Chereads / MARBLE: NEGATIVE ATTRACTION EQUALS LOVE / Chapter 41 - THE UNGGUY-UNGGUYAN CARD GAME

Chapter 41 - THE UNGGUY-UNGGUYAN CARD GAME

Nagmamartsang bumalik si Marble sa kwarto ng matanda, ang haba ng nguso habang kuyom ang mga kamao sa inis sa binata.

"Grrrrr! Nakakagigil ang hambog na 'yon!"

Sa ngitngit ay naisuntok niya ang kuyom na kamao sa hangin.

Ang mayabang na 'yon, wala nang ginawa kanina kundi asarin siya. Ano kaya'ng nakakatuwa sa mga grado niya? Buti nga nakagraduate siya ng high school. Nung mag-start nga ang klase nila sa fourth year, 60 sila lahat sa isang klase pero dahil sa kahirapan at mas pinili ng iba na magtrabaho na lang agad para makatulong sa mga magulang kaya nagsipaghinto ang mga ito sa pag-aaral. Pero siya, hindi pumayag ang kanyang ama na huminto siya.

Ang tataas nga raw ng mga grades niya, sabi ng kanyang nanay tapos tatawanan lang ng hambog na 'yon.

"Gggrrr!"

Inagaw ng mga katok sa labas ang kanyang atensyon at inis kay Vendrick. Matapos tapunan ng tingin ang tulog na matanda ay binuksan niya ang saradong pinto.

Ngunit tumaas na naman ang kanyang kilay pagkakita sa nakangising binata. Ayaw niya sana itong papasukin ngunit nauna na nitong itinulak ang pinto at agad na pumasok saka humarap sa kanya.

"'Di ba sabi ko ayuko nang makipag-usap sa'yo?" Inis niyang sambit saka inilantad ang mga pangil nang ngumising parang aso subalit isa ring ngisi ang iginanti nito saka tumalikod na sa kanya at umupo sa sofa.

"Let's talk about your debt," sumeryoso na ang mukha nito.

Nanatili lang siyang nakahalukipkip sa isang tabi't nakaingos rito.

"Bibigyan kita ng dalawang oras kada araw para linisin ang kwarto ko. Meaning, may 200 kang bayad sa'kin araw-araw hanggang mabayaran mo ang kabuuan ng perang ibibigay ko sa pamilya mo," dugtong nito.

Hindi siya sumagot, nakairap pa rin sa binata pero sa isip ay kinakalkula na uli niya kung magkano 'yon sa loob ng tatlong linggo.

'200 times 21 equalis 4,200.' Sa isip siya nag-compute, mamaya tawanan na naman siya ng hambog na 'to pag isinambulat niya ang laman ng isip.

"4,200 lang 'yon sa tatlong linggo ah. Pa'no 'yong 65,800 na natitira?" Kunut-noong baling niya sa binata.

Natahimik ito, tinitigan siya.

"Mabilis ka naman palang magcompute eh," puna pagkuwan.

"Natural!" sagot niya agad. Sasagot pa sana siya pero nang muling umalingawngaw sa pandinig ang sinabi nito'y palihim siyang napangiti. Marunong din naman palang magkomento nang maganda ang mayabang na 'to eh.

Ngunit umirap pa rin siya.

Tumayo ito, lumapit sa kanya.

"Malay mo, magtagal pa ako sa bahay ng ilang buwan hanggang mabayaran mo ang utang mo sa'kin," anito saka dumiretso sa kinaruruunan ng pinto.

"Aba teka. Sa'n ka pupunta?" usisa niya.

Huminto ito sa tapat mismo ng pinto saka humarap sa kanya.

"Aalis na. Akala ko ba wala kang ganang makipag-usap sakin?" sagot nito.

"Hindi mo pa naipapakita sakin ang cellphone mo ah! Malay ko ba kung nagsasabi ka ng totoo. Mamaya niloloko mo lang ako," puno ng pagdududang wika niya.

Tamang-tama namang tumunog ang cellphone ng binata na nasa bulsa ng suot nitong short.

Inilabas nito ang phone saka inalam muna kung sino ang tumatawag bago iyon sinagot.

Sa pag-aakalang ang mga magulang iyon ay inilang hakbang niya lang ang kanilang pagitan at mabilis na inilapit ang tenga sa likod ng cellphone ng binata na nakadikit sa tenga nito.

