NASA daan na si Benjamin pabalik sa hotel ay parang nararamdaman parin niya ang malambot na labi ni Sara na kulong ng kaniya. Totoo namang hindi siya nawalan ng pag-asa na muli silang magkikita ng dalaga dahil sa kaibuturan ng kanyang puso tila naroon at naririnig niya ang isang maliit na boses na nagsasabing darating ang pagkakataong katulad nito. At hindi rin siya makapaniwala na sa loob ng mahabang panahon kagaya niya ay wala parin itong asawa.
Hindi tuloy niya maiwasang isiping baka kagaya niya, posible kayang hindi parin ito nakakalimot sa nakaraan nila? Dahil kung ang naging reaksyon nito kanina habang hinahalikan niya ang gagawin niya basis parang ibinalik siya nang tagpong iyon sa pagkakataon noong una niyang nahalikan ang dalaga. The way she melted inside his arms, walang nagbago. Dahilan kaya mas nagtumindi ang pagnanais niyang makita at makasamang muli ito katulad noon.
"BAKIT nangingitim iyang ilalim ng mga mata mo Sara?" puna sa kanya ni Aling Norma kinabukasang nasa komedor siya at kumakain na ng almusal.
"Hindi po kasi ako agad na nakatulog" sagot niya. Hindi na niya sinabi ang totoong dahil ng pagkakapuyat niya. "Aling Norma may itatanong po ako" noon napatitig sa kanya ang matanda.
"Tungkol ba kay Benjamin?"
"Paano po ninyo nalaman?" ang taka niyang tanong.
Noon nakangiting naupo sa kanan ng kabisera ang matanda. "Siguro nga wala kayong inamin pero alam mo sa klase palang ng sulyapan ninyo ni Benjamin noon, pati narin ang palitan ninyo ng mga ngiti masasabi kong malalim ang pagmamahal ninyo sa isa't-isa" paliwanag ni Aling Norma.
Wala sa loob na napangiti si Sara. "Bakit po ganoon? Alam ko namang hindi ko siya nakalimutan pero bakit biglang bumalik iyong lahat ng sakit at panghihinayang? Iyong parang kahapon lang po nangyari ang lahat?"
"Dahil malalim ang pagmamahal na iniukol mo sa kanya" simpleng sagot ng matanda.
"Ano ho?" ang nalilito niyang tanong.
Ngumiti si Aling Norma saka nagpaliwanag. "Kung gaano kalalim ang pagmamahal na naramdaman mo sa kanya, ganoon rin katindi ang sakit na mararamdaman mo. At mag-iiwan iyon ng sugat, pwede iyong maghilom pero sa dakong huli ay magiging pilat. At ang pilat na iyon ang muling magpapaalala sa iyo ng malungkot at mahapding wakas, sa dakong huli mananariwa ang pilat. Ibig sabihin, hindi mo pa siya talagang nakalimutan, hanggang ngayon mahal mo parin siya" sa mahinahong tinig ay tinuran ng matandang mayordoma.
Sa narinig ay hindi nakapagsalita si Sara kaya siya iniwan na ng matanda. Pagkatapos mag-agahan ay bumalik na siya sa kanyang kwarto. Parang wala siyang ganang kumilos at gusto lang niyang magmukmok doon maghapon. Nang mamataan ang cellphone niyang nakapatong sa side table ng kanyang kamay ay inabot niya iyon para lang malungkot na mapabuntong-hininga. Kagabi bago ang hapunan ay hiningi ni Benjamin ang kanyang cellphone number, pero bakit hanggang ngayon ay wala parin siyang natatanggap kahit isang text or tawag mula rito? Noon siya muling malungkot na humiga.
Nasa ganoong ayos siya nang marinig ang isang pamilyar na sipol mula sa bukas na pintuan palabas ng veranda. Kasabay ng pagbalikwas niya ng bangon ay ang pinaghalong excitement at kaba sa puso niya. Malalaki ang mga hakbang niyang tinungo ang veranda saka nanungaw.
"Good morning!" ang malakas na bigkas ni Benjamin habang iwinawasiwas ang isang tangkay ng kulay pulang rosas na hawak nito.
Nag-init ang mga mata niya sa ginawing iyong ng binata pero nagpigil siya. Pagkatapos ay kumilos ito at gaya ng dati gamit ang bakal na hagdan ay umakyat ang binata. "Good morning" ganting wika niya nang abutin niya ang bulaklak galing kay Benjamin.
"Na-miss ko ito" ang tinutukoy ng binata ay ang ayos nito ngayon. Nakakapit sa pasemano ng veranda para hindi mahulog habang ang mga paa nito ay sa bakal na hagdan nakatapak.
