Nagtataka si Marble dahil hindi na siya ang inutusang magpakain sa matanda. Do'n na lang siya pinaglagi sa loob ng kusina hanggang sa gumabi na.
Pagpasok niyang muli sa kwarto ng matanda, naghahagikhikan na ang dalawang nagpakadapa sa paanan ng una habang mahimbing itong natutulog.
Dumeretso siya sa kabinet at kinuha ang comforter na higaan at manipis na kumot saka inlatag sa sahig sa baba ng sofa at tahimik na nahiga duon. Dahil wala siyang tulog no'ng nakaraang gabi ay agad siyang naidlip pagkalapat lang ng likod sa malambot na comforter.
Saka lang siya nagising nang humiga na uli sa tabi niya ang matanda, sa pagkakataong iyo'y nakaharap na ito sa kanya at nakadantay ang paa sa kanyang hita.
Muli siyang nakatulog sa ganung ayos nilang dalawa. At nung madaling araw na'y nauna siyang nagising sa dalawang nurse kaya niyakap na niya nang mahigpit ang matanda at siya naman ang dumantay sa katawan nito.
Pero kunwari ay tulog siya no'ng maramdamang iniaangat na ng dalawa ang kanyang isang binting nakapatong sa binti ng matanda. Kumilos siya at lalong hinigpitan ang yakap niya sa huli saka sinadya niyang humarok para malaman nang mga itong masarap ang kanyang tulog.
"Bwisit na tomboy to!" gigil na bulong ni Mica sa kasama.
"Ang animal, ang sarap pa ng tulog," namimilog ang mga mata ni Fel sa ngitngit habang kinukirot ang kanyang binti.
Tiniis niyang wag sumigaw sa sakit. Ang mahalaga maprotektahan niya ang matanda.
"Anong gagawin natin ngayon?" dismayadong tanong ni Mica.
Sinipa siya nito sa tagiliran sa galit pero hindi pa rin siya kumilos, nanatili siyang nakayakap sa matanda.
"Mag-aalas singko na. Inaantok na ako. 'Pag 'di natin napaliguan 'yan, pahihirapan na naman tayo mamaya. Hindi na nama natin 'yan mapapainom ng sleeping pills, baka tumakas na naman siya satin," nakanguso nang sagot ni Fel at nakapameywang na ginising siya gamit ang paa na uli nito.
"Hoy! Hoy! Gising! Gising sabi eh!" sigaw na nito sa kanya.
Umatungal lang siya ngunit 'di pa rin kumilos.
Subalit nagulat siya nang maya-maya ay buhusan siya ng mga ito ng malamig na tubig, marahil ay isang timba 'yon, nabasa pati ang matanda.
Napilitan siyang bumangon at tiningnan ang matanda kung nagising ito.
Humihikbi na ito na parang bata sa pagkagulat at takot sa ginawa ng dalawa.
"Mga pesteng yawa kayo! Ang sasama ng ugali niyo!" galit na sigaw niya sa mga ito.
"Ah masama pala ha?" ani Fel saka siya sinunggaban at pagalit na hinablot ang kanyang buhok subalit dahil sa maikli iyon ay 'di nito iyon nahawakan kaya sinampal na lang siya nito.
Sa galit ay agad siyang tumayo at nililis paitaas ang mga manggas.
"Away ang gusto niya ha? O sige, pagbibigyan ko kayo," nagtatagis ang bagang na wika niya.
Nang sunod na sumugod sa kanya si Mica ay nasapak niya ito at nahablot ang mahaba nitong buhok saka niya inihambalos sa sahig.
Hinawakan ni Fel ang kanyang damit at hinila siya palayo kay Mica.
Palibahasa'y payat at di hamak na mas malaki ang katawan ng babae ay isang hila lang sa kanya'y napahiga siya agad sa tiles.
Mula siyang sinunggaban ni Fel ngunit sinipa niya ang tyan nito kaya napaatras ito at nadaganan si Mica na papatayo pa lang.
Tila nag-aapoy na ang mga mata ng dalawa sa galit na magkasabay na lumapit sa kanya.
Napasulyap siya sa matandang sumiksik sa gilid ng sofa sa takot.
Bago pa man nakalapit ang dalawa sa kanya ay nakatayo na siya at tumakbo palapit sa pinto nang makalayo sila sa matanda at saka niya hinarap ang mga ito.
Hindi siya sanay ng sabunutan, pero suntukan, oo. Kaya nang sabay na sumunggab sa kanya ang dalawa, binigyan niya ang mga ito ng tig-iisang suntok sa mukha.
Muntik nang mapahiga si Mica sa lakas ng kanyang suntok sa baba nito.
Kaya sa galit ay kinuha nito ang mahabang handle ng floor scrub brush sa banyo at 'yon ang gagamitin sanang pamalo sa kanya.
Subalit nang makita ito ng matanda ay napatingin ito sa kanya habang nakikipagsabunutan kay Fel at 'di pansin ang papalapit na si Mica.
Nahawakan ni Fel ang maigsi niyang buhok at iniuntog siya sa pinto ng kwarto saka siya hinila pahiga at pinaimbabawan at walang tigil na pinagsasampal ngunit sa halip na matakot sa malaki nitong katawan ay sinuntok na uli niya itong napahiga agad sa sahig.