Itinulak siya nito ngunit 'di siya nagpatinag at muling idinikit ang tenga sa cellphone.

Sumimangot sa kanya ang binata.

"Hey dude! Maaga kaming pupunta d'yan nina Paul. Antagal na nating 'di nagkikita-kita ah. Mag night swimming tayo d'yan mamaya ha. Magdadala kami ng suit," ani Richie, isa sa walo niyang mga barkada.

"Hmp!" ingos niya sabay tulak sa binata. Akala pa naman niya, 'yong kanyang Tatay na ang tumatawag dito.

Nagsalubong agad ang kilay ng binata sa ginawa niya ngunit 'di ito nagsalita.

"Sige, dude. Sasabihin ko na lang kay Gab na gusto niyong mag night swimming." anito sa kausap pero sa kanya matalim na nakatitig saka pinatay na ang tawag at ibinalik sa bulsa ang cellphone.

"Nagiging komportable ka na sakin ah. Parang di ako isa sa mga amo mo ah," sita sa kanya ng binata.

Ipinameywang niya ang mga kamay at taas-noong bumaling rito.

"Bakit? Itinulak mo rin naman ako kanina ah. Ganti-ganti lang 'yan," sagot niya. Pag ito ang kanyang kausap, madalas sa hindi ay kumukulo agad ang kanyang dugo lalo at pinagtataasan siya nito ng boses.

"Ah gano'n ha?" Gigil na sambit nito saka siya nilapitan at itinulak. Muntik na siyang mapasubsob sa pinto kung 'di niya naitukod agad ang mga kamay duon at pagalit na bumaling sa binata.

"Nakakalalaki ka na ah. Hindi porke ganto lang ang katawan ko eh pwede mo na akong apihin. Away ang hanap mo ha? Pagbibigyan kita. Teka lang," hamon niya at nililis ang magkabilang manggas paitaas saka umaktong makikipagsuntukan.

"Kala mo naman uubra ka sa'kin. 'Yang katawan mong 'yan na mas mataba pa nga ang patpat sayo. Think twice first bago ka manghamon," mayabang nitong wika.

Nananadya niyang sinipat ito mula ulo hanggang paa pabalik sa ulo. Kung titignan, mas matangkad sa kanya ang binata, 5'8" yata ang tangkad nito kumpara sa kanyang 5'2 lang, payatot pa. Tsaka puro muscle ang nakita niya sa katawan nito kaninang nakashorts lang, pati tyan macho. Wala nga siyang laban kung makikipagsuntukan siya sa binata.

"Bakit, sinabi ko bang makikipagsuntukan ako?" bigla niyang bawi, puno ng angas ang boses at nakataas pa ang noo habang nakikipagtitigan sa binata.

"Maglaro tayo ng baraha. 'Pag natalo ka ibibigay mo sakin ang cellphone mo para makatawag ako kina Tatay," hamon niya.

"Game! Ako pang hinamon mo. 'Pag ikaw ang natalo, lahat ng sasabihin ko, susundin mo nang 'di ka nagrereklamo," pagpayag nito.

"Hahaha! 'Yon lang pala, sige!" sadya pa niyang pinabuo ang boses para maging boses lalaki at patuyang humalakhak.

Napangiwi naman ang binata.

"Pa'no ka makikilalang babae eh boses pa lang, para ka nang maton," anito.

"Tse!" singhal niya, "Ba't ba ang dami mong pintas sakin? Kasalanan ko ba kung panlalaki ang boses ko?"

Hindi na ito sumagot.

Hinanap niya agad ang baraha ng kanyang alaga at nang makita ay umupo siya sa ibabaw ng sofa saka sinenyasan ang binatang lumapit.

"Mag tong-its tayo," hamon niya.

"Deal. Wala pang nakakatalo sa'kin sa tong-its. Hekhekhek!" nakangisi nitong sagot at agad nang lumapit sa kanya, umupo din sa sofa, ipinatong ang isang paa sa ibabaw niyon tulad ng ginawa niya.

Sandali siyang natahimik at palihim itong sinulyapan. Hindi, baka matalo siya kung magto tong-its nga sila. Kailangang wala itong gaanung alam sa laro nila para mabilis niya itong matalo. Ano pa ba'ng nilalaro nila ng kanyang mga tropa 'pag wala silang magawa liban sa tong-its?

