Tahimik na lumuluha si Cielo habang pinapanood ang laman ng spy mini camera na binigay ni Gab sa kanya. Kitang-kita ong hinahampas ng dalawang nurse sa kahit saang parte ng katawan ang matanda. Bumangon lang ito mula sa mahimbing na pagkakatulog saka pilit na pinatayo at pinaupo sa wheelchair bago siya pinagbuksan ng pinto kahapon.
Nagsalubong agad ang kanyang mga kilay nang makitang pinapainom ng dalawa ng isang capsule ang matanda sa tanghali gayung ang painom dapat ng gamot nito ay sa umaga at sa gabi pagkatapos kumain. Isang tablet sa umaga at isa rin sa gabi. Ano pala ang pinainom ng mga ito sa tanghali?
Ini-fast forward niya ang pagrerewiew sa camera hanggang sa mapansin niyang sa loob ng ilang oras ay di na nagising ang matanda. Ginising na lang ito nang gabi na at oras ng pagkain saka uli pinainom ng dalawang gamot na dapat ay isa lang. Nakita niyang nahiga si Marble sa baba ng sofa at bago maghatinggabi ay bumangon ang kanyang byenan para tumabi rito habang ang dalawang nurse ay mahimbing na natutulog sa kama ng matanda. Pero alas kwatro y medya pa lang nang madaling araw ay nagising ang mga ito at lumapit sa sofa. Nagulat siya nung sinipa ni Fel si Marble ngunit hindi bumangon ang huli, nanatili lang nakayakap sa kanyang byenan.
Wala siyang nagawa kundi impit na uling lumuha nang makita niyang binuhusan ng dalawa ang byenan at ang tomboy sa hinihigaan, saka lang tumayo si Marble.
Pagkatapos mapanood ang tagpong iyon, naramdaman niyang nag-iinit ang kanyang tenga sa galit, kumulo ang kanyang dugo. Sa loob ng mahigit isang taon ay pinagkatiwalaan nila ang dalawang nurse para alagaan sana at bantayan ang kanyang byenan pero yun pala ang ginagawa ng mga ito sa matanda. Hindi niya hahayaang magpatuloy ang kasamaang ginagawa ng dalawa sa loob ng kanyang pamamahay.
Napatayo siya sa takot nang makitang hinahampas ni Mica sa likuran si Marble dahilan upang mapasubsob sa sahig ang huli, duon na tumulong ang matanda kaya ito nadisgrasya.
Hindi na niya tinapos ang panonood at nagtataas-baba ang dibdib na pinahid niya ang mga luha sa mga mata saka tinawagan sa landline ang isang guard sa labas ng bahay para pumasok sa loob at gusto niyang ipadakip sa mga pulis ang dalawang nurse.
Maya-maya'y lumabas na siya ng library para puntahan ang dalawa sa kwarto ng kanyang ulyaning byenan.
Ngunit pagbukas niya ng pinto, nagpakabihis ng panlakad na ang mga ito at may bitbit nang dalawang malalaking bag.
Kapwa napaatras ang mga ito nang makita siyang pumasok sa loob ng bahay, kapwa namutla sa takot.
Humalukipkip siya at matalim ang tinging ipinukol sa dalawa habang nasa tapat lang ng pinto ng kwarto.
"Sa tingin niyo ba madali kayong makakalabas sa pamamahay na to nang gano'n lang pagkatapos kong makita ang kahayupang ginawa niyo sa Papa ko at kay Marble?" naniningkit ang mga matang wika niya sa dalawang agad na lumuhod sa kanyang harapan at kapwa humagulhol.
"Madam, parang awa mo na! Patawarin mo po kami sa ginawa namin. Gusto na lang po naming umalis rito at umuwi sa mga probinsya namin," pagmamakaawa ni Fel.
Si Mica ay di pa rin makapagsalita sa nangyari, hinahayaan lang ang kasama na magsalita para sa kanila.
Bumukas ang pinto ng kwarto at iniluwa niyon ang kanyang asawa.
"Cielo, what's happening? What are they doing?" takang tanong ni Keven at nagmamadaling lumapit sa kanya.
Bumaling siya sa asawa at galit na itinuro ang dalawa.
"Mga walang puso ang mga kinuha mong nurse, Keven. Minamaltrato pala nila si papa sa loob ng mahigit isang taon at binibigyan ng gamot na wala sa inutos ko!" matigas ang boses na pang-aakusa niya sa mga ito.
"What do you mean?" nalilito pa ring tanong ng asawa.
"Ah, salamat nga pala sa batang pinalayas mo kanina. Kung hindi siya nagsumbong kay Gab at hindi naglagay si Gab ng spy camera sa kwartong to'y di ko malalaman kung ano talaga ang nangyari dito kanina," may halong panunuya sa asawa ang kanyang boses.
