Chereads / MARBLE: NEGATIVE ATTRACTION EQUALS LOVE / Chapter 42 - THE NEW OUTFIT OF THE DAY

Chapter 42 - THE NEW OUTFIT OF THE DAY

Nanlulumong napaupo siya sa mahabang sofa at wala sa sariling napasulyap sa matandang gumalaw sa hinihigaan at mula sa pagkakatihaya ay tumagilid ito't niyakap ang sarili na tila ba ginaw na ginaw. Paano'y pinalakasan niya ang aircon kanina bago ito matulog at nung mga sandaling iyo'y nasa paanan na nito ang makapal na kumot.

Tumayo siya upang sana lumapit sa matanda nang mahagip ng kanyang paningin ang telepono sa ibabaw ng bedside table.

"Aha!" bulalas niya sabay pilantik at panlalaki ng mga mata, saka malutong na humalakhak.

"Lagot ka ngayon sa'kin, Vendrick ka! Kala mo maiisahan mo ako ha," nakangisi niyang wika at muling pinakawalan ang nakakalokang halakhak.

Ba't ba kasi hindi niya agad naalala ang telepono kaninang kasama pa niya ang binata? Hindi naman pala niya kailangan ang phone nito eh. Merun naman palang telepono sa loob ng kwarto.

Inilang hakbang niya lang ang kinalalagyan ng telepono at tulad ng nakita niyang ginawa ng matanda nung tumawag ito sa mga magulang niya'y hinawakan niya iyon at inidial ang cellphone number ng ama. Subalit hindi na niya makontak ang number na 'yon.

Duon niya lang naalalang siya mismo ang nag-utos sa mga magulang na palitan ang number na 'yon at bumili na lang ang mga ito ng bagong simcard.

Naisabunot niya ang kamay sa maiksing buhok sa sobrang panggigigil.

" Engot ka talaga Marble! Gggrrr!"

Lalo siyang siyang nanggalaiti sa galit nang makita sa isip ang nakangising mukha ni Vendrick.

" Naisahan talaga ako ng kupal na 'yon! Bwisittttt!"

Nagmamartsang lumapit siya sa kama at pabagsak na inilapat ang pwet sa gilid niyon dahilan upang mapabalikwas ng bangon ang matanda.

"Nanay, nagugutom na po ako. Pumunta na po tayo sa Luneta para mamalimos nang makakain na tayo," tila naaalimpungatan pang sambit ng matanda.

Napabaling siya agad dito at sasagot na sana nang marinig ang katok sa pinto, kasabay ang pagbukas niyon, ilang segundo lang ay nakapasok na sa loob ang among babae bitbit ang isang mahabang karton.

Agad siyang tumayo at sinalubong itong bago magsalita ay iniabot muna sa kanya ang bitbit.

"Gising na pala si papa. Tamang tama, may inihanda na akong hapunan niya sa visitors' room," anito nang mapatingin sa byenang lalaking pababa sa kama.

Nagmamadaling lumapit ang ginang sa matanda at hinawakan ito sa braso saka bumaling sa kanyang hawak pa rin ang ibinigay nitong karton.

"Ako na muna ang mag-aalaga kay papa. Maligo ka muna at magbihis saka mo ako sundan sa visitors'room. Nasa tabi lang 'yon ng kwarto ni Vendrick pakanan. And'yan pala sa loob ng karton ang isusuot mo," anito.

Tumango lang siya bilang tugon at tinandaan ang kinaroroonan ng sinasabi nitong visitors' room.

Alanganing sumama ang matanda habang palingon-lingon sa kanya.

"Nanay, bilisan mo pong magbihis at sumunod ka samin sa visitors' room ha?" bago lumabas ay habol pa nito habang nakalingon sa kanya.

Tumango siya agad. "Magpakabait ka anak. 'Wag kang magpapasaway do'n," bilin niya pero 'di niya ito narinig na sumagot hanggang sa makalabas ng kwarto ang dalawa.

Pagkarinig niya lang na nagclick ang sarado nang pinto ay excited siyang binuksan ang karton at binuklat ang laman niyon, iniladlad sa kanyang harapan.

"Woowww! Ang ganda naman," bulalas niya sa pagkamangha nang makita ang gown na binili ng among babae para sa kanya.

Inilapag niya muna iyon sa ibabaw ng kama at nagtatatalong tumungo sa banyo para maligo.

First time niyang magdadamit ng bestida ngayon. Excited talaga siyang isuot yung gown. Sinadya niyang bilisan ang paliligo para makasunod agad sa matanda sa visitors room at baka mag-aburido ito 'pag 'di siya agad nagpunta do'n.

Pagkalabas lang ng banyo ay agad na niya isinuot ang bagong damit. Sayang nga lang at 'di niya makita ang sarili dahil walang salamin sa loob ng kwartong yo'n. 'Di bale, ang mahalaga ay alam niyang maganda ang kanyang suot ngayon. 'Di na siya mapagkakamalang tibo ng mga makakakita sa kanya.

Napabungisngis siya sa naisip.

"Woh! You look gorgeous!"

Muntik na siyang mapalundag sa gulat nang marinig ang boses na 'yon mula sa may pinto ng kwarto.

"Sir Gab?" bigla niyang baling sa binata.

Matamis ang ngiting pinakawalan ng tinawag matapos siyang pasadahan ng tingin at namumula ang pisnging tumitig sa kanyang mukhang puro malalaking pimples ang naruon.

"You're beautiful, Mar," walang halong kaplastikang sambit nito nang makalapit sa kanya.

Nag-blush siya. Naramdaman niyang uminit ang kanyang pisngi. For the first time in her life, ngayon niya lang narinig ang mga salitang 'yon mula sa isang lalaki liban sa kanyang tatay. Ngayon lang may humanga sa kanya.