Nag-init ang mukha niya sa sinabing iyon ng binata. "Salamat dito" aniyang ang rosas ang tinutukoy.
Nangingislap ang mga mata siyang pinagmasdan muna ng binata bago ito nagsalita. "Come with me?"
Humaplos sa puso niya ang sinabing iyon ng binata pero minabuti niyang huwag magpahalata. "S-Saan tayo pupunta?" ang tanong niya.
"Sa Dalisay" maikli man pero kababakasan parin ng pananabik ang tinig ng binata.
Natigilan siya sa narinig pagkatapos ay tumango. "Okay, hintayin mo ako sa garden" aniyang umakmang tatalikuran ang binata pero napigil iyon nang tawagin siya ni Benjamin. "yes?"
"You look beautiful" si Benjamin saka humahangang hinagod ng tingin ang kanyang mukha.
Nahihiya siyang napangiti. "S-Salamat, ang totoo gwapo ka rin, mas gwapo ka ngayon kaysa noon" pagsasabi niya ng totoo.
Umangat ang makakapal na kilay ng binata. "Really?"
Tumango siya ng magkakasunod. "Oo, nag-matured ka pero hindi iyon nakabawas sa charm mo" pagpapatuloy niya.
Nasisiyahan ang ngiting pumunit sa mga labi ng binata. "Well kung ganoon siguro naman hindi ka tatanggi kung sakaling yayain kitang lumabas mamaya after ng graduation?"
"Dinner?" aniya.
"Dinner date, sa suit ko" pagtutuwid ng binata.
"Bakit doon?" ang taka niyang tanong.
Nagkibit ng balikat si Benjamin. "Okay lang naman kung mas prefer mo sa iba. Ang sa akin lang kasi gusto ko lang na magkapag-bonding tayo na parang iyong casual lang. After ng dinner we can watch movie, pop corn" paliwanag pa nito.
"I see" ang naliliwagan niyang sabi.
"Pero kung nagdadalawang isip ka, okay lang maiintindihan ko kasi matalagal na panahon narin naman nung huli tayong nagkasama at__" mabilis niyang pinutol ang iba pang gustong sabihin ng binata.
"Hey! Okay lang, payag ako" aniyang natatawa.
"Really?" nakita niyang nangislap sa tuwa ang magagandang mata ng binata at humaplos iyon ng husto sa kanyang puso.
"Yeah, naisip ko lang kasi lahat yata nagawa na natin noon. Maliban nalang iyong manood ng movie together" lihim niyang pinagalitan ang sarili sa sinabi niyang iyon.
"I'm sorry, limitado kasi ang pera ko noon eh. Kaya hanggang paliligo lang sa ilog sa Dalisay at konting picnic ang naiparanas ko sa'yo" naramdaman niya sa tono ni Benjamin ang panghihinayang at nasaktan siya doon.
"Ano ka ba, hindi ko naman intension ang i-offend ka. I'm sorry" paumanhin niya.
Naiiling na tumawa pa ng mahina si Benjamin. "Alam ko, hindi ko lang napigilan, pasensya kana. Anyway hihintayin kita sa garden ha?" anito.
"Sure" sagot naman niya.
TEN YEARS BEFORE…
"WOW!" ang humahangang naibulalas ni Sara habang pinagmamasdan ang maganda at maliit na ilog na inaagusan ng malinis na tubig. Nasa pusod iyon ng kakahuyan at malayo sa trees archway na isa rin sa pinaka-paborito niya sa bayan ng San Fernando. Mula roon kung saan iniwan ng binata ang kotseng dala nila ay magkasama nilang nilakad ang trail papasok na naghatid sa kanila sa magandang tanawing nasa kanya ngayong harapan.
Araw iyon ng Sabado at gaya ng napagkasunduan umalis sila ni Benjamin. "Ang ganda di ba?" ang binatang tinabihan siya sa kanyang kinatatayuan.
Tiningala niya ito saka nakangiting tumango. "Sobra, napaka-pure niyang tingnan, anong tawag sa lugar na ito? I mean, may pangalan ba siya?"
Mataman muna siyang pinagmasdan ni Benjamin bago ito sumagot. "Ang totoo, wala pa siyang pangalan."
"Ows? Bakit naman? Imposibleng walang ibang nakakaalam sa lugar na ito?" ang hindi makapaniwala niyang tanong.
Nagkibit ng balikat nito ang binata saka hinawakan ang laylayan ng suot nitong puting tshirt. "May mga pumupunta, pero konting-konti lang" anitong hinubad na nga ng tuluyan ang damit.
Noon siya mabilis na nag-react. " B-Bakit ka naghubad?"
"W-Why? Masama ba eh gusto kong maligo?" ang binata na tumatawa.
Napapahiya niyang kinagat ang pang-ibaba niyang labi. "S-Sorry, ngayon lang kasi ako nakaranas ng ganito" hindi niya maintindihan kung bakit niya sinabi iyon gayong wala naman siyang planong ibuking ang sarili niya sa binata na naiilang siya nang mga oras na iyon.
Nakangiti paring lumusong sa tubig si Benjamin. "Halika na" mayamaya ay yakag nito sa kanya.
Magkakasunod siyang napailing. "A-Ayoko nga, dito nalang ako" aniya kahit ang totoo kanina pa niya gustong magtampisaw sa tubig. Talagang hindi lang yata siya normal kapag nasa paligid si Benjamin.
"Bilis na, kung iyang damit mo ang inaalala mo huwag kang mag-alala pinabaunan ka ni Aling Norma" pamimilit ulit sa kanya ng binata saka hinagod ng tingin ang suot niyang shorts at simpleng tshirt.
Nagulat siyang tumitig sa kasama. "A-Anong sinabi mo?"
Tumango ang lalaki. "Sinabi ko sa kanya na dadalhin kita rito kaya pinabaunan ka niya ng damit. Kaya halika na, ang lamig ng tubig o" kumbinsi pa nito.
Noon niya naisipang magbigay nalang, kahit ang totoo gusto naman talaga niya. Naiilang lang talaga siya sa binata dahil sa kakaibang damdaming mayroon siya para rito. At iyon ang tanging dahilan kung bakit hindi siya makalusong sa tubig.
"Sara" untag ulit sa kanya ni Benjamin sa tinig na tila naiinip na kaya wala siyang ibang choice kundi ang kumilos na kaya siya naghubad na ng suot na rubber shoes.
Napasinghap siya ng malakas nang maramdaman niya ang malamig at preskong tubig nang lumusong siya. Hindi niya alam kung iyon rin ang dahilan kung kaya siya nagkaroon ng lakas ng loob na sabuyan ng tubig si Benjamin na nakangiting nanonood naman sa bawat ikilos niya.
Pero gumanti ang binata at sinabuyan rin siya ng tubig kaya napatili siya. Ilang sandali pa at masaya na silang nagsasabuyan ng tubig. At nang mapagod ay siya rin mismo ang naunang sumuko. Gumilid siya sa batuhan at saka hinihingal na naupo pero pirming nakangiti. Ilang sandali at tinabihan siya doon ni Benjamin.
"Nagustuhan mo ba?" ang tanong sa kanya ng lalaki.
"Ang alin? Itong lugar?"
Tumango ang binata.
"Oo" maikli niyang sagot. "di ba ang sabi mo wala pa itong pangalan? Ano kaya kung pangalanan natin?" nang kumislap ang ideyang iyon sa isipan niya ay masigla niyang suhestiyon.
Nangingislap ang mga mata siyang sinuyod ng tingin sa mukha ni Benjamin. "Oo ba, bakit may naisip kana ba?"
Magkakasunod siyang napatango. "Dalisay" aniya.
Ilang sandaling tila pinag-isipan ni Benjamin ang sinabi niya bago ito nagbuka ng bibig para magsalita. "Maganda, sige iyon nalang" sang-ayon ng binata.
"Nice! Thanks" aniya sa masiglang tinig saka tumayo. "halika na" aniyang hinila ang braso ng binata patayo sa malaking bato, pero dahil nga basa iyon ay biglang dumausdos padulas ang kamay niya. Mabuti nalang at maagap siyang nagawang hapitin ng binata kaya hindi siya tuluyang nabuwal sa tubig.
"Hey" anito pang ga-dangkal nalang ang layo ng mukha nito sa kanya.
Noon lumakas ang kabog ng kanyang dibdib. Ang mabangong hininga ni Benjamin, malayang bumabalandra sa kanyang mukha. "S-Sorry" aniyang minabuting ilayo ang sarili sa binata.
Ngumiti lang sa kanya ang binata saka siya itinayo. "Halika na?" anito.
Tumango siya. "Saan ako magbibihis?"
Noon inginuso ng binata ang isang malaking puno. Alam niyang kahit dalawang tao ay kayang itago ng malaking katawan niyon. "Gamitin mo ito" mula sa bag nitong nakapatong sa ibabaw ng isang malaking bato ay iniabot sa kanya ng binata ang isang tuyong twalya at maging ang kanya naring pamalit.
"Tumalikod ka" aniyang humakbang palapit sa puno.
Nakita niya ang amusement sa mga mata ng binata. "Oo na" anitong tumalikod na nga.