Agad siyang tumayo nang marinig ang malakas na sigaw ni Mica sabay hampas sa kanya ng handle ng floor brush na hawak.
Napasubsob na naman siya sa tiles na sahig sa paanan ni Fel.
Muling napasigaw si Mica. Akala niya hahampasin na uli siya ng hawak nitong handle pero nang lumingon siya rito'y sinasabunutan pala ito ng matanda at gigil na hinihila nito ang buhok papunta sa gamit ng mga itong electric fan.
Noon lang niya nakita ang galit sa mukha ng matanda.
"Anak!" sigaw niya sa pag-aalala at pinilit na tumayo para awatin ito ngunit namilog ang kanyang mga mata sa gulat nang malakas itong itulak ni Mica.
"Anak!" muli niyang sigaw sa takot nang makita itong nawalan ng balanse ang katawan at nauntog sa gilid ng bedside table na gawa sa yakal na kahoy.
Hindi niya alam kung gaano kalakas ang impact ng pagkakauntog na yun ng matanda hanggang sa tumihaya ito sa sahig, wala nang malay at umaagos ang dugo mula sa ulo pababa sa damit.
Napasigaw si Mica sa takot.
Napasigaw rin siya sa takot at agad sinaklolokaha ang matanda.
"Anak! Anak!" tawag niya ngunit di ito nagdilat ng mga mata.
Napaiyak siya sa sobrang pag-aalala rito.
Si Fel nama'y binuksan ang pinto at nagsisigaw sa labas.
"Tulungan niyo kami! Tulungan niyo kami. Si Senyor! Tulungan niyo kami."
Pagkatapos ay saka ito pumasok sa loob ng kwarto at pinunasan agad ang basang tiles gamit ang pinaghigaan nina Marble saka hinila ang comforter sa loob ng banyo.
Siya nama'y panay ang iyak habang nakaupo at nakasandig sa kanyang dibdib ang katawan ng matandang wala nang malay.
"Papa!" malakas na sigaw ng anak nito na naunang pumasok sa loob ng kwarto.
Tumakbo ito palapit sa kanila at kinarga ang matanda.
"Ano'ng nangyari? Oh my God! Papa!" hiyaw din ng madam nila pagkakita sa duguang byenan.
"Madam! 'Yang tomboy na 'yan ang may gawa niyan. Itinulak niya si Senyor sa galit niya dahil tinabihan siya nito sa pagtulog at niyakap!" namimilog ang mga matang sumbong ni Fel.
Nanginig siya sa takot lalo na nang humarap sa kanya ang among lalaki at makita ang galit sa mga mata nito.
"Lumayas ka sa pamamahay ko! Layas!" sigaw nito sa kanya.
Ilang beses siyang umiling para ipagtanggol ang sarili ngunit 'di niya magawang makapagsalita nang mga sandaling 'yon, marahil sa gulat at takot sa nangyari.
Magkahalong pagtataka at pag-aalala naman ang nakita niya sa mukha ng madam, ilang beses nitong sinulyapan ang ayos ng kwarto saka bumaling sa asawa.
"Hindi 'yon ang mahalaga ngayon. Kailangan nating madala agad si Papa sa ospital," anito at nagmamadaling lumabas ng kwarto para tawagin ang mga gwardiya sa labas.
Ngsidatingan na rin ang mga katulong na nakarinig ng sigaw ni Fel.
"Umalis ka sa pamamahay ko! Wala kang utang na loob!" nagtatagis ang bagang na muling sigaw ng among lalaki sa kanya, hindi man lang inalam kung totoo ang sinabi ni Fel.
Bago ito lumabas ng kwarto ay inutusan muna si Fel na kaladkarin siya palabas ng silid kaya 'yon ang ginawa ng nurse sa kanya.
Hinawakan nito ang kanyang damit at hinila siya palabas ng kwarto. Hindi siya pumalag, ni hindi niya ipinagtanggol ang sarili sa mga amo.
Tahimik lang siyang lumuluha habang nakatingin sa matandang karga ng anak.
Sumunod siya sa pagbaba sa hagdanan hanggang paglabas ng mga ito ng bahy at ipasok ng among lalaki ang ama nito sa loob ng kotse, sumunod din ng kanilang madam na pumsok sa loob. 'Yong isang guard na ang nagdrive na sasakyan.
Subalit bago umalis ang sasakyang iyon ay dumungaw sa bintana ang amo.
"Palayasin niyo ang walanghiyang 'yan!" utos nito sa isa pang guard na agad namang tumalima at itinulak siya palabas ng gate.
Hindi rin siya pumalag, tumakbo pa nga palabas at hinabol ang sasakyan na mabilis ang pagpapatakbo.
Tumakbo siya nang tumakbo hanggang sa 'di na niya makita ang hinahabol. Tama namang may dumaang nagbabike sa kanyang harapan.
Agad niya itong pinapara.
"Manong, saan po ba ang malapit na ospital rito?" tanong niya.
"Madami ang malapit ritong hospital. Saan mo ba gustong magpunta? Pero kung maglalakad ka lang papunta ruon, isang kilometro ang layo mula rito hanggang sa San Lazaro Hospital," anang tinanong.
"Sige salamat po," pagkarinig lang ng pangalan ng ospital ay agad na siyang tumakbo deretso lang sa unahan, hindi siya lumiko. Baka sakali sa ospital ngang do'n dinala ang matanda.