Mataman siyang nag-isip. Ungguy-ungguyan kaya? Tama madali lang naman 'yon, mabilis pa.

"'Wag nang tong-its. Ungguy-ungguyan na lang," bawi niya.

"Ano 'yon?" maang nitong tanong.

Ayos! Hindi nito alam ang ungguy-ungguyan.

"Madali lang 'yon," aniya saka hinawakan ang baraha at tinanggal mula ruon ang may mga tao at itinabi, inipit sa ilalim ng nakabaluktot niyang paa sa ibabaw ng sofa.

"Ito lang ang gagamitin natin. Hahatiin natin 'to, tapos kukuha ka sakin ng baraha at ako din sa'yo, 'pag may pares sa mga baraha natin, ibababa natin 'yon. Kung sinong unang maubusan ng baraha siya panalo. Gawin natin 'yon ng limang beses at ang madami ang panalo, siya ang mananalo sa laro," paliwanag niya.

"Deal!" sagot agad nito.

Binalasa niya ang baraha at hinati sa kanilang dalawa nang pataob.

Binalasa uli ng binata ang parte nito saka iniharap dito at inayos pagkuwa'y ngumiti habang nakatitig sa mga baraha nito.

Gano'n din ang ginawa niya.

"Ako ang unang kukuha sayo kasi ako ang nagbalasa," an'ya rito at kumuha nga ng sa isa sa mga baraha nitong nakaipit sa kamay nito.

Napangisi siya nang may pares ang nahugot niyang baraha mula sa binata, agad niya iyong ibinaba.

Ito naman ang kumuha ng baraha sa kamay niya, nagbaba din. Sa huli, siya ang nanalo.

Tawa siya nang tawa pagkatapos. Hanggang sa 'di na nila namamalayan ang oras. 'Pag ito ang nananalo ay mas malakas pa ang tawa nito sa kanya na tila nang-iinis kaya madalas ay humahaba ang kanyang nguso.

Sa huli, ito ang nanalo. Gigil na gigil siya.

"Nandaya ka yata eh," pang-aakusa niya sabay tayo.

"Ano'ng nandaya eh ikaw nga itong nagturo sa'kin pa'no malaro nito?" pagtatanggol ng binata sa sarili.

"Hmp!" nasambit na lang niya saka inayos ang baraha at ibinalik sa pinaglagyan ng matanda.

"Haist! Walang bawian 'yan ha? Ako ang nanalo kaya dapat lang na susunod ka sa lahat ng sasabihin ko nang 'di ko naririnig ang reklamo mo."

Kung nakakamatay lang ang pagalit niyang irap sa binata, marahil ay bigla na lang itong bumalagta sa sahig.

"Oy, Oy! Ano 'yang tingin mo na 'yan?" sita nito.

"Hmp! Oo na! Para tinitingnan ka lang eh." Binawi niya ng tingin rito at sumulyap sa matandang mahimbing pa rin ang pagkakatulog.

Tumikhim muna ito bago muling nagsalita.

"Mula ngayon, ako ang makikipag-usap sa mga magulang mo," anito.

"Ano?" angal niya agad. "Hindi pwede 'yon! Ako ang anak, hindi naman ikaw. 'Tsaka pakialam mo ba sa amin?" reklamo niya.

"'Di ba't may kasunduan tayo?" pagpapaalala nito.

"Maliban do'n! Hindi ako papayag na isasama mo sa kasunduan ang pamilya ko!" pagmamatigas niya.

"Basta 'yon na 'yon!" giit nito, halatang ayaw magpatalo at bago pa siya nakasagot ay tumakbo na ito palabas ng kwarto.

"Hoy! Teka, hindi ako papayag do'n! Vendrick! Ang sama mo!" habol niya ngunit hindi na ito sumagot pa.

Nagpupuyos sa galit na pinagsusuntok niya ito kahit sa hangin lang.

"Nakakagigil kaaa!!!" sigaw niya. Ngunit wala na siyang magagawa, kailangan niyang sumunod sa kasunduan nila.

Nagtataas-babang tinitigan niya nang matalim ang pinto na tila ba andun pa rin ang lalaki.

"Hindi ako papayag sa gusto mong mangyari! Kailangan kong makausap ang mga magulang ko!" matigas niyang sambit.