Chereads / MARBLE: NEGATIVE ATTRACTION EQUALS LOVE / Chapter 38 - HE TRICKED HER

Chapter 38 - HE TRICKED HER

"'Di ba isang linggo ka nang may lagnat mula nung dumating ka d'yan?" balik-tanong na uli ng ama.

"Po? Sino po'ng may sabing may lagnat ako?" gulat niyang balik-tanong din, 'di ma-gets ang sinasabi ng ama.

"Si Amanda. Ang sabi niya dinala ka agad sa ospital nung dumating ka d'yan kasi daw mataas ang lagnat mo kaya ayun, naibenta namin 'yung bahay natin. Andito kami ngayon sa bahay ng mga lolo at lola mo kasi wala na kaming matirhan sa Tabo-an, naibenta na namin," kwento ng ama.

"Ano?" hiyaw niya kasabay ng pagkulo ng kanyang dugo at pagkuyom ng kanyang isang kamao.

Ang hayup niyang tyahin! 'Di pa nakuntento na iniwan siya sa Luneta, pinerahan pa ang kanyang mga magulang. Wala itong puso, walang kaluluwa! Walang dugo, walang atay!

'Di niya napigilang mapaluha sa isinagot ng ama.

"Marble, anak. Maganda na ba ang pakiramdam mo ngayon? Kasya na ba 'yong pinadala namin sa'yong limampung libong piso para sa pagpapaospital mo? Sabi ni Amanda, nasa private hospital ka raw."

Kinagat niya ang ibabang labi upang pigilan ang mga luhang ayaw paawat na pumatak mula sa kanyang mga mata. Ilang beses siyang kumurap at pinigilang mapapiyok.

"Opo,Tatay. Malaki na nga po iyon. 'Wag na po kayong magpapadala ng pera," an'yang biglang sumeryoso ang boses.

Napatingin na uli ang matanda sa kanya, parang ramdam ang bigat ng kanyang dibdib.

"Ang sabi ni Amanda, baka daw hindi pa sapat 'yun kasi 'di ka pa rin daw nakakalabas ng ospital," anang ama.

"Nakalabas na po ako, Tatay!" maagap niyang sagot.

"Luis, sino ba 'yang kausap mo? Si Amanda na naman ba?"

Narinig niyang usisa ng ina.

"Si Marble, ang anak mo. Nakalabas na pala sa ospital at tinawagan agad tayo," sagot ng amang halata sa boses ang tuwa.

Narinig na uli niyang tumili ang ina at maya-maya'y ito na ang may hawak ng cellphone.

"Magaling ka na anak, mababayaran na natin ang utang ng tatay mo sa Tabo-an? Yayaman na ba tayo anak? May trabaho ka na ba?" sunud-sunod na tanong ng ina.

Sa sumisikip na dibdib ay nagawa niyang tumawa sa sinabi ng ina na tila inosente talaga kung anong merun sa syudad ng Manila.

"O--opo Nanay, may--may trabaho na po ako. Bumili po kayo ng ibang simcard kasi--kasi po di ko po kayo matawagan sa number ko," pagsisinungaling niya.

"Ay gano'n ba? O sige mamaya din pabibilhin ko itong Tatay mo ng ibang simcard. Ano bang gamit mo ngayon?" usisa ng ina.

Agad siyang nag-isip ng isasagot.

"Ahm, TM po. 'Yon nga, TM po ang simcard ko. Tsaka 'di ko po masyadong marinig ang boses niyo kaya palitan niyo din po ang cellphone niyo. Humiram kayo kay lola baka merun siya," sagot niya.

"'Ta mo, sinabi ko na sa'yo Luis, bumili ka ng bago at 'di tayo marinig ni Marble. May limandaan pa ako rito. Bumili ka ng cellphone kahit 'yung mumurahin lang tsaka simcard. Itapon mo na 'tong cellphone mo at wala nang silbi," paninisi nito sa asawa.

Habang tahimik siyang nakikinig sa sinasabi ng ina'y may kumalabit sa kanyang balikat ngunit 'di niya iyon pinansin.

"Ano ba'ng number ang gamit mo anak? Nang matawagan ka agad namin pag nakabili na kami ng bagong cellphone at simcard?" tanong ng ina.