"T-talaga po? Ows-- 'di nga?" nahihiya pa niyang wika.

Ilang beses na tumango ang binata.

"You really look beautiful in my eyes," kumpirma nito habang walang kurap na nakatitig sa kanya.

Napabungisngis siya.

"Ikaw din po, gwapo sa suot mong polo at pants," ganti niyang papuri sa nahihiyang boses.

Ngunit nang biglang maalalang may gf na pala ito ay bigla siyang yumuko. Pa'no kung bolero pala ito at ginu-good time lang siya?

Pero mukha naman itong mabait.

"Wala bang sinabi si Vendrick sa'yo?"

Kunut-noo siyang nag-angat ng mukha sa tanong nito.

"May kailangan ba siyang sabihin sa'kin?" balik-tanong niya.

Ah, tama. marami nga palang dapat sabihin sa kanya ang gunggung na 'yon lalo na tungkol sa mga magulang niya. Nagsalubong agad ang kanyang kilay sa naisip.

"I asked him to tell you something about--" alanganin nitong sagot ngunit 'di tinapos nang makita siyang nakangangang naghihintay sa sasabihin nito.

"Never mind. May gagawin pa pala ako sa labas. Aantayin na lang kita sa baba ha?" namumula ang pisnging wika nito saka nagmamadaling lumabas ng kwarto.

Kibit-balikat niya lang itong inihatid ng tingin at iniligpit ang karton sa loob ng kabinet ng matanda saka sinuklay ang maikling buhok at lumabas na ng kwarto saka hinanap sa second floor ang sinasabi ng among visitors room.

Sa hallway pa lang ay kita na niya sa sala ang madaming mga bisita na tila ba nagpapaligsahan sa mga suot na damit.

Nagmamadali siyang nagtungo sa nagpakahilirang kwarto ng mga amo.

Ngunit sa pagkamalas niya'y bumukas ang pinto ng silid ni Vendrick kung kelang patapat na siya sa pintong 'yon at nagkagulatan pa silang dalawa.

"Ayy butiking walang buntot!" hiyaw niya sa pagkagulat.

"Ouch! Kabayong walang matres!"

Kapwa sila natigilan at nagkatitigan. Kapwa natameme.

Siya, dahil nakita na naman niya itong naka-swimming trunk at halatang maliligo sa swimming pool, at ewan kung bakit biglang kumabog ang kanyang dibdib dahil do'n.

Ito, dahil nakita siyang naka-gown. Umawang ang bibig nito habang nakatitig sa kanya ngunit nang mapagtantong nakatitig din siya dito'y bigla siya nitong hinila papasok sa loob ng kwarto at duon humagalpak ng tawa.

Tila umusok agad ang kanyang ilong pagkarinig lang sa tawa nito.

"Gunggung na 'to. Ano na naman ba'ng nakita mo sa'kin at ganyan ka na naman makatawa?" sa halip na mapahiya ay gigil na usisa niya rito sabay halukipkip, sinadya pang mapaingos.

Hindi ito sumagot, sa halip ay tumawa nang tumawa hanggang sa mangiyak-ngiyak na ito kakatawa, saka lang siya sinagot.

"'Di mo ba nakikita ang sarili mong para ngang kabayong walang matres na naglalakad sa hallway sa suot mong yan?" anito sa pagitan ng pagtawa.

Kumibot-kibot ang kanyang bibig.

'Gago talaga 'tong hinayupak na 'to. Ano kayang itsura ng kabayong walang matres? Gunggung na to,' sigaw ng kanyang isip.

"O bakit sabi ni Sir Gab, gorgos daw ako ngayon," mayabang niyang sagot habang nakataas-noo at pailalim ang tingin sa binata.

Humagalpak na uli ito ng tawa.

"Ano'ng gorgos? Bobo ka talaga. Gorgeous 'Yon!"

Sa sobrang inis niya'y maano bang ibato niya sa pagmumukha nito ang suot niyang sapatos na hiniram sa matanda.

"Parehas na din 'yon, tanga! Magkaiba lang ng bigkas," pagtatanggol niya sa sarili. 'Pag 'di siya nakapagpigil, talaga namang huhubarin niya ang suot na sapatos at ibabato sa binata.

Halos 'di na ito makahinga sa kakatawa at nang pasadahan na uli siya ng tingin at magtama na uli ang kanilang mga mata ay pigil na ang paghulagpos ng isang na namang halakhak.

"Nakakalalaki ka na talaga sakin. 'Di mo lang maaming nagagandahan ka sa suot ko eh," aniya para supalpalin ang binata. Bakit siya magpapatalo sa pambu-bully nito? Siya si Boss Jols, ang pinakasiga sa school nila, tapos tatawanan lang ng animal na 'to?

Makakaganti din siya.

"Magbihis ka nga, engot lang ang magsasabi sa'yong maganda ka sa suot mong 'yan. Nakadress tapos naka-rubber shoes, ano 'yon?" pigil na naman ang tawang utos nito.

Lalo lang siyang nagngitngit sa galit at 'di napigilang duruin ang lalaki.

"Hoy, ikaw ang engot! 'Di mo ba alam, ito ang uso ngayon?" resbak niya.

"Kelan pa?"

"Ngayon lang. Ako'ng magpapauso."

Sa sobrang gigil niya'y sinabayan niya ng talikod pagkasagot lang saka nagmamartsang lumabas ng kwarto nito habang ito'y mamatay na sa kakatawa.

Walanghiya talaga 'yon! Tingin ba nito'y isa siyang clown na mukha pa lang ay nakakatawa na? Siraulo talaga 'yon. Bwiisiit!

Nagpupuyos na naman siya sa galit na bumalik sa kwarto ng matanda at duon inilabas ang nararamdaman.