni Sara sa narinig. "walang ganang kumain at madalas nakakulong sa kwarto, umiiyak. Tumigil ako sa paghahanap ng trabaho kasi nawalan ako ng gana sa buhay. Bumagsak ang katawan ko pero sa kabila niyon hindi naman ako nagkasakit. Nag-alala ng husto ang Lolo at Lola ko, hanggang sa isang araw siguro hindi nakatiis si Lolo kinausap niya ako. Sabi niya kung ano raw ba ang nangyayari sa akin? Sinabi ko, noon nga nila napagpasyahang umalis dito. Tamang may dumating na sulat galing sa kompanyang pinagtatrabauhan ko ngayon, maganda ang offer at dahil narin sa pakikipag-usap sakin ng dalawang matanda, naliwanagan ako. Umalis kami dito at nagbagong buhay sa Maynila" salaysay ng binata.
"I'm sorry, ang akala ko naiintindihan mo ang lahat Benjie? Hindi ba iyon ang sinabi mo sakin nung gabi?" hindi niya maiwasan ang makaramdam ng guilt dahil sa naranig.
Tumango si Benjamin, mapait ang ngiting nasa mga labi nito. "Tama ka, naiintindihan ko. Pero iyong totoo kong nararamdaman noon, kung gaano kasakit, alam kong hindi ko pwedeng ipakita sa'yo. Kaya nagtiis ako, itinago ko. Kasi iyon ang mas makabubuti para sa'yo" halos pabulong ng winika nito.
Nag-init ang mga mata ni Sara pero pinigil niya ang mapaiyak. "H-Hindi ko alam, I'm sorry. Sinubukan kitang hanapin sa Facebook pero wala akong nakitang kahit anong traces tungkol sa'yo" pag-amin niya.
Mahinang tawa ang naglandas sa lalamunan ni Benjamin bago ito nagsalita. "Siguro hindi pa ako handa? Kasi siguro natatakot akong malamang married kana?"
"Pero nagkita ulit tayo" aniya.
"Tama ka, at ito masasabi kong tadhana mismo ang gumawa" anang binata. "sino ba naman ang makapagsasabi ng sakit na naramdaman ko nang pakawalan kita? Nahirapan akong ibalik sa normal ang lahat. Iba kasi iyong feeling na nahawakan mo na ang mundo sa mga kamay mo. Pero kailangan mo siyang bitawan, hindi dahil pinili mo o pinili niya. Kundi dahil pinili iyon ng tadhana, at iyon ang pinaka-masakit na biro sa lahat" nasa tono ni Benjamin ang hinanakit.
"H-Hindi rin naman kita nakalimutan Benjie" yuko ang ulo niyang sabi. "hindi ka nawala dito sa puso ko" noon niya muling sinalubong ang mga mata ng binata.
Nakita niyang kumislap ang magagandang mata ng binata. "Really?"
Tumango siya. "Nagkaroon ako ng boyfriends pero hindi ko naramdaman iyong sayang mayroon ako noong kasama kita. Hindi ko maintindihan kung bakit, dahil kung tutuusin mga bata pa naman tayo nang mga panahong iyon hindi ba?" aniyang natawa pa pagkatapos.
"Bakit sa tingin mo ba hindi totoo iyong atin noon?"
Sa tanong na iyon ay bigla siyang napabaling sa lalaki. At sa muling pagtatama ng kanilang mga mata ay agad niyang naramdaman ang pagsisisi gawa ng kanyang sinabi. "Hindi sa ganoon, alam kong totoo iyon atin noon" pagtutuwid niya sa maling paniniwala ng binata.
Maluwang na napangiti siy Benjamin. "I know. Anyway may nabanggit ka dati tungkol sa break up, bakit?"
Nagkibit siya ng balikat saka isinandal ang ulo sa sandalan ng racking chair. "Niloko niya ako eh, third party" aniya. "ikaw, nakailang babae kana?" natawa siyang kusa sa tanong na iyon.
Hindi tumawa si Benjamin kaya napapahiya siyang nagbaba ng tingin. "Maniniwala ka ba kapag sinabi ko sayong mula noon hindi na ako pumasok sa isang seryosong relasyon?"
"Seriously?"
Tumango ang binata. "Hindi kita kayang kalimutan Sara, iyon ang totoo" anito inabot ang kamay niya saka pinisil.
Mabilis ang naging reaksyon ng mga senses niya sa ginawing iyon ng binata. "M-Matulog na tayo, gabi na eh" aniya sa kagustuhang makaiwas sa iba pang gustong sabihin ng lalaki.
Noon binitiwan ni Benjamin ang kamay niya. Nang tumayo siya ay umagapay sa kanya ang binata. "Good night" anito.
"Sweet dreams" sagot naman niyang nilingon si Benjamin na noon ay abala sa pagkakandado ng malaking pinto. "Sara" nasa paanan na siya ng malapad na hagdan noon kaya nahinto ang kanyang mga hakbang.
"Yes?"
"Yayayain sana kita mamisikleta bukas? Dalawin natin ang mga tao sa manggahan, okay lang ba?"
Awtomatiko siyang napangiti sa tanong na iyon. "Okay" aniya.
Tumango lang si Benjamin saka nangingislap ang mga matang ngumiti. Habang si Sara, nang mga sandaling iyon ay hindi mapigilan ang kiligin. Sa isip niya ay ang masidhing pananabik para sa lakad nila ng binata kinabukasan.