Chapter 18 - PART 18

TEN YEARS BEFORE…

AGAD na nagsulubong ang mga kilay ni Sara nang gabing iyon. Mula kasi sa bukas na pintuan ng veranda ay may narinig siyang sumisipol. Ibinaba niya ang hawak na libro saka bumangon para alamin kung ano iyon. Para lang mapangiti nang matanawan sa ibaba ang nobyong si Benjamin na ngiting-ngiting kumaway pa sa kanya.

Hindi iyon ang unang pagkakataong ginawa iyon ni Benjamin pero siguro dahil officially, mag-nobyo na sila, sa isang iglap parang nakita niya ang eksena ng Romeo and Juliet sa ayos nila ng binata. Nang ituro nito ang puno ng rosas nang tila ba nagpapaalam ay tumango lang siya. Ilang sandali pa, gaya nang una iyong gawin ng binata, ang bakal na hagdang nagsisilbing fire exit ng kwarto niya ang ginamit nito.

"Hello" anito sabay abot sa kanya ng bulaklak.

Buong pagmamahal niyang hinagod ng tingin ang mukha ng binata. "Hi" ganting tugon niya. "anong oras na, bakit nandito ka pa? Nag-bike ka lang?" ang magkasunod niyang dugtong na tanong.

Nagkibit muna ng balikat si Benjamin bago nagsalita. "Parang hindi parin kasi ako makapaniwalang sinagot mo na ako kanina, parang hindi ako makapaniwalang girlfriend na kita" naramdaman niya sa tono ng binata ang sinabi nito kaya humaplos sa puso niya ang isang mainit na damdamin.

"I love you" ang tanging nasabi niya.

"Mahal din kita Sara, mahal na mahal" ang binata inabot siya saka hinalikan ang noo. "makinig ka, kung sa tingin mo ikapapahamak mo ang ganito maiintindihan ko. Hindi kita pipigilan, maiintindihan kita"nakita niya sa mga mata ni Benjamin ang lungkot bagaman iba ang sinasabi ng mga ngiti nito.

"What? Anong sinabi mo?" nagugulahan at kinakabahan niyang tanong.

"Mahirap lang ako Sara, alam ko hindi ako bagay sayo. Aasenso ako oo, pero ngayon wala pa akong pwedeng ipagmalaki. At kung sa tingin mo pwede mong ikapahamak ang ganito, ang relasyon natin. Maiintindihan kita, hindi ako magagalit sayo" paliwanag sa kanya ng binata.

Nalito siya sa sinabing iyon ni Benjamin. Pero sa kalaunan ay narealized rin naman niya kung ano ang ibig nitong sabihin. "O-Okay lang ako Benjie, promise" paniniyak niya saka ngumiti sa nobyo.

"Naisip ko kasi baka ilayo ka nila sa akin kapag nalaman nila ang totoo Sara" ang nababahalang wika ng lalaki. "sa klase ng pamumuhay na mayroon ako siguradong hindi ako papaboran ng kahit sinong magulang para sa kanilang anak. Kaya ko lang naiisip ang ganito, sana maintindihan mo."

Noon niya masuyong hinaplos ang mukha ng nobyo. "Kaya nga ililihim natin hindi ba? At least kapag ganoong walang alam ang kahit sino walang dahilan para paglayuin nila tayo" alam niyang sa ganitong mga pagkakataon siya lang ang makapagbibigay ng lakas ng loob sa kanyang nobyo.

Tumango si Benjamin saka ginagap ang kamay niya saka hinakan. "Pasensya kana," anito.

"I understand," sagot niya. "kahit anong mangyari alam kong what we have is something na hindi kayang sirain ng kahit sino. Kasi kung tutuusin hindi naman lahat ng ipinagbabawal ay masama"dugtong pa ng dalaga.

Nakita niyang kumislap ang mga butil ng luha sa mga mata ni Benjamin. "Thank you, pinalalakas mo ang loob ko, palagi. And thank you sa paniniwala mo sa akin at sa lahat ng kaya kong gawin."

"Oh Benjie, kung alam mo lang kung gaano kita kamahal? Kaya nga kita hindi nakalimutan kasi noong burol palang ni Lola na nakita kita nagkaroon na ako ng crush sayo? Sana huwag kang ma-insecure. Sana isipin mo palagi na kahit dumating iyong time na magkahiwalay man tayo, hindi na ako magmamahal nang kagaya nitong nararamdaman ko para sayo" totoo sa loob niyang winika.

Tumango ang binata saka siya nakangiting kinabig at niyakap. "Iisipin ko iyon, palagi" pagkasabi niyon ay saka nito pinaglapat ang kanilang mga labi para sa isang mainit na halik.

NAKANGITING umiling nalang si Antonio saka na marahang naglakad pabalik sa kanyang silid. Sisilipin sana niya si Sara pero pinigil siya ng kanyang nakita. Mula kasi sa maliit na uwang ng pinto ay tanaw niya ang eksena sa veranda.

Kinapa niya ang kanyang dibdib, kung nagagalit ba siya kay Benjamin? Pero wala siyang nakapang ganoon. At sa halip ay kabaligtaran ang naramdaman niya. Natutuwa siya dahil sa kabila ng lahat nakikita niyang masayang-masaya ang apo niya. At kahit sabihin pang Lolo siya nito ay wala siyang karapatang sirain ang kaligayahang alam niyang hindi rin naman niya maibibigay o kahit ng pera niya kay Sara.

Noon niya naisip na hayaan nalang ang mga ito. Dahil kung tutuusin mula pagkabata ay kilala niya si Benjamin. Alam niyang hindi ito gagawa ng bagay na pwede nitong ikapahamak at maging ng kanyang apo. Totoo naman kasing mahirap sikilin ang tunay na pagmamahal, at ganoon ang nakikita niyang nangyari sa dalawa. Magkukunwari nalang siyang walang alam nang sa gayon ay mas maging buo ang pag-iingat ng mga ito para hindi makagawa ng hindi maganda.

Mahal niya ang apo niya. Sa totoo lang parang nakikita niya rito si Isabel bukod pa sa katotohanang imahe ito ng nasira niyang asawa. Kaya wala rin siyang balak na ipaalam ang lahat sa anak niyang si Roberto maging sa manugang niyang si Betty. Dahil kapag nagkagayon alam na niya ang mangyayari at ayaw niyang masaktan si Sara.