Napapaidlip na sana si Marble habang nakahiga sa tabi ng matanda nang may kumatok sa pinto.
Dali-dali siyang bumangon at binuksan ang pinto.
"Dayyy!" hiyaw ni Lorie saka agad na pumasok at yumakap sa kanya.
Bahagya itong itinulak ni Bing na gusto ring pumasok sa loob ng kwarto, nagsunuran sina Eva, Marie at Melly sa loob.
"Kumusta ka na? Saan ka nagpunta kanina?" usisa ni Eva sa kanya.
Hagikhik lang ang kanyang isinagot.
Kumawala si Lorie mula sa pagkakayakap sa kanya at sinipat siya mula ulo hanggang paa.
"Okay ka lang ba? Naku kung nakita mo lang ang ginawa namin kanina nung umalis ka. Sinugod namin yung dalawang nurse dito," hanggang ngayo'y nanggigigil pa ring kwento ng dalaga sa kanya.
"Ayy, oo nga. Itong sina Bing at Lorie ang ayaw paawat na sumugod rito. Ang tatapang ng mga apog," pabirong sabad ni Melly na siya yatang pinakamatanda ngunit pinakatahimik sa lahat.
Muli siyang napahagikhik.
"Sina ate talaga. Hinayaan niyo na lang sana," aniya ngunit 'di ikakailang masaya siya sa nalamang ipinagtanggol siya ng mga ito.
"Aling hahayaan na lang? Buti nga 'yong isang demonyita sa labas eh 'di pa namin pinitesyunang isama sa pinalayas eh," ani Lorie, nakapameywang at nakaarko ang mga kilay sa inis.
"Ikaw talaga Lorie, wala na ang mga 'yon dito kaya Chill ka na," biro ni Marie.
Humagikhik naman ang dalaga at iniikot ang paningin sa loob ng kwarto.
"Alam mo kanina lang kami nakapasok rito. Maganda naman pala ang kwarto ni Senyor, maluwang. 'Di ka ba natatakot na kayo lang ni Senyor ang magkasama?" anang dalaga ngunit 'di sa kanya nakatingin.
"Bakit naman ako matatakot Ate Lorie? Mas nakakatakot nga yung dalawang nurse na pinaalis eh," sagot niya.
"Hayy nakapagpahinga rin kami ngayong araw. Buti na lang pumayag si Madam na bisitahin ka namin," ani Bing na nakaupo na sa ibabaw ng sofa, 'di nakuntento't humiga na rin.
Nagsunuran namang parang buntot ang tatlo saka nakisiksik sa dalaga, nagtulakan ang mga ito hanggang sa lahat ay napaupo sa tiles na sahig, naghahagikhikan.
"Sshh! Pasaway talaga kayo. Natutulog si Senyor oi!" saway ni Lorie.
Muling naghagikhikan ang apat at sinaway ang isa't isa.
"Sige samantalahin niyo ang araw na ito at bukas eh andito na ang mga liyon at tigreng maarteng amo natin," wika na uli ni Lorie habang patuloy na sinusuyod ng tingin ang buong kwarto. Siya nama'y lumapit sa kama at sa gilid niyon naupo.
Sabay-sabay na sumimangot ang apat.
"Pahihirapan na naman tayo ng dalawang 'yon sa paglilinis ng bahay. Mga maaarte kasi, mas matindi pa kay Madam," ani Eva, lukot ang mukha na nakaupo sa sahig.
Lumapit siya sa apat at nakiusyuso.
"Sino po ba ang sinasabi niyo Ate Eva?" usisa niya sabay upo sa tabi nito.
"Sino pa ba, eh 'di 'yong dalawang anak nina Madam at Senyor na galing sa Canada. Do'n nag-aaral ang mga 'yon. Maaarte din kasi ang mga magulang ni Madam kaya 'yon, nahawa ang dalawa," kumento ni Marie, umupo ito sa tabi ni Eva salungat sa kanya.
"Hayyy, pagod na naman tayo nito. Ang alam ko eh may welcome party daw sa sunod araw at imbitado ang mga kaibigan ng dalawa," sabad ni Bing na napaupo sa ibabaw ng sofa.
Tumabi dito si Lorie at Melly.
"Naku mga inday," ani Melly na ginaya na ang tono ng salita ni Lorie pag nagbibisaya.
"Parang ngayon lang kayo napunta rito. 'Di na kayo nasanay sa dalawang 'yon. Tinatakot niyo lang si Marble eh," dugtong nito.
"Naku, naku Marble, 'wag kayong lalabas ni Senyor 'pag dumating ang dalawang 'yon. Lalo na 'pag sumama 'yong ubod ng arteng ina ni Madam. 'Wag naman sana," ani Lorie, tumingala ito sa kisame at tila nagdasal.
"Asus Lorie, 'di mo pa amining excited kang makita yung panganay nina Madam," panunudyo ni Marie.
Namula ang magkabilang pisngi ng dalaga.
"Tseeee!" singhal nito sa nagsalita ngunit nakapagtatakang tumikom ang bibig pagkatapos niyon.
