Chereads / Last Goodbye / Chapter 19 - Kabanata 18

Chapter 19 - Kabanata 18

"NAKAKAINGGIT KA TALAGA." Turan ni Fil habang naglalakad sila patungo sa pinto. Na-check-up na nito si Dustine kaya aalis na ito kasama si Kervin. "Kailan kaya ako magakakaroon ng fafa na kasing-gwapo at kasing-kisig ng fafa mo? Kung ayaw mo na sa kanya i-inform mo lang ako."

Hinampas niya ito sa balikat. "Tumigil ka nga." Pinanlisikan niya ito. "Huwag mong pagnasahan si Dustine. Akin lang siya. AKIN!"

"Sa'yong-sa'yo lang talaga siya dahil mukhang wala naman 'yang balak na magpaagaw sa iba. Obvious naman na mahal na mahal ka niya."

"Tama ka."

"Ganito na lang, tutal libre naman ang check-up niya, pagnasahan mo siya para sa akin."

Nagsalubong ang kanyang kilay. Parang malabo yata ang sinabi nito pero nang lubusan niyang maunawaan ang sinabi nito ay napasinghap siya kasabay ng pagkurot niya sa tagiliran ng kaibigan kaya napaigtad ito.

"Ano ba?" angal nito.

"Sira ka ba? Ang halay mo."

"Kaysa pagnasahan ko siya eh, di ikaw na ang gumawa. Takot ko lang na baka mamaya ipabura mo ako sa mundo kapag inakit ko 'yang irog mo."

"May point ka." Natatawa niyang sabi. "Sige, pagnanasahan ko siya pero hindi para sa'yo."

"Ang damot talaga!" Nakangiting reklamo nito. "Pero hinay-hinay lang dahil baka mabinat si Dustine. Hintayin mong gumaling at makabawi ng lakas bago niyo gawin 'yon."

"Filbert!" Pinangigilan niya ang braso nito. "Loka ka!"

"Jade balikan mo na si Dustine. Aalis na kami ni Fil dahil kapag nagtagal pa kami dito ay baka ihagis siya ni Dustine sa dagat."

Hindi man niya maintindihan ang sinabi ni Kervin ay nagpaalam na siya kay Fil. Hinalikan niya ang kaibigan sa pisngi. "Thank you."

"You're welcome. Basta para sa happiness mo."

Nanatili siyang nakatayo sa pintuan hanggang sa tuluyang makaalis ang dalawa. Pagbalik niya sa living room ay naabutan niya ang binata na nakasandal sa sofa. Lukot na lukot ang mukha nito at hindi maipinta.

"May masakit ba sa'yo?" Nag-aalalang tanong niya nang lapitan ito at tabihan sa sofa. "Gusto mo tawagan ko si Fil-"

"Fil, Fil, puro ka Fil. Kung gusto mo siyang makasama sana hindi ka nagpaiwan dito. Sabi ko naman sa'yo kaya kong mag-isa at hindi ko kailangan ng tulong." Puno ng iritasyon ang tinig nito. "Akala mo ba natutuwa ako na siya ang nag-check-up sa akin? Hindi. At lalong hindi ako natutuwang makitang naglalambingan kayo sa loob ng pamamahay ko."

"Nagseselos ka?"

"Oo." Hayagang pag-amin nito. "Alam kong boyfriend mo siya pero ako ang mahal mo. Bakit kailangan mo akong saktan ng ganito? Gusto mo bang mamatay ako sa selos?"

Gusto niyang tumawa kaso baka lalo itong magalit kaya pinigilan niya ang sarili. "Hindi ko boyfriend si Fil." Mabuti pang umamin na siya. "Akala ko kasi natuloy ang kasal niyo ni Mickaela. Ayoko namang magmukhang hindi pa nakaka-move-on sa'yo kaya nagpanggap kami ni Fil na magkasintahan."

Umaliwas ang mukha nito pero hindi pa rin ito ngumingiti. "Bakit ang sweet niyo kanina? Tumatawa ka pa habang kausap mo siya."

"Sabi kasi ni Fil," nag-alangan siya kung itutuloy ba ang sasabihin. "Nahihiya akong sabihin sa'yo."

"Hanggat 'di mo sinasabi ang pinag-usapan niyo ay hindi mawawala ang selos ko."

"Ipangako mo na hindi ka magagalit."

"Pangako."

Pinuno niya ng hangin ang dibdib bago huminga ng malalim. "Pagnasahan daw kita. Iyon ang bayad sa pag-check-up niya sa'yo."

"Ano?"

"Filbert is gay. Crush ka niya kaya niya iyon nasabi. Pinagbawalan ko kasi siya na pagnasahan ka kaya ako na lang daw ang gumawa nu'n para sa kanya." Yumuko siya dahil sa tindi ng hiyang nararamdaman. Nag—angat lang siya ng tingin nang marinig niya ang malakas nitong tawa. "Anong tinatawa-tawa mo diyan?"

"Pinagnanasahan niyo pala ako." Inirapan niya ito kahit guilty siya. Pinisil naman nito ang tungki ng kanyang ilong. "I'm glad he's gay. Kaya siguro mas lamang ang inis ko kay Lincoln kaysa kay Fil dahil hindi siya straight na lalaki."

"Bakit nadamay si Lincoln?"