"Po?" Natuliro siya. Ano ba'ng number ang sasabihin niya? 'Di naman niya alam kung anong number ng teleponong to.

"Hello Marble anjan ka pa ba? Anong number mo sabi ko?" tanong na uli ng ina.

"0935..."

"0935----"pag-uulit niya ngunit napahinto rin at namumutlang napatingin sa bumulong sa kanya.

'Vendrick!' sigaw ng kanyang utak habang nanlalaki ang mga matang nakatitig sa binatang idinikit na uli ang tenga sa teleponong nakadikit sa kanyang tenga.

Isinenyas nito ang kamay na ituloy niya ang sinasabi.

"093561..." bulong nito sa mahinang boses.

Hindi na siya nagdalawang isip at inulit na lang ang mga numerong sinabi nito.

"O ayan anak naisulat ko na."

"'Yon ang number mo," bulong ni Vendrick.

"'Yon po ang number ko Nanay ha? Itapon niyo po agad ang cellphone at simcard niyo 'pag nakabili kayo ng bago. Number ko lang dapat ang nakalagay sa cellphone niyo," giit niya sa ina.

"Oo na. Tatandaan ko yan," sagot nito.

Noon lang niya napagtantong galit pala siya sa anak ng kanyang mga amo. Bakit ba hinahayaan niya itong makiusyoso sa usapan nilang mag-ina?

Itinulak niya ito palayo, siya rin ay umatras nang bahagya ngunit muntik nang masagi ang matandang nasa kanya palang likuran at nakamasid lang din sa kanila ng apo nito.

"Sige na po, Nanay. Bye na po," an'ya sa ina, agad nang ibinalik sa kinalalagyan ang telepono at gigil na bumaling sa binata.

"Bakit ka nakikinig ka sa usapan naming mag-ina?" singhal niya rito.

Humalukipkip ito at ilang beses na pumalatak saka siya patuyang tinitigan.

"You really have no sense of gratitude," Ilang beses itong umiling at muling pumalatak.

"Ikaw na nga itong tinulungan, ikaw pa itong galit. Tsk tsk tsk!"

"Asan ang tulong sa ginawa mo?" nakapameywang niyang sagot.

"Hey! 'Yong pagbibigay ko ng number sa nanay mo para 'wag kang mabuking na nagsisinungaling dahil ang sabi mo may number ka na, hindi ba tulong 'yon?" pagpapaalala nito sa sinabi niya tila kinukunsensya siya sa pagtatahi ng kasinungalingan.

Ang laki ng buka ng kanyang bibig sa sinagot nito.

"Ibig sabihin, kanina ka pa nakikinig sa usapan namin ni Nanay?" bulalas niya.

Ngumisi lang ang binata, nakakalokong ngisi na halatang nang-aasar sa kanya saka mabilis ang mga hakbang na lumabas ng kwarto bago pa siya nakapag-react uli.

Narinig pa niyang humahalakhak ito sa labas.

Naihilig niya ang ulo saka wala sa sariling napaharap sa matandang blangko din ang mukhang nakatunganga lang sa kanya habang nakaupo sa gilid ng kama.

"Anak, number lang naman ng bastos na 'yon ang ibinigay ko kay Nanay, bakit tuwang-tuwa ang tarantadong 'yon?" maang niyang tanong sa matanda.

Isang nakakaloko ring ngisi ang iginanti ng matanda saka bumalik na uli sa sofa upang maglaro ng solitaryo.

'Teka parang may mali eh.'

Lutang pa rin siyang napaupo sa gilid ng kama.

Number nito ang ibinigay niya sa ina. Ibig sabihin, 'pag tumawag ang mga magulang, ito ang makasasagot. Pa'no kung ibuking siya nitong wala talaga siyang cellphone at kung ano-ano ang sabihin sa mga magulang para lang makaganti sa ginawa niyang pagsuntok sa t'yan nito kahapon?

Aha! Kaya pala ito tuwang-tuwa na lumabas agad ng kwarto.

"Vendrick! Vendrick! Bumalik ka rito!" malakas niyang sigaw kahit na alam niyang 'di siya nito maririnig.