Naghagikhikan ang lahat.
" Kumain ka na ba Marble? Parang 'di ka nakakaligo mula kahapon ah. 'Di ka pa nakakapagpalit ng damit," pansin ni Melly sa kanya.
"Opo, 'di pa nga po."
"Maligo ka muna," utos ni Marie. "Nagpahinga lang kami kunti at babalik na uli kami sa labas para maglinis ng bahay. Darating na kasi ang mga anak nina Madam mula Canada bukas. Kailangang malinis ang buong bahay," dugtong nito.
"Binisita ka lang namin kung okay ka lang. 'Di ka kasi namin nakita kaninang dumating ka eh. Si Manang Viola lang ang nagbalita saming andito ka na," ani Lorie.
Tumango siya saka tumayo na.
Tumayo na rin ang mga katulong.
"Nakapagtataka itong si Manang Viola. Lahat ng tsismis sa loob ng bahay eh alam nito samantalang 'di naman 'yon madalas lumabas sa kusina," bulong ni Eva kay Melly.
"Malakas ang radar nun," sagot ng kausap sinabayan ng hagikhik ang sinabi.
"Sige na, aalis na kami, Marble. 'Pag may kailangan ka samin, ando'n lang kami sa baba," ani Bing sa kanya.
"Mag-iingat ka rito ha? 'Pag kumain si Senyor sumabay ka ring kumain nang tumaba ka naman," bilin ni Lorie sa kanya at tila ayaw pa nitong lumabas kung hindi hinila ang damit ni Eva palabas ng kwarto saka nagba-bye sa kanya.
Wala siyang masabi sa limang 'yon, magagaling makisama ang mga ito at maalalahanin pa, liban lang do'n sa tinatawag nilang Shena, parang iba ang ugali ng katulong na iyon.
***********
Ilang minuto nang nakaupo si Vendrick sa silya at nakatitig kay Chelsea ngunit 'di na niya maramdaman ang excitement at paghanga sa tuwing tinititigan ito. Ni 'di niya maramdamang crush pa niya ang kababata mula nang halikan niya ito noon.
"Drick, mahiga ka muna sa sala, ako muna ang magbabantay kay Chelsea," ani Gab nang lumabas ito mula sa banyo sa loob ng kwarto ng dalaga.
"I'm okay," tipid niyang sagot sa kaibigan.
Bumukas ang pinto ng kwarto at pumasok ang ina ni Chelsea na noo'y kadarating lang galing sa trabaho.
"It's good that you two are here," anang ginang saka lumapit sa kanilang dalawa.
Tumayo siya at humalik sa pisngi nito, ganun din ang ginawa ni Gab.
"Ano po bang nangyari kay Chelsea, Tita? Kahapon lang ay nandun pa po kami nag-i-skating sa MOA," usisa ni Gab.
Malalim na buntunghininga ang pinakawalan ng ginang saka tumitig sa anak.
"She's really stubborn. Kinukulit niya akong payagan siyang sumama sa inyo ni Vendrick sa Canada at duon mag-aral. Nang hindi ako pumayag, ayun, hindi kumain kahapon. Nang ginigising ko na kanina, may lagnat na siya," kwento nito.
Napatingin siya sa tulog na dalaga.
Palibahasa'y nag-iisa lang itong anak kaya malakas ang loob nitong makipagmatigasan sa mga magulang masunod lang ang gusto nito.
"Maybe she has a point. At least dun sa Canada ay magkakasama uli kayo as if andito lang kayo sa Pinas. Mas panatag nga naman siya duon at pati kami rin kasi merung titingin sa kanya sa Canada," dugtong nito.
Napakamot siya sa batok. Naipameywang rin ni Gab ang mga kamay.
"Gab, wala ka ba talagang nararamdaman sa anak ko? I knew ikaw ang crush niya," lantarang tanong ng ginang sa kanyang kaibigang namutla sa narinig at natigilan.
Bumukas ang bibig nito ngunit di nakapagsalita.
"Drick, Drck..."
Nagulat siya sa lumabas sa bibig ng dalaga, litong napatingin sa ina nito at kay Gab. Why all of a sudden ay tinatawag ni Chelsea ang kanyang pangalan sa panaginip?
"Drick, sabihin mo kina Mommy, sasama ako sa inyo sa Canada. Dun din ako mag-aaral," nagsasalita ito habang tulog.
Namumula ang pisnging napakamot na uli siya sa batok.
"I think you should grant her wish Tita. Baka kasi lalo lang siyang magrebelde pag 'di niyo sinunod ang kanyang hiling," suhestyon ni Gab, napasulyap sa kanya.
"How about you, Drick? Do you agree with Gab?" tanong sa kanya.
Pinaglipat-lipat muna niya ang tingin sa dalawa bago nagsalita.
"I think it's better for her to stay here at dito mag-aral ng college," sagot niya.
Lukot ang noong napatitig sa kanya si Gab ngunit hindi nagsalita.
Tumango-tango ang ina ng dalaga.
"I really don't know what to do with this brat," anitong tila sumusuko na sa anak.