"Ano?" 'di makapaniwalang saad nito at agad nagsalubong ang mga kilay na bumaling sa dalawa.
"Ano'ng ginawa niyo sa Papa ko? Anong ginawa niyo?" sigaw nito.
"Idemanda mo ang dalawang to Keven at ibalik mo rito si Marble. 'Pag hindi mo ginawa 'yon, lalayas ako sa pamamahay na 'to!" pagbabanta niya sa asawa saka agad na tumalikod sa tatlo at lumabas ng kwarto.
"Madam maawa kayo samin! May pamilya din kaming nangangailangan ng aming suporta!" hiyaw ni Fel.
Ngunit hindi niya ito pinansin at nagtuluy-tuloy sa hallway pababa ng hagdanan.
Hinabol siya ng asawa at hinawakan sa braso kaya napilitan siyang huminto sa paghakbang sa hagdanan at humarap dito.
"Pag-usapan natin 'to nang maayos, Cielo. Sabi ng mga doctor sa ospital hinimatay lang daw si Papa pero okay na siya ngayon," anito.
Dismayado siyang napatitig sa lalaki.
"So, dahil okay lang si papa, balewala na lang sayo ang ginawa ng dalawang nurse? Ni 'di mo man lang itatanong sakin kung ano ba talaga ang nangyari kanina bakit nauntog sa bedside table ang ama mo? Keven ikaw ang anak ni papa. 'Di mo man lang ba naisip na unfair naman do'n sa bata na basta mo na lang siyang pinalayas gayung prinotektahan lang naman niya si papa mula sa mga nurse na 'yan?" panunumbat niya rito.
Ilang sandali siyang tinitigan ng asawa saka bumuntung hininga.
"Alright! It was all my fault. Sige sabihin mo uli sakin kung ano ba talaga ang nangyari kanina," tila sumusuko nitong sambit.
Kumalma na rin siya nang marinig na inaamin nito ang kasalanang ginawa sa batang si Marble.
"Panoorin mo na lang sa computer sa library," aniya at binawi ang kanyang braso mula dito.
"Babalik ako sa ospital. Ako mismo ang magbabantay kay papa," anya sa asawa at bumaba na sa hagdanan.
"Cielo!" tawag nito pagkuwan.
Lumingon lang siya.
"Thank you for loving my father like your own," anito sa kanya.
Ngiti lang ang kanyang isinagot saka tuluyan nang bumaba sa hagdanan hanggang sa makalabas ng bahay.
Tila nawalan na siya ng tiwala sa ibang nurse na siyang magbantay sa kanyang byenan dahil sa ginawa ng dalawa nitong tagapag-alaga.
Mas maganda na nga segurong tumigil na siya sa pagtatrabaho at bantayan na lang ito nang maseguro niyang hindi na ito mapapahamak.
Maging siya'y hindi niya alam kung bakit mas mahal pa nga yata niya ang matandang iyon kesa sa sarili niyang amang ando'n sa Canada.
Marahil ay dahil sa noong wala pa itong sakit noon, lahat ng pangangailangan nila'y ito ang nagprovide, trabaho, negosyo, bahay---ilan lang ang mga yun sa kusang ibinigay ng matanda sa kanila. Kahit 'yong mga anak niya'y binigyan nito ng tig-iisang yaya no'ng mga bata pa para 'di siya mahirapan sa pag-aalaga.
'Pag nag-aaway sila ni Keven, pinapalayas nito ang sariling anak at siya ang kinakampihan, ito ang kanyang byenang babae nung buhay pa.
Ni 'di siya nakarinig na may pagkadisgusto ang mga byenan sa kanya kahit na wala siyang trabaho noon at ang mga ito ang nagbibigay ng sustento sa kanila habang 'di pa lumalago ang negosyo ni Keven.
'Yon marahil ang dahilan kung bakit malaki ang respeto niya sa byenang lalaki kahit na ito'y nag-uulyanin na ngayon.
Nakapagdesisyon na siya, titigil siya sa trabaho at babantayan na lang ito. Pero hindi siya papayag na hindi pababalikin si Marble sa bahay nila.
Ang batang 'yon, wala itong ibang mapupuntahan dahil iniwan ito ng sariling tyahin sa Rizal Park. Kung hahayaan lang nila itong magpagala-gala sa daan, baka kung ano pang mangyari sa batang 'yon, kargo de-kunsensya pa nila.
Ahh, ipapahanap niya si Marble kay Keven. Hindi siya papayag na 'di ito pababalikin sa bahay nila.