"Because he likes you more than a friend. Huwag mong sabihing hindi mo alam iyon?" Hindi siya umimik kaya nagpatuloy ito. "Huwag kang manhid Jade. Hanggat maaari'y iwasan mo ang lalaki na iyon. Maliban na lang kung gusto mo akong ipagpalit sa kanya."

"Tumigil ka nga sa pag-iisip ng kung anu-ano." Saway niya dito. "Kung gusto kitang ipagpalit sa iba hindi ko sana iniyakan ng limang taon ang kasal niyo ni Mickaela na hindi naman pala natuloy."

"I'm sorry." Kinabig nito ang kanyang ulo kaya napasandal siya sa dibdib nito. "Si Mommy at ang tatay ni Mickaela ang may pakana ng kasal na iyon. Ibinalita nila sa lahat na engaged na kami kahit hindi naman totoo. Parehong ayaw naming magpakasl ni Mickaela sa isa't isa. Katwiran niya ay masyado pa siyang bata at ako naman dahil mahal kita."

"Paano kung biglang nagbago ang isip ni Mickaela at gusto na niyang magpakasal sa'yo?" Sa paraan ng pakikitungo sa kanya ng babae ay alam niyang may gusto ito sa binata at isang malaking hadlang ang tingin nito sa kanya. "Anong gagawin mo?"

"You know the answer." Niyakap siya nito ng mahigpit. "Isang babae lang pakakasalan ko. Siya ang magiging ina ng mga anak ko. Siya ang magiging reyna ng tahanan na 'to. Siya lang ang tanging may karapatang angkinin ang puso ko."

"Paano kung hindi pa siya handa?"

"Maghihintay ako."

"Salamat." Tinigala niya ang binata at kinantalan ito ng halik sa labi.

"Ako ang dapat magpasalamat sa'yo." Hinaplos nito ang kanyang buhok. "Ginawan ka ng masama ni Mommy pero sa kabila ng lahat ay minahal mo pa rin ako. At ni minsan hindi ka nagsalita ng masama laban sa kanya. Inilihim mo pa ang ginawa niya sa'yo at sa pamilya mo."

"Alam mo na?"

"Inamin ni Mommy." Rumihistro ang lungkot at pait sa mga mata nito. "Sinubukan niya tayong paglayuin noon pero hindi ka pumayag kaya muntik kang mawalan ng scholarship. Binili niya ang sakahan ng tiyuhin mo. Sinadya niya ring ikalat ang balitang ikakasal kami ni Mickaela dahil nalaman niyang bumalik ka dito. Nagkita kaya noon at sa pangalawang pagkakataon ay hiniling niyang layuan mo ako."

"I'm sorry dahil hindi kita naprotektahan. Nakakalungkot isipin na ang magulang ko ang nanakit sa taong mahal ko." Pumikit ito na tila nais itago ang sakit na nararamdaman. "Hindi ko alam kung bakit siya ang naging ina ko."

"Huwag mong sabihin iyan. Kung hindi siya ang naging nanay mo, malamang walang Dustine na katulad mo na darating sa buhay ko." Iminulat nito ang mga mata. "Huwag kang magalit sa kanya at unawain mo siya bilang magulang mo."

"Pipilitin kong huwag magtanim ng galit sa kanya, para sa'yo."

"Tama 'yan." Nakangiti niyang wika bago niya ito ginawaran ng halik sa labi subalit saglit lang iyon dahil nilayo ng binata ang mukha nito sa kanya. "Why?"

"Baka mahawa ka." Nag-aalalang tugon nito. "Saka mo na ako pagsamantalahan kapag magaling na ako. Payag naman akong pagnasahan mo maghapon at magdamag." Nakangising wika nito.

"Tse!" Hinampas niya ang binata sa dibdib kaya napasinghap ito. "Ang halay kasi ng isip mo." Paninisi niya dito habang hinaplos ang dibdib nito na nasaktan niya.

"Masakit na nga ang katawan ko tapos sinaktan mo pa ako." Angal nito. "Gusto mo bang lumala ang sakit ko?"

"Kasalanan ko ba kung bakit ka nagkasakit? Sino bang nagpa-ulan kahapon habang nagba-basketball? Ako ba? Inutusan ba kita?"

Iyon ang dahilan kung bakit ito nagkasakit. Tinanong kasi ito ni Fil kanina kung anong ginawa nito na posibleng naging dahilan ng pagkakasakit nito kaya niya nalaman ang tungkol doon.

"Pagkatapos ko kasing maka-usap si Mommy ay wala akong mapagbalingan ng galit. Wala naman akong maka-usap tungkol doon kasi busy si Albert at Kervin."

"Tinawagan kita pero hindi ka sumasagot."

"Nahihiya kasi ako sa'yo dahil sa ginawa ni Mommy." Lumungkot ulit ang anyo ng mukha nito.

"Hey! Huwag mo nang isipin iyon. Magpahinga ka na para gumaling ka kaagad dahil may date pa tayo." Paalala niya dito para mawaglit sa isip nito ang ginawa ni Carolina.

"Oo nga pala. Muntik ko nang makalimutan." Nagliwanag ang mukha nito at kumikislap ang mga mata. "Saan mo gustong mag-date?"

"Kahit saan basta kasama kita."

A joyous smile curved o his lips. "I have a great idea."

Soon to be published under Bookware Publishing Corp.

LAST GOODBYE is also available on other writing platforms.

Last Goodbye by Carmie Lopez

https://www.facebook.com/carmie.lopez.7311

https://www.wattpad.com/user/Carmie